Pangkalahatang Kumperensya
Maging Tapat sa Diyos at sa Kanyang Gawain
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


13:53

Maging Tapat sa Diyos at sa Kanyang Gawain

Kailangan nating lahat na magkaroon ng sariling patotoo kay Jesucristo, pigilan ang mga silakbo ng ating damdamin, pagsisihan ang ating mga kasalanan, at maging tapat sa Diyos at sa Kanyang gawain.

Noong nakaraang Oktubre, inatasan ako, kasama sina Pangulong M. Russell Ballard at Elder Jeffrey R. Holland, na bumisita sa United Kingdom, kung saan naglingkod kaming tatlo bilang mga binatang missionary. Nagkaroon kami ng pribilehiyong magturo at magpatotoo, at gunitain din ang nakaraang kasaysayan ng Simbahan sa British Isles, kung saan naging mga unang missionary ang kalolo-lolohan kong si Heber C. Kimball at ang kanyang mga kasamahan.1

Pinansin ni Pangulong Russell M. Nelson, na binibiro kami tungkol sa atas na ito, na hindi karaniwan ang maatasan ang tatlong Apostol na bumisita sa lugar kung saan sila naglingkod bilang mga missionary noong kabataan nila. Kinilala niya na lahat ay nais maatasang bumisita sa kanilang orihinal na mission. May malaking ngiti sa kanyang mukha, ipinaliwanag niya nang maikli ang nauna na kung may isa pang grupo ng tatlong Apostol na naglingkod sa iisang mission sa nakalipas na 60 taon, maaari din silang mabigyan ng gayong atas.

Heber C. Kimball

Para makapaghanda sa atas na iyon, muli kong binasa ang Life of Heber C. Kimball, na isinulat ng isa niyang apo na si Orson F. Whitney, na kalauna’y tinawag bilang apostol. Ang aklat na ito ay bigay sa akin ng mahal kong ina noong halos pitong taong gulang ako. Naghahanda kaming dumalo sa paglalaan ng This Is the Place Monument noong Hulyo 24, 1947, na gagawin noon ni Pangulong George Albert Smith.2 Gusto niyang malaman ko ang iba pa tungkol sa aking ninunong si Heber C. Kimball.

Ang aklat ay naglalaman ng isang napakagandang pahayag na iniuugnay kay Pangulong Kimball na may kahalagahan sa ating panahon. Bago ko ibahagi ang pahayag, hayaan ninyong magbigay ako ng kaunting background.

Habang nakapiit si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail, responsibilidad ng mga Apostol na sina Brigham Young at Heber C. Kimball, sa ilalim ng napakahirap na masamang sitwasyon, na pamahalaan ang paglikas ng mga Banal mula sa Missouri. Kinailangan ang paglikas higit sa lahat dahil sa utos ni Gobernador Lilburn W. Boggs na lipulin sila.3

Makalipas ang halos 30 taon, itinuro ni Heber C. Kimball, na nasa Unang Panguluhan noon, habang nagninilay tungkol sa kasaysayang ito kasama ang isang bagong henerasyon, “Gusto kong sabihin sa inyo, na makikita ng marami sa inyo ang panahon na magkakaroon kayo ng lahat ng problema, pagsubok at pag-uusig na makakayanan ninyo, at ng maraming pagkakataon para ipakita na kayo ay tapat sa Diyos at sa kanyang gawain.”4

Nagpatuloy si Heber: “Upang maharap ang paparating na mga problema, kailangang magkaroon kayo mismo ng kaalaman tungkol sa katotohanan ng gawaing ito. Titindi ang mga problemang iyon kaya nga ang isang lalaki o babae na hindi nagtataglay ng ganitong personal na kaalaman o patotoo ay babagsak. Kung wala pa kayong patotoo, mamuhay nang matuwid at manawagan sa Panginoon at huwag tumigil hanggang sa matamo ninyo ito. Kung hindi ninyo ito gagawin, hindi kayo tatagal. … Darating ang panahon na walang sinumang lalaki o babae ang makakatagal sa hiram na liwanag. Bawat isa ay kakailanganing gabayan ng liwanag na taglay niya sa kanyang sarili. … Kung wala kayo nito, hindi kayo tatagal; kaya hangaring magtamo ng patotoo kay Jesus at panghawakan ito, upang kapag dumating ang panahon ng pagsubok ay hindi kayo matisod at bumagsak.”5

Kailangan ng bawat isa sa atin ang personal na patotoo tungkol sa gawain ng Diyos6 at sa mahalagang papel ni Jesucristo. Ang ika-76 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay tumutukoy sa tatlong antas ng kaluwalhatian at ikinukumpara sa araw ang kaluwalhatiang selestiyal. Pagkatapos ay ikinukumpara nito sa buwan ang kahariang terestriyal.7

