Pangkalahatang Kumperensya
Ang Walang-Hanggang Alituntunin ng Pagmamahal
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


9:51

Ang Walang-Hanggang Alituntunin ng Pagmamahal

Ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak ay tunay. Nariyan Siya para sa bawat isa.

Ang walang-hanggang alituntunin ng pagmamahal ay makikita sa pagsasabuhay ng dalawang dakilang kautusan: ibigin ang Diyos nang iyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at mahalin ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.1

Naaalala ko ang una kong taglamig sa paninirahan dito sa Utah—niyebe kahit saan. Dahil galing ako sa Sonoran Desert, natuwa ako roon sa mga unang araw, ngunit pagkaraan ng ilang araw ay natanto ko na kailangan kong bumangon nang mas maaga para tanggalin ang niyebe sa daaanan ng sasakyan.

Isang umaga, sa gitna ng malakas na pag-ulan ng niyebe, pinagpawisan ako, sa pagpapala ng niyebe, at nakita ko ang kapitbahay ko na binubuksan ang kanyang garahe sa kabila ng kalsada. Mas matanda siya sa akin, kaya naisip ko na kung matapos ako kaagad, puwede ko siyang tulungan. Kaya sumigaw ako sa kanya, at nagtanong, “Brother, kailangan mo ba ng tulong?”

Ngumiti siya at nagsabing, “Salamat, Elder Montoya.” Pagkatapos ay inilabas niya ang isang snowblower mula sa garahe niya, pinaandar ang makina, at sa loob ng ilang minuto ay natanggal niya ang lahat ng niyebe sa harapan ng bahay niya. Pagkatapos ay tumawid siya na bitbit ang kanyang makina at tinanong niya ako, “Elder, kailangan mo ba ng tulong?”

Nakangiting sinabi ko, “Oo, salamat.”

Handa kaming tulungan ang isa’t isa dahil mahal namin ang isa’t isa, at ang mga pangangailangan ng kapatid ko ay nagiging mga pangangailangan ko, at ang akin ay nagiging kanya. Anumang wika ang sinasalita ng kapatid ko o saanmang bansa siya nangggaling, mahal namin ang isa’t isa dahil magkapatid kami, mga anak ng iisang Ama.

Nang ipahayag ang ministering, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Tayo ay magpapatupad ng isang mas bago at mas banal na pamamaraan sa pangangalaga at paglilingkod sa iba.”2 Para sa akin, ang ibig sabihin ng mas banal ay mas personal, mas malalim, mas katulad ng paraan ng Tagapagligtas: “May pag-ibig sa isa’t isa,”3 nang isa-isa.

Hindi sapat na iwasan lamang na maging balakid sa iba; hindi sapat na pansinin lamang ang mga nangangailangan sa daan at lampasan sila. Samantalahin natin ang bawat pagkakataong tulungan ang ating kapwa, kahit iyon ang una at tanging pagkakataong makikita natin siya sa buhay na ito.

Bakit pagmamahal sa Diyos ang unang dakilang utos?

Sa palagay ko dahil iyon ang kahulugan Niya sa atin. Tayo ay Kanyang mga anak, Siya ang namamahala sa ating kapakanan, umaasa tayo sa Kanya, at pinoprotektahan tayo ng Kanyang pagmamahal. Kasama sa plano Niya ang kalayaang pumili; samakatuwid, malamang na makagawa tayo ng ilang pagkakamali.

Tinutulutan din Niya tayong masubukan at matukso. Ngunit nagkakamali man tayo o natatangay ng tukso, naglalaan ng isang Tagapagligtas ang plano upang matubos tayo at makabalik sa presensya ng Diyos.

Ang paghihirap natin sa buhay ay maaaring magsanhi ng pagdududa tungkol sa katuparan ng mga pangako sa atin. Magtiwala sana tayo sa ating Ama. Lagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako, at maaari nating matutuhan ang nais Niyang ituro sa atin.

Kahit ginagawa natin ang tama, maaaring maging masama ang dating mabuting sitwasyon natin sa buhay, maging malungkot ang dating masaya. Sinasagot ng Diyos ang ating mga dalangin ayon sa Kanyang walang-hanggang awa at pagmamahal at sa Kanyang sariling takdang panahon.

  • Ang batis na pinag-inuman ni Elias ay natuyo.4

  • Ang pana ni Nephi na yari sa purong asero ay nabali.5

  • Hindi pinaboran ang isang batang lalaki at pinatalsik sa paaralan.

  • Isang pinakahihintay na anak ang namatay ilang araw matapos isilang.

Nagbabago ang sitwasyon.

Kapag naging masama at negatibo ang dating mabuti at positibong sitwasyon, maaari pa rin tayong maging masaya dahil ang kaligayahan ay hindi depende sa sitwasyon kundi sa tingin natin sa sitwasyon. Sabi ni Pangulong Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”6

Maaari nating hintayin na lamang na kusang magbago ang sitwasyon, o maaari tayong maghanap at maghatid ng mga bagong sitwasyon.

