Pamana ng Panghihikayat
Hinihikayat ko kayo na patuloy na magsikap na maging karapat-dapat para makabalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako na nagkatipon tayo sa pangkalahatang kumperensyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nadama namin ang inyong pananampalataya at pagmamahal saanman kayo naroon. Pinasigla tayo ng mga inspiradong turo, malalakas na patotoo, at napakagandang musika.
Hinihikayat ko kayo na patuloy na magsikap na maging karapat-dapat para makabalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Saanman kayo naroon sa landas ng tipan, mahaharap kayo sa mahihirap na pagsubok ng buhay na ito at sa pagsalungat ni Satanas.
Ang sabi sa akin ng nanay ko nang magreklamo ako kung gaano kahirap ang isang bagay, “Siyempre, Hal, mahirap ito. Kailangan itong maging ganito. Ang buhay ay isang pagsubok.”
Mahinahon niyang nasasabi iyan, nang nakangiti pa, dahil may dalawang bagay siyang alam. Anuman ang hirap na kakaharapin, ang pinakamahalaga ay makauwi sa tahanan sa piling ng kanyang Ama sa Langit. At alam niyang magagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kanyang Tagapagligtas.
Nadama niya na malapit Siya sa kanya. Sa mga araw na alam niyang malapit na siyang mamatay, kinausap niya ako tungkol sa Tagapagligtas habang nakaratay siya sa kanyang higaan. Malapit sa kanyang higaan ay may pinto na papunta sa isa pang kuwarto. Ngumiti siya at tumingin sa pinto nang mapayapa niyang sabihin na malapit na niyang makita Siya. Naaalala ko pa na tinitingnan ko ang pinto at naiisip ang kuwarto sa likod nito.
Siya ngayon ay nasa daigdig na ng mga espiritu. Nagawa niyang ituon ang kanyang mga paningin sa gantimpalang hangad niya sa kabila ng mga taon ng pisikal at personal na pagsubok.
Ang pamana ng panghihikayat na iniwan niya para sa amin ay pinakamainam na nailarawan sa Moroni 7, kung saan hinihikayat ni Mormon ang kanyang anak na si Moroni at ang kanyang mga tao. Ito ay isang pamana ng panghihikayat sa isang inapo na tulad ng pamana ng panghihikayat ng aking ina sa kanyang pamilya. Ipinasa ni Mormon ang pamana ng panghihikayat na iyon sa lahat ng may determinasyong maging karapat-dapat, sa kabila ng lahat ng pagsubok sa kanilang buhay, para sa buhay na walang-hanggan.
Sinimulan ni Mormon ang unang mga talata ng Moroni 7 sa patotoo kay Jesucristo, sa mga anghel, at sa Espiritu ni Cristo, na nagtutulot sa atin na malaman ang mabuti sa masama at nang sa gayon ay mapili natin ang tama.
Inuna niya si Jesucristo, tulad ng lahat ng nagtatagumpay sa paghihikayat sa mga nahihirapang tumahak sa landas patungo sa kanilang tahanan sa langit:
“Sapagkat walang taong maliligtas, alinsunod sa mga salita ni Cristo, maliban kung sila ay magkakaroon ng pananampalataya sa kanyang pangalan; kaya nga, kung ang mga bagay na ito ay tumigil, kung gayon ay tumigil na rin ang pananampalataya; at kakila-kilabot ang kalagayan ng tao, sapagkat sila ay tulad din na parang walang pagtubos na ginawa.
“Ngunit masdan, mga minamahal kong kapatid, ako ay humahatol ng higit na mabubuting bagay sa inyo, sapagkat hinahatulan ko kayo na kayo ay may pananampalataya kay Cristo dahil sa inyong kababaang-loob; sapagkat kung wala kayong pananampalataya sa kanya, kung gayon, hindi kayo karapat-dapat na mabilang sa mga tao ng kanyang simbahan.”1
Nakita ni Mormon ang kababaang-loob nila bilang patunay ng lakas ng kanilang pananampalataya. Nakita niya na nakaasa sila sa Tagapagligtas. Hinikayat niya sila sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pananampalatayang iyon. Patuloy silang hinikayat ni Mormon sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makita na ang kanilang pananampalataya at kaamuan ang siyang magpapalakas ng kanilang tiwala at pananalig na sila ay magtatagumpay sa kabila ng hirap na kinakaharap nila:
“At muli, mga minamahal kong kapatid, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa pag-asa. Paanong kayo ay makaaabot sa pananampalataya, maliban kung kayo ay magkakaroon ng pag-asa?
“At ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako.
“Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa.
