2010–2019
Hanggang sa Makapitongpung Pito
Abril 2018


2:3

Hanggang sa Makapitongpung Pito

Sa buhay na puno ng mga hadlang at kahinaan, nagpapasalamat tayong lahat sa mga ikalawang pagkakataon.

Ang mga pagkakamali ay bahagi na ng buhay. Imposible kang matutong tumugtog ng piyano nang buong husay nang hindi nakakagawa ng libu-libong pagkakamali—baka nga milyon pa. Para matuto ng ibang wika, mahaharap sa kahihiyan ang isang tao sa paggawa ng libu-libong pagkakamali—baka nga milyon pa. Kahit ang pinakamahuhusay na atleta sa mundo ay palaging nakakagawa ng mga pagkakamali.

“Ang tagumpay,” sabi nga, “ay hindi nangangahulugan na hindi ka mabibigo kailanman, kundi paulit-ulit kang mabibigo nang hindi nawawala ang kasigasigan.”1

Nang maimbento niya ang bombilya, ibinalitang sinabi ni Thomas Edison, “Hindi ako nabigo nang 1,000 beses. Ang bombilya ay inimbento sa 1,000 hakbang.”2 Tinawag ni Charles F. Kettering ang mga kabiguan na “mga karatula ng daliring nakaturo sa tamang daan tungo sa tagumpay.”3 Sana’y maging aral sa karunungan ang bawat pagkakamaling nagagawa natin, na ginagawang batong tuntungan ang mga hadlang.

Ang matibay na pananampalataya ni Nephi ay nakatulong sa kanya na malagpasan ang sunud-sunod na kabiguan hanggang sa makuha niya sa huli ang mga laminang tanso. Sampung beses na nagtangka si Moises na itakas ang mga Israelita mula sa Egipto bago siya nagtagumpay.

Maaari tayong magtaka—kung sina Nephi at Moises ay kapwa nasa paglilingkod sa Panginoon, bakit hindi nakialam at tumulong ang Panginoon na magtagumpay sila sa una nilang pagtatangka? Bakit Niya sila hinayaan—at bakit Niya tayo hinahayaan—na mahirapan at mabigo sa mga pagtatangka nating magtagumpay? Sa maraming mahahalagang sagot sa tanong na iyan, narito ang ilan:

  • Una, alam ng Panginoon na “ang [mga] bagay na ito ay magbibigay sa [atin] ng karanasan, at para sa [ating] ikabubuti.”4

  • Pangalawa, tinutulutan tayo nitong “[matikman] ang pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti.”5

  • Pangatlo, para patunayan na “ang pagbabakang ito ay sa Panginoon,”6 at sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya natin maisasakatuparan ang Kanyang gawain at magiging katulad Niya tayo.7

  • Pang-apat, para tulungan tayong magkaroon at magtamo ng maraming katangian ni Cristo na hindi maaaring padalisayin kundi sa pamamagitan ng pagsalungat8 at “sa hurno ng paghihirap.”9

Kaya, sa buhay na puno ng mga hadlang at kahinaan, nagpapasalamat tayong lahat sa mga ikalawang pagkakataon.

Noong 1970, na bagong freshman ako sa BYU, nag-enrol ako sa isang panimulang kurso sa essentials of physics na itinuro ni Jae Ballif, isang bantog na propesor. Pagkatapos ng bawat yunit ng kurso, nagbibigay siya ng pagsusulit. Kung nakatanggap ng C ang isang estudyante at gusto niya ng mas mataas na marka, pinapakuha siya ni Professor Ballif ng ibang pagsusulit tungkol din sa materyal na iyon. Kung nakatanggap ng B ang estudyante sa ikalawang pagsusulit at hindi pa rin siya masaya, puwede siyang kumuha ng pagsusulit sa ikatlo at ikaapat na pagkakataon, at patuloy pa. Sa pagbibigay sa akin ng maraming ikalawang pagkakataon, tinulungan niya akong maging mahusay at sa huli ay nagtamo ako ng A sa kanyang klase.

Professor Jae Ballif

Di-pangkaraniwan ang kanyang katalinuhan bilang propesor na naghikayat sa kanyang mga estudyante na patuloy na sumubok—na ituring ang kabiguan na isang aral, hindi isang trahedya, at huwag matakot sa kabiguan kundi matuto mula rito.

Kamakailan tinawagan ko ang kahanga-hangang lalaking ito 47 taon mula nang kunin ko ang kanyang kurso sa physics. Tinanong ko siya kung bakit handa siyang magbigay sa mga estudyante ng walang-limitasyong pagkakataong pataasin ang kanilang marka. Ang sagot niya: “Gusto kong pumanig sa mga estudyante.”