  • Pumunta si Elias sa Zarefta, kung saan binigyan siya ng isang balo ng pagkain at inumin.7

  • Gumawa si Nephi ng panang yari sa kahoy at nangaso ng mga hayop na makakain.8

  • Nakaupong nakikinig at nagtatala ang batang lalaki sa tabi ng bintana, at ngayo’y isa na siyang guro sa elementarya.

  • Nagkaroon ng malaking pananampalataya ang mag-asawa sa Tagapagligtas na si Jesucristo at nagtiwala sa plano ng kaligtasan. Ang pagmamahal nila sa pinakahihintay na anak na biglang namatay ay mas matindi kaysa sa kanilang dalamhati.

Kapag naririnig ko ang mga tanong na, “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng [bawat] musmos, pinakikinggan?,”9 gusto kong isagot: Nariyan na Siya noon pa man, ngayon, at laging naririyan para sa inyo at sa akin. Ako ay Kanyang anak, Siya ang aking Ama, at natututo akong maging isang mabuting ama, tulad Niya.”

Sinisikap naming mag-asawa na laging maging nariyan para sa aming mga anak anumang oras, anumang kalagayan, at sa anumang paraan. Bawat anak ay natatangi; ang kanilang halaga sa Diyos ay malaki, at anuman ang mga hamon, kasalanan, at kahinaang mayroon sila, mahal sila ng Diyos, at mahal din namin sila.

Nang matanggap ko ang tungkuling ito na maging General Authority, sa huling araw bago kami maglakbay patungong Salt Lake, nagsama-sama ang lahat ng anak ko at ang kanilang mga pamilya sa aming tahanan para sa isang family home evening, kung saan nagpahayag kami ng aming pagmamahal at pasasalamat. Pagkatapos ng lesson, binigyan ko ng priesthood blessing ang bawat isa sa aking mga anak. Lahat ay naluha. Pagkatapos ng mga basbas, nagpasalamat ang panganay kong anak na lalaki para sa lahat sa matinding pagmamahal na ibinigay namin sa kanila mula nang isilang sila hanggang sa oras na iyon.

Basbasan ang inyong mga anak, sila man ay 5 o 50 taong gulang. Samahan sila, maging nariyan para sa kanila. Bagama’t ang pagtustos ay isang responsibilidad na itinatag ayon sa banal na plano, huwag nating kalimutang gumugol ng masayang oras sa piling ng ating mga anak.

Ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak ay tunay. Nariyan Siya para sa bawat isa. Hindi ko alam kung paano Niya iyon ginagawa, ngunit ginagawa Niya. Siya at ang Kanyang Panganay ay nagkakaisa sa paggawa ng gawain at kaluwalhatian ng Ama na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”10 Ipinadala Nila sa atin ang Espiritu Santo para gabayan tayo, balaan tayo, at aliwin tayo kung kinakailangan.

Inatasan Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na likhain ang magandang mundong ito. Tinagubilinan Niya sina Adan at Eva at binigyan sila ng kalayaang pumili. Nagpapadala Siya ng mga sugo sa loob ng maraming taon upang matanggap natin ang Kanyang pagmamahal at Kanyang mga kautusan.

Naroon Siya sa Sagradong Kakahuyan na sinasagot ang tamitim na tanong ng batang si Joseph at tinatawag siya sa pangalan. Sabi Niya: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”11

Naniniwala ako na ang pinakadakilang pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa atin ay naganap sa Getsemani, kung saan nanalangin ang Anak ng Diyos na buhay, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”12

Napansin ko na ang aking munting pagkaunawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakakaragdag sa pagmamahal ko sa aking Ama at sa Kanyang Anak, nakakabawas sa pagnanais kong magkasala at maging suwail, at nakakaragdag sa kahandaan kong maging mas mabuti at gumawa nang mas mabuti.

Walang takot at pag-aalinlangang lumakad si Jesus patungong Getsemani, na nagtitiwala sa Kanyang Ama, batid na kailangan Niyang tapakang mag-isa ang pisaan ng alak. Tiniis Niya ang lahat ng pasakit at kahihiyan. Siya ay pinaratangan, hinusgahan, at ipinako sa krus. Sa Kanyang sariling matinding paghihirap at pagdurusa sa krus, nagtuon si Jesus sa mga pangangailangan ng Kanyang ina at pinakamamahal na disipulo. Inialay Niya ang Kanyang buhay.

Sa ikatlong araw Siya ay nabuhay na mag-uli. Walang laman ang libingan; nakatayo Siya sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Umaasa Sila na pipiliin nating tuparin ang ating mga tipan at babalik tayo sa Kanilang presensya. Ang ikalawang kalagayang ito ay hindi ang pinakahuli nating kalagayan; hindi tayo nabibilang sa tahanang ito sa lupa, kundi sa halip ay mga walang-hanggang nilalang tayo na namumuhay ng mga pansamantalang karanasan.

Si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Siya ay buhay, at dahil Siya ay buhay, lahat ng anak ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman. Salamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maaaring sama-samang mabuhay sa piling Nila. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.