May Nagagawa Ba ang Plano?
Nagpapatotoo ako na may nagagawa ang plano ng kaligayahan. Nilikha ito ng inyong Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo.
May nagagawa ba ang plano?
Nakausap ko kamakailan ang isang young adult na nakapagmisyon ilang taon na ang nakalipas at ngayon ay abala na sa kanyang trabaho. Sa ilang paraan, maayos naman ang takbo ng buhay niya. Ngunit humihina ang kanyang pananampalataya. Tumitindi ang pagdududa niya tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan. Ipinaliwanag niya na hindi niya natatanggap ang mga pagpapalang inasahan niya mula sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi niya nadama na may nagagawa ang plano ng kaligayahan sa buhay niya.
Ang mensahe ko ngayon ay para sa lahat na maaaring gayundin ang pakiramdam. Magsasalita ako sa mga tao na minsan ay “nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig” ngunit hindi ito nadarama “sa ngayon.”1
Ang ating Ama sa Langit ay naghanda ng napakagandang plano para sa ating walang hanggang kaligayahan. Pero kapag ang buhay ay hindi ayon sa nais o inaasahan natin, parang walang nagagawa ang plano.
Marahil nadarama natin ang nadama noon ng mga disipulo ni Jesus, noong nasa bangka sila, “[sa gitna ng dagat,] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.”2
At, madaling-araw kinabukasan:
“Lumapit [si Jesus] sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat.
“At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, … [at] nagsigawan sila sa takot.
“Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.
“At sumagot sa kanya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.
“[At] sinabi niya, “Halika”. Kaya’t bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.
“Ngunit nang mapansin niya ang [malakas na] hangin, natakot siya, at nang siya’y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”.
“Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”3
Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang tatlong alituntuning natutuhan ko mula kay Pedro? Dalangin ko na nawa makatulong ang mga alituntuning ito sa sinumang nakadarama na walang nagagawa ang plano ng kaligayahan sa kanilang buhay.
Una, kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo.
Hanga ako sa pananampalataya ni Pedro. Sa simpleng imbitasyon ni Jesus na “halika,” ay iniwan niya ang bangka na hinahagupit ng bagyo. Parang alam niya na kung aanyayahan siya ni Jesucristo na gawin ang isang bagay, magagawa niya ito.4 Mas nagtiwala si Pedro sa Tagapagligtas kaysa sa kanyang bangka. At dahil sa pananampalatayang iyon, kumilos siya nang buong tapang sa isang mahirap at nakakatakot na sitwasyon.
Naipaalala sa akin ng pananampalataya ni Pedro ang karanasan na narinig ko mula kay Elder José L. Alonso. Hindi nagtagal matapos pumanaw ang anak ni Elder Alonso, na may naiwang pamilya na may maliliit na anak, narinig ni Elder Alonso ang pag-uusap ng mga bata.
“Ano’ng gagawin natin?” tanong nila.
Sumagot ang siyam-na-taong gulang na anak na babae, “OK lang si Daddy. Ipinangangaral niya ang ebanghelyo ni Jesucristo.”
Tulad ni Pedro, naunawaan ng munting batang ito ang mga bagay-bagay sa kabila ng mga hamon sa kanya at nagtiwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay naghahatid ng kapayapaan at lakas na makasulong.
Kung magbalik-tanaw ka sa iyong buhay noon, naniniwala ako na makikita mo na maraming beses kang nanampalataya. Ang pagsapi sa Simbahan ay pagpapakita ng pananampalataya. Ang pagkausap sa Ama sa Langit sa panalangin ay pagpapakita ng pananampalataya. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay pagpapakita ng pananampalataya. Ang pakikinig sa aking mensahe sa pangkalahatang kumperensyang ito ay pagpapakita ng pananampalataya. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Huwag maliitin ang pananampalataya na taglay na ninyo.”5
Ang isa pang aral na natutuhan ko mula kay Pedro ay ito:
Sa panahon ng kaguluhan, kaagad bumaling kay Jesucristo.
Habang naglalakad siya palapit sa Tagapagligtas, natakot si Pedro sa hangin at nagsimula siyang lumubog. Ngunit nang matanto ni Pedro ang nangyayari, hindi niya sinubukang lumakad nang mag-isa sa tubig o lumangoy pabalik sa bangka. Sa halip na bitawan ang pananampalataya niya kay Cristo, lalo siyang nanampalataya, na sumisigaw, “Panginoon, iligtas mo ako.”
“Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya.”6
Lahat tayo ay nahaharap sa malalakas na hangin na maaaring yumanig sa ating pananampalataya at maging dahilan para lumubog tayo. Kapag nangyari ito, tandaan na may isa pang pangalan ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit—ang plano ng pagtubos. Ang plano ay hindi para maging madali sa atin ang buhay, na hindi natutumba, na hindi lumulubog, na laging may ngiti sa ating mukha. Alam ng Ama sa Langit na kakailanganin nating matubos. Kaya nga inihanda Niya ang plano ng pagtubos.7 Kaya nga nagsugo Siya ng Manunubos. Kapag nahihirapan tayo—sa anumang dahilan—hindi ibig sabihin nito na walang nagagawa ang plano. Sa oras na iyon natin lalong kailangan ang plano!
