Isang Framework para sa Personal na Paghahayag
Kailangan nating maunawaan ang framework kung saan kumikilos ang Espiritu Santo. Kapag kumilos tayo ayon sa framework, maaaring makapagbigay ang Espiritu Santo ng nakamamanghang mga kabatiran.
Tulad ng marami sa inyo, nagkaroon ng malaking impluwensya sa akin si Elder Dieter F. Uchtdorf sa pagdaan ng mga taon. Iyan ang nagpapaliwanag, kahit bahagya, sa sasabihin ko.1 Kaya, humihingi ako ng paumanhin sa kanya …
Ang mahuhusay na piloto ay nagpapalipad ayon sa kapasidad ng kanilang eroplano at sumusunod sa mga direksyon ng mga air traffic controller tungkol sa paggamit ng runway at ng liliparan ng eroplano. Sa madaling salita, may sinusunod na framework ang mga piloto. Gaano man sila kagaling o katalino, tanging sa pagpapalipad lamang ayon sa framework na ito mapapalabas ng mga piloto ang malaking potensyal ng isang eroplano na isagawa ang mga mahimalang layunin nito.
Sa gayunding paraan, tumatanggap tayo ng personal na paghahayag ayon sa isang framework. Pagkatapos ng binyag, binibigyan tayo ng dakila ngunit praktikal na kaloob, ang kaloob na Espiritu Santo.2 Habang nagsisikap tayong manatili sa landas ng tipan,3 ang “Banal na Espiritu … ang magbibigay-alam sa [atin] ng lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin.”4 Kapag hindi tayo nakatitiyak o kinakabahan tayo, maaari tayong humingi ng tulong sa Diyos.5 Wala nang mas lilinaw pa sa pangako ng Tagapagligtas: “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan … sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap.”6 Sa tulong ng Espiritu Santo, mababago natin ang ating likas na kabanalan para maging ating walang-hanggang tadhana.7
Ang pangako ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay nakamamangha, tulad ng isang eroplanong lumilipad. At tulad ng mga piloto, kailangan nating maunawaan ang framework kung saan kumikilos ang Espiritu Santo para makapaglaan ng personal na paghahayag. Kapag kumilos tayo sa loob ng framework, maaaring makapagbigay ang Espiritu Santo ng nakamamanghang mga kabatiran, direksyon, at kapanatagan. Sa labas ng framework na iyan, gaano man tayo kagaling o katalino, maaari tayong malinlang at masaktan sa kabiguan.
Ang mga banal na kasulatan ang bumubuo sa unang elemento ng framework na ito para sa personal na paghahayag.8 Ang patuloy na pag-aaral sa mga salita ni Cristo, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, ay nagpapasigla sa personal na paghahayag. Sabi ni Elder Robert D. Hales: “Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan.”9
Itinuturo din sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano makatanggap ng personal na paghahayag.10 At hinihingi natin ang tama at mabuti11 at hindi ang taliwas sa kalooban ng Diyos.12 Hindi tayo “humihingi sa masamang dahilan,” nang may mga maling motibo para makamtan ang sarili nating hangarin o para matupad ang sarili nating kasiyahan.13 Higit sa lahat, humihiling tayo sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo,14 na naniniwalang makatatanggap tayo.15
Ang pangalawang elemento ng framework ay na makatatanggap tayo ng personal na paghahayag para lamang sa mga aspetong sakop ng sarili nating responsibilidad, at hindi para sa iba. Sa madaling salita, lumilipad at lumalapag tayo sa ating nakatakdang runway. Ang kahalagahan ng maliwanag na mga runway ay natutuhan nang maaga sa kasaysayan ng Pagpapanumbalik. Ipinahayag ni Hiram Page, isa sa Walong Saksi sa Aklat ni Mormon, na nakatanggap siya ng paghahayag para sa buong Simbahan. Ang ilang miyembro ay nalinlang at naimpluwensyahan nang mali.
Bilang tugon, inihayag ng Panginoon na “walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith … hanggang sa maitalaga ko … ang hahalili sa kanya.”16 Ang mga doktrina, kautusan, at paghahayag para sa Simbahan ay pribilehiyo ng buhay na propeta, na tinatanggap ang mga ito mula sa Panginoong Jesucristo.17 Iyon ang runway ng propeta.
