Si Cristo Ngayo’y Nabuhay
Ngayon ang Pasko ng Pagkabuhay. Mapitagan akong sumasaksi at mataimtim na pinatototohanan ang buhay na Cristo—Siya na “namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw.”
Mahal kong mga kapatid, noong bata pa ang mga anak naming lalaki, kinukwentuhan ko sila tungkol sa beagle puppies at inaawitan bago matulog, kabilang na ang “Si Cristo Ngayo’y Nabuhay.”1 Minsan pabiro kong pinapalitan ko ang mga salita ng: Oras na para matulog—alleluia. Kalimitan, nakakatulog agad sila; o kahit paano ay alam nila na kapag kung inaakala kong tulog na sila, titigil na ako sa pag-awit.
Hindi maipaliwanag ng mga salita ang mga umaapaw na naramdaman ko magmula noong hawakan ni Pangulong Nelson ang aking mga kamay habang katabi ko ang pinakamamahal kong si Susan at ipinaabot ang sagradong tungkulin mula sa Panginoon na talagang gumulat sa akin at nagpaluha sa akin nang maraming beses nitong nakaraang mga araw.
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, masaya akong umaawit ng “Alleluia.” Ang awit ng pagmamahal ng mapagtubos na pag-ibig ng ating buhay na Tagapagligtas2 ay ipinagdiriwang ang pagkakaisa ng mga tipan (na naguugnay sa atin sa Diyos at sa bawat isa) at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (na tinutulungan tayo na alisin ang likas na tao at dinggin ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu3).
Ang ating mga tipan at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay magkasamang nagpapalakas at nagpapadakila sa atin. Tinutulungan tayo ng mga ito na kumapit at bumitaw. Ang mga ito ay nagpapatamis, nagpapanatili, nagpapabanal, at tumutubos.
Sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Ito tila baga sa iba ay magiging napakapangahas na doktrina na ating pinag-uusapan—isang kapangyarihan na nagtatala o nagbubuklod sa lupa at nagbubuklod sa langit. Gayunman, sa lahat ng panahon sa daigdig, kapag ang Panginoon ay nagbibigay sa isang dispensasyon ng pagkasaserdote sa sinumang tao sa pamamagitan ng aktuwal na paghahayag, o sa anumang pangkat ng mga tao, ang kapangyarihang ito ay tiyak na ibinibigay.”4
At iyan nga ang nangyayari ngayon. Ang mga sagradong tipan at ordenansa, na hindi makukuha sa ibang mga lugar, ay natatanggap sa 159 na mga sagradong bahay ng Panginoon sa 43 bansa. Ang mga pangakong pagpapala ay dumarating sa pamamagitan ng ipinanumbalik na mga susi ng priesthood, doktrina, at awtoridad ng priesthood, pagpapakita ng ating pananampalataya, pagsunod, at mga pangako ng Kanyang Banal na Espiritu sa ating henerasyon, ngayon at sa walang hanggan.
Mga kapatid sa lahat ng bansa, lahi, at wika, sa Simbahan sa lahat ng panig ng mundo, maraming salamat sa inyong pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal sa bawat hakbang. Salamat sa pagiging bahagi ng pagtitipon ng kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Minamahal kong mga kapatid, isang kapatiran tayo. Mapapalapit tayo sa “isa’t isa sa pagkakaisa at sa pagmamahal”5 sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.6 Habang inaanyayahan ang bawat isa sa atin ng Panginoong Jesucristo, nasaan man tayo, anuman ang ating kalagayan, mangyaring “magsiparito [kayo], at [inyong] makikita.”7
Ngayong araw ay mapagkumbaba kong pinapangako ang lahat ng lakas at kakayahan ng aking kaluluwa,8 ano man ang mga ito o ang ano man ang kanilang kahihinatnan, sa aking Tagapagligtas, sa aking pinakamamahal na si Susan at sa aming pamilya, sa aking mga Kapatid, at sa bawat isa sa inyo, mahal kong mga kapatid.
Bawat bagay na mabuti at walang hanggan ay nakasentro sa katotohanan na buhay ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Kanyang Pagbabayad-sala, na pinatototohanan ng Espiritu Santo.9 Ngayon ay Pasko ng Pagkabuhay. Mapitagan akong sumasaksi at mataimtim na pinatototohanan ang buhay na Cristo—Siya na namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit.”10 Siya ang Alpha at ang Omega11—kasama natin sa simula, at kasama Natin siya hanggang sa huli.
Pinatototohanan ko ang mga propeta sa mga huling araw, mula kay Propetang Joseph Smith hanggang kay Pangulong Russell M. Nelson, na ikinagagalak nating sinang-ayunan ngayon. Tulad ng inaawit ng mga bata sa Primary, “Propeta’y sundin; s’ya ang gabay.”12 Pinatototohanan ko na, tulad ng ipinropesiya sa mga banal na kasulatan, kabilang ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, “na ang kaharian ng Panginoon ay muling naitatatag sa mundo, bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Mesiyas.”13 Sa banal at sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.