Pagsunod kay Jesus: Pagiging Isang Tagapamayapa
Ang mga tagapamayapa ay hindi nagsasawalang-kibo; sila ay mapanghikayat sa paraan ng Tagapagligtas.
Mahal kong mga kapatid, habang nararanasan natin ang malulungkot na araw ng kaguluhan, pagtatalo, at, para sa marami, matinding pagdurusa, puspos ng pasasalamat ang ating puso sa ating Tagapagligtas at sa walang-hanggang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Mahal natin Siya at nagtitiwala tayo sa Kanya, at dalangin namin na susundin natin Siya magpakailanman.
Ang Hamon ng Social Media
Ang matinding epekto ng internet ay isang pagpapala at isang hamon, na natatangi sa ating panahon.
Sa daigdig ng social media at iba’t ibang media platform, mas mabilis na naipararating ng isang tao ang kanyang tinig sa marami. Ang tinig na iyan, tama man o mali, patas man o nakapipinsala, mabait man o malupit, ay mabilis na kumakalat sa buong mundo.
Ang mga social media post tungkol sa pagkamaalalahanin at kabutihan ay kadalasang hindi pinapansin, samantalang ang mga salitang puno ng panlalait at galit ay madalas nating naririnig, sa pilosopiyang pampulitika man, sa mga taong nagbabalita, o sa mga opinyon tungkol sa pandemya. Walang sinuman o anumang paksa, kabilang na ang Tagapagligtas at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, na hindi tinatablan nitong magkakasalungat na ideya na nagsasanhi ng pagkakawatak-watak ng mga tao.
Pagiging Isang Tagapamayapa
Ang Sermon sa Bundok ay isang mensahe para sa lahat ngunit ibinigay lalo na sa mga disipulo ng Tagapagligtas, na pinili nang sumunod sa Kanya.
Itinuro ng Tagapagligtas kung paano mamuhay, noon at ngayon, sa isang mundong puno ng pagtatalo. “Mapapalad ang mga mapagpayapa,” pahayag Niya, “sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.”1
Sa kalasag ng ating pananampalataya kay Jesucristo, nagiging mga tagapamayapa tayo, na pinapawi—ibig sabihin ay pinakakalma, pinalalamig, o inaapula—ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng kaaway.2
Kapag ginawa natin ang ating bahagi, ang pangako Niya’y tatawagin tayong “mga anak ng Diyos.” Bawat tao sa mundo ay “supling”3 ng Diyos, ngunit ang matawag na “mga anak ng Diyos” ay mas lalong makahulugan. Kapag lumalapit tayo kay Jesucristo at nakikipagtipan sa Kanya, tayo ay nagiging “kanyang binhi” at “mga tagapagmana ng kaharian,”4 “mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae.”5
Paano pinakakalma at pinalalamig ng isang tagapamayapa ang nag-aapoy na mga sibat? Tiyak na hindi sa pagsasawalang-kibo sa harap ng mga humahamak sa atin. Sa halip, nananatili tayong tiwala sa ating pananampalataya, na ibinabahagi ang ating mga paniniwala nang may pananalig ngunit laging walang galit o masamang hangarin.6
Kamakailan, matapos ang isang pahayag na bumabatikos sa Simbahan, tumugon si Reverend Amos C. Brown, isang national civil rights leader at pastor ng Third Baptist Church sa San Francisco:
“Iginagalang ko ang karanasan at pananaw ng taong sumulat ng mga salitang iyon. Hindi ko man nakikita ang nakikita niya.”
“Itinuturing kong isa sa pinakamasasayang nangyari sa buhay ko ang makilala ang mga pinunong ito [ng Simbahan], kabilang na si Pangulong Russell M. Nelson. Sila, sa palagay ko, ang kumakatawan sa pinakamahusay na pamumunong mayroon tayo sa ating bansa.”
Dagdag pa niya: “Maaari tayong magreklamo tungkol sa mga bagay-bagay. Maaari tayong tumangging kilalanin ang lahat ng mabubuting nangyayari ngayon. … Ngunit ang mga pamamaraang ito ay hindi mapaghihilom ang pagkakawatak-watak sa ating bansa. … Tulad ng itinuro ni Jesus, hindi natin maaalis ang kasamaan sa pamamagitan ng higit pang kasamaan. Lubos tayong nagmamahal at namumuhay nang may awa, maging sa itinuturing nating mga kaaway.”7
Si Reverend Brown ay isang tagapamayapa. Napalamig niya nang mahinahon at may paggalang ang nag-aapoy na mga sibat. Ang mga tagapamayapa ay hindi nagsasawalang-kibo; sila ay mapanghikayat sa paraan ng Tagapagligtas.8
Ano ang nagbibigay sa atin ng lakas upang mapalamig, mapakalma, at maapula ang nag-aapoy na mga sibat na nakatuon sa mga katotohanang mahalaga sa atin? Ang lakas ay nagmumula sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga salita.
“Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, … at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.
“… Sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.”9
Ang Kahalagahan ng Kalayaang Pumili
Dalawang mahahalagang alituntunin ang gumagabay sa ating hangaring maging mga tagapamayapa.
Una, binigyan ng ating Ama sa Langit ang bawat tao ng kanyang kalayaang moral, na may kakayahang pumili ng sarili niyang landas.10 Ang kalayaang ito ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos.
Pangalawa, kasama sa kalayaang ito, tinulutan ng ating Ama sa Langit na magkaroon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay.”11 “Matitikman [natin] ang pait, upang matutuhan [nating] pahalagahan ang mabuti.”12 Hindi na tayo dapat magulat kung may pagsalungat. Natututuhan nating makilala ang mabuti sa masama.
Nagagalak tayo sa pagpapala ng kalayaang pumili, na nauunawaan na marami ang hindi naniniwala sa ating pinaniniwalaan. Sa katunayan, iilan lamang sa mga huling araw ang pipili na gawing sentro ng kanilang pananampalataya si Jesucristo sa lahat ng kanilang iniisip at ginagawa.13
Dahil sa mga social media platform, ang isang tinig ng kawalang-paniniwala ay maaaring magmukhang maraming negatibong tinig,14 ngunit kahit marami ang mga tinig na iyon, pinipili natin ang landas ng mga tagapamayapa.
Ang mga Pinuno ng Panginoon
Ang tingin ng ilan sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol ay may mga makamundong motibo, tulad ng mga lider sa pulitika, negosyo, at kultura.
Gayunman, ibang-iba ang pagbibigay sa amin ng aming mga responsibilidad. Hindi kami inihahalal o pinipili mula sa mga aplikante. Walang anumang partikular na propesyonal na paghahanda, tinawag at inorden kami upang patotohanan ang pangalan ni Jesucristo sa buong mundo hanggang sa aming huling hininga. Sinisikap naming basbasan ang maysakit, nalulumbay, naliligalig, at maralita at patatagin ang kaharian ng Diyos. Hangad naming malaman ang kalooban ng Panginoon at ipahayag ito, lalo na sa mga naghahangad ng buhay na walang hanggan.15
Bagama’t ang aming abang hangarin ay sundin ng lahat ang mga turo ng Tagapagligtas, ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay kadalasang salungat sa pag-iisip at mga kalakaran ng mundo. Gayon na ito noon pa man.16
Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol:
“Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. …
“… Ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila … sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.”17
Pagmamalasakit sa Lahat
Tunay nating minamahal at pinagmamalasakitan ang lahat ng kapwa natin, naniniwala man sila o hindi sa mga pinaniniwalaan natin. Itinuro sa atin ni Jesus sa talinghaga ng Mabuting Samaritano na ang mga taong iba-iba ang mga paniniwala ay dapat tumulong nang taos-puso sa sinumang nangangailangan, maging mga tagapamayapa, na naghahangad ng mabubuti at mararangal na mithiin.
Noong Pebrero, isang headline sa Arizona Republic ang nagpahayag, “Ang bipartisan bill na sinuportahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay poprotekta sa mga gay at transgender na taga-Arizona.”18
Tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay “nalulugod na maging bahagi ng isang koalisyon ng pananampalataya, negosyo, LGBTQ at mga lider sa komunidad na nagtutulungan nang may tiwala at paggalang sa isa’t isa.”19
Minsa’y itinanong ni Pangulong Russell M. Nelson, “Hindi ba maaaring magkaroon ng mga linya ng hangganan nang hindi ito nagpapasimula ng digmaan?”20
Nagsisikap tayong maging “mga mapamayapang alagad ni Cristo.”21
Ang mga Pagkakataong Hindi Dapat Tumugon
Ang ilan sa mga pag-atake sa Tagapagligtas ay napakasama ngunit hindi Siya umimik. “Ang mga punong [saserdote] at ang mga eskriba ay … marahas siyang pinagbibintangan … at hinamak siya,” ngunit si Jesus ay “hindi sumagot [sa kanila] ng anuman.”22 May mga pagkakataon na ang pagiging tagapamayapa ay pagpipigil na sumagot at sa halip ay manatiling tahimik nang may dignidad.23
Nakalulungkot para sa ating lahat kapag ang masakit o nagpapawalang-halagang mga salita tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang mga alagad, at sa Kanyang Simbahan ay sinasabi o inilalathala ng mga dating aktibo sa Simbahan, na kasama nating tumanggap ng sakramento, at nagpatotoo sa atin tungkol sa banal na misyon ni Jesucristo.24
Nangyari din ito sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas.
