Siya’y Sisikat na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Pakpak:
Maaari Tayong Maging Higit pa sa mga Nagtatagumpay
Nadaig ni Jesus ang mga pang-aabuso ng mundong ito upang bigyan kayo ng lakas hindi lamang para makaligtas kundi balang araw, sa pamamagitan Niya, kayo ay mananaig at magtatagumpay.
Marin, ako si Elder Holland, at mas maiinip ka sa maririnig mo.
Tayo ay Higit pa sa mga Nagtatagumpay
Tayong lahat ay interesado sa mga kuwento tungkol sa mga taong nakaligtas. Nakakarinig tayo ng mga kuwento ng matatapang na manlalakbay at maging ng mga ordinaryong tao na nanatiling buhay kahit imposible at wala nang pag-asa, at hindi natin mapigilang itanong sa ating sarili, “Kaya ko kayang gawin iyon?”
Naisip ko kaagad ang British explorer na si Ernest Shackleton at ang mga tripulante ng kanyang barkong HMS Endurance, na nawasak sa yelo ng Antarctic at pagkatapos ay napadpad sa isang tigang na pulo nang halos dalawang taon. Ang kakaibang pamumuno at matibay na determinasyon ni Shackleton ang nagligtas sa buhay ng kanyang mga tauhan, sa kabila ng napakahirap na kalagayan.
Pagkatapos ay naisip ko ang mga tauhan ng Apollo 13 na mabilis na pumailanglang sa kalawakan para lumapag sa buwan! Ngunit nagkaroon ng sakuna nang sumabog ang oxygen tank, at kinailangang hindi ituloy ang misyon. Dahil kinulang sa oxygen, matalinong gumawa ng paraan ang mga tauhan at ang mission control at ligtas na ibinalik sa mundo ang lahat ng tatlong astronaut.
Humanga ako sa kagila-gilalas na pagkaligtas ng mga indibiduwal at pamilya na biktima ng digmaan, nakakulong sa mga kampo, at ng mga yaong naging refugee na buong giting at tapang na pinananatiling buhay ang apoy ng pag-asa para sa mga kapwa-nagdurusa, na nagbabahagi ng kabutihan sa harap ng kalupitan, at kahit paano’y natutulungan ang iba na magtiis ng kahit isa pang araw.
Kaya ba nating makaligtas sa alinman sa matitinding sitwasyong ito?
Gayunman, iniisip siguro ng ilan sa inyo ang mga kuwento ng mga nakaligtas, at natatanto ninyo sa puso ninyo na kayo ay may kuwento sa sandaling ito tungkol sa pagkaligtas ninyo bilang biktima ng pang-aabuso, kapabayaan, pambu-bully, karahasan sa tahanan, o anumang pagdurusang katulad nito. Naranasan ninyo na nagsisikap kayong makaligtas sa isang sitwasyon na tila ba halos natutulad sa matinding pagkawasak ng barko o isang magandang misyon na biglang hindi natuloy. Masasagip kaya kayo; makakaligtas ba kayo?
Ang sagot ay oo. Makakaligtas kayo. Sa katunayan, nasagip na kayo; nailigtas na kayo—ng isang Nilalang na nagdanas ng lahat ng pagdurusang dinaranas ninyo at nagtiis ng lahat ng paghihirap na tinitiis ninyo.1 Nadaig ni Jesus ang mga pang-aabuso ng mundong ito2 upang bigyan kayo ng lakas hindi lamang para makaligtas kundi balang araw, sa pamamagitan Niya, kayo ay mananaig at magtatagumpay—lubos na madaraig ang pasakit, lungkot, paghihirap, at makitang mapalitan ang mga ito ng kapayapaan.
