Na Ikaw ay Makilala Nila
Ang masidhi kong hangarin ay makilala ninyo si Jesus sa pamamagitan ng Kanyang maraming pangalan at na kayo ay maging katulad Niya.
Ilang taon na ang nakalilipas, nagkaroon ako ng karanasang nagpabago sa buhay ko sa isang sacrament meeting sa aming home ward sa Arizona. Habang inihahayag sa panalangin sa sakramento ang aming pagpayag na “taglayin sa [aming] sarili ang pangalan [ni Jesucristo],”1 ipinaalala sa akin ng Espiritu Santo na si Jesus ay may maraming pangalan. Pagkatapos ay dumating sa puso ko ang tanong na ito: “Alin sa mga pangalan ni Jesus ang dapat kong taglayin sa aking sarili sa linggong ito?”
Tatlong pangalan ang naisip ko, at isinulat ko ang mga ito. Ang bawat isa sa tatlong pangalang iyon ay nagtataglay ng mga katangiang tulad ng kay Cristo na gusto kong lubos na mapagbuti sa aking sarili. Nang sumunod na linggo, pinagtuunan ko ang tatlong pangalang iyon at sinubukang taglayin ang mga kaugnay na katangian ng mga ito. Magmula noon, nagpatuloy akong itanong iyon bilang bahagi ng aking personal na pagsamba: “Alin sa mga pangalan ni Jesus ang dapat kong taglayin sa aking sarili sa linggong ito?” Ang pagsagot sa tanong na iyon at pagsisikap na taglayin ang kaugnay na mga katangiang katulad ng kay Cristo ay nagpala sa aking buhay.
Sa Kanyang dakilang Panalangin ng Pamamagitan, ipinahayag ni Jesus ang mahalagang katotohanang ito: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si [Jesucristo] na iyong sinugo.”2 Gusto kong ibahagi sa inyo ngayon ang mga pagpapala at kapangyarihan na nagmumula sa pagkilala kay Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang maraming pangalan.
Ang isang simpleng paraan para makilala ang isang tao ay alamin ang kanyang pangalan. Sinasabi na “ang pangalan ng isang tao ang pinakamatamis at pinakamahalagang tunog sa anumang wika para sa taong iyon.”3 Naranasan na ba ninyong tawagin ang isang tao sa maling pangalan o malimutan ang pangalan nito? May isang pagkakataon na tinawag namin ng asawa kong si Alexis ang isa sa aming mga anak na “Lola.” Sa kasamaang palad, gaya ng maaaring hula ninyo, si Lola ay ang aso namin! Sa mabuti man o masama, ang pagkalimot sa pangalan ng isang tao ay nagsasabi sa taong iyon na malamang na hindi ninyo siya nakikilala talaga.
Kilala at tinatawag ni Jesus ang mga tao sa kanilang pangalan. Sa sinaunang Israel, sinabi ng Panginoon, “Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko; tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin.”4 Sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, ang patotoo ni Maria tungkol sa muling nabuhay na Cristo ay napagtibay nang tinawag siya ni Jesus sa pangalan.5 Gayundin, tinawag ng Diyos si Joseph Smith sa pangalan bilang tugon sa kanyang panalangin nang may pananampalataya.6
Sa ilang pagkakataon, binigyan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo ng mga bagong pangalan na nagpapakita ng kanilang likas na katauhan, kakayahan, at potensiyal. Binigyan ni Jehova si Jacob ng bagong pangalan na Israel, na ang ibig sabihin ay “siya na nananaig kasama ng Diyos” o “hayaang manaig ang Diyos.”7 Ibinigay ni Jesus kina Santiago at Juan ang pangalang Boanerges, na ang ibig sabihin ay “mga anak ng kulog.”8 Nakikita ang kanyang pamumuno sa hinaharap, binigyan ni Jesus si Simon ng pangalang Cefas o Pedro, na ang ibig sabihin ay bato.9
Gaya ng kilala ni Jesus ang bawat isa sa atin sa pangalan, ang isang paraan para mas makilala natin si Jesus ay sa pamamagitan ng pag-alam ng maraming pangalan Niya. Tulad ng mga pangalan nina Israel at Pedro, marami sa mga pangalan ni Jesus ay mga titulo na tumutulong sa atin na maunawaan ang Kanyang misyon, layunin, katauhan, at mga katangian. Kapag nalaman natin ang maraming pangalan ni Jesus, mas mauunawaan natin ang Kanyang banal na misyon at ang Kanyang di-makasariling pag-uugali. Ang pag-alam sa maraming pangalan Niya ay naghihikayat din sa atin na maging mas katulad Niya—na taglayin ang mga katangiang katulad ng kay Cristo na naghahatid ng kagalakan at layunin sa ating mga buhay.
