Maging Ganap sa Kanya
Ang ating pagiging ganap ay magiging posible lamang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.
Ang ating Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ay may kapangyarihang iligtas tayo at baguhin tayo. Matutulungan Nila tayo na maging katulad Nila.
Ilang taon na ang nakararaan, nagsimulang magkaroon ng problema sa kalusugan ang isa sa aming batang mga apo na si Aaron. Siya ay madaling mapagod at magkaroon ng pasa at hindi mukhang malusog. Pagkatapos masuri ng mga doktor, napag-alamang siya ay may malalang aplastic anemia, isang sakit kung saan ang kanyang bone marrow ay huminto sa paggawa ng mga pulang selula ng dugo, puting selula ng dugo, at platelet. Kung hindi magagamot at malulunasan kalaunan, ang kanyang dugo ay hindi mamumuo nang maayos o makalalaban sa mga impeksyon, kaya ang kahit simpleng pagkahulog, pinsala, o sakit ay maaaring biglang maging nakamamatay.
Sa loob ng ilang panahon, regular na sinalinan si Aaron ng platelet at dugo upang mailayo siya sa peligro. Ipinaliwanag ng mga doktor na ang tanging lunas sa kanyang sakit ay bone marrow transplant, at pinakamalaki ang tsansa na magtagumpay ito kung kapatid ang magiging donor. Kung tumugma sa kanya ang isa sa kanyang mga kapatid, maaaring makapagligtas ng buhay ang resulta ng transplant. Sinuri ang kanyang apat na nakababatang kapatid, at isa sa kanila, si Maxwell, ang perpektong tumugma sa kanya.
Kahit may perpektong katugmang donor, ang bone marrow transplant ay maaari pa ring magkaroon ng matinding mga kumplikasyon. Kinailangan sa proseso na ang sariling mga selula ni Aaron sa kanyang may diperensyang bone marrow ay masira sa pamamagitan ng kombinasyon ng chemotherapy at radiation bago tumanggap ng mga stem cell mula sa bone marrow ng kanyang kapatid na si Maxwell. At dahil sa mahinang immune system ni Aaron, kinailangan niyang ma-isolate sa ospital sa loob ng ilang linggo at pagkatapos ay sa bahay sa loob ng ilang buwan habang sumusunod sa mga espesyal na protokol, restriksyon, at gamutan.
Inaasahan sa resulta ng transplant na hindi tatanggihan ng katawan ni Aaron ang mga selula mula sa donor at na ang mga selula ni Maxwell ay unti-unting makagagawa ng mga kinakailangang pula at puting selula ng dugo at platelet sa katawan ni Aaron. Ang matagumpay na donor transplant ay nagdudulot ng tunay na pagbabago sa katawan. Kamangha-mangha, ipinaliwanag ng isang doktor na kung si Aaron ay gagawa ng krimen at mag-iiwan ng dugo sa pinangyarihan nito, maaaring arestuhin ng mga pulis ang kanyang kapatid na si Maxwell. Ito ay dahil ang dugo ni Aaron ay magmumula sa mga na-transplant na selula ni Maxwell at magtataglay ng DNA ni Maxwell, at ganito na ito buong buhay niya.
Ang pagkaligtas kay Aaron dahil sa dugo ng kanyang kapatid ay nagpaisip ng maraming ideya tungkol sa nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo at sa epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala sa atin. Nais kong magtuon ngayong araw sa permanente at nagbibigay-buhay na pagbabagong nangyayari kapag tinutulutan natin ang Panginoon na gumawa ng mga himala sa atin.1
Walang sariling kapangyarihan si Aaron na madaig ang sakit. Hindi kayang gumawa ng kanyang katawan ng mga kinakailangang selula ng dugo upang maipagpatuloy ang kanyang buhay. Anuman ang personal niyang gawin, hindi niya kayang pagalingin ang kanyang bone marrow. Tulad ni Aaron na hindi kayang pagalingin ang kanyang sarili, hindi rin natin kayang iligtas ang ating mga sarili. Gaano man tayo kagaling, katalino, kahusay, o kalakas, hindi natin kayang linisin ang ating mga sarili mula sa ating mga kasalanan, gawing imortal ang ating mga katawan, o padakilain ang ating mga sarili. Posible lamang ito sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala. “Walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos.”2 Ang Kanyang nagbabayad-salang dugo ang nagpapadalisay at nagpapabanal sa atin.3
Bagama’t hindi kayang iligtas ni Aaron ang kanyang sarili, maaaring magtagumpay ang transplant kung handa siyang gawin ang ipinagagawa ng mga doktor—maging ang napakahirap at mapaghamong mga bagay. Bagama’t hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili, kapag nagpasakop tayo sa kalooban ng Panginoon at tinupad natin ang ating mga tipan, magkakaroon ng paraan upang tayo ay maligtas.4 Tulad ng kamangha-manghang proseso ng pagbabago ng mismong DNA ng mga selula ng dugo ni Aaron, maaaring mabago ang ating mga puso,5 mataglay ang Kanyang larawan sa ating mga mukha,6 at maging mga bagong nilikha kay Cristo.7
