Pagbabalik-loob sa Kalooban ng Diyos
Ang ating personal na pagbabalik-loob ay kinabibilangan ng responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo.
Nagpapasalamat ako para sa makapangyarihang pagtawag ni Pangulong Russell M. Nelson na maglingkod bilang missionary at sa nagbibigay-inspirasyong mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard at Elder Marcos A. Aidukaitis tungkol sa gawaing misyonero.
Dahil sa isang missionary assignment sa Great Britain noong nakaraang taon, nakapagnilay ako sa mahahalagang espirituwal na mga pangyayari na naging saligan sa desisyon ko na maglingkod bilang missionary.1 Noong 15 taong gulang ako, ang mahal kong nakatatandang kapatid na si Joe ay 20 taong gulang—ang edad kung kailan pinapayagan noon ang paglilingkod sa mission. Sa Estados Unidos, dahil sa giyera sa Korea, kaunti lamang ang pinapayagang maglingkod. Isa lamang ang maaaring tawagin sa bawat ward kada taon.2 Nagulat kami nang hiniling ng bishop na pag-isipan ni Joe kasama ng aming ama ang tungkol dito. Naghahanda noon si Joe na mag-apply sa medical school. Ang aming ama, na hindi aktibo sa Simbahan, ay naghanda sa pinansiyal para tulungan siya at hindi payag sa pagmimisyon ni Joe. Iminungkahi ni Itay na mas maraming kabutihang magagawa si Joe kung papasok ito sa medical school. Malaking isyu iyon sa aming pamilya.
Sa isang magandang diskusyon kasama ang aking matalino at mahusay na kuya, naisip namin na ang desisyon niya kung maglilingkod siya sa mission at ipagpapaliban muna ang kanyang pag-aaral ay nakadepende sa tatlong tanong: (1) Si Jesucristo ba ay Diyos? (2) Ang Aklat ni Mormon ba ay salita ng Diyos? at (3) Si Joseph Smith ba ang propeta ng Pagpapanumbalik? Kung ang sagot sa mga tanong na ito ay oo, malinaw na mas maraming magagawang kabutihan si Joe sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo kaysa sa pagiging doktor nang mas maaga.3
Nagdasal ako noong gabing iyon nang mataimtim at nang may tunay na layunin. Ang Espiritu, sa isang hindi maipagkakaila at makapangyarihang paraan, ay pinagtibay sa akin na oo ang sagot sa lahat ng tatlong tanong na iyon. Malaki ang naging impluwensiya sa akin ng pangyayaring ito. Natanto ko na bawat desisyon na gagawin ko sa buong buhay ko ay maiimpluwensiyahan ng mga katotohanang ito. Alam ko rin na magmimisyon ako kung bibigyan ako ng pagkakataong gawin ito. Sa mahabang panahon ng paglilingkod at mga espirituwal na karanasan, naunawaan ko na ang tunay na pagbabalik-loob ay resulta ng kusang pagtanggap sa kalooban ng Diyos at magagabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating mga ginagawa.
May patotoo na ako ng kabanalan ni Jesucristo bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Nang gabing iyon, nakatanggap ako ng espirituwal na patotoo sa Aklat ni Mormon4 at tungkol kay Propetang Joseph Smith.
Si Joseph Smith ay Naging Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon
Lalakas ang inyong patotoo kapag nalaman ninyo sa puso ninyo sa pamamagitan ng panalangin na naging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon si Propetang Joseph Smith. Sa nakaraang walong taon, isa sa mga gawain ko bilang isa sa Labindalawang Apostol ay rebyuhin at basahin ang lahat ng katangi-tanging Joseph Smith papers at dokumento at ang pagsasaliksik na humantong sa paglalathala ng mga tomo ng Mga Banal.5 Ang patotoo at paghanga ko kay Propetang Joseph Smith ay napalakas at nadagdagan matapos kong basahin ang mga nagbibigay-inpirasyong detalye ng kanyang buhay at ang paglilingkod niya bilang propeta na naorden na noon pa man.
Ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos ay napakahalaga sa Pagpapanumbalik.6 Ang Aklat ni Mormon ay hindi pabagu-bago ng nilalaman, maganda ang pagkakasulat, at naglalaman ng mga sagot sa mahahalagang katanungan sa buhay. Ito ay isa pang tipan ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay mabuti, puspos ng pananampalataya, at kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon.
