Hayaang ang Paggawa ng Mabuti ang Maging Normal sa Atin
Kung tayo ay matatag at hindi natitinag sa paggawa ng mabuti, tutulungan tayo ng ating mga kaugalian na manatili sa landas ng tipan.
Lagi kong pasasalamatan ang mga tungkulin ko sa Simbahan na naging daan para makatira ako sa iba’t ibang bansa. Nakita namin sa bawat isa sa mga bansang ito ang malaking pagkakaiba-iba at ang pambihirang mga tao na iba-iba ang mga kaugalian at tradisyon.
Lahat tayo ay may mga kaugalian at tradisyon na personal, mula sa ating pamilya, o mula sa komunidad kung saan tayo nakatira, at sana’y mapanatili natin ang lahat ng nakaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang pagpapatibay ng mga kaugalian at tradisyon ay mahalaga sa ating mga pagsisikap na manatili sa landas ng tipan, at ang mga balakid dito ay dapat nating iwaksi.
Ang kaugalian ay ang gawi o ang madalas at nakagawiang paraan ng pag-iisip para sa isang tao, kultura, o tradisyon. Madalas, ang mga bagay na iniisip at ginagawa natin sa isang nakagawiang paraan ay itinuturing nating normal.
Hayaan ninyong ilarawan ko ito: Si Patricia, ang mahal kong asawa, ay mahilig uminom ng sabaw ng buko at kumain ng laman nito pagkatapos. Nang una kaming bumisita sa Puebla, Mexico, nagpunta kami sa isang lugar kung saan kami bumili ng buko. Matapos inumin ang sabaw nito, hiniling sa kanila ng asawa ko na biyakin ang buko at dalhin sa kanya ang laman para makain niya. Nang dalhin iyon sa kanya, mamula-mula iyon. Binudburan nila iyon ng sili! Matamis na buko na may sili! Parang kakatwa iyon sa amin. Ngunit kalaunan ay nalaman namin na kaming mag-asawa ang kakatwa, na hindi kumakain ng bukong may sili. Gayunman, sa Mexico, hindi iyon kakaiba; normal na normal iyon.
Sa isa pang pagkakataon kumakain kami sa Brazil kasama ang ilang kaibigan, at sinilbihan nila kami ng abukado. Nang bubudburan na namin iyon ng asin, sinabi sa amin ng mga kaibigan namin, “Ano ang ginagawa ninyo? Nilagyan na namin ng asukal ang abukado!” Abukadong may asukal! Tila lubhang kakatwa iyon sa amin. Ngunit kalaunan ay nalaman namin na kaming mag-asawa ang kakatwa, na hindi kumakain ng abukadong may asukal. Sa Brazil, ang abukadong may asukal ay normal.
Ang normal para sa ilan ay maaaring kakatwa para sa iba, depende sa kanilang mga kaugalian at tradisyon.
Aling mga kaugalian at tradisyon ang normal sa ating buhay?
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ngayon, madalas nating marinig ang ‘bagong normal.’ Kung nais talaga ninyong isabuhay ang bagong normal, inaanyayahan ko kayo na mas ibaling ang inyong puso, isip, at kaluluwa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo. Iyan ang gawin ninyong bagong normal” (“Isang Bagong Normal,” Liahona, Nob. 2020, 118).
Ang paanyayang ito ay para sa lahat. Hindi mahalaga kung tayo man ay maralita o mayaman, may pinag-aralan o wala, matanda o bata, maysakit o malusog. Inaanyayahan niya tayo na hayaang ang mga nagpapanatili sa atin sa landas ng tipan ang maging normal na mga bagay sa ating buhay.
Walang bansa na mayroon ng lahat ng mabuti o kahanga-hanga. Samakatuwid, tulad ng itinuro ni Pablo at ni Propetang Joseph Smith:
“Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
“Kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito” (Filipos 4:8).
Tandaan na ito ay isang payo, hindi lamang isang komentaryo.
Gusto kong pagnilayan nating lahat sandali ang ating mga kaugalian at kung paano ito nakakaimpluwensya sa ating pamilya.
Kabilang sa kahanga-hangang mga gawi na dapat maging normal sa mga miyembro ng Simbahan ang apat na ito:
-
Pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang personal at bilang pamilya. Para magbalik-loob sa Panginoong Jesucristo, responsibilidad ng bawat tao na matutuhan ang ebanghelyo. Responsibilidad ng mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25; 93:40).
-
Pagdarasal nang personal at bilang pamilya. Inuutos sa atin ng Tagapagligtas na manalangin tuwina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:38). Ang panalangin ay nagtutulot sa atin na makausap nang personal ang ating Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
-
Pagdalo sa lingguhang sacrament meeting (tingnan sa 3 Nephi 18:1–12; Moroni 6:5–6). Ginagawa natin ito para alalahanin si Jesucristo kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Sa ordenansang ito ay pinaninibago ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang tipan na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng Tagapagligtas, lagi Siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).
-
Madalas na pakikibahagi sa gawain sa templo at family history. Ang gawaing ito ang paraan para mabuklod ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:15).
Ano ang nadarama natin kapag naririnig natin ang apat na bagay na ito? Bahagi ba ang mga ito ng ating normal na buhay?
Marami pang ibang tradisyon na maaaring maging bahagi ng ating normal na buhay, sa gayo’y hinahayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay.
Paano natin malalaman kung ano ang magiging normal na mga bagay sa ating buhay at sa ating pamilya? Sa mga banal na kasulatan ay makakakita tayo ng magandang huwaran; sa Mosias 5:15 sinasabi roon: “Nais kong kayo ay maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa.”
Gustung-gusto ko ang mga salitang iyon dahil alam natin na ang mga bagay na nagiging normal sa ating buhay ay yaong mga paulit-ulit nating ginagawa. Kung tayo ay matatag at hindi natitinag sa paggawa ng mabuti, ang ating mga kaugalian ay magiging alinsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo at tutulungan tayo ng mga ito na manatili sa landas ng tipan.
Ipinayo rin ni Pangulong Nelson: “Isabuhay ang inyong bagong normal sa pagsisisi araw-araw. Sikaping maging mas dalisay sa isip, salita, at gawa. Maglingkod sa iba. Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Gampanang mabuti ang inyong mga calling. At anuman ang inyong mga hamon, mga minamahal na kapatid, mamuhay araw-araw upang maging mas handa kayo na humarap sa inyong Tagapaglikha” (“Isang Bagong Normal,” 118).
Ngayon hindi kakatwa para sa asawa ko mang si Patricia, o para sa akin ang kumain ng bukong may sili at abukadong may asukal—sa katunayan, gusto namin iyon. Gayunman, ang kadakilaan ay isang bagay na mas makabuluhan kaysa sa panlasa; iyon ay isang paksang may kaugnayan sa kawalang-hanggan.
Dalangin ko na nawa’y tulutan tayo ng mga nakaugalian natin na maranasan ang kalagayang iyon ng “walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41) na ipinangako sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at na, habang ginagawa iyon, maaari nating sabihing, “At ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27).
Mga kapatid ko, pinatototohanan ko ang 15 kalalakihang sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, kabilang na ang ating pinakamamahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson. Pinatototohanan ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo. Pinatototohanan ko lalo na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.