Nakakatuwa na may sariling liwanag ang araw, ngunit ang liwanag ng buwan ay nagmumula sa iba o “hiram na liwanag” lamang. Patungkol sa kahariang terestriyal, nakasaad sa talata 79 na, “Sila ang mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.” Hindi natin matatamo ang kahariang selestiyal at makakapiling ang Diyos Ama sa hiram na liwanag; kailangan natin ang ating sariling patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan laganap ang kasamaan8 at ang mga puso ay malayo sa Diyos dahil sa mga doktrina ng mga tao.9 Ang isa sa mga pinakamakabagbag-damdaming halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga pag-aalala ni Heber Kimball tungkol sa paghahangad na magtamo ng patotoo sa gawain ng Diyos at kay Jesucristo ay nakasaad sa payo ni Alma sa kanyang tatlong anak—kina Helaman, Siblon, at Corianton.10 Dalawa sa kanyang mga anak ay naging tapat sa Diyos at sa Kanyang gawain. Ngunit ang isang anak ay nakagawa ng ilang masamang desisyon. Para sa akin, ang pinakamalaking kabuluhan ng payo ni Alma ay na ibinabahagi niya iyon bilang isang ama para sa kapakanan ng sarili niyang mga anak.

Ang unang alalahanin ni Alma, tulad ni Heber C. Kimball, ay na bawat isa ay magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo at maging tapat sa Diyos at sa Kanyang gawain.

Sa pambihirang turo ni Alma sa anak niyang si Helaman, masidhi ang kanyang pangako na yaong mga “magbibigay ng [kanilang] tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”11

Samantalang nakatanggap si Alma ng isang pagpapamalas kung saan nakakita siya ng anghel, bihira ito. Mas karaniwan ang mga impresyong ibinibigay ng Espiritu Santo. Ang mga impresyong ito ay maaaring kasinghalaga ng pagpapakita ng mga anghel. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang mga impresyon sa kaluluwa na dumarating mula sa Espiritu Santo ay mas mahalaga kaysa sa pangitain. Kapag nangungusap ang Espiritu sa espiritu, mas mahirap burahin ang ikinikintal nito sa kaluluwa.”12

Dinadala tayo nito sa payo ni Alma sa pangawala niyang anak na si Siblon. Si Siblon ay matwid na tulad ng kapatid niyang si Helaman. Ang payo na nais kong bigyang-diin ay ang Alma 38:12, kung saan mababasa na, “[Tiyaking] pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin, upang mapuspos ka ng pagmamahal.”

Nakakatuwa ang salitang pigilin. Kapag sumakay tayo sa kabayo, gumagamit tayo ng kabisada para gabayan ito. Ang magandang salitang kasinghulugan nito ay direktahan, kontrolin, o pigilan. Sinasabi sa atin sa Lumang Tipan na nagsigawan tayo sa tuwa nang malaman natin na magkakaroon tayo ng pisikal na katawan.13 Ang katawan ay hindi masama—maganda ito at mahalaga—ngunit ang ilang silakbo ng damdamin, kung hindi ginamit nang maayos at pinigilan sa wastong paraan, ay maaari tayong ihiwalay sa Diyos at sa Kanyang gawain at magkaroon ng masamang epekto sa ating patotoo.

Pag-usapan natin ang dalawang partikular na silakbo ng damdamin—una, galit at pangalawa, pagnanasa.14 Nakakatakot na kapag pareho itong hindi napigilan o nakontrol, magbubunga ito ng matinding sama-ng-loob, mawawala ang impluwensya ng Espiritu, at ihihiwalay tayo nito sa Diyos at sa Kanyang gawain. Sinasamantala ng kaaway ang lahat ng pagkakataon para punuin ang ating buhay ng mga larawan ng karahasan at imoralidad.

Sa ilang pamilya, karaniwan sa isang galit na lalaki o babae na saktan ang kanyang asawa o anak. Noong Hulyo lumahok ako sa isang United Kingdom All-Party Parliamentary forum sa London.15 Itinampok ang karahasan laban sa kababaihan at mga kabataan bilang isang malaking problema sa buong mundo. Bukod pa sa karahasan, nang-aabuso rin ang iba sa kanilang pananalita. Sinasabi sa atin sa pahayag tungkol sa mag-anak na “ang mga taong … nang-aabuso ng asawa o anak … ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos.”16

Binigyang-diin ito nang husto ni Pangulong Nelson kahapon nang umaga.17 Magdesisyon sana kayo na inabuso man kayo ng inyong mga magulang o hindi, hindi ninyo aabusuhin sa pisikal o verbal o emosyonal ang inyong asawa o mga anak.

