Payag Ka pa ba?
Ang ating pagpayag na sumunod kay Jesucristo ay direktang nauugnay sa dami ng oras na ipinapangako nating gugulin sa mga banal na lugar.
Isang araw ng Linggo, habang naghahandang tumanggap ng sakramento matapos ang ilang linggo ng mga gawain sa stake conference, isang interesante at nakaaantig na bagay ang sumagi sa aking isipan.
Nang simulan ng priest na basbasan ang tinapay, ang mga salitang napakaraming beses ko nang narinig ay tumimo nang husto sa aking puso’t isipan. “At patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.”1 Ilang beses na ba nating pinatunayan sa Diyos na pumapayag tayo?
Nang pagnilayan ko ang kahalagahan ng sagradong mga salitang iyon, tumimo sa akin ang salitang pumapayag nang higit kaysa rati. Ang napakaraming masaya at sagradong karanasan ay pinuspos ang aking puso’t isipan ng pagmamahal at pasasalamat para sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at sa Kanyang mahalagang papel na ginagampanan sa plano ng pagtubos ng Ama para sa akin at sa aking pamilya. Pagkatapos ay narinig at nadama ko ang tumatagos na mga salita ng panalangin para sa tubig: “Nang kanilang mapatunayan sa inyo … na sila sa tuwina ay aalalahanin siya.”2 Malinaw kong naunawaan sa sandaling iyon na ang pagtupad sa aking mga tipan ay kailangang maging higit pa sa mabubuting intensyon.
Ang pagtanggap ng sakramento ay hindi isang panrelihiyong ritwal na nagpapakita lamang ng ating pagpayag. Ito ay isang mabisang paalaala ng katotohanan ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng pangangailangan na lagi Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang pagpayag na magtuon sa Tagapagligtas ay napakahalaga kaya ito ang pinakamahalagang mensahe ng dalawang talata sa banal na kasulatan na madalas banggitin sa Simbahan: ang mga panalangin sa sakramento. Ang pag-unawa sa katotohanan ng kung ano ang payag na ibigay sa atin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak ay dapat magpadama sa atin na pumayag palagi bilang kapalit.
Matatag bang nakasandig ang sarili nating espirituwal na pundasyon kay Jesucristo?
Kung ang ating espirituwal na pundasyon ay mababaw o paimbabaw lamang, malamang na ibatay natin ang ating pagpayag sa kung tayo ba ay makikinabang o mahihirapan. At kapag tinanggap natin ang salaysay na ang Simbahan ay binubuo ng mga tuntuning makaluma o salungat sa pinaniniwalaan ng lipunan, puno ng mga di-makatotohanang personal na paghihigpit, at mga pangakong para lamang sa buhay na ito, ang ating mga konklusyon tungkol sa pagpayag ay magiging mali. Hindi natin dapat asahan na maging positibo ang pagtanggap ng mga social media influencer o mahihilig mag-TikTok sa alituntunin ng pagpayag. Ang mga tuntunin ng tao ay bihirang umayon sa banal na katotohanan.
Ang Simbahan ay isang lugar na pinagtitipunan ng mga di-perpektong indibiduwal na nagmamahal sa Diyos at pumapayag na sundin ang Panginoong Jesucristo. Ang pagpayag na iyon ay nag-uugat sa katotohanan na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Ang banal na katotohanang ito ay malalaman lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Samakatuwid, ang pagpayag natin ay direktang nauugnay sa dami ng oras na ipinapangako nating gugulin sa mga banal na lugar kung saan naroon ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Makabubuting mag-ukol tayo ng mas maraming oras sa makabuluhang pakikipag-usap sa ating mapagmahal na Ama sa Langit tungkol sa ating mga alalahanin at huwag mag-ukol ng maraming oras sa pakikinig sa mga opinyon ng iba. Maaari din nating piliing palitan ng mga salita ni Cristo sa mga banal na kasulatan at mga salita ng Kanyang mga buhay na propeta ang ating pang-araw-araw na news feed.
Ang pagpapahalaga natin sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, tapat na pagbabayad ng ikapu, pagkakaroon ng current temple recommend, pagdalo sa templo, at pagtupad sa ating mga sagradong tipan sa templo ay pawang mabibisang tagapaghiwatig ng ating pagpayag at ebidensya ng ating katapatan. Pumapayag ba tayong magbigay ng higit pa sa paimbabaw na pagsisikap na palakasin ang ating pananampalataya kay Cristo?
Sakdal ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit, ngunit ang pagmamahal na iyon ay may kalakip na malalaking inaasahan mula sa atin. Inaasahan Niyang pumayag tayo na gawing pinakasentro ng ating buhay ang Tagapagligtas. Ang Tagapagligtas ang ating sakdal na halimbawa sa pagpayag na magpasakop sa Ama sa lahat ng bagay. Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”3 Pumapayag Siyang magbayad para sa ating mga kasalanan. Pumapayag Siyang pagaanin ang ating mga pasanin, pawiin ang ating mga takot, bigyan tayo ng lakas, at maghatid ng kapayapaan at pag-unawa sa ating puso sa panahon ng paghihirap at kalungkutan.
Subalit ang pagsampalataya kay Jesucristo ay isang pagpili. “Kahit na wala [tayong] higit na nais kundi ang maniwala”4 sa Kanyang mga salita, ito ang simula o muling pagsisimula ng pagsampalataya natin sa Diyos. Mag-uugat ang Kanyang mga salita, kung nakatanim sa ating puso na tulad sa isang binhi at pinangalagaan nang husto, at ang ating pananampalataya ay lalago tungo sa katiyakan at magiging isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Ang Aklat ni Mormon ang pinakamabisang mapagkukunan natin para lumago at manumbalik ang ating pananampalataya. Ang pagpayag ang naghihikayat sa atin na manampalataya.