Ang mga paghahayag at pangyayari na nakatala sa Doktrina at mga Tipan ay naglahad ng mga susi, ordenansa, at tipan na kailangan sa kaligtasan at kadakilaan. Ipinababatid ng mga ito hindi lamang ang mga pangunahing kailangan upang itayo ang Simbahan kundi nagbibigay rin ng malalalim na doktrina na nagpapaunawa sa atin ng layunin ng buhay at nagbibigay sa atin ng walang-hanggang pananaw.
Isa sa maraming halimbawa ng papel ni Joseph Smith bilang propeta ay makikita sa ika-76 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Ito ay malinaw na tala ng mga pangitain tungkol sa langit, kabilang ang mga kaharian ng kaluwalhatian, na natanggap nina Propetang Joseph at Sidney Rigdon noong Pebrero 16, 1832. Noong panahong iyon, itinuturo ng karamihan sa mga simbahan na hindi magbibigay ng kaligtasan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa karamihan ng mga tao. Pinaniniwalaan noon na kaunti lamang ang maliligtas, at ang karamihan ay mapupunta sa impiyerno, kabilang na ang walang-hanggang mga kaparusahan na “talagang karumal-dumal.”7
Ang paghahayag na makikita sa ika-76 na bahagi ay naglalahad ng maluwalhating pangitain tungkol sa mga antas ng kaluwalhatian kung saan karamihan sa mga anak ng Ama sa Langit na magiting sa kanilang premortal na kalagayan ay pagpapalain nang husto pagkatapos ng huling paghuhukom.8 Ang pangitain tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian, na ang pinakamababa ay “walang maaaring makaunawa,”9 ay hayagang nagpapakita na mali ang doktrina na karamihan sa mga tao ay mapupunta sa impiyerno at hahatulan.
Kung iisipin ninyo na si Joseph Smith ay 26 na taong gulang lamang, limitado ang napag-aralan, at may kaunti o wala pa ngang alam sa mga klasikong wika kung mula saan ay isinalin ang Biblia, siya ay tunay na kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Sa ika-17 talata ng bahagi 76, nabigyang-inspirasyon siya na gamitin ang salitang masasama sa halip na kahatulan na ginamit sa Ebanghelyo ni Juan.10
Nakatutuwang malaman na makalipas ang 45 taon, isang lider ng Anglican church at kilala sa akademya na iskolar ng mga klasiko,11 si Frederic W. Farrar, na sumulat ng The Life of Christ,12 ay pinanindigan na ang kahulugan ng kahatulan sa King James Version ng Biblia ay ang resulta ng mga pagkakamali sa pagsasalin sa Ingles mula sa Hebreo at Griyego.13
Sa panahon natin, tinatanggap ng marami ang konsepto na dapat ay walang parusa para sa kasalanan. Sinusuportahan nila ang walang kondisyon na pagpapatawad ng kasalanan nang walang pagsisisi. Ang inihayag na doktrina natin ay hindi lamang pinabubulaanan ang ideya na karamihan sa mga tao ay parurusahan nang walang hanggan sa impiyerno kundi ipinababatid din na ang personal na pagsisisi ay iniuutos na gawin upang magamit ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at mamana ang kahariang selestiyal.14 Pinatototohanan ko na tunay na naging kasangkapan si Joseph Smith sa mga kamay ng Panginoon sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo!
Dahil sa Pagpapanumbalik ng ebangelyo ni Jesucristo, nauunawaan natin ang kahalagahan ng pagsisisi at ng “mga gawa ng kabutihan.”15 Nauunawaan natin ang napakalaking kahalagahan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng Kanyang nagliligtas na mga ordenansa at tipan, kabilang ang mga ginagawa sa templo.
Ang “mga gawa ng kabutihan” ay nagmumula sa pagbabalik-loob at mga bunga nito. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagmumula sa kusang pagtanggap at pagiging tapat sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.16 Ang napakaraming bunga at mga biyaya na resulta ng pagbabalik-loob ay tunay at pangmatagalang kapayapaan at ang katiyakan na makatatanggap ng lubos na kaligayahan17—sa kabila ng mga unos sa buhay.