Sa ating panahon ang isa sa pinakamatitinding hamon ay ang pagtatalo at verbal na pang-aabuso na may kaugnayan sa mga isyu sa lipunan. Sa maraming sitwasyon napalitan na ng galit at mapang-abusong pananalita ang katwiran, pag-uusap, at paggalang. Marami nang tumalikod sa payo ng pinakamatandang Apostol ng Tagapagligtas na si Pedro na hangaring magtaglay ng mga katangian ni Cristo tulad ng pagtitimpi, pagpapasensya, kabanalan, kabaitan sa kapatid, at pag-ibig sa kapwa.18 Tumalikod na rin sila sa katangian ni Cristo na pagpapakumbaba.

Bukod pa sa pagkontrol ng galit at pagpigil sa iba pang mga silakbo ng damdamin, kailangan tayong mamuhay nang dalisay na buhay na may moralidad sa pagkontrol ng ating isipan, pananalita, at kilos. Kailangan nating iwasan ang pornograpiya, suriin ang kaangkupan ng pinanonood natin sa bahay, at iwasan ang lahat ng uri ng makasalanang pag-uugali.

Dinadala tayo nito sa payo ni Alma sa pangalawa niyang anak na si Corianton. Di-tulad ng kanyang mga kapatid na sina Helaman at Siblon, gumawa ng imoralidad si Corianton.

Dahil nakagawa ng imoralidad si Corianton, kinailangan siyang turuan ni Alma tungkol sa pagsisisi. Kinailangan niyang ituro dito ang bigat ng kasalanan at pagkatapos ay kung paano magsisi.19

Kaya ipinayo ni Alma na pigilan ang mga silakbo ng damdamin, ngunit sa mga nakagawa ng paglabag, ang payo niya ay magsisi. Binigyan ni Pangulong Nelson ng matinding payo ang mga miyembro tungkol sa pagsisisi sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2019. Nilinaw niya na ang araw-araw na pagsisisi ay kinakailangan sa ating buhay. “Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan,” pagtuturo niya. “Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan.”20 Kung nasunod lang ni Corianton ang payo ni Pangulong Nelson, nakapagsisi sana siya kaagad nang magsimula siyang makaisip ng maruruming ideya. Hindi sana nangyari ang malalaking paglabag.

Ang panghuling payo ni Alma sa kanyang mga anak ay ilan sa pinakamahahalagang doktrina sa buong kasulatan. Nauugnay iyon sa Pagbabayad-salang ginawa ni Jesucristo.

Nagpatotoo si Alma na aalisin ni Cristo ang kasalanan.21 Kung hindi sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, mangangailangan ng kaparusahan ang walang-hanggang alituntunin ng katarungan.22 Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaaring manaig ang awa para sa mga taong nagsisi at tutulutan silang makabalik sa piling ng Diyos. Makakabuti sa atin na pagnilayan ang kamangha-manghang doktrinang ito.

Walang makakabalik sa Diyos sa sarili lamang niyang mabubuting gawa; kailangan nating lahat ang kapakinabangan ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Lahat tayo ay nagkasala, at matatamo natin ang awa at makakapiling ang Diyos sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.23

Nagbigay rin si Alma ng napakagandang payo kay Corianton para sa ating lahat na nagdaan na o magdaraan pa sa proseso ng pagsisisi, maliit man o kasingtindi ng mga ginawa ni Corianton ang mga kasalanan. Mababasa sa talata 29 ng Alma 42 na, “At ngayon, anak ko, hinihiling ko na ang mga bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo, at hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi.”

Dininig ni Corianton ang payo ni Alma at pareho silang nagsisi at naglingkod nang marangal. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang paggaling ay para sa lahat.

Sa panahon ni Alma, sa panahon ni Heber, at tiyak na sa ating panahon, kailangan nating lahat na hangaring magkaroon ng sarili nating patotoo kay Jesucristo, pigilan ang mga silakbo ng ating damdamin, pagsisihan ang ating mga kasalanan, at makasumpong ng kapayapaan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at maging tapat sa Diyos at sa Kanyang gawain.