Ang ilan sa mga disipulo ni Jesus na kasama Niya noong gumawa Siya ng malalaking himala ay nagpasiyang “hindi na sumama sa kanya.”25 Ang malungkot, hindi lahat ay mananatiling matibay sa pagmamahal nila sa Tagapagligtas at sa determinasyon nilang sundin ang Kanyang mga utos.26
Itinuro ni Jesus sa atin na lumayo sa mga sitwasyon o lugar na may poot at pagtatalo. Sa isang halimbawa, matapos harapin ng mga Fariseo si Jesus at magpayuhan kung paano nila Siya papatayin, nakasaad sa mga banal na kasulatan na lumayo si Jesus sa kanila,27 at naganap ang mga himala nang “[sundan] siya ng marami at pinagaling niya silang lahat.”28
Pagpapala sa Buhay ng Iba
Tayo man ay makakalayo sa mga pagtatalo at mapagpapala ang buhay ng iba29 habang patuloy pa ring nakikisalamuha sa mga tao.
Sa Mbuji-Mayi, Democratic Republic of the Congo, noong una ay pinintasan ng ilan ang Simbahan, nang hindi nauunawaan ang ating mga paniniwala o nakikilala ang ating mga miyembro.
Ilang taon na ang nakararaan, dumalo kami ni Kathy sa isang napakaespesyal na pulong ng Simbahan sa Mbuji-Mayi. Nakabihis nang maayos ang mga bata, may kislap sa kanilang mga mata at nakangiti sila nang husto. Inasam kong magsalita sa kanila tungkol sa kanilang pag-aaral ngunit nalaman ko na marami sa kanila ang hindi nag-aaral. Ang ating mga pinuno, na may kakaunting pondong pangkawanggawa, ay nakahanap ng paraan para makatulong.30 Ngayon, mahigit 400 estudyante—mga batang babae at lalaki, mga miyembro pati na mga hindi miyembro—ang malugod na tinatanggap at tinuturuan ng 16 na guro na mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.
Sinabi ng labing-apat na taong gulang na si Kalanga Muya, “[Dahil kapos ako sa pera,] apat na taon akong nahinto sa pag-aaral. … Lubos akong nagpapasalamat sa nagawa ng Simbahan. … Nakakabasa, nakakasulat, at nakakapagsalita na ako ng wikang French.”31 Tungkol sa inisyatibong ito, sinabi ng mayor ng Mbuji-Mayi, “Nabigyang-inspirasyon ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil habang ang [iba pang] mga simbahan ay sarili lamang ang iniisip … [kayo ay nakikipagtulungan] sa [iba] upang tulungan ang komunidad na nangangailangan.”32
Mahalin ang Isa’t isa
Tuwing mababasa ko ang Juan kabanata 13, naaalala ko ang perpektong halimbawa ng Tagapagligtas bilang isang tagapamayapa. Magiliw na hinugasan ni Jesus ang mga paa ng mga Apostol. Pagkatapos, mababasa natin, “siya’y nabagabag sa espiritu”33 nang maisip Niya ang isang mahal Niya sa buhay na naghahandang ipagkanulo Siya. Sinubukan kong isipin ang saloobin at damdamin ng Tagapagligtas nang umalis si Judas. Gayunpaman, sa malungkot na sandaling iyon, hindi na muling binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang “pagkabagabag” o tungkol sa pagkakanulo. Sa halip, kinausap Niya ang Kanyang mga Apostol tungkol sa pagmamahal, at nagkaroon ng malaking impluwensya ang Kanyang mga salita sa pagdaan ng mga siglo:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa. …
“Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”34
Nawa’y mahalin natin Siya at ang isa’t isa. Nawa’y maging mga tagapamayapa tayo, nang tayo’y matawag na “mga anak ng Diyos,” ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.