Pangkalahatang Kumperensya
Ang Bisa ng Salita
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


10:16

Ang Bisa ng Salita

May kapangyarihan sa mga salita ng sinauna at makabagong mga propeta dahil ang kanilang mga salita ay mga salita ng Panginoon.

Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin sa isang talata ng banal na kasulatan ang isang mahalagang desisyon ng propetang si Alma. Bago muling basahin ang pamilyar na mga salitang iyon, isipin natin ang mahihirap na kalagayan kaya nagawa ang desisyong iyon.

Isang grupo ng mga tao, na tinatawag ang kanilang sarili na mga Zoramita, ang humiwalay sa mga Nephita1 at nagtipon sa mga hangganan ng lupain malapit sa mga Lamanita.2 Natalo kailan lang ng mga Nephita ang mga Lamanita sa isang walang katulad na digmaan kung saan libu-libo ang napatay,3 at sila ay “nangamba nang labis na baka ang mga Zoramita ay pumasok sa isang pakikipag-ugnayan sa mga Lamanita, at na ito ang maging dahilan ng malaking kawalan.”4 Maliban pa sa pag-aalala tungkol sa digmaan, nalaman ni Alma na ang mga Zoramita, na “sa kanila ay naipangaral na ang salita ng Diyos”5 ay sumasamba sa diyus-diyusan at “inililigaw … ang mga landas ng Panginoon.”6 Ang lahat ng ito ay ikinabalisa ni Alma at “ang dahilan ng [kanyang] labis na kalungkutan.”7

Natanto ang kumplikado at mahirap na mga kalagayang ito, nag-isip si Alma ng dapat gawin. Sa kanyang desisyon, mababasa natin ang mga salita na iningatan upang hikayatin at turuan tayo sa pagharap natin sa kumplikado at mahirap na mga kalagayan sa ating panahon.8

“At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos.”9

Sa maraming posibleng solusyon, ang pananampalataya ni Alma ay umakay sa kanila na umasa sa kapangyarihan ng salita. Hindi nagkataon na ang ilan sa pinakamatitinding pangaral na matatagpuan sa mga banal na kasulatan ay ang mga ipinangaral kaagad matapos ang desisyong iyon. Sa kabanata 32 at 33 ng aklat ni Alma, mababasa natin ang matinding pangaral ni Alma tungkol sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at sa kabanata 34 ay makikita natin ang pinakamahahalagang turo ni Amulek tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga Halimbawa ng Bisa ng Salita ng Diyos

Katunayan, sa buong banal na kasulatan mababasa natin ang tungkol sa mga mahimalang pagpapala na ibinigay sa mga nagpasiyang subukan ang bisa ng salita ng Diyos sa kanilang buhay.10 Inaanyayahan ko kayo na pag-isipan natin ang tatlong halimbawa habang itinutuon natin ang ating pansin sa Aklat ni Mormon—ang aklat na inilarawan ni Pangulong Nelson na “ating gabay sa mga huling araw para manatiling ligtas.”11

Una, sa pagpapaalala sa kanyang mga tao kung paano iniligtas ng Panginoon ang kanilang mga ama, itinuro ni Alma: “Masdan, pinagbago niya ang kanilang mga puso; oo, sila ay ginising niya mula sa mahimbing na pagkakatulog, at sila ay nagising sa Diyos. Masdan, sila ay nasa gitna ng kadiliman; gayunpaman, ang kanilang mga kaluluwa ay naliwanagan sa pamamagitan ng liwanag ng walang hanggang salita.”12 Marahil ay nadarama ninyo na tila nasa gitna kayo ng kadiliman. Naghahangad ba ang inyong kaluluwa ng kaliwanagan? Kung gayon, mangyaring subukan ang bisa ng salita ng Diyos.

Pangalawa, nang maisip na pinagbago ng Panginoon ang mga Lamanita, na nasaksihan niya bilang misyonero, sinabi ni Ammon, “Masdan, kayrami sa libu-libo nating mga kapatid ang pinawalan niya mula sa mga pasakit ng impiyerno; at sila ay nadala na magsiawit ng mapagtubos na pag-ibig, at ito ay dahil sa kapangyarihan ng kanyang salita na nasa atin.13 Mga kapatid, napakarami sa atin ang umaasam na madala ang mahal natin sa buhay sa pag-awit ng mapagtubos na pag-ibig. Sa lahat ng ating pagsisikap, alalahanin natin na subukan ang bisa ng salita ng Diyos, na nasa atin.