Ang mortalidad, ayon sa plano ng langit, ay hindi madali at kung minsa’y nakakapanghina. Gayunman, “[tayo] ay gayon, upang [tayo] ay magkaroon ng kagalakan”!5 Ang pagtuon sa Tagapagligtas at sa ating mga tipan ay naghahatid ng walang-katapusang kagalakan! Ang layunin ng mortalidad ay para patunayan ang ating pagpayag. “Ang pinakamalaking tungkulin sa buhay [at ang halaga ng pagkadisipulo] ay ang malaman ang kalooban ng Panginoon at pagkatapos ay sundin iyon.”6 Ang tunay na pagkadisipulo ay humahantong sa ganap na kagalakan. Pumapayag ba tayong gawin ang kinakailangan ng pagkadisipulo?
Ang landas ng tipan ay hindi isang simpleng listahan ng mga gagawin; ito ay isang proseso ng espirituwal na paglago at lumalalim na katapatan sa Panginoong Jesucristo. Ang pangunahing layunin ng bawat kautusan, alituntunin, tipan, at ordenansa ay para patatagin ang pananampalataya at tiwala kay Cristo. Ang determinasyon nating isentro ang ating buhay kay Cristo, kung gayon, ay kailangang maging palagian—hindi depende sa kundisyon, sitwasyon, o hindi paimbabaw. Hindi tayo maaaring magbakasyon mula sa pagpayag nating “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”7 Ang pagkadisipulo ay nangangailangan ng malaking pagsisikap, dahil walang katumbas ang pagsama ng Espiritu Santo.
Siguradong inisip ng Tagapagligtas ang ating panahon nang ituro Niya ang talinghaga tungkol sa sampung birhen. Sa limang matatalino, sinabi Niya na kanilang “tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang,”8 habang ang mga ilawan ng mga hangal ay “namatay” dahil sa kawalan ng langis.9 Marahil ay ang mga salita ni Nephi ang pinakamagandang naglalarawan sa dating matatapat na miyembrong ito ng Simbahan: “At gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion.”10
Ang mahalay na katiwasayan ay ang paghahanap at pagtitiwala sa mga bagay ng mundo sa halip na kay Cristo—sa madaling salita, pagtingin sa mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng mundo sa halip na ayon sa espirituwal na pananaw. Binibigyan tayo ng Espiritu Santo ng kakayahang makita ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at … kung ano talaga ang magiging ito.”11 Tanging “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay”12 at hindi tayo malilinlang. Ginagawa nating sentro ng ating buhay si Cristo at nangangako tayong pumayag na sundin ang Kanyang mga kautusan hindi dahil sa bulag tayo kundi dahil sa nakakakita tayo.13
Paano naman ang mga hangal na birhen? Bakit hindi sila pumayag na magdala ng lalagyan ng espirituwal na langis? Nagpaliban lang ba sila? Marahil ay masyado silang naging kampante dahil hindi iyon madali o tila hindi kailangan. Anupaman ang dahilan, nalinlang sila tungkol sa mahalagang papel na ginagampanan ni Cristo. Ito ang pangunahing panlilinlang ni Satanas at siyang dahilan kaya kalaunan ay naubusan ng espirituwal na langis ang kanilang mga ilawan ng patotoo. Ang talinghagang ito ay isang metapora para sa ating panahon. Maraming tumatalikod sa Tagapagligtas at sa kanilang mga tipan bago pa man sila tumalikod sa Kanyang Simbahan.
Nabubuhay tayo sa mga panahon na matagal nang ipinropesiya ng mga sinaunang propeta, isang panahon na sasalantain ni Satanas “ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.”14 Napakarami sa atin ang nabubuhay sa isang virtual na mundong puno ng libangan at mga mensaheng salungat sa banal na pagkatao at paniniwala kay Cristo.
Ang pinakamakapangyarihang espirituwal na impluwensya sa buhay ng isang bata ay ang mabuting halimbawa ng mapagmahal na mga magulang at lolo’t lola na tapat na tumutupad sa sarili nilang mga sagradong tipan. Ang mga magulang na may kaalaman at mulat sa kanilang pagkamagulang ay tinuturuan ang kanilang mga anak na sumampalataya kay Jesucristo upang kanila ring “malaman kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”15 Ang kaswal at pabagu-bagong pagtupad sa mga tipan ay humahantong sa paghina ng espirituwalidad. Ang espirituwal na pinsala ay kadalasang pinakamatindi sa ating mga anak at apo. Mga magulang at lolo’t lola, payag pa ba tayo?
Nagbabala na si Pangulong Russell M. Nelson na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”16 Ito ay malinaw at hindi mapag-aalinlanganang babala na ayusin ang ating mga ilawan at dagdagan ang ating espirituwal na langis. Payag pa ba tayong sundin ang buhay na mga propeta? Ano ang lebel ng inyong espirituwal na langis sa inyong ilawan? Anong mga pagbabago sa inyong personal na buhay ang magbibigay sa inyo ng kakayahan na mas mapasainyo palagi ang impluwensya ng Espiritu Santo?
Ngayon, tulad noong panahon ni Jesus, may ilang tatalikod, na ayaw gawin ang kinakailangan sa pagkadisipulo. Dahil dumarami ang marahas at nakamumuhing pamimintas na ibinabato sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga sumusunod sa Kanya, kakailanganin ng ating pagkadisipulo ng higit na kahandaang patibayin at palakasin ang ating determinasyong sundin si Jesucristo at huwag silang pansinin.17
Kung ang ating espirituwal na pundasyon ay matibay na nakasandig kay Jesucristo, hindi tayo babagsak at hindi natin kailangang matakot.
“Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”18
Nawa’y lagi tayong maging handang pumayag. Sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.