Kahit nagpapasalamat tayo sa mga ikalawang pagkakataon kasunod ng mga pagkakamali, o kabiguang makaunawa, namamangha tayong lahat sa biyaya ng Tagapagligtas na nagbibigay sa atin ng ikalawang pagkakataong madaig ang kasalanan, o mga kabiguan sa ating mga pasiya.

Wala nang higit na panig sa atin kaysa sa Tagapagligtas. Hinahayaan Niya tayong kumuha at muling kumuha ng Kanyang mga pagsusulit. Para maging katulad Niya, kailangan ng napakaraming ikalawang pagkakataon sa ating araw-araw na mga pakikibaka sa likas na tao, tulad ng pagpigil sa mga pagnanasa, pagkatutong magtiyaga at magpatawad, pagdaig sa katamaran, pag-iwas na magkaroon ng mga pagkukulang, at marami pang iba. Kung likas sa tao ang magkamali, ilang kabiguan ang kailangan bago maging banal ang ating likas na pagkatao? Libu-libo? Mas malamang na milyon.

Batid na nagkalat ang mga pagsubok sa makitid at makipot na landas at na magkakaroon tayo ng mga kabiguan araw-araw, nagbayad ng walang-hanggang halaga ang Tagapagligtas para mabigyan tayo ng maraming pagkakataong kailangan upang matagumpay na makapasa sa ating pagsubok sa buhay. Maaaring ang oposisyong hinahayaan Niya ay kadalasang tila napakabigat at halos imposibleng kayanin, ngunit hindi Niya tayo iniiwang walang pag-asa.

Para muling patatagin ang ating pag-asa kapag naharap tayo sa mga pagsubok sa buhay, laging handa at nariyan ang biyaya ng Tagapagligtas. Ang Kanyang biyaya ay isang “kapangyarihang mula sa Diyos [na tumulong o magpalakas], … na [nagpapahintulot] sa kalalakihan at kababaihan na … magkaroon ng buhay na walang hanggan at kadakilaan [matapos nilang gawin ang lahat ng makakaya nila].”10 Ang Kanyang biyaya at mapagmahal na mata ay nakatutok sa atin sa buong paglalakbay natin habang Siya ay nagbibigay-inspirasyon, nagpapagaan ng mga pasanin, nagpapalakas, naghahatid, nagpoprotekta, nagpapagaling, at kung hindi naman ay “[tumutulong sa] kanyang mga tao,” kahit madapa sila sa makipot at makitid na landas.11

Pagsisisi ang kaloob ng Diyos na laging matatamo na nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na paulit-ulit na mabigo nang hindi nawawala ang kasigasigan. Ang Pagsisisi ay hindi Niya alternatibong plano sakali mang mabigo tayo. Pagsisisi ang Kanyang plano, batid na gagawin natin ito. Ito ang ebanghelyo ng pagsisisi, at tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “habambuhay natin itong pag-aaralan.”12

Sa habambuhay na pag-aaral na ito na magsisi, ang sakramento ang itinalagang paraan ng Panginoon para patuloy na matamo ang Kanyang kapatawaran. Kung nakikibahagi tayo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, nag-aalok Siya sa atin ng lingguhang kapatawaran habang umuusad tayo sa sunud-sunod na kabiguan sa landas ng tipan. Sapagkat “sa kabila ng kanilang mga kasalanan, ang aking kalooban ay napupuspos ng pagkahabag sa kanila.”13

Ngunit ilang beses nga ba Niya tayo patatawarin? Gaano katagal ang Kanyang mahabang pagtitiis? Sa isang okasyon tinanong ni Pedro ang Tagapagligtas, “Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? hanggang sa makapito?”14

Sina Pedro at Jesus

Siguro, akala ni Pedro pito lang ay sapat na para bigyang-diin ang kahangalang magpatawad nang napakaraming beses at na dapat magkaroon ng hangganan ang kabaitan. Bilang tugon, sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro na ni huwag magbilang—na huwag magtakda ng mga limitasyon sa pagpapatawad.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.”15

Walang alinlangan na hindi itinaas ng Tagapagligtas ang limitasyon sa 490. Kahalintulad iyan ng pagsasabi na ang pagtanggap ng sakramento ay may limit na 490, at sa ika-491, mamamagitan ang tagasuri sa langit at sasabihing, “Ikinalulungkot ko, ngunit expired na ang iyong card ng pagsisisi—mula ngayon, bahala ka na sa sarili mo.”