Pangatlo, sa aklat ni Helaman mababasa natin, “Oo, nakikita natin na sinuman ang magnanais ay makayayakap sa salita ng Diyos, na buhay at makapangyarihan, na maghahati-hati sa lahat ng katusuhan, at mga patibong at panlilinlang ng diyablo, at akayin ang [kalalakihan at kababaihan] ni Cristo sa makipot at makitid na daan sa kabila ng yaong walang hanggang look ng kalungkutan … at humantong ang kanilang mga kaluluwa … sa kanang kamay ng Diyos sa kaharian ng langit.”14 Sinisikap ba ninyo na iwaksi ang lahat ng katusuhan, at mga patibong at panlilinlang ng diyablo na laganap sa mga pilosopiya ng ating panahon? Ninanais ba ninyo na makawala sa pagkalito na dulot ng napakaraming impormasyon upang mas lubos na makatuon sa landas ng tipan? Mangyaring subukan ang bisa ng salita ng Diyos.

Tulad ko na nabago ng kapangyarihan ng salita, personal kong pinatototohanan ang katotohanang ito na malinaw na itinuro ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson: “Para sa akin, ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon ay malinaw na makikita sa malaking pagbabago na dumarating sa buhay ng mga taong nagbasa nito ‘nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo.’ Maraming nagbalik-loob ang tinalikuran ang mga bagay na mahalaga sa kanila noon upang makasunod sa mga tuntunin ng aklat na iyon. … Ito ang magiging pinakamabisang kasangkapan ninyo sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesus ang Cristo.”15

Ang Pinagmumulan ng Bisa

Sa mga ito at iba pang mga halimbawa, nakita natin ang bisa ng salita ng Diyos sa buhay ng Kanyang mga Anak. Maitatanong natin, ano ang pinagmumulan ng bisa o kapangyarihan na iyon?

Kapag pinag-isipan natin ang tanong na ito, mahalagang alalahanin na ang katagang “ang salita,” tulad ng pagkagamit sa banal na kasulatan, ay may dalawang kahulugan. Itinuro kamakailan ni Elder David A. Bednar na ang “isa sa mga pangalan ni Jesucristo ay ‘ang Salita,’” at na “ang mga turo din ng Tagapagligtas, tulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan, ay ‘ang salita.’”16

Inilarawan ng propetang si Nephi ang kaugnayan ng dalawang kahulugang ito nang isulat niya: “Makinig sa mga salitang ito at maniwala kay Cristo; at kung hindi kayo naniniwala sa mga salitang ito ay maniwala kay Cristo. At kung maniniwala kayo kay Cristo ay maniniwala kayo sa mga salitang ito, sapagkat ang mga salitang ito ay mga salita ni Cristo, at kanyang ibinigay ang mga ito sa akin.”17 Sa gayon ay nalaman natin na talagang may kapangyarihan sa mga salita ng sinauna at makabagong mga propeta dahil ang kanilang mga salita ay mga salita ng Panginoon.18 Mahal kong mga kaibigan, ang pagtanggap ng walang hanggang katotohanang ito ay mahalaga sa ating espirituwal na kaligtasan sa mga huling araw19 kapag, tulad ng ipinropesiya, nagkaroon ng “taggutom sa lupain, hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon.”20

Sa huli, ang bisa at kapangyarihan ng salita ng Diyos ay ang Panginoong Jesucristo.21 Kapag mas lubos nating naunawaan ito, makagagawa tayo ng walang hanggang kahalagahan ng kaugnayan ng tungkulin ng Kanyang mga propeta at ng Manunubos. Ang ating pagmamahal sa Kanya, ang ating hangarin na mas lumapit sa Kanya at manatili sa Kanyang pagmamahal,22 ay maghihikayat sa atin na gamitin ang bisa ng salita sa ating buhay—kapwa ang kapangyarihang nagmumula sa Kanya bilang ating personal na Tagapagligtas at Manunubos23 at ang kapangyarihang nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng mga salita ng “mga piling sisidlan ng Panginoon.”24 Matatanto natin na, nakatutulong man ang iba pang mga source sa ating pag-aaral ng tungkol sa Tagapagligtas at sa mga salita ng Kanyang mga propeta, ang mga ito ay hindi maaaring ihalili para sa mga ito. Dapat tayong mag-aral nang lubos at madalas,25 nang direkta mula sa banal na kasulatan26

