2010–2019
Mga Kabataang Babae sa Gawain
Abril 2018


2:3

Mga Kabataang Babae sa Gawain

Dapat madama ng bawat kabataang babae sa Simbahan na pinahahalagahan siya, may mga pagkakataon na maglingkod, at madama na may mahalaga siyang maiaambag sa gawaing ito.

Noong isang taon, sa pangkalahatang sesyon ng priesthood ng kumperensya, nagsalita si Bishop Gérald Caussé sa kalalakihan ng Simbahan na inilalarawan kung paanong hindi mapaghihiwalay na magkatuwang sa pagtupad sa gawain ng kaligtasan ang mga mayhawak ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.1 Ang mensaheng iyan ay isang malaking pagpapala na tumulong sa mga kabataang lalaki na maytaglay na Aaronic Priesthood na maunawaan ang bahaging ginagampanan nila sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa mundong ito. Ang kanilang pinagsamang paglilingkod ay pinalalakas ang Simbahan at nagdudulot ng mas malalim na pagbabalik-loob at pangako sa mga puso ng ating mga kabataang lalaki habang nauunawaan nila ang kahalagahan ng kanilang kontribusyon at kung gaano kahanga-hanga ang gawaing ito.

Ngayon ay nais kong idagdag ang aking mensahe sa mensaheng iyon sa pagsasalita ko tungkol sa mga kabataang babae ng Simbahan, na kailangan at mahalaga rin sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon sa kanilang mga pamilya at sa Kanyang Simbahan.

Tulad ni Bishop Caussé, kabilang ako sa isang maliit na branch ng Simbahan noong halos kabataan ko, at madalas akong hilingan na gawin ang mga gawain at tungkulin na karaniwang ginagawa ng matatanda. Halimbawa, kami na nasa youth program ay madalas na manguna sa pagtulong na iorganisa at isagawa ang aming mga aktibidad at mahahalagang kaganapan. Kami ay nagsulat ng mga dula, bumuo ng isang singing group para magbigay-saya sa mga aktibidad ng branch, at lubos na bahagi ng lahat ng miting. Tinawag ako na maging branch music leader at kumumpas sa pagkanta sa sacrament meeting tuwing Linggo. Kaygandang karanasan nito para sa isang 16-taon-gulang na dalagita tumayo sa harap ng lahat ng tao sa branch tuwing Linggo at kumpasan sila sa