Pangkalahatang Kumperensya
Sumunod kay Jesucristo nang May mga Yapak ng Pananampalataya
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


13:21

Sumunod kay Jesucristo nang May mga Yapak ng Pananampalataya

Matutulungan tayo ni Cristo ngayon sa mahihirap na panahon. Ginawa Niya ito sa mga naunang pioneer, at ginagawa Niya ito ngayon sa bawat isa sa atin.

Salamat, choir, sa pag-awit ng “Faith in Every Footstep.” Ang musika at mga titik ng awiting iyan ay isinulat ni Brother Newell Dayley noong 19961 bilang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng pagdating ng mga naunang pioneer sa Salt Lake Valley noong 1847.

Bagama’t ang awiting ito ay isinulat bilang paghahanda sa pagdiriwang na iyon, ang mensahe nito ay angkop sa buong mundo.

Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang koro nito:

May pananalig, ating sinusunod si Cristo;

Puno ng pag-asa sa kanyang dalisay na pag-ibig, tayo’y nagsisiawit.2

Mga kapatid, pinatototohanan ko na kapag sumusunod tayo kay Jesucristo nang may mga yapak ng pananampalataya, may pag-asa. May pag-asa sa Panginoong Jesucristo. May pag-asa para sa lahat sa buhay na ito. May pag-asa na madaig ang ating mga pagkakamali, ang ating mga kalungkutan, ang ating mga paghihirap, at ang ating mga pagsubok at mga problema. May pag-asa sa pagsisisi at na mapatawad at magpatawad sa iba. Pinatototohanan ko na may pag-asa at kapayapaan kay Cristo. Matutulungan Niya tayo ngayon sa mahihirap na panahon. Ginawa Niya ito sa mga naunang pioneer, at gagawin Niya ito ngayon sa bawat isa sa atin.

Ang taong ito ang ika-175 anibersaryo ng pagdating ng mga naunang pioneer sa Salt Lake Valley, na nagpaalala sa akin ng mga ninuno ko, na ang ilan sa kanila ay naglakad mula sa Nauvoo patungong Salt Lake Valley. May mga lolo’t lola ako sa-tuhod na naglakad sa kapatagan noong kabataan nila. Si Henry Ballard ay 20 taong gulang;3 si Margaret McNeil ay 13;4 at si Joseph F. Smith, na kalaunan ay naging ikaanim na Pangulo ng Simbahan, ay 9 na taong gulang lamang nang dumating siya sa Salt Lake Valley.5

Naranasan nila ang lahat ng uri ng hirap sa paglalakbay, tulad ng malamig na klima, karamdaman, at kawalan ng sapat na pagkain at damit. Halimbawa, nang makapasok na si Henry Ballard sa Salt Lake Valley, nagalak siya nang makita niya ang “Lupang Pangako” ngunit nag-alala na baka may makakita sa kanya dahil gula-gulanit na ang kanyang damit kaya hindi na nito lubos na natatakpan ang kanyang katawan. Nagtago siya sa mga palumpong nang buong araw hanggang gumabi. Pagkatapos ay nagpunta siya sa isang bahay at humingi ng maisusuot upang maipagpatuloy niya ang kanyang paglalakbay at mahanap ang kanyang mga magulang. Nagpasalamat siya sa Diyos na nakarating siya nang ligtas sa kanyang magiging tahanan.6

Ang aking mga lolo’t lola-sa-tuhod ay sumunod kay Jesucristo nang may mga yapak ng pananampalataya sa bawat pagsubok na naranasan nila. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil hindi sila sumuko. Ang kanilang mga yapak ng pananampalataya ay nagpala sa akin at sa mga sumunod na henerasyon, tulad ng inyong mga yapak ng pananampalataya ngayon na magpapala sa inyong mga inapo.

Ang salitang pioneer ay kapwa isang pangngalan at isang pandiwa. Bilang pangngalan, maaaring ito ay isang taong kabilang sa mga unang gumalugad o nanirahan sa isang bagong teritoryo. Bilang pandiwa, maaaring ang ibig sabihin nito ito ay magbukas o maghanda ng daang susundan ng iba.7

Kapag naiisip ko ang mga pioneer na naghanda ng daan para sa iba, una kong naiisip si Propetang Joseph Smith. Si Joseph ay isang pioneer dahil ang kanyang mga yapak ng pananampalataya ang umakay sa kanya patungo sa isang kakahuyan, kung saan siya lumuhod at nanalangin at nagbukas ng daan para mapasaatin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pananampalataya ni Joseph na “humingi sa Diyos”8 sa umagang iyon ng tagsibol noong 1820 ay nagbukas ng daan para sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo na kinabilangan ng mga propeta at apostol na tinawag na muling maglingkod sa lupa.9 Alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Alam ko na ang kanyang mga yapak na puno ng pananampalataya ay nag-akay sa kanya na lumuhod sa harap ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na anak na si Jesucristo.

Ang mga yapak ng pananampalataya ni Propetang Joseph ang dahilan para maging kasangkapan siya ng Panginoon sa paglabas ng Aklat ni Mormon, na isa pang tipan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang biyaya.

Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ni Joseph Smith sa harap ng matinding hirap at oposisyon, naging kasangkapan siya sa mga kamay ng Panginoon sa muling pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa.

Noong nakaraang pangkalahatang kumperensya, sinabi ko kung paano ako pinagpala ng paglilingkod ko bilang full-time missionary. Pinagpala ako nang ituro ko ang maluwalhating plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit, ang Unang Pangitain ni Joseph Smith, at ang pagsasalin niya ng Aklat ni Mormon. Ang ipinanumbalik na mga turo at doktrinang ito ay gumabay sa aking mga yapak ng pananampalataya sa pagtuturo sa mga taong handang makinig sa mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Ang ating mga missionary ngayon ay mga makabagong pioneer dahil ibinabahagi nila ang maluwalhating mensaheng ito sa mga tao sa buong mundo, na nagbubukas ng daan para ang mga anak ng ating Ama sa Langit ay makilala Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbubukas ng daan para lahat ay makapaghanda at matanggap ang mga ordenansa at pagpapala ng Simbahan at ng templo.

Noong nakaraang pangkalahatang kumperensya, muling pinagtibay ni Pangulong Russell M. Nelson “na hinihiling ng Panginoon sa bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda para sa misyon at maglingkod sa misyon” at na “ang misyon ay isa ring maganda, ngunit opsyonal, na oportunidad” para sa “bata pa at may kakayahang mga sister.”10

Mahal kong mga kabataang lalaki at babae, tutulungan kayo ng inyong mga yapak ng pananampalataya na sundin ang paanyaya ng Panginoon na maglingkod sa misyon—maging mga makabagong pioneer—sa pagbubukas ng daan para mahanap ng mga anak ng Diyos ang landas ng tipan at manatili roon pabalik sa Kanyang maluwalhating presensya.

Si Pangulong Nelson ay isang pioneer ng Simbahan. Bilang Apostol, siya ay naglakbay at nagbukas ng maraming bansa para sa pangangaral ng ebanghelyo. Hindi pa natatagalan matapos siyang maging propeta at Pangulo ng Simbahan, pinakiusapan niya tayong “dagdagan ang [ating] espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”11 Patuloy niyang itinuturo sa atin na palakasin ang ating mga patotoo. Sa debosyonal para sa mga young adult, sinabi niya:

“Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. …

[Pagkatapos ay] hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.”12

Tinuturuan niya tayo kung paano maging mas self-reliant sa espirituwal. Sinabi niya na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”13

Pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos sa lupa ngayon.

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinakadakilang pioneer sa paghahanda ng daan. Tunay ngang Siya “ang daan”14 para maisakatuparan ang plano ng kaligtasan upang tayo ay makapagsisi at, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, ay makabalik sa ating Ama sa Langit.

Sinabi ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”15 Nangako Siya na hindi Niya tayo iiwang nag-iisa; Siya ay darating sa panahong nahihirapan tayo.16 Inanyayahan Niya tayo na “[lumapit] sa [Kanya] nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin [Niya tayo].”17

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ang ating Tagapamagitan sa Ama. Binuksan ng ating Ama sa Langit ang daan para makabalik tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, nang may pananampalataya sa bawat hakbang.

Ang aking mga lolo’t lola-sa-tuhod at iba pang mga naunang pioneer ay nakaranas ng maraming balakid nang sila ay maglakbay sa pamamagitan ng mga bagon, kariton, at paglalakad patungo sa Salt Lake Valley. Tayo rin ay mahaharap sa mga hamon sa ating paglalakbay sa buhay na ito. Hindi tayo nagtutulak ng mga kariton o nagpapatakbo ng mga bagon sa matatarik na kabundukan at malalalim na niyebe; sinisikap natin tulad nila na madaig ang mga tukso at hamon sa ating panahon. May mga landas tayong tatahakin; may mga burol—at kung minsan ay mga bundok—na aakyatin. Bagama’t ang mga pagsubok ngayon ay naiiba kaysa sa mga naunang pioneer, mahirap pa rin ang mga iyon para sa atin.

Mahalagang sundin ang propeta at panatilihing matatag ang ating mga paa sa landas ng tipan ng katapatan, tulad ng mga naunang pioneer.

Sumunod tayo kay Jesucristo nang may pananampalataya sa bawat hakbang. Kailangan nating paglingkuran ang Panginoon at ang isa’t isa. Kailangan nating espirituwal na palakasin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagtupad at paggalang sa ating mga tipan. Dapat ay palagi nating madama na kinakailangan nating sundin ang mga kautusan. Tinatangka ni Satanas na parupukin ang ating katapatan at pagmamahal sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo. Tandaan lamang na kung may sinumang maligaw ng landas, hindi tayo kailanman mawawala sa ating Tagapagligtas. Sa pagpapala ng pagsisisi, makakabaling tayo sa Kanya. Tutulungan Niya tayong matuto, lumago, at magbago habang nagsisikap tayong manatili sa landas ng tipan.

Nawa’y palagi nating sundan ang mga yapak ni Jesucristo at, nang may pananampalataya sa bawat hakbang, magtuon tayo sa Kanya, na ang mga paa ay matatag sa landas ng tipan, ang aking mapagkumbabang dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.