Ilang taon na ang nakalilipas, pinag-aralan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat ng banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.10 Pagkatapos ay inanyayahan niya ang mga young adult na pag-aralan ang mga banal na kasulatan ding ito. Tungkol sa maraming pangalan ni Jesus, sinabi ni Pangulong Nelson, “Pag-aralan ang lahat ng tungkol kay Jesucristo sa mapanalangin at masigasig na paghahangad na maunawaan kung ano ang personal na kahulugan sa inyo ng bawat isa sa Kanyang iba’t ibang titulo at pangalan.”11
Kasunod ng paanyaya ni Pangulong Nelson, nagsimula akong gumawa ng sarili kong listahan ng maraming pangalan ni Jesus. Ang personal kong listahan ay mayroon na ngayong mahigit sa 300 pangalan, at sigurado ako na marami pang iba na hindi ko pa natutuklasan.
Bagama’t ang ilan sa pangalan ni Jesus ay nakalaan lamang para sa Kanya,12 gusto kong ibahagi ang limang pangalan at titulo na magagamit ng bawat isa sa atin. Inaanyayahan ko kayo na gumawa ng sarili ninyong listahan habang nakikilala ninyo si Jesus sa maraming pangalan Niya. Sa paggawa nito, makikita ninyo na may iba pang mga pangalan—kasama ang kaugnay na mga katangiang katulad ng kay Cristo—na nanaisin ninyong taglayin sa inyong sarili bilang mga nakipagtipang disipulo ni Jesus.13
Una, si Jesus ay ang Mabuting Pastol.14 Dahil dito, kilala ni Jesus ang Kanyang mga tupa,15 “tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan,”16 at, bilang Kordero ng Diyos, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa.17 Tulad nito, nais ni Jesus na maging mabubuting pastol tayo, lalo na sa ating mga pamilya at bilang mga ministering brother at sister. Ang isang paraan na ipinapakita natin ang ating pagmamahal para kay Jesus ay sa pamamagitan ng pagpapakain ng Kanyang mga tupa.18 Sa mga tupa na maaaring naliligaw, ang mabubuting pastol ay pumupunta sa ilang para hanapin ang mga nawawalang tupa at pagkatapos ay nananatiling kasama nila hanggang sa makabalik sila sa ligtas na lugar.19 Bilang mabubuting pastol at kung pinahihintulutan ng kalayagan sa inyong lugar, dapat nating hangaring maglaan ng mas marami pang oras sa pagmi-ministering sa mga tao sa kanilang tahanan. Sa ating ministering, ang pagte-text at teknolohiya ay dapat gamitin para mas mapadali, hindi palitan, ang personal na pakikipag-ugnayan.20
Pangalawa, si Jesus ang Pinakapunong Saderdote ng Mabubuting Bagay na Darating.21 Dahil nalalaman ni Jesus na ilang oras na lang ay ipapako na Siya sa krus, sinabi Niya, “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”22 Ngayon, dahil ang ating mundo ay madalas na may kanya-kanyang opinyon at hati-hati, kinakailangan nating mangaral at magkaroon ng positibong pananaw, ng optimismo, at pag-asa. Sa kabila ng mga pagsubok sa atin noon, ang pananampalataya ay laging nakaturo sa hinaharap,23 puno ng pag-asa, nagtutulot sa atin na isakatuparan ang paanyaya ni Jesus na magalak.24 Ang pamumuhay ng ebanghelyo nang may kagalakan ay tumutulong sa atin na maging mga disipulo ng mabubuting bagay na darating.
