Maghandang Humarap sa Diyos
Ang pagsisikap na gampanan ang mga tungkuling itinalaga ng Diyos nang may kabutihan, pagkakaisa, at pagkapantay-pantay ay maghahanda sa atin sa pagharap sa Diyos.
Si Eliza R. Snow, na pinatutungkulan ang paglalaan ng Kirtland Temple (na dinaluhan niya) ay nagsabi: “Ang mga seremonya ng paglalaang iyon ay maaaring isalaysay na muli, ngunit walang salitang makapaglalarawan sa mga pagpapakita ng langit sa di-malilimutang araw na iyon. Nagpakita ang mga anghel sa ilan, habang ang lahat ng naroon ay nakadama ng kabanalan, at bawat puso ay may galak na di-masayod at puspos ng kaluwalhatian.”1
Ang mga banal na pagpapakita na nangyari sa Kirtland Temple ay mahalaga para sa layunin ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo na isakatuparan ang kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng ating Ama sa Langit.2 Sa paghahanda natin sa pagharap sa Diyos, malalaman natin ang mga itinalaga ng Diyos na tungkulin kung muli nating pag-iisipan ang mga sagradong susing ipinanumbalik sa Kirtland Temple.
Sa panalangin ng paglalaan, mapagpakumbabang isinamo ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon “na tanggapin ang bahay na ito … na inyong ipinag-utos na aming gawin.”3
Makalipas ang isang linggo, sa Linggo ng Pagkabuhay, nagpakita ang Panginoon sa kagila-gilalas na pangitain at tinanggap ang Kanyang templo. Ito ay naganap noong Abril 3, 1836, halos eksaktong 182 taon na ang nakalipas mula sa Linggo ng Pagkabuhay na ito. Panahon din ito ng Paskua—isa sa mga bihirang pagkakataong nagkasabay ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay at Paskua. Nang matapos ang pangitain, tatlong sinaunang propeta, sina Moises, Elias, at Elijah, ang nagpakita at ipinagkatiwala ang mga susi na kailangan para maisakatuparan ang layunin ng Panginoon para sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa dispensasyong ito. Ang layuning iyan ay simple, ngunit napakahusay, na nailarawan bilang pagtitipon ng Israel, ibinubuklod sila bilang mga pamilya, at inihahanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.4
Ang pagpapakita nina Elijah at Moises ay may “malaking pagkakatulad … [sa] tradisyon ng mga Judio, na ayon dito ay magkasamang darating sina Moises at Elijah sa ‘katapusan ng panahon.’”5 Sa ating doktrina, naisakatuparan ng pagpapakitang ito ang pangunahing pagpapanumbalik ng ilang susi “na itinalaga … para sa mga huling araw at para sa huling panahon, na siyang dispensasyon ng kaganapan ng panahon.”6
Ang Kirtland Temple, kapwa sa lugar at laki nito, ay di kapansin-pansin. Ngunit pagdating sa napakalaking kahalagahan nito sa sangkatauhan, ang epekto nito ay walang hanggan. Ipinanumbalik ng mga sinaunang propeta ang mga susi ng priesthood para sa mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo para sa kawalang-hanggan. Dahil dito napuno ng kagalakan ang matatapat na miyembro.
Ang mga susing ito ay nagbibigay ng “kapangyarihan mula sa kaitaasan”7 para sa mga itinalaga ng Diyos na tungkulin, na bumubuo sa pangunahing layunin ng Simbahan.8 Sa maluwalhating Pasko ng Pagkabuhay na iyon sa loob ng Kirtland Temple, tatlong susi ang naipanumbalik:
Una, nagpakita si Moises at ibinigay ang mga susi ng pagtitipon ng Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ito ay ang gawaing misyonero.9
Pangalawa, nagpakita si Elias at ibinigay ang mga susi ng dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, na kinabibilangan ng panunumbalik ng tipan ni Abraham.10 Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang layunin ng mga susi ng tipan ay ihanda ang mga miyembro para sa kaharian ng Diyos. Sabi Niya, “Nalalaman natin kung sino tayo at [alam natin kung] ano ang inaasahan ng Diyos sa atin.”11
Pangatlo, nagpakita si Elijah at ibinigay ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod sa dispensasyong ito, at ito ay ang gawain sa family history at paggawa ng mga ordenansa sa templo para sa kaligtasan ng mga buhay at mga patay.12
Sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, may tatlong executive council sa headquarters ng Simbahan na nangangasiwa sa mga tungkuling ito na itinalaga ng langit batay sa mga susing ipinanumbalik sa Kirtland Temple. Ang mga ito ay ang Missionary Executive Council, ang Priesthood and Family Executive Council, at ang Temple and Family History Executive Council.