Ilang taon na ang nakararaan, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang taong naaresto sa kasong trespassing. Sinabi niya sa akin na naihayag sa kanya na may karagdagang banal na kasulatang nakabaon sa ilalim ng unang palapag ng isang gusaling tinangka niyang pasukin. Sinabi niya na kapag nakuha niya ang karagdagang banal na kasulatan, alam niya na tatanggap siya ng kaloob na makapagsalin, maglabas ng bagong banal na kasulatan, at hubugin ang doktrina at direksyon ng Simbahan. Sinabi ko sa kanya na nagkakamali siya, at pinakiusapan niya akong ipagdasal iyon. Sinabi ko sa kanya na hindi ko gagawin iyon. Nagsabi siya ng masasamang salita at ibinaba na niya ang telepono.18
Hindi ko na kinailangang ipagdasal ang kahilingang ito dahil sa isang simple ngunit malalim na dahilan: ang propeta lamang ang tumatanggap ng paghahayag para sa Simbahan. Magiging “salungat sa pamahalaan ng Diyos”19 ang pagtanggap ng iba ng gayong paghahayag, dahil nabibilang iyon sa runway ng propeta.
Ang personal na paghahayag ay para sa mga indibiduwal. Makatatanggap kayo ng paghahayag, halimbawa, kung saan titira, kung anong trabaho ang kukunin, o kung sino ang pakakasalan.20 Ang mga lider ng Simbahan ay maaaring magturo ng doktrina at magbahagi ng inspiradong payo, ngunit ang responsibilidad para sa mga desisyong ito ay nasa inyo. Iyon ang paghahayag na tatanggapin ninyo; iyon ang inyong runway.
Ang pangatlong elemento ng framework ay na ang personal na paghahayag ay makakaayon sa mga utos ng Diyos at sa mga tipang nagawa natin sa Kanya. Isipin ang isang panalanging parang ganito: “Ama sa Langit, nakakainip ang mga pagsamba sa Simbahan. Maaari ba Kitang sambahin sa araw ng Sabbath sa mga kabundukan o sa tabing dagat? Maaari bang hindi ako magsimba at tumanggap ng sakramento ngunit tanggapin pa rin ang ipinangakong mga biyaya ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath?”21 Bilang tugon sa gayong panalangin, maaari nating asamin ang sagot ng Diyos na: “Anak ko, naihayag ko na ang aking kalooban tungkol sa araw ng Sabbath.”
Kapag humingi tayo ng paghahayag tungkol sa isang bagay na nabigyang-linaw na ng Diyos, maaari tayong magkamali ng pagkaintindi sa ating nadarama at marinig natin ang gusto nating marinig. Minsa’y ikinuwento sa akin ng isang lalaki ang kanyang mga paghihirap para mapatatag ang pinansyal na sitwasyon ng kanyang pamilya. Nagkaroon siya ng ideya na magdispalko ng pondo bilang solusyon, ipinagdasal niya iyon, at nadamang nakatanggap siya ng paghahayag na dapat niya iyong gawin. Alam ko na nalinlang siya dahil humingi siya ng paghahayag na taliwas sa isang utos ng Diyos. Nagbabala si Propetang Joseph Smith, “Walang higit na magpapahamak sa mga anak ng tao kaysa maimpluwensyahan ng mapanlinlang na espiritu, samantalang inaakala nila na nasa kanila ang Espiritu ng Diyos.”22
Maaaring sabihin ng ilan na sinuway ni Nephi ang isang kautusan nang patayin niya si Laban. Gayunman, ang eksepsyong ito ay hindi ginagawang mali ang tuntunin—ang tuntunin na ang personal na paghahayag ay aayon sa mga utos ng Diyos. Walang simpleng paliwanag sa pangyayaring ito ang lubos na kasiya-siya, ngunit hayaan ninyong bumanggit ako ng ilang aspeto. Hindi nagsimula ang pangyayari sa pagtatanong ni Nephi kung puwede niyang patayin si Laban. Hindi ito isang bagay na ginusto niyang gawin. Ang pagpatay kay Laban ay hindi para sa personal na kapakinabangan ni Nephi kundi para maglaan ng mga banal na kasulatan sa isang bansa at pinagtipanang mga tao sa hinaharap. At sigurado si Nephi na iyon ay paghahayag—sa katunayan, sa sitwasyong ito, utos iyon mula sa Diyos.23
Ang pang-apat na elemento ng framework ay para mapansin ang naihayag na sa inyo ng Diyos nang personal, habang bukas kayo sa iba pang paghahayag mula sa Kanya. Kung nasagot ng Diyos ang isang tanong at hindi nagbago ang sitwasyon, bakit natin aasahan na magbago ang sagot? Nagkaroon ng ganitong problema si Joseph Smith noong 1828. Ang unang bahagi ng Aklat ni Mormon ay naisalin na, nang si Martin Harris, isa sa mga tumulong kay Joseph at naunang tagasulat, ay humingi ng pahintulot kay Joseph na kunin ang mga pahinang naisalin at ipakita iyon sa kanyang asawa. Hindi sigurado sa dapat gawin, humingi ng patnubay si Joseph sa panalangin. Sinabi ng Panginoon sa kanya na huwag payagan si Martin na kunin ang mga pahina.
