Mga Huwaran ng Pagkadisipulo
Ang pag-aaral tungkol kay Cristo at sa Kanyang mga paraan ay nag-aakay sa atin na kilalanin at mahalin Siya.
Huwaran ng Pananampalataya
Ngayong umaga nakita ng aming dalawang anak at tatlong apo sa North America at halos kalahati ng mundo ang pagsikat ng araw nang buong karingalan sa silangan. Nakita ng tatlo pa naming anak at pitong apo sa Africa at sa natitira pang kalahati ng mundo ang kadiliman na unti-unting gumagapang sa kanila habang lumulubog ang araw na abot-tanaw sa kanluran.
Ang hindi nagbabagong pagsisimula ng araw at gabi ay isa sa mga pang-araw-araw na paalala ng mga katotohanang kumokontrol sa ating buhay na hindi natin mababago. Kapag iginagalang at inaayon natin ang ating ginagawa sa mga walang-hanggang katotohanang ito, napapayapa ang ating kalooban at nagkakaisa tayo. Kapag hindi, hindi tayo napapanatag, at hindi umaayon ang lahat sa inaasahan natin.
Ang araw at gabi ay isang halimbawa ng mga huwarang ibinigay ng Diyos sa lahat ng nabuhay sa lupa, ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito. Isa itong di-magbabagong katotohanan sa buhay na hindi natin maaaring baguhin ayon sa kagustuhan natin at matakasan. Naaalala ko ito tuwing sumasakay ako ng eroplano mula Africa para dumalo sa pangkalahatang kumperensya, nire-reset ko ang body clock ko pabalik nang 10 oras sa isang araw.
Kung papansinin natin, makikita natin na nabigyan tayo ng Ama sa Langit ng sapat na mga saksi sa katotohanan para pamahalaan ang ating buhay para makilala natin Siya at mapagpala tayo ng kapayapaan at kagalakan.
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, pinagtibay ng Espiritu ng Panginoon, “At muli, ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang; sapagkat si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot [na] nililinlang ang mga bansa.”1
Nalinlang niyon si Korihor, na hindi naniwalang may Diyos at na paparito ni Cristo. Sa kanya ay nagpatotoo si propetang Alma, “Lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.”2
Nang igiit ni Korihor na bigyan siya ng tanda bago siya maniwala, ginawa siyang pipi ni Alma. Napakumbaba ng kanyang paghihirap, inamin ni Korihor na nalinlang siya ng diyablo.
Hindi tayo kailangang malinlang. Ang himala ng matalinong buhay ay palaging nasa ating harapan. At ang isang maikling sulyap at pagninilay sa mga himala ng langit na nakaayos sa di-mabilang na mga bituin at galaxy ay naghihikayat sa kaluluwa ng pusong naniniwala na magpahayag na, “Diyos ko, kaydakila Mo!”3
Oo, ang ating Diyos Ama sa Langit ay buhay, at palagi Niyang ipinapakita ang Kanyang sarili sa atin sa napakaraming paraan.
Huwaran ng Pagpapakumbaba
Ngunit para magpasalamat, maniwala, at patuloy na maging tapat sa Diyos, kailangang maging bukas ang ating puso sa Espiritu ng katotohanan. Itinuro ni Alma na nauuna ang pagpapakumbaba sa pananampalataya.4 Idinagdag pa ni Mormon na imposible para sa sinumang hindi “maamo at may mapagpakumbabang puso” na magkaroon ng pananampalataya at pag-asa at matanggap ang Espiritu ng Diyos.5 Ipinahayag ni Haring Benjamin na sinumang inuuna ang kaluwalhatian ng mundo ay “isang kaaway ng Diyos.”6
Sa pagpapabinyag para matupad ang lahat ng katuwiran, kahit na Siya ay matwid at banal, ipinakita ni Jesucristo na ang pagpapakumbaba sa harap ng Diyos ay isang mahalagang katangian ng Kanyang mga disipulo.7
Lahat ng bagong disipulo ay kailangang magpakumbaba sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag. Kung gayon, “lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagnanais na magpabinyag, at huma[ha]rap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu … ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan.”8
Ang pagpapakumbaba ay naghihikayat sa puso ng disipulo na magsisi at sumunod. Sa gayo’y naihahatid ng Espiritu ng Diyos ang katotohanan sa pusong iyon, at makakapasok ito.9
Ang kawalan ng pagpapakumbaba ang pinakamalaking dahilan sa katuparan ng propesiya ni Apostol Pablo sa mga huling araw na ito:
“Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapanlait, suwail sa mga magulang, mga walang utang na loob, walang kabanalan,
“Walang katutubong pag-ibig, mga walang habag, mga mapanirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mababangis, mga hindi maibigin sa mabuti.”10
Ang paanyaya ng Tagapagligtas na matuto tungkol sa Kanya ay isang paanyayang tumalikod sa mga tukso ng kamunduhan at maging katulad Niya—maamo at may mapagpakumbabang puso, mababang-loob. Sa gayo’y magagawa nating pasanin ang Kanyang pamatok at matutuklasan na magaan iyon—na ang pagkadisipulo ay hindi isang pasanin kundi isang kagalakan, tulad ng napakahusay at paulit-ulit na itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson.