Ang isa pang titulo ni Jesus ay Siya ang Siya ring Kahapon, Ngayon, at Magpakailanman.25 Ang pagiging hindi pabagu-bago ay isang katangiang katulad ng kay Cristo. Palaging ginagawa ni Jesus ang kalooban ng Kanyang Ama,26 at ang Kanyang mga bisig ay palaging nakaunat para iligtas, tulungan, at mapagaling tayo.27 Kapag tayo ay mas hindi pabagu-bago sa pamumuhay ng ebanghelyo, tayo ay magiging mas katulad ni Jesus.28 Bagama’t ang mundo ay makararanas ng malalaking pagbabago sa popularidad habang ang mga tao ay tinatangay-tangay nang paroo’t parito at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral,29 ang tuluy-tuloy na pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay tumutulong sa atin na maging matatag at di-natitinag sa gitna ng mga unos ng buhay.30 Maipapakita rin natin ang ating pagiging hindi pabagu-bago sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyaya ni Pangulong Nelson na “maglaan ng oras para sa Panginoon.”31 Ang malaking espirituwal na lakas ay nagmumula sa maliliit at karaniwang bagay32 tulad ng pagkakaroon ng “banal na gawi at mabubuting kaugalian”33 tulad ng araw-araw na panalangin, pagsisisi, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod sa iba.
Pang-apat, si Jesus ang Banal ng Israel.34 Ang buhay ni Jesus ay huwaran ng kabanalan. Kapag sumusunod tayo kay Jesus, maaari tayong maging isang banal sa Israel.35 Nagiging mas banal tayo kapag regular tayong pumupunta sa templo, kung saan ang “Kabanalan sa Panginoon” ay nakaukit sa itaas ng bawat pasukan. Sa tuwing sumasamba tayo sa templo, umuuwi tayo na nabiyayaan ng higit na kapangyarihan para gawing mga lugar ng kabanalan ang ating mga tahanan.36 Sa sinumang wala pang recommend sa kasalukuyan para pumasok sa templo, inaanyayahan ko kayong makipagkita sa bishop ninyo at ihanda ang inyong sarili na pumasok o bumalik sa banal na lugar na iyon. Ang oras sa templo ay magdaragdag ng kabanalan sa ating buhay.
Ang isa pang pangalan ni Jesus ay Siya ay Tapat at Totoo.37 Dahil si Jesus ay palaging tapat at laging totoo, ang Kanyang masidhing hangarin ay maipakita natin ang mga katangiang ito sa ating buhay. Kapag ang ating pananampalataya ay nanghihina, maaari tayong magsumamo kay Jesus ng, “Panginoon, iligtas mo ako,” tulad ni Pedro nang magsimula siyang lumubog sa maalong dagat ng Galilea.38 Sa araw na iyon, inabot ni Jesus ang nalulunod na disipulo para masagip ito. Ganito rin ang ginawa Niya sa akin, at gagawin Niya ito sa inyo. Huwag tumalikod kailanman kay Jesus—hindi Niya kayo kailanman susukuan!
Kapag tayo ay tapat at totoo, sinusunod natin ang panawagan ni Jesus na “manatili sa akin,” na nangangahulugan din na “manatiling kasama ko.”39 Kapag tayo ay nahaharap sa mga katanungan, kapag tayo ay kinukutya dahil sa ating pananampalataya, kapag dinuduro tayo ng mga nasa malalaki at maluluwang na gusali ng mundo, nananatili tayong tapat at totoo. Sa mga pagkakataong ito, naaalala natin ang paanyaya ni Jesus, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”40 Kapag ginawa natin ito, binibigyan Niya tayo ng kinakailangang pananampalataya, pag-asa, at lakas para manatiling kasama Niya magpakailanman.41
Mahal na mga kapatid, nais ni Jesus na makilala natin Siya dahil sa Kanya lamang ang pangalang ibinigay sa silong ng langit upang tayo ay maligtas.42 Si Jesus ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay—walang sinuman ang makababalik sa Ama kundi sa pamamagitan Niya.43 Si Jesus ang tanging daan! Dahil dito, nag-aanyaya si Jesus, “Lumapit kayo sa akin,”44 “Sumunod sa akin,”45 “Lumakad kang kasama ko,”46 at “Matuto kayo sa akin.”47
Nang buong puso ko, pinatototohanan ko si Jesucristo—na Siya ay buhay, na mahal Niya kayo, at na kilala Niya kayo sa pangalan. Siya ang Anak ng Diyos,48 ang Bugtong na Anak ng Ama.49 Siya ang ating Bato, ang ating Tanggulan, ang ating Pananggalang, ang ating Kanlungan, at ating Tagapagligtas.50 Siya ang Ilaw na Nagliliwanag sa Kadiliman.51 Siya ang ating Tagapagligtas52 at ang ating Manunubos.53 Siya ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay.54 Ang masidhi kong hangarin ay makilala ninyo si Jesus sa pamamagitan ng Kanyang maraming pangalan at na kayo ay maging katulad Niya habang ipinapakita ninyo ang Kanyang mga banal na katangian sa inyong buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.