Ginamit ng Panginoon ang matematika ng makapitumpung pito bilang metapora ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, pagmamahal, at biyaya. “Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin.”16

Hindi niyan ibig sabihin na ang sakramento ay nagiging lisensya para magkasala. Isang dahilan iyan kaya isinama ng Panginoon ang pariralang ito sa Aklat ni Moroni: “Ngunit kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad.”17

Ang tunay na layunin ay nagpapahiwatig ng tunay na pagsisikap at tunay na pagbabago. “Pagbabago” ang pangunahing salitang ginagamit na pantukoy ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa pagsisisi: “Ang pagbabago ng pag-iisip at kalooban na nagdudulot ng pangkalahatang bagong saloobin sa Diyos, sa sarili, at sa buhay.”18 Ang klase ng pagbabagong iyon ay nagbubunga ng espirituwal na paglago. Ang ating tagumpay, kung gayon, ay hindi nagmumula sa sunud-sunod na kabiguan, kundi sa paglago mula sa sunud-sunod na kabiguan nang hindi nawawala ang kasigasigan.

Tungkol sa pagbabago, isipin ang ideyang ito: “Ang mga bagay na hindi nagbabago ay nananatiling gayon pa rin.” Ang malinaw na katotohanang ito ay hindi para insultuhin ang inyong katalinuhan kundi iyon ang malalim na karunungan ni Pangulong Boyd K. Packer, na idinagdag pa na, “At kapag hindi na tayo nagbabago—tapos na tayo.19

Dahil ayaw nating maging taposhanggang sa maging katulad tayo ng ating Tagapagligtas,20 kailangan nating patuloy na magbangon tuwing madadapa tayo, na may hangaring patuloy na lumago at umunlad sa kabila ng ating mga kahinaan. Sa ating mga kahinaan, muli Niyang tiniyak sa atin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.”21

Sa pagtingin lamang sa mga retrato o sa mga tsart ng paglaki sa mahabang panahon malalaman kung lumalaki nga tayo. Gayundin, karaniwa’y hindi mapapansin ang ating espirituwal na paglago maliban kung gunitain natin ang nakaraan. Katalinuhan ang regular nating isipin ang nakaraan sa gayong paraan para makita ang ating pag-unlad at mabigyang-inspirasyon tayo na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”22

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa mapagmahal na kabaitan, tiyaga, at mahabang pagtitiis ng mga Magulang sa Langit at ng Tagapagligtas, na nagbibigay sa atin ng napakaraming ikalawang pagkakataon sa ating paglalakbay pabalik sa Kanilang piling. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang siping ito ay naiugnay sa iba’t ibang awtor, pati na kina Abraham Lincoln at Winston Churchill.

  2. Thomas Edison, sa Zorian Rotenberg, “To Succeed, You Must Fail, and Fail More,” Nob. 13,2013, insightsquared.com.

  3. Charles F. Kettering, in Thomas Alvin Boyd, Charles F. Kettering: A Biography (1957), 40. Ang siping ito ay maiuugnay din kay C. S. Lewis.

  4. Doktrina at mga Tipan 122:7. Kahit ang Tagapagligtas ay “natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis” (Sa Mga Hebreo 5:8). Bagama’t ang mga talatang ito ay tumutukoy sa paghihirap at pagdurusa dahil sa ating kapaligiran o di-kanais-nais na mga kalagayan, ang mga pagkakamaling nagagawa natin ay para na rin sa ating ikabubuti kung matututo tayo mula rito.

  5. Moises 6:55.

  6. I Samuel 17:47; tingnan din sa 1 Nephi 3:29.

  7. Tingnan sa Jacob 4:7.

  8. Tingnan sa 2 Nephi 2:11.

  9. Isaias 48:10; 1 Nephi 20:10.

  10. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Alma 7:12.

  12. Russell M. Nelson, sa Dallin H. Oaks at Neil L. Andersen, “Repentance” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 26, 2015), 11.

  13. Doktrina at mga Tipan 101:9.

  14. Mateo 18:21.

  15. Mateo 18:22.

  16. Mosias 26:30; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Moroni 6:8; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  18. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” scriptures.lds.org.

  19. Boyd K. Packer, Kingsland Georgia Stake conference, Ago. 1997.

  20. Tingnan sa 3 Nephi 27:27.

  21. II Mga Taga Corinto 12:9; tingnan din sa Eter 12:27.

  22. 2 Nephi 31:20.