Ipinaalala ni Alma sa mga tao ng Zarahemla ang naunang salinlahi na nagbalik-loob. Nagsasalita tungkol sa kanyang ama, ipinaliwanag ni Alma na “alinsunod sa kanyang pananampalataya, isang malaking pagbabago ang nangyari sa kanyang puso.”8 Pagkatapos ay itinanong niya, “Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?”9 Hindi ang mga tao ang nagpabago sa kanilang sariling puso. Ang Panginoon ang gumawa ng mismong pagbabago. Malinaw ang sinabi ni Alma tungkol dito. Sabi niya, “Masdan, pinagbago niya ang kanilang mga puso.”10 Sila ay “nagpakumbaba ng kanilang sarili at ibinigay ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos … [at] matatapat hanggang wakas … [at] nangaligtas.”11 Handa ang mga tao na buksan ang kanilang mga puso at manampalataya, kung kaya’t pinagbago ng Panginoon ang kanilang mga puso. At napakalaking pagbabago niyon! Isipin ang kaibhan sa mga buhay ng dalawang lalaking ito na nagngangalang Alma bago at pagkatapos mabago ang kanilang mga puso.12
Tayo ay mga anak ng Diyos na may dakilang tadhana. Maaari tayong mabago upang maging tulad Niya at magkaroon ng “ganap na kagalakan.”13 Si Satanas, sa kabilang banda, ay nagnanais na maging miserable tayo tulad niya.14 Tayo ay may kakayahang pumili kung kanino tayo susunod.15 Kapag sumusunod tayo kay Satanas, binibigyan natin siya ng kapangyarihan.16 Kapag sumusunod tayo sa Diyos, binibigyan Niya tayo ng kapangyarihan.
Itinuro ng Tagapagligtas na tayo ay dapat na “maging ganap.”17 Tila napakahirap nito. Kitang-kita ko ang aking mga personal na kakulangan at alam ko na napakalayo ko pa sa pagiging ganap. Maaaring iniisip natin na kailangan nating gawing ganap ang ating mga sarili, ngunit hindi iyon posible. Kahit sundin natin ang lahat ng mungkahi sa lahat ng self-help na aklat sa mundo, hindi iyon mangyayari. Iisa lamang ang daan at pangalan kung saan magiging ganap tayo. Tayo ay magiging “ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo.”18 Ang ating pagiging ganap ay magiging posible lamang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.
Maiisip ba ninyo kung gaano kahirap para sa aming musmos na apong si Aaron na ipalagay na kailangan siya mismo ang umunawa at gumawa ng lahat ng medikal na prosesong may kinalaman sa kanyang transplant? Hindi natin dapat ipalagay na kailangan nating gawin ang bagay na tanging ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa sa mahimalang proseso ng ating pagiging ganap.
Sa pagtatapos ni Moroni sa kanyang talaan, itinuro niya, “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”19 Isang nakapapanatag at makapangyarihang katotohanan! Ang kanyang biyaya ay sapat sa akin. Ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo. Ang kanyang biyaya ay sapat sa lahat na “nanlulupaypay at lubhang nabibigatan.”20
Sa mga gamutang tulad ng kay Aaron, palaging may hindi kasiguraduhan sa resulta. Sa katunayan, kinailangan ni Aaron ng pangalawang transplant noong nagkaroon ng kumplikasyon sa una. Sa kabutihang-palad, sa espirituwal na pagbabago ng puso, hindi natin kailangang isipin kung ano ang magiging resulta. Kapag namuhay tayo ayon sa Kanyang kalooban, “umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas,”21 may 100 porsiyentong katiyakan na tayo ay malilinis ng dugo ng Tagapagligtas at magiging ganap sa Kanya kalaunan. Siya ay “Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling.”22
Walang duda na ang prosesong ito ng pagbabago ay nangangailangan ng mahabang panahon at makukumpleto lamang pagkatapos ng buhay na ito, ngunit ang pangako ay tiyak. Bagama’t tila matagal pa bago matupad ang mga pangako ng Diyos, pinanghahawakan pa rin natin ang mga pangakong iyon, nalalamang matutupad ang mga ito.23
Ang mahimalang pagbabago sa kalusugan ni Aaron ay nagdulot ng matinding kagalakan sa aming pamilya. Isipin ang matinding kagalakan sa langit habang nagaganap ang malalaking pagbabago sa ating mga kaluluwa.
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at Sila ay magiliw na nag-alok na baguhin tayo at gawing ganap. Nais Nilang gawin ito. Ito ay mahalaga sa Kanilang gawain at kaluwalhatian.24 Pinatototohanan ko na may kapangyarihan Sila na gawin ito basta lumapit tayo sa Kanila nang may pananampalataya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.