Ano ang Ginagawa Natin para Maisagawa ang mga Itinalaga ng Diyos na Tungkuling Ito?
Una, tungkol sa pagpapanumbalik ni Moises ng mga susi ng pagtitipon ng Israel, ngayon halos 70,000 missionary ang nasa iba’t ibang bahagi ng mundo at ipinangangaral ang Kanyang ebanghelyo upang tipunin ang Kanyang mga hinirang. Ito ang simula ng katuparan ng dakila at kagila-gilalas na gawain na nakinita ni Nephi sa mga Gentil at sa sambahayan ni Israel. Nakita ni Nephi ang ating panahon kung kailan ang mga Banal ng Diyos ay nakakalat sa lahat ng dako ng mundo, ngunit kaunti lamang ang bilang nila dahil sa kasamaan. Gayunman, nakinita niya na sila ay “[masasandatahan] ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”13 Kung iisipin ang maikling kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan, napakalaki na ang nagawa ng gawaing misyonero. Nakikita natin ang katuparan ng pangitain ni Nephi. Bagama’t kaunti lamang tayo, patuloy tayong magsisikap at tuturuan ang mga taong makikinig sa mensahe ng Tagapagligtas.
Pangalawa, nagpakita si Elias at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan natin at ng ating binhi lahat ng susunod na salinlahi na susunod sa atin ay pagpapalain. Sa kumprensyang ito, napakahalagang gabay ang ibinigay upang matulungan tayo na magawang sakdal ang mga Banal at maihanda sila para sa kaharian ng Diyos.14 Ang pahayag na ibinigay sa sesyon ng priesthood kaugnay sa elders at high priests quorum ay magpapamalas sa natatagong kapangyarihan at awtoridad ng priesthood. Ang home at visiting teaching, na tinatawag na ngayong “ministering,” na mahusay na naituro sa sesyong ito, ay maghahanda sa mga Banal sa mga huling araw na humarap sa Diyos.
Pangatlo, ipinagkatiwala ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod ng dispensasyong ito. Para sa atin na nabubuhay sa panahong ito, ang pagdami ng templo at gawain sa family history ay kamangha-mangha. Ang ganitong pagdami ay magpapatuloy at mas bibilis pa hanggang sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at baka ang buong mundo “ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito.”15
Ang gawain sa family history, sa tulong ng biyaya ng teknolohiya, ay malaki ang itinaas ng bilang sa nakalipas na ilang taon. Hindi tayo dapat maging kampante sa tungkuling ito na itinalaga ng Diyos at hayaang ibang kamag-anak na lang natin ang mag-asikaso nito. Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang diretsahang sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Lahat ay kasali sa dakilang obligasyong ito. Kailangan dito ang apostol at maging ang pinakaordinaryong elder [o sister]. Ang posisyon, o naiibang katayuan, o matagal na paglilingkod sa Simbahan … ay hindi magbibigay ng karapatan sa isa na balewalain ang kaligtasan ng kanilang mga patay.”16
May mga templo na tayo sa iba’t ibang panig ng mundo at may pondo para sa mga taong malayo ang tirahan sa templo na kailangan ng tulong para makapunta sa templo.
Bilang mga indibiduwal, dapat nating alamin ang mga nagagawa na natin para sa gawaing misyonero, sa templo, at sa family history, at paghahanda sa pagharap sa Diyos.
