Pangkalahatang Kumperensya
Ano ang Totoo?
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


5:59

Ano ang Totoo?

Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Tinatanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng katotohanang ipinararating ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Mahal kong mga kapatid, salamat sa lahat sa nagbibigay-inspirasyong sesyong ito! Simula sa kumperensya natin noong nakaraang Abril, marami na tayong nasaksihang kaganapan sa mundo; na may mga nakakalungkot at may mga kahanga-hanga.

Natutuwa kami sa mga ulat tungkol sa malalaking kumperensya ng mga kabataan na ginaganap sa buong mundo.1 Sa mga kumperensyang ito, natututuhan ng ating mararangal na kabataan na anuman ang mangyari sa buhay nila, ang pinakamatindi nilang lakas ay nagmumula sa Panginoon.2

Nagagalak tayo na marami pang mga templo ang itinatayo sa buong mundo. Sa paglalaan ng bawat bagong templo, dagdag na kapangyarihan ng Diyos ang dumarating sa mundo para patatagin tayo at nilalabanan ang tumitinding pagsisikap ng kaaway.

Ang pang-aabuso ay nagpapakita ng impluwensya ng kaaway. Ito ay isang mabigat na kasalanan.3 Bilang Pangulo ng Simbahan, pinagtitibay ko ang mga turo ng Panginoong Jesucristo tungkol sa isyung ito. Hayaan ninyong ganap ko itong linawin: anumang uri ng pang-aabuso sa kababaihan, sa mga bata, o sa sinuman ay karumal-dumal sa Panginoon. Nalulungkot Siya at nalulungkot ako tuwing may sinuman na nasasaktan. Nagdadalamhati Siya at nagdadalamhati tayong lahat para sa bawat taong naging biktima ng anumang uri ng pang-aabuso. Ang mga gumagawa ng kahindik-hindik na mga gawaing ito ay hindi lamang mananagot sa mga batas ng tao kundi haharapin din ang matinding poot ng Diyos.

Sa maraming dekada na ngayon, ginawa na ng Simbahan ang lahat para protektahan—partikular na—ang mga bata mula sa pang-aabuso. Maraming tulong sa website ng Simbahan. Inaanyayahan ko kayong pag-aralan ang mga iyon.4 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay para protektahan ang mga inosente. Hinihimok ko ang bawat isa sa atin na maging alerto sa sinumang maaaring nanganganib na maabuso at kumilos kaagad para protektahan sila. Hindi kukunsintihin ng Tagapagligtas ang pang-aabuso, at bilang Kanyang mga disipulo, hindi rin natin ito dapat kunsintihin.

Ang kaaway ay may iba pang nakababahalang mga taktika. Kabilang sa mga ito ang mga pagsisikap niyang palabuin ang pagkakaiba sa pagitan ng totoo at hindi totoo. Ang pagdagsa ng impormasyon na madali nating makuha, sa kabaligtaran, ay lalong nagpapahirap na malaman kung ano ang totoo.

Ang hamong ito ay nagpapaalala sa akin ng isang karanasan namin ni Sister Nelson nang bisitahin namin ang isang opisyal sa isang bansa kung saan kakaunti lamang ang nakarinig tungkol kay Jesucristo. Ang minamahal na kaibigang ito na nagkakaedad na ay nagkasakit kamakailan. Sinabi niya sa amin na sa maraming araw ng kanyang pagkakasakit, madalas siyang tumitig sa kisame at magtanong, “Ano ang totoo?”

Marami sa daigdig ngayon “ang napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”5 Gusto tayong paniwalain ng ilan na ang katotohanan ay depende sa tao o sitwasyon—na dapat tukuyin ng bawat tao sa sarili niya kung ano ang totoo. Ang gayong paniniwala ay pananaginip nang gising para sa mga taong may maling akala na hindi sila mananagot sa Diyos.

Mahal kong mga kapatid, ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Tinatanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng katotohanang ipinararating ng Diyos sa Kanyang mga anak, natutuhan man ito sa isang laboratoryo ng siyensya o natanggap sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag mula sa Kanya.

Mula sa pulpitong ito ngayon at bukas, patuloy kayong makaririnig ng katotohanan. Itala sana ninyo ang mga kaisipang nakakakuha ng inyong pansin at ang mga pumapasok sa inyong isipan at namamalagi sa inyong puso. Mapanalanging hilingin sa Panginoon na pagtibayin na ang narinig ninyo ay totoo.

Mahal ko kayo, mahal kong mga kapatid. Dalangin ko na mabusog ng kumperensyang ito ang inyong espiritu tulad ng hinahangad ninyo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.