Mahal ko ang bawat isa sa inyo, mga kapatid ko. Sa pagmamahal na iyan, hinihikayat ko kayo na damhin ang bisa ng salita ng Diyos, lalo na sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, araw-araw sa inyong buhay. Sa paggawa nito, mararanasan ninyo ang pangakong ito ng propeta mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinapangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—araw-araw. Ipinapangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga dungawan sa langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinapangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon.”27

Pinatototohanan ko na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang salita dahil lubos ang pagmamahal Niya sa atin at nais Niya na makabalik ang bawat isa sa atin upang makapiling Niya magpakailanman. Pinatototohanan ko “ang Salita [na naging laman],”28 maging si Jesus ang Cristo, at ang Kanyang kapangyarihan na iligtas at tubusin tayo. Alam ko na ang Kanyang kapangyarihan ay dumadaloy sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang mga propeta, noon at ngayon.

Dalangin ng puso ko na magtaglay tayo ng karunungan at kababaang-loob upang makahawak nang mahigpit29 sa salita ng Diyos at manatili sa landas ng tipan na patungo sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.30 Nawa’y patuloy nating maranasan ang malaking pagbabago na matatamo ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng bisa ng Salita.31 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Alma 30:59.

  2. Tingnan sa Alma 31:3.

  3. Tingnan sa Alma 28:2.

  4. Alma 31:4. Alalahanin na naranasan ni Alma at ng kanyang mga tao ang “pakikipag-ugnayan” ng mga Amlicita at mga Lamanita, na humantong sa malaking kapighatian at kawalan (tingnan sa Alma 2:21–38 at Alma 3:1–3).

  5. Alma 31:8.

  6. Alma 31:1.

  7. Alma 31:2.

  8. Tingnan sa Mormon 8:34–35.

  9. Alma 31:5; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  10. Tingnan, halimbawa, ang 1 Nephi 15:24; Alma 32:41–43; 36:26; 37:8, 44–45.

  11. Russell M. Nelson, Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75.

  12. Alma 5:7; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  13. Alma 26:13; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  14. Helaman 3:29–30; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  15. Russell M. Nelson, “The Book of Mormon: A Miraculous Miracle” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 23, 2016), bahagyang sinipi ang Moroni 10:4.

  16. David A. Bednar, “Subalit Hindi Namin Sila Pinansin,” Liahona, Mayo 2022, 16.

  17. 2 Nephi 33:10; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:14–18.

  20. Amos 8:11.

  21. Tingnan sa Alma 34:6.

  22. Tingnan sa Juan 15:10.

  23. Tingnan sa Marcos 5:25–34.

  24. Moroni 7:31.

  25. “May mas mabuting paraan para makapaghanda, dahil hindi nagtatagal ang malaking pananampalataya. Maaari tayong magpasiyang patuloy na pag-aralan ang mga salita ni Cristo sa mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga buhay na propeta. Ganito ang gagawin ko. Babalikan ko ang Aklat ni Mormon at pag-aaralan pa itong mabuti at madalas” (Henry B. Eyring, “Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy,” Liahona, Nob. 2005, 39).

  26. “Para sa akin, ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay hindi para magkaroon ng scholarship. Sa halip, nagagawa nating mahalin ang salita ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta [kapag binasa natin ang mga ito]. …

    “Hindi ako gaanong nagtutuon sa pagbabasa ng mahahabang aklat ng mga komentaryo na nagpapaliwanag ng mga bagay na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Sa halip, pinagtutunan ko ang mismong banal na kasulatan, nilalasap ang dalisay na tubig ng saligan ng katotohanan—ang salita ng Diyos tulad ng kung paano Niya ito ibinigay at ayon sa pagkakatala ng mga ito sa mga aklat na tinanggap natin bilang banal na kasulatan. … Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, matatamo natin ang pagtiyak ng Espiritu na ang binabasa natin ay nagmula sa Diyos para sa kaliwanagan, pagpapala, at kagalakan ng kanyang mga anak” (Gordon B. Hinckley, “Feasting upon the Scriptures,” Tambuli, Hunyo 1986, 2, 4).

  27. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62–63

  28. Juan 1:14.

  29. Tingnan sa 1 Nephi 8:30.

  30. “Ang landas ng tipan ang tanging landas tungo sa kadakilaan at buhay na walang-hanggan” (Russell M. Nelson,“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 98).

  31. Tingnan sa Alma 5:11–13.