Ang Kabutihan, Pagkakaisa, at Pagkapantay-pantay sa Harapan ng Panginoon ang Batayan ng mga Sagradong Tungkuling Ito
Patungkol sa kabutihan, ang buhay na ito ang panahon para makapaghanda tayong lahat sa pagharap sa Diyos.17 Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng masasamang nangyayari kapag hindi sumusunod ang isang indibiduwal o grupo sa mga utos ng Diyos.18
Sa buong buhay ko, ang mga isyu at alalahanin ng mundo ay patindi nang patindi—mula sa mga bagay na walang kabuluhan at halaga hanggang sa malalang imoralidad. Mabuti na lamang at ilan sa imoralidad na sapilitang ginagawa sa mga tao ay ibinunyag at tinuligsa.19 Ang gayong imoralidad ay labag sa batas ng Diyos at ng lipunan. Yaong nakauunawa ng plano ng Diyos ay dapat ding sumalungat sa imoralidad na kusang ginagawa, na isa ring kasalanan. Ang pagpapahayag sa mundo tungkol sa mag-anak ay nagbabala na “ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak [o sinuman] … ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos.”20
Kapag tumingin tayo sa paligid, nakikita natin ang kasamaan at adiksyon sa lahat ng lugar. Kung tayo, bilang mga indibiduwal, ay talagang nag-aalala tungkol sa huling paghuhukom ng Tagapagligtas, dapat nating hangaring magsisi. Nangangamba ako na maraming tao ang hindi na nadaramang mananagot sila sa Diyos at hindi bumabaling sa mga banal na kasulatan o sa mga propeta para mapatnubayan. Kung tayo, bilang isang lipunan, ay pagninilayan ang mga ibubunga ng mga kasalanan, maraming tao ang sasalungat sa pornograpiya at sa paggamit sa kababaihan bilang bagay na pagnanasaan.21 Tulad ng sinabi ni Alma sa kanyang anak na si Corianton sa Aklat ni Mormon, “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”22
Tungkol sa pagkakaisa, sinabi ng Tagapagligtas, “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”23 Alam natin na ang diwa ng pagtatalo ay sa diyablo.24
Sa ating panahon, ang utos sa banal na kasulatan hinggil sa pagkakaisa ay karaniwang binabalewala, at para sa maraming tao, mas pinapahalagahan nila ang tribalismo,25 na kadalasang nakabatay sa katayuan, kasarian, lahi, at kayamanan. Sa maraming bansa, kundi man halos lahat, lubhang magkaiba ang pananaw ng mga tao sa uri ng pamumuhay. Sa Simbahan ng Panginoon, ang tanging kultura na sinusunod at itinuturo natin ay ang kultura ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagkakaisang hangad natin ay ang maging kaisa ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga turo.26
Sa pagtingin natin sa mga pangunahing layunin ng Simbahan, lahat ng ito ay batay sa pagkakapantay-pantay sa harap ng Panginoon 27 at pagsunod sa kultura ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hinggil sa gawaing misyonero, ang mga pangunahing kwalipikasyon para sa binyag ay ang pagpapakumbaba ng sarili sa harapan ng Diyos at pagkakaroon ng may bagbag na puso at nagsisising espiritu.28 Ang edukasyon, kayamanan, lahi o bansang pinagmulan ay hindi isinasaalang-alang.
Bukod pa rito, ang mga missionary ay mapagpakumbabang naglilingkod kung saan sila tinawag. Hindi nila tinatangkang maglingkod para kilalanin ayon sa mga pamantayan ng mundo o makapaghanda para sa trabaho. Naglilingkod sila nang kanilang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas saan man sila italaga. Hindi nila pinipili ang kanilang kompanyon sa misyon, at nagsisikap na taglayin ang mga katangiang katulad ng kay Cristo,29 na nasa sentro ng kultura ni Jesucristo.
Ang mga banal na kasulatan ay gabay para sa ating pinakamahahalagang ugnayan. Itinuro ng Tagapagligtas na ang una at dakilang kautusan ay “iibigin mo ang Panginoon mong Dios.” At ang pangalawa ay “iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”30
Ipinaliwanag din ng Tagapagligtas na lahat ng tao ay ating kapwa-tao.31 Nilinaw ng Aklat ni Mormon na hindi dapat magkaroon ng anumang uri ng mga -ita, tribo, o uri.32 Dapat tayo ay nagkakaisa at pantay-pantay sa harapan ng Diyos.