Hiniling ni Martin na tanunging muli ni Joseph ang Diyos. Ginawa iyon ni Joseph, at hindi nakakagulat na gayon pa rin ang sagot. Ngunit muling nagmakaawa si Martin na magtanong sa ikatlong pagkakataon, at ginawa nga iyon ni Joseph. Sa pagkakataong ito, hindi tumanggi ang Diyos. Sa halip, parang sinabi ng Diyos na, “Joseph, alam mo kung ano ang damdamin ko tungkol dito, ngunit may kalayaan kang magpasiya.” Napanatag na hindi siya pinipigilan, nagpasiya si Joseph na payagan si Martin na kunin ang 116 na pahina ng manuksrito at ipakita iyon sa ilang kapamilya. Nawala ang mga pahinang naisalin at hindi na nabawi kailanman. Mariing pinagsabihan ng Panginoon si Joseph.24
Natutuhan ni Joseph, tulad ng itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob: “Huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay. Sapagkat … nagpapayo siya sa karunungan.”25 Nagbabala si Jacob na may masamang nangyayari kapag humihiling tayo ng mga bagay na hindi natin dapat hilingin. Ipinropesiya niya na maghahangad ang mga tao sa Jerusalem ng “mga bagay na hindi nila maunawaan,” titingin “nang lampas sa tanda,” at ganap na makakaligtaan ang Tagapagligtas ng sanlibutan.26 Nagkamali sila dahil hiniling nila ang mga bagay na hindi nila mauunawaan at hindi maunawaan.
Kung nakatanggap tayo ng personal na paghahayag para sa ating sitwasyon at hindi nagbago ang sitwasyon, sinagot na ng Diyos ang ating tanong.27 Halimbawa, kung minsa’y paulit-ulit tayong humihingi ng katiyakan na napatawad na tayo. Kung tayo ay nagsisi na, napuspos ng galak at kapanatagan ng isipan, at tumanggap ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, hindi na tayo kailangang magtanong na muli kundi magtiwala sa sagot na naibigay na ng Diyos.28
Kahit may tiwala tayo sa naunang mga sagot ng Diyos, kailangan nating maging bukas sa iba pang personal na paghahayag. Tutal, ang ilang destinasyon sa buhay ay nararating nang walang hintuan. Dapat nating kilalanin na ang personal na paghahayag ay maaaring matanggap nang “taludtod sa taludtod” at “tuntunin sa tuntunin,”29 na ang inihayag na direksyon ay maaari at kadalasang paisa-isang ibinibigay.30
Ang mga elemento ng framework para sa personal na paghahayag ay magkakaugnay at pinaiiral ang isa’t isa. Ngunit sa loob ng framework na iyon, maihahayag at ihahayag ng Espiritu Santo ang lahat ng kailangan natin para pumailanlang at mapanatili ang ating momentum sa landas ng tipan. Sa gayon ay mabiyayaan tayo ng kapangyarihan ni Jesucristo para maging katulad ng nais ng Ama sa Langit na kahinatnan natin. Inaanyayahan ko kayong magkaroon ng tiwala na tumanggap ng personal na paghahayag para sa inyong sarili, na nauunawaan ang naihayag ng Diyos, na naaayon sa mga banal na kasulatan at ang mga kautusang naibigay Niya sa Kanyang hinirang na mga propeta at sakop ng sarili ninyong responsibilidad at kalayaang pumili. Alam ko na maipapakita at ipapakita sa inyo ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.31 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.