Huwaran ng Pagmamahal
Ang pag-aaral tungkol kay Cristo at sa Kanyang mga paraan ay umaakay sa ating kilalanin at mahalin Siya.
Ipinakita Niya ang halimbawa na sa pagpapakumbaba, talagang posibleng kilalanin at mahalin ang Diyos Ama nang ating buong pagkatao at mahalin ang iba tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili, nang walang pagpipigil. Ang Kanyang ministeryo sa lupa, kung kailan inialay Niya kapwa ang Kanyang kalooban at Kanyang katawan sa altar, ay isang huwaran para sa pagsasabuhay ng mga alituntuning ito kung saan nakasalig ang Kanyang ebanghelyo. Ang mga alituntuning ito ay kapwa mga ideyang nagtutuon sa atin sa iba at sa pakikitungo natin sa iba, hindi tungkol sa paghahanap ng personal na kasiyahan o kaluwalhatian.
Ang mahimalang kabalintunaan nito ay na kapag itinuon natin ang buong pagsisikap natin sa pagmamahal sa Diyos at sa iba, matutuklasan natin ang ating sariling tunay na banal na kahalagahan bilang mga anak ng Diyos, na may ganap na kapayapaan at kagalakang hatid ng karanasang ito.
Nagiging kaisa tayo ng Diyos at ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod. Sa gayo’y matatanggap natin ang pagsaksi ng Espiritu Santo sa dalisay na pagmamahal na iyon, ang bungang sinasabi ni Lehi na “ napakatamis …, higit pa sa lahat ng natikman [niya] na.”11
Ang putong na natanggap ni Cristo sa pagbibigay at paggawa ng lahat ng kaya Niya para ipakita ang huwaran ng pagmamahal sa Ama at pagmamahal sa atin ay ang matanggap ang lahat ng kapangyarihan, maging ang lahat ng taglay ng Ama, na kadakilaan.12
Ang pagkakataon nating pagyamanin sa ating kaluluwa ang walang-hanggang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa ay nagsisimula sa tahanan sa mga banal na kagawiang makipag-ugnayan sa Ama araw-araw sa personal na panalangin at panalangin ng pamilya sa pangalan ng Kanyang Bugtong na Anak, sa sama-samang pag-aaral tungkol sa Kanila sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng banal na kasulatan, sa sama-samang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, at sa pagkakaroon ng sariling current temple recommend, sa sama-samang paggamit dito nang madalas hangga’t kaya natin.
Habang lumalago ang bawat isa sa atin sa kaalaman at pagmamahal natin sa Ama at sa Anak, lumalago ang ating pagpapahalaga at pagmamahal sa isa’t isa. Ang ating kakayahang magmahal at maglingkod sa iba sa labas ng ating tahanan ay lubos na nadaragdagan.
Ang ginagawa natin sa bahay ang tunay na matinding pagsubok sa nagtatagal at masayang pagkadisipulo. Ang pinakamatatamis na pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo na natamasa namin ng aking asawang si Gladys sa aming sambahayan ay nagmula sa pag-aaral upang makilala at igalang ang Diyos sa tahanan at ibahagi ang Kanyang pagmamahal sa aming mga inapo.
Huwaran ng Paglilingkod
Ang pagmamahal sa Diyos at paglilingkod sa isa’t isa na pinagyaman sa tahanan at paglilingkod sa iba sa labas ng tahanan sa paglipas ng panahon ay nagiging katangian ng pag-ibig sa kapwa.
Sumasalamin ito sa huwaran ng banal na paglilingkod sa kaharian ng Diyos na ipinakita sa atin ng mga buhay na propeta at apostol ng Panginoon. Nagiging kaisa nila tayo.
Sa gayo’y magagawa natin, sa pamamagitan nila, na tumingin sa Panginoon “sa bawat pag-iisip,” upang tayo ay “huwag mag-alinlangan” at “huwag matakot.”13
Gaya ng mga buhay na propeta at apostol ng Panginoon, maaari tayong humayo na may “sisidlan … [na puno] ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, [na puspos] ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay; … [at ang ating] pagtitiwala ay [lumalakas] sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay [nagpapadalisay] sa [ating] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.”
Kasama ang mga buhay na propeta at apostol ng Panginoon, tayo rin ay maaaring makibahagi sa isang banal na kapisanan ng pananampalatayang pinalakas ng banal na paglilingkod kung saan “ang Espiritu Santo ang [ating] magiging kasama sa tuwina, at ang [ating] setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang [ating] pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay [dumadaloy] sa [atin] magpakailanman at walang katapusan.”14 Sapagkat ito ang pangako ng plano ng Ama. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.