Ang mga sagradong ordenansa at responsibilidad ay nakasalig sa pahayag na ito. Inaasahan ko na ang sarili ninyong mga karanasan sa templo ay magiging katulad ng sa akin. Kapag tapos na ako sa aking regular na trabaho sa San Francisco at nakarating na sa Oakland Temple, makadarama na ako ng nag-uumapaw na pagmamahal at kapayapaan. Ang malaking dahilan niyan ay ang pakiramdam na mas nalalapit ako sa Diyos at sa Kanyang mga layunin. Ang nakapagliligtas na mga ordenansa ang unang pinagtutuunan ko, ngunit malaking dahilan ng kasiyahan ko ang makita ang pagkakapantay-pantay at pagkakaisa na namamayani sa templo. Lahat ay nakasuot ng puting damit. Hindi mo makikita rito ang yaman, lahi, o pinag-aralan; lahat tayo ay magkakapatid na mapagkumbabang humaharap sa Diyos.
Sa sagradong silid-bukluran, ang ordenansa ng walang hanggang kasal ay pare-pareho sa lahat. Nakasisiya sa akin na ang mag-asawang mula sa napakaabang kalagayan at ang mag-asawang napakayaman ay parehong-pareho lamang ang karanasan. Magkakapareho ang suot nilang bata (robe) at pare-pareho ang mga tipang ginagawa sa parehong altar. Pareho rin ang tinatanggap nila na walang-hanggang basbas ng priesthood. Naisasagawa ito sa magandang templong itinayo buhat sa mga ikapu ng mga Banal bilang sagradong bahay ng Panginoon.
Ang pagtupad sa mga responsibilidad na itinalaga ng Diyos, batay sa kabutihan, pagkakaisa, at pagkakapantay-pantay sa harap ng Panginoon, ay nagdudulot ng kaligayahan at kapayapaan sa mundong ito at inihahanda tayo para sa daigdig na darating.33 Inihahanda tayo nito sa pagharap sa Diyos.34
Dalangin namin na ang bawat isa sa inyo, anuman ang inyong kasalukuyang sitwasyon, ay makikipagkausap sa inyong bishop at magiging karapat-dapat sa temple recommend.35
Nagpapasalamat kami na dumarami ang mga miyembro na naghahandang pumunta sa templo. Malaki ang nadagdag sa bilang ng mga karapatdapat na miyembro na may temple recommend sa loob ng maraming taon. Ang mga limited-use recommend ng mararapat na kabataan ay mabilis na dumadami sa nakalipas na dalawang taon. Malinaw na ang matatapat na miyembro ng Simbahan ay mas matatag kaysa dati.
Bilang katapusan, mangyaring mapanatag kayo na ang mga senior na lider ng Simbahan na namumuno sa mga layunin ng Simbahan na itinalaga ng Diyos ay nakatatanggap ng banal na tulong. Ang patnubay na ito ay mula sa Espiritu at kung minsan ay mula mismo sa Tagapagligtas. Parehong ibinibigay ang dalawang uring ito ng espirituwal na patnubay. Nagpapasalamat ako na makatanggap ng gayong tulong. Subalit ang patnubay ay ibinibigay sa itinakdang panahon ng Panginoon, nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin,36 kapag ang “isang Panginoon na nakababatid ng lahat ay ipinasiyang turuan tayo.”37 Ang patnubay para sa Simbahan sa kabuuan ay dumarating lamang sa Kanyang propeta.
Lahat tayo ay nagkaroon ng pribilehiyong sang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson bilang ating propeta at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kumperensyang ito. Ang Labindalawa, bilang isang grupo at bilang inbiduwal, ay nagkaroon ng mahalagang espirituwal na karanasan nang ipatong namin ang aming mga kamay sa ulunan ni Pangulong Nelson at si Pangulong Dallin H. Oaks, na nagsilbing tinig, ay inorden at itinalaga siya bilang Pangulo ng Simbahan. Pinatototohanan ko na siya ay inorden noon pa man at sa buong buhay niya ay inihanda siya na maging propeta ng Panginoon para sa ating panahon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.