Sa isang mensahe kamakailan at muli kaninang umaga, sinabi iyon ni Pangulong Russell M. Nelson sa ganitong paraan: “Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo [kay Jesucristo]. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Pagkatapos ay hintaying mangyari ang mga himala sa inyong buhay.”24

Nagpapasalamat ako na makikinig tayo ngayon mula kay Pangulong Nelson. Pinatototohanan ko na si Pangulong Nelson ang propeta ng Diyos para sa ating panahon. Mahal ko at pinahahalagahan ang kamangha-manghang inspirasyon at patnubay na tinatanggap natin sa pamamagitan niya.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, ibinabahagi ko ang aking tiyak na patotoo sa kabanalan ng Tagapagligtas at sa katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Ronald K. Esplin, “A Great Work Done in That Land,” Ensign, Hulyo 1987, 20: “Noong Hunyo 13, nilisan nina Elder Kimball, Orson Hyde, Joseph Fielding, at ng kaibigan ni Heber na si Willard Richards ang Kirtland para magtungo sa England. Sa New York, noong Hunyo 22, sumama sa kanila ang mga Canadian na sina Isaac Russell, John Goodson, at John Snyder. Pagkatapos ay naglakbay-dagat ang pitong missionary patungong Liverpool sakay ng Garrick.” (Tingnan sa Heber C. Kimball papers, 1837–1866; Willard Richards journals and papers, 1821–1854, Church History Library, Salt Lake City.)

  2. Ang This Is the Place Monument, na nasa silangang panig ng Salt Lake City, Utah, sa pagpasok ng Emigration Canyon, ay nagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng pagdating ng mga Banal sa Salt Lake Valley noong Hulyo 24, 1847. Itinatampok ng bantayog ang mga rebulto nina Brigham Young, Heber C. Kimball, at Wilford Woodruff.

  3. Nasa pagitan ng 8,000 at 10,000 ang mga Banal sa mga Huling Araw na umalis ng Missouri noong mga unang araw ng 1839 para takasan ang mga karahasan ng mga vigilante at mandurumog. Sa ilalim ng pamamahala nina Brigham Young at Heber C. Kimball, isang komite ang binuo para mangalap ng mga suplay, tasahin ang mga pangangailangan, at magtatag ng mga ruta para sa nakakapagod na 200-milya (320 km) na paglisan sa taglamig patungong Illinois. Pansamantalang kinupkop ng mahabaging mga residente sa bayan ng Quincy ang nagdurusang mga Banal sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanlungan at pagkain. (Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 429–33; William G. Hartley, “The Saints’ Forced Exodus from Missouri,” sa Richard Neitzel Holzapfel at Kent P. Jackson, mga ed., Joseph Smith: The Prophet and Seer [2010], 347–89.)

  4. Sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball: An Apostle, the Father and Founder of the British Mission (1945), 449, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball, 450.

  6. Tingnan sa Moises 1:39; tingnan din sa “Ang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan,” bahagi 1.2 sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ChurchofJesusChrist.org. Lumalapit tayo kay Cristo at tumutulong sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, pangangalaga sa mga nangangailangan, pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo, at pagbubuklod ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110, na nagtatakda ng mga susing ibinigay para sa gawain ng kaligtasan.

  7. Tingnan din sa 1 Corinto 15:40–41.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:27.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:29.

  10. Si Alma ang anak ni Alma na propeta. Siya ang punong-hukom ng bansa at mataas na saserdote at propeta. Nakaranas siya ng isang mahimalang pagbabalik-loob noong kabataan niya.

  11. Alma 36:3.

  12. Joseph Fielding Smith, “The First Presidency and the Council of the Twelve,” Improvement Era, Nob. 1966, 979.

  13. Tingnan sa Job 38:7.

  14. Tingnan sa Alma 39:9. Pinagbilinan ni Alma si Corianton, “Huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata.”

  15. All-Party Parliamentary Group, Parliamentary sessions, Martes, Hulyo 5, 2022, “Preventing Violence and Promoting Freedom of Belief.”

  16. Ang Mag-anak: Isang Paghahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Patrick Kearon, “Siya’y Sisikat na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Pakpak: Maaari Tayong Maging Higit pa sa mga Nagtatagumpay,” Liahona, Mayo 2022, 37–39.

  17. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ano ang Totoo?,” Liahona, Nob. 2022, 29.

  18. Tingnan sa 2 Pedro 1:5–10.

  19. Tingnan sa Alma 39:9.

  20. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67, 68.

  21. Tingnan sa Alma 39:15.

  22. Tingnan sa Alma 42:16.

  23. Tingnan sa 2 Nephi 25:23.

  24. Russell M. Nelson, Facebook, Ago. 1, 2022, facebook.com/russell.m.nelson; Twitter, Ago. 1, 2022, twitter.com/nelsonrussellm; Instagram, Ago. 1, 2022, instagram.com/russellmnelson; tingnan din sa “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.