“At muli, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo at may mapagpakumbabang puso.”2
Pagkatapos ay hinikayat sila ni Mormon sa pamamagitan ng pagpapatotoo na paparoon na sila sa pagtanggap sa kaloob ng kanilang puso na puspos ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Pinag-ugnay-ugnay niya para sa kanila ang magagawa ng pananampalataya kay Jesucristo, kaamuan, pagpapakumbaba, ang Espiritu Santo, at ang matibay na pag-asa sa pagkakamit ng buhay na walang-hanggan. Hinihikayat niya sila sa ganitong pamamaraan:
“Sapagkat walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso; at kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala siyang pag-ibig sa kapwa-tao ay wala siyang kabuluhan; anupa’t kailangan niyang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.”3
Sa paggunita sa nakaraan, nakikita ko na ngayon kung paano ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay pinalakas, ginabayan, sinuportahan, at binago ang aking ina sa hirap na kanyang kinaharap sa kanyang daan pauwi.
“At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—
“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay.”4
Nagpapasalamat ako sa mapanghikayat na halimbawa at turo ni Mormon. Ako man ay napagpala ng pamana ng nanay ko. Ang mga propeta mula kay Adan hanggang sa kasalukuyan, sa pamamagitan ng pagtuturo at halimbawa, ay nagpalakas sa akin.
Bilang paggalang sa mga taong kilala ko nang personal at sa kanilang pamilya, pinili kong huwag alamin ang mga detalye ng kanilang mga paghihirap o banggitin sa publiko ang kanilang mga dakilang kaloob. Gayunman ang nakita ko ay naghikayat at nagpabago sa akin para sa kabutihan.
Sa layuning ingatan ang kanyang pribadong buhay, magdaragdag ako ng maikling ulat tungkol sa panghihikayat ng aking asawa. Ginagawa ko ito nang may pag-iingat. Siya ay isang pribadong tao na hindi naghahangad ni nasisiyahan sa papuri.
Kami ay 60 taon nang kasal. Dahil sa karanasang iyon, nauunawaan ko na ngayon ang kahulugan ng mga salitang ito mula sa mga banal na kasulatan: pananampalataya, pag-asa, kaamuan, pagtitiis, hindi pagpilit sa sariling kagustuhan, nagagalak sa katotohanan, hindi pag-iisip ng masama, at higit sa lahat, pag-ibig sa kapwa-tao.5 Dahil sa karanasang iyon, makapagpapatotoo ako na magagawa ng mga ordinaryong tao na isabuhay sa araw-araw ang lahat ng magagandang pamantayang iyon habang bumabangon sila sa kabila ng mga pagsubok ng buhay.
Milyun-milyon sa inyong mga nakikinig ang may kilalang ganoong mga tao. Marami sa inyo ang ganoong mga tao. Kailangan nating lahat ang ganoong nakapanghihikayat na mga halimbawa at mapagmahal na mga kaibigan.
Kapag naupo kayo sa tabi ng isang tao bilang ministering sister o brother, kinakatawan ninyo ang Panginoon. Isipin kung ano ang gagawin o sasabihin Niya. Aanyayahan Niya sila na lumapit sa Kanya. Hihikayatin Niya sila. Papansinin at pupurihin Niya ang simula ng mga pagbabagong kailangan nilang gawin. At Siya ang perpektong halimbawa na tutularan nila.
Wala pang lubusang nakagagawa niyan, ngunit sa pakikinig sa kumperensyang ito, malalaman ninyo na paparoon na kayo. Alam ng Tagapagligtas ang detalye ng paghihirap ninyo. Alam Niya ang malaking potensiyal ninyong umunlad sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao.
Ang mga kautusan at tipang ibinibigay Niya sa inyo ay hindi mga pagsubok para kontrolin kayo. Ang mga ito ay kaloob na tutulong sa inyo para matanggap ang lahat ng kaloob ng Diyos at makabalik sa inyong Ama sa Langit at sa Panginoon, na nagmamahal sa inyo.
Binayaran ni Jesucristo ang ating mga kasalanan. Maaari nating matamo ang pagpapalang iyan na buhay na walang-hanggan kung sapat ang pananampalataya natin sa Kanya para magsisi at maging tulad ng isang bata, dalisay at handang tanggapin ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos.
Dalangin ko na tanggapin ninyo ang Kanyang paanyaya at ialok ninyo ito sa iba pang mga anak ng ating Ama sa Langit.
Nananalangin ako para sa ating mga missionary na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Nawa’y mabigyang-inspirasyon sila na hikayatin ang bawat tao na naisin at maniwala na mula kay Jesucristo ang paanyaya na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod na tinaglay sa kanilang sarili ang Kanyang pangalan.
Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at pinamumunuan ang Kanyang Simbahan. Ako ay Kanyang saksi. Si Pangulong Russell M. Nelson ang buhay na propeta ng Diyos para sa buong mundo. Alam kong iyan ay totoo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.