Itinanong ni Apostol Pablo:
“Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? …
“[Hindi,] sa lahat ng mga bagay na ito, tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.”3
Ang mga Pangako sa Pinagtipanang Israel
Maaalala ninyo nang ipaabot ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na paanyaya: Sabi niya: “Habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan … , hinihikayat ko kayong gumawa ng listahan ng lahat ng ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa pinagtipanang Israel. Sa palagay ko ay magugulat kayo!”4
Narito ang ilan sa magaganda at nakapapanatag na mga pangako na natagpuan ng aming pamilya. Isipin kunwari na sinasabi ng Panginoon ang mga salitang ito sa inyo—sa inyo na nakaligtas—dahil ang mga ito ay para sa inyo:
Huwag matakot.5
Alam ko ang inyong mga pagdurusa, at naparito ako upang iligtas kayo.6
Hindi ko kayo iiwan.7
Sumasainyo ang aking pangalan, at pangangalagaan kayo ng aking mga anghel.8
Gagawa ako ng mga kababalaghan sa inyo.9
Lumakad kasama ko; matuto kayo sa akin; bibigyan ko kayo ng kapahingahan.10
Ako ay nasa gitna ninyo.11
Kayo ay akin.12
Para sa mga Nakaligtas
Naiisip ang mga katiyakang iyon, nais kong magsalita nang tuwiran sa mga nakadarama na tila hindi na sila makatatakas sa kanilang kasalukuyang sitwasyon dahil sa trauma na idinulot ng kalupitan ng iba. Kung ito ang inyong kuwento, namimighati kaming kasama ninyo. Nais namin na madaig ninyo ang kalituhan, kahihiyan, at takot, at inaasam namin, sa pamamagitan ni Jesucristo, na kayo ay magtagumpay.
Mula sa Pagiging Biktima tungo sa Pagkaligtas tungo sa Pagtatagumpay
Kung nakaranas na kayo ng anumang uri ng pang-aabuso, karahasan, o pang-aapi, maaaring maisip ninyo na kayo ang may kasalanan at dapat mahiya at makonsiyensya. Maaaring maisip ninyo ang ganito:
-
Napigilan ko sana ito.
-
Hindi na ako mahal ng Diyos.
-
Wala nang magmamahal sa akin kailanman.
-
Wala na akong pag-asa pa.
-
Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay angkop sa iba pero hindi sa akin.
Ang mga maling kaisipan at damdaming ito ay maaaring naging balakid sa paghingi ng tulong sa pamilya, mga kaibigan, mga lider, o mga propesyonal, kaya mag-isa kayong nahihirapan. Kung nakahingi kayo ng tulong sa mga taong pinagkakatiwalaan ninyo, maaaring makadama pa rin kayo ng hiya at pagkasuklaman sa sarili. Ang epekto ng mga pangyayaring ito ay maaaring manatili nang maraming taon. Inaasam ninyo na gaganda ang pakiramdam ninyo balang-araw, ngunit hindi pa rin dumarating ang araw na iyan.
Ang pang-aabuso ay hindi ninyo kasalanan kahit kailan, anuman ang sabihin ng nang-abuso o ng sinuman na kabaligtaran nito. Kapag kayo ay naging biktima ng kalupitan, incest, o anumang iba pang kabuktutan, hindi kayo ang kailangang magsisi; hindi kayo ang responsable.
Hindi nababawasan ang inyong pagiging karapat-dapat o kahalagahan o ang pagmamahal sa inyo bilang isang tao, o bilang anak ng Diyos, dahil sa ginawa ng isang tao sa inyo.
Hindi kayo itinuturing ng Diyos ngayon, ni kailanman, bilang isang taong kasusuklaman. Anuman ang nangyari sa inyo, hindi Niya kayo ikinahihiya o hindi Siya nadidismaya sa inyo. Mahal Niya kayo sa paraang hindi pa ninyo natutuklasan. At matutuklasan ninyo ito kapag nagtiwala kayo sa Kanyang mga pangako at natuto kayong maniwala sa Kanya kapag sinabi Niyang kayo ay “mahalaga sa [Kanyang] paningin.”13
Hindi ang masasamang bagay na ginawa sa inyo ang magtatakda ng kahalagahan ninyo. Kayo, sa maluwalhating katotohanan, ay kinikilala sa inyong walang hanggang identidad bilang anak ng Diyos at ng sakdal at walang hanggang pagmamahal at paanyaya ng inyong Lumikha tungo sa ganap at lubos na paggaling.