Ang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas ay gagawing banal, isinilang na muli, at dalisay ang likas na tao—isang bagong nilalang kay Cristo Jesus.18
Marami ang Napagkakaitan ng Katotohanan Sapagkat Hindi Nila Alam Kung Saan Ito Matatagpuan
Ano ang mga obligasyon na resulta ng pagbabalik-loob? Sa Liberty Jail, sinabi ni Propetang Joseph na marami ang “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”19
Sa pambungad ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, ipinahayag ng Panginoon ang kabuuan ng Kanyang layunin para sa atin. Ipinahayag Niya, “Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan.” Iniutos pa Niya, “Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig.”20 Kabilang doon ang mga full-time missionary. Kabilang doon ang bawat isa sa atin. Ito ang dapat pinaka-pinagtutuunan ng lahat ng nabiyayaan ng pagbabalik-loob sa kalooban ng Diyos. Magiliw tayong inaanyayahan ng Panginoon na maging Kanyang tinig at Kanyang mga kamay.21 Ang pagmamahal ng Tagapagligtas ay magiging gumagabay na ilaw sa atin. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa.”22 At kay Joseph Smith, sinabi Niya, “Mangaral ng aking ebanghelyo sa lahat ng nilikha na hindi pa nakatatanggap nito.”23
Isang linggo pagkatapos ng paglalaan sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836, na siya ring Pasko ng Pagkabuhay at Paskuwa, nagpakita ang Panginoon sa isang kamangha-manghang pangitain kina Joseph at Oliver Cowdery. Tinanggap ng Panginoon ang templo at sinabing, “Ito ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking tao.”24
Matapos ang pangitaing ito, nagpakita si Moises “at ipinagkatiwala … ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ang pangunguna sa sampung lipi mula sa hilagang lupain.”25
Si Pangulong Russell M. Nelson, ang ating minamahal na propeta ngayon na maytaglay ng kaparehong mga susing ito, ay nagturo kaninang umaga: “Kayong mga kabataang lalaki ay inireserba para sa panahong ito na nagaganap ang ipinangakong pagtitipon ng Israel. Sa pagmimisyon ninyo, mahalaga ang gagampanan ninyo sa wala pang katulad na panahong ito!”26
Para sa utos ng Tagapagligtas na ibahagi ang ebanghelyo, kailangan nating magbalik-loob sa kalooban ng Panginoon; dapat nating mahalin ang ating kapwa, ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at anyayahan ang lahat na pumarito at alamin pa ang tungkol dito. Bilang mga miyembro ng Simbahan, pinahahalagahan natin ang tugon ni Propetang Joseph kay John Wentworth, ang patnugot ng Chicago Democrat, noong 1842. Humihingi siya ng impormasyon tungkol sa Simbahan. Tinapos ni Joseph ang kanyang tugon sa paggamit ng “Pamantayan ng Katotohanan” bilang panimula sa labintatlong Saligan ng Pananampalataya. Nilalaman ng pamantayan, sa maikling paraan, ang dapat na gawin:
“Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga; hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”27
Ito na ang paanyaya noon pa man sa maraming henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw, lalo na sa mga missionary. Sa diwa ng “Pamantayan ng Katotohanan,” nagpapasalamat kami na sa kabila ng pandaigdigang pandemya, patuloy na ibinahagi ng mga missionary ang ebanghelyo. Mga missionary, mahal namin kayo! Iniuutos ng Panginoon sa bawat isa sa atin na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa salita at sa gawa. Ang ating personal na pagbabalik-loob ay kinabibilangan ng responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo.
Ang mga biyaya ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay kinabibilangan ng mas malalim na pagbabalik-loob sa kalooban ng Diyos at pagpayag na manaig ang Diyos sa ating buhay.28 Pinagpapala natin ang iba upang makaranas ng “malaking pagbabago” sa puso.29 Tunay na may walang-hanggang kaligayahan sa pagtulong na madala ang mga kaluluwa kay Cristo.30 Ang pagsisikap para sa pagbabalik-loob ng sarili at ng iba ay dakilang gawain.31 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.