Sa gayong mga sandali, tularan ang halimbawa ni Pedro. Bumaling kaagad sa Tagapagligtas.
“Sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan. … Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.”8
Saanman tayo naroon at saan man tayo nanggaling, pagsisisi ang landas pasulong. Itinuro ni Pangulong Nelson:
“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. …
“Kung kayo man ay masigasig na sumusulong sa landas ng tipan, nalihis o nawala sa landas ng tipan, o hindi na natatanaw ang landas ng tipan mula sa lugar kung saan kayo naroroon, nakikiusap ako sa inyo na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.”9
Ang ibig sabihin ng paglapit kay Cristo ay hindi lamang pag-iisip tungkol sa Kanya o pagsasalita tungkol sa Kanya o pagmamahal sa Kanya. Ang ibig sabihin nito ay pagsunod sa Kanya. Ibig sabihin nito ay pamumuhay sa paraan na itinuturo Niya. At para sa ating lahat, ibig sabihin niyan ay pagsisisi, nang hindi na ipinagpapaliban pa ito.
Isa sa mga anak kong babae ang nagtatrabaho noon sa missionary training center. Ikinuwento niya sa akin na may isang elder na tinuturuan niya na nagtapat sa kanya na hindi nito sigurado kung totoo ang Aklat ni Mormon. Paulit-ulit siyang nagdasal na makatanggap ng patotoo, pero wala siyang natanggap na sagot.
Nagdasal ang anak ko para malaman ang dapat niyang gawin para matulungan ang missionary na ito. Natanggap niya ang impresyon na ang mga banal na kasulatan ay hindi ibinigay para lamang mabasa natin ito at magkaroon ng patotoo; ibinigay rin ang mga ito para ituro sa atin na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Ibinahagi ng anak ko ang kaisipang ito sa missionary.
Kalaunan, muli niyang nakita ang missionary na ito, na mukhang mas masaya na. Sinabi niya sa kanya na sa wakas ay nakatanggap siya ng patotoo na totoo ang Aklat ni Mormon. Alam niya na ang patotoong ito ay dumating dahil lalo siyang nagsikap na gawin ang itinuturo ng Aklat ni Mormon.
Tularan natin ang halimbawa ni Pedro ng pagbaling sa Tagapagligtas kapag may mga problema. Sundin si Jesucristo sa halip na umasa sa sarili ninyong karunungan at lakas. Kahit gaano katagal na ninyong sinisikap na lumakad sa tubig nang wala Siya, hindi pa huli ang lahat para humingi ng tulong sa Kanya. Gumagana ang plano!
Ang pangatlong alituntunin na natutuhan ko mula kay Pedro at sa kanyang karanasan ay ito:
Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo sa mga bagay na mas dakila.
Nagpakita si Pedro ng pananampalataya, kapwa sa paglakad sa tubig at pagtawag sa Tagapagligtas nang kailanganin niya ng tulong. Gayunpaman, nakita ng Tagapagligtas kay Pedro ang mas malaki pang potensiyal. “O ikaw na maliit ang pananampalataya,” sabi Niya, “bakit ka nag-alinlangan?”10
Maaari sanang ipaghinanakit ni Pedro ang pagsaway na ito. Ngunit mapagpakumbaba niya itong tinanggap. Patuloy siyang nagsikap na magkaroon ng mas malaking pananampalataya kay Jesucristo. Sa maraming karagdagang karanasan na nagpapatibay ng pananampalataya—na ang ilan ay napakahirap—si Pedro kalaunan ay naging napakatatag na lider na siyang kinailangan ng Panginoon na mangyari sa kanya. Marami siyang nagawang mga dakilang bagay sa paglilingkod sa Panginoon.
Anong mga dakilang gawain ang nais ng Panginoon na gawin ninyo? Sa Kanyang Simbahan at kaharian, maraming pagkakataong maglingkod at mag-minister sa iba na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Nais Niyang maging bahagi kayo ng Kanyang dakilang gawain. Ang plano ng kaligayahan ay magiging mas tunay sa inyo kapag tinutulungan ninyo ang iba na ipamuhay ito.
Sa pagpapalakas ng sarili kong pananampalataya, ang mga salitang ito ni Alma ay nakapagpapabago ng buhay: “Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba.”11 Magpakumbaba tayo nang sa gayon ay maiangat at maakay tayo ni Jesucristo, at mailabas Niya ang pinakamahusay nating mga kakayahan.12
Nagpapatotoo ako na may nagagawa ang plano ng kaligayahan. Nilikha ito ng inyong Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo. Gumagana ito dahil nadaig ni Jesucristo ang kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Lumapit sa Kanya, sumunod sa Kanya, at “kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.”13 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.