Bagama’t tila imposible, at sa pakiramdam ninyo ay imposible, ang paggaling ay maaaring dumating sa pamamagitan ng himala ng nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nagbangon na “may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak.”14
Ang ating maawaing Tagapagligtas, na nagtagumpay laban sa kadiliman at kasamaan, ay may kapangyarihang itama ang lahat ng mali, isang katotohanang nagbibigay-buhay sa mga taong sinaktan ng iba.15
Dapat ninyong malaman na nagpakababa-baba ang Tagapagligtas sa lahat ng bagay, maging sa nangyari sa inyo. Dahil diyan, alam Niya kung ano ang pakiramdam ng tunay na matakot at mapahiya at kung ano ang pakiramdam ng mapabayaan at mawalan ng pag-asa.16 Mula sa katindihan ng Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng pag-asang inakala ninyong nawala na magpakailanman, ng lakas na inakala ninyong hindi ninyo tataglayin kailanman, at pagpapagaling na hindi ninyo akalaing posible.
Ang Mapang-abusong Pag-uugali ay Tahasang Kinokondena ng Panginoon at ng Kanyang mga Propeta
Walang puwang para sa anumang uri ng pang-aabuso—pisikal, seksuwal, emosyonal, o verbal—sa anumang tahanan, anumang bansa, o anumang kultura. Hindi “makatwirang” bugbugin ang asawang lalaki o babae at anak kahit ano pa ang sinabi o ginawa nila. Walang sinuman, sa anumang bansa o kultura, ang “humihiling” kailanman ng kalupitan o karahasan mula sa isang taong may awtoridad o isang taong mas malaki at mas malakas.
Ang mga nang-aabuso at naghahangad na itago ang kanilang mabibigat na kasalanan ay maaaring pansamatalang makatakas sa parusa. Ngunit alam ng Panginoon, na nakakakita sa lahat, ang mga gawa at iniisip at hangarin ng puso.17 Siya ay Diyos na makatarungan, at makatarungang parusa ang ipapataw Niya.18
Kamangha-mangha na ang Panginoon ay isa ring Diyos na maawain sa mga tunay na nagsisisi. Ang mga nang-aabuso—pati na ang mga taong minsan ay inabuso ang kanilang sarili—na nagtapat, tumalikod sa kanilang kasalanan, at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para magbayad at magsauli, ay mapapatawad sa pamamagitan ng himala ng Pagbabayad-sala ni Cristo.
Para sa mga naparatangan nang mali, nakaranas sila ng napakatinding pagdurusa at pasakit. Ngunit sila rin ay napagpala sa pamamagitan ng pagdurusa ng Tagapagligtas para sa kanila at ng kaalaman na mananaig sa huli ang katotohanan.
Ngunit ang mga nang-aabusong hindi nagsisisi ay tatayo sa harap ng Panginoon upang managot sa kanilang masasamang ginawa.
Napakalinaw na kinundena mismo ng Panginoon ang anumang uri ng pang-aabuso: “Ngunit sinumang [mananakit] sa isa sa maliliit na ito … , ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya’y malunod sa kalaliman ng dagat.”19
Katapusan
Mahal kong mga kaibigan na malubhang nasaktan—at gayundin, ang sinumang nakaranas ng kawalang-katarungan sa buhay—maaari kayong magkaroon ng panibagong simula. Sa Getsemani at sa Kalbaryo, “inako [ni Jesus] ang … lahat ng sakit at pagdurusang naranasan [na] natin,”20 at nadaig Niya ang lahat ng iyon! Nais ng Tagapagligtas na pagalingin kayo. Nang may katatagan, tiyaga, at tapat na pagtuon sa Kanya, hindi magtatagal ay lubos ninyong matatanggap ang paggaling na ito. Maaari na ninyong pawalan ang pasakit na nadarama ninyo at ipaubaya ito sa Kanya.
Ipinahayag ng inyong mabait na Tagapagligtas, “Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako’y pumarito upang [kayo’y] magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan.”21 Kayo ay nakaligtas, kayo ay mapapagaling, at maaari kayong magtiwala na sa kapangyarihan at biyaya ni Jesucristo, kayo ay mananaig at magtatagumpay.
Si Jesus ay dalubhasa sa mga bagay na tila imposible. Naparito Siya para gawing posible ang imposible, tubusin ang hindi matutubos, pagalingin ang hindi mapapagaling, itama ang hindi maitatama, ipangako ang hindi maipapangako.22 At talagang mahusay Siya roon. Sa katunayan, perpekto Siya roon. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Manggagamot, amen.
Para sa iba pang impormasyon at mga pinagkunan, tingnan sa “Abuse” sa Life Help section sa ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app.