Pangkalahatang Kumperensya
Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


10:7

Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad

Ang mamuhay sa paraang ibinibigay ninyo ang putong na bulaklak sa halip na mga abo ng inyong buhay ay pagpapakita ng pananampalataya na tinutularan ninyo ang Tagapagligtas.

Nakapaloob sa aklat ng 1 Samuel ang isang di-gaanong kilalang kuwento tungkol kay David, ang magiging hari ng Israel, at ng isang babaeng nagngangalang Abigail.

Pagkamatay ni Samuel, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumayo kay Haring Saul, na naghangad na patayin si David. Pinrotektahan nila ang mga kawan at mga tagapaglingkod ng isang mayamang lalaki na nagngangalang Nabal, na isang taong mapanglait. Nagsugo si David ng 10 sa kanyang mga tauhan upang batiin si Nabal at humiling ng kinakailangang pagkain at suplay.

Tumugon si Nabal sa kahilingan ni David nang may panglalait at pinaalis ang mga tauhan nito nang walang dalang anumang pagkain.

Dahil nasaktan ang damdamin, inihanda ni David ang kanyang mga tauhan upang harapin si Nabal at ang kanyang sambahayan, sinabing, “Ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.”1 Isang alipin ang nagsabi kay Abigail, na asawa ni Nabal, tungkol sa hindi magandang pagtrato ng kanyang asawa sa mga tauhan ni David. Mabilis na kumuha si Abigail ng mga kailangang pagkain at suplay at umalis para mamagitan.

Nang makita ni Abigail si David, siya ay “nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa,

“Siya’y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, ‘Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. …

“Ngayon, … yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay. …

“… Ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataan. …

“Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod.’ …

“Sinabi ni David kay Abigail, ‘Purihin nawa ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!

“Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay!’ …

“Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, ‘Umahon kang payapa sa iyong bahay; … aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan.’”2

Sila ay kapwa lumisan nang payapa.

Sa kuwentong ito, maihahalintulad si Abigail bilang makapangyarihang simbolo ni Jesucristo.3 Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mapapalaya Niya tayo mula sa kasalanan at pagkapoot at bibigyan tayo ng mga pangangailangan natin.4

Tulad ni Abigail na handang akuin ang kasalanan ni Nabal, gayon din ang Tagapagligtas—sa paraang hindi kayang maunawaan—inako Niya ang ating mga kasalanan at ang mga kasalanan ng mga taong nakasakit sa atin.5 Sa Getsemani at sa krus, inako Niya ang mga kasalanang ito. Naglaan Siya ng paraan upang maiwaksi natin ang paghihiganti. Ang “paraang” iyan ay ang pagpapatawad—na maaaring isa sa pinakamahihirap na bagay na gagawin natin at isa sa pinakamabubuting bagay na mararanasan natin. Sa landas ng pagpapatawad, ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo ay maaaring dumaloy sa ating buhay at magsisimulang pagalingin ang malalim na mga sugat ng puso at kaluluwa.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na binigyan tayo ng Tagapagligtas ng kakayahang magpatawad:

“Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo.

“Madalas ay madaling magpatawad sa isang tao na taos-puso at mapagpakumbabang humihingi ng inyong kapatawaran. Subalit ipagkakaloob sa inyo ng Tagapagligtas ang kakayahang patawarin ang sinumang gumawa sa inyo nang masama sa anumang paraan. Pagkatapos noon, ang mga nakasasakit na ginawa nila ay hindi na babagabag sa inyong kaluluwa.”6

Ang pagdadala ni Abigail ng maraming pagkain at suplay ay makapagtuturo sa atin na ang Tagapagligtas ay nagbibigay sa mga taong nasaktan at napinsala ng mga pangangailangan at ng tulong na kailangan natin upang mapagaling.7 Hindi tayo naiiwang mag-isa para harapin ang mga bunga ng ginawa ng iba; tayo rin ay mapapagaling at mabibigyan ng pagkakataong maligtas mula sa pagkapoot at sa anumang maaaring gawin natin kasunod nito.

Sinabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”8 Iniuutos sa atin ng Panginoon na magpatawad tayo para sa sarili nating ikabubuti.9 Ngunit hindi Niya ito iniutos sa atin nang wala ang Kanyang tulong, pagmamahal, pag-unawa. Sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Panginoon, matatanggap ng bawat isa sa atin ang lakas, patnubay, at ang tulong na kailangan natin upang magpatawad at mapatawad.

Dapat ninyong malaman na ang pagpapatawad sa isang tao ay hindi nangangahulugan na hahayaan ninyo na patuloy kayong saktan. “Maaari nating pagsikapang mapatawad ang isang tao at mainspirasyunan din ng Espiritu na lumayo sa kanila.”10

Tulad ni Abigail na tinulungan si David na hindi magkaroon ng “pag-uusig ng budhi”11 at tumanggap ng tulong na kailangan niya, tutulungan din kayo ng Tagapagligtas. Mahal Niya kayo, at sasalubungin Niya kayo “na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak.”12 Hangad Niya ang kapayapaan ninyo.

Personal kong nasaksihan ang pagpapagaling ni Cristo sa aking puso na puno ng pagkapoot. Nang may pahintulot ng aking ama, ikukuwento ko na lumaki ako sa isang tahanan kung saan nadama ko na hindi ako laging ligtas dahil sa pang-aabusong emosyonal at masasakit na pananalita. Noong kabataan ko hanggang magdalaga ako, kinamuhian ko ang aking ama at nagkaroon ng galit sa puso ko.

Sa paglipas ng mga taon at sa pagsisikap na makahanap ng kapayapaan at paggaling sa landas ng pagpapatawad, natanto ko na ang Anak ng Diyos na nagbayad-sala para sa aking mga kasalanan ay ang siya ring Manunubos na magliligtas sa mga taong labis na nakasakit sa akin. Kung talagang naniniwala ako na nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa akin, kailangan ko ring maniwala na nagbayad-sala Siya para sa mga taong nakasakit sa akin.

Habang nag-iibayo ang pagmamamahal ko sa Tagapagligtas, gayon din ang hangarin ko na mapagaling ng Kanyang balsamo ang sakit at poot na nadarama ko. Mahabang proseso iyon, at nangailangan ng tapang, katapatan, pagtitiyaga, at pagkatutong magtiwala sa banal na kapangyarihan ng Tagapagligtas na magligtas at magpagaling. May mga kailangan pa akong gawin, ngunit wala na ang poot at paghihiganti sa puso ko. Pinagkalooban ako ng “bagong puso”13—pusong nakadarama ng matindi at walang hanggang pagmamahal ng Tagapagligtas, na laging nariyan, na mahinahon at matiyagang umakay sa akin patungo sa mas mainam na lugar, na nanangis kasama ko, at alam ang kalungkutang nadarama ko.

Ang Panginoon ay nagpadala sa akin ng mga pagpapala tulad ni Abigail na nagdala ng mga pangangailangan ni David. Nagpadala Siya ng mga mentor sa buhay ko. At ang pinakanatatangi at nagpabago sa lahat ay ang kaugnayan ko sa aking Ama sa Langit. Nagpapasalamat ako at nadama ko sa Kanya ang magiliw, mapangalaga, at gumagabay na pagmamahal ng isang perpektong Ama.

Sinabi ni Elder Richard G. Scott: “Hindi ninyo mababago ang nangyari, ngunit maaari kayong magpatawad.14 Ang pagpapatawad ay nagpapahilom ng napakasakit at malalalim na sugat, dahil nagbibigay-daan ito upang mapawi ng pagmamahal ng Diyos ang nakalalasong galit sa inyong puso at isipan. Inaalis nito sa inyong isipan ang hangaring maghiganti. Nagbibigay-puwang ito sa nagpapadalisay, nagpapagaling, at nagpapalakas na pagmamahal ng Panginoon.”15

Ang aking ama ay nagkaroon din ng mahimalang pagbabago ng puso nitong mga nakaraang taon at bumaling sa Panginoon—isang bagay na hindi ko inasahan sa buhay na ito. Ito ay isa pang patotoo sa akin tungkol sa nagpapagaling at nagpapabagong kapangyarihan ni Jesucristo.

Alam ko na mapapagaling Niya ang mga nagkasala at ang mga nagawan ng pagkakasala. Siya ang Tagapagligtas at ang Manunubos ng sanlibutan, na inialay ang Kanyang buhay upang tayo ay mabuhay na muli. Sinabi Niya, “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako’y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha; ako’y sinugo niya upang [pagalingin ang mga namimighati], upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi.”16

Sa lahat ng namimighati, bihag, naapi, at marahil nabulag ng pasakit o kasalanan, Siya ay nagbibigay ng pagpapagaling, at kaligtasan. Pinatototohanan ko na ang paggaling na ibinibigay Niya ay totoo. Ang panahon ng paggaling ay magkakaiba sa mga indibiduwal, at hindi natin maaaring husgahan ang panahon ng paggaling ng iba. Mahalagang bigyan ng pagkakataon ang ating sarili na maghilom at maging mabait sa ating sarili. Ang Tagapagligtas ay laging maawain at mapagmalasakit at handang magbigay ng tulong na kailangan natin.17

Sa landas ng pagpapatawad at pagpapagaling, naroon ang pagpapasiyang iwaksi ang di-mabubuting huwaran o ugnayan sa ating pamilya o saanman. Sa lahat ng ginagawa natin, maaari tayong tumugon ng kabutihan sa kalupitan, pagmamahal sa pagkamuhi, kahinahunan sa kabagsikan, kaligtasan sa kapighatian, at kapayapaan sa pagtatalo.

Ang ibigay ang ipinagkait sa inyo ay mabuting bahagi ng banal na paggaling na posible sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang mamuhay sa paraang ibinibigay ninyo, tulad ng sinabi ni Isaias, ang putong na bulaklak sa halip na mga abo ng inyong buhay18 ay pagpapakita ng pananampalataya na tinutularan ninyo ang pinakadakilang halimbawa ng isang Tagapagligtas na nagdusa sa lahat upang Kanyang matulungan ang lahat.

Si Jose ng Egipto ay nakaranas ng kapighatian. Siya ay kinamuhian ng kanyang mga kapatid, ipinagkanulo, ipinagbili para maging alipin, pinaratangan at ibinilanggo, at nalimutan ng isang taong nangakong tutulong. Gayunpaman, siya ay nagtiwala sa Panginoon. “Ang Panginoon ay naging kasama ni Jose”19 at inilaan ang kanyang mga pagsubok sa kanyang sariling pagpapala at pag-unlad—at sa pagliligtas sa kanyang pamilya at sa buong Egipto.

Nang makaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid bilang dakilang pinuno sa Egipto, ang kanyang pagpapatawad at dalisay na pananaw ay makikita sa magiliw na mga salitang sinabi niya:

“Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako’y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay. …

“Kaya’t hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos.”20

Sa pamamagitan ng Tagapagligtas, ang buhay ni Jose ay naging “putong na bulaklak sa halip na mga abo.”21

Sinabi ni Kevin J Worthen, pangulo ng BYU, na ang Diyos ay “makagagawa ng mabuti … hindi lamang mula sa ating mga tagumpay kundi maging sa ating mga kabiguan at sa mga kabiguan ng iba na nagdulot sa atin ng pasakit. Ang Diyos ay napakabuti at makapangyarihan.”22

Pinatototohanan ko na ang pinakadakilang halimbawa ng pagmamahal at pagpapatawad ay yaong ipinakita ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na sa matinding pagdurusa ay nagsabing, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”23

Alam ko na hangad ng ating Ama sa Langit ang ikabubuti at pag-asa ng bawat isa sa Kanyang mga anak. Mababasa natin sa Jeremias, “Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti.”24

Si Jesucristo ang inyong personal na Mesiyas, ang inyong mapagmahal na Manunubos at Tagapagligtas, na nakaaalam sa mga pagsamo ng inyong puso. Hangad Niya ang inyong paggaling at kaligayahan. Mahal Niya kayo. Siya ay tumatangis kasama ninyo sa inyong mga kalungkutan at kagalakan upang pagalingin kayo. Nawa’y mahikayat tayo at tanganan ang Kanyang magiliw na kamay na nakaunat sa atin25 habang tinatahak natin ang nagpapagaling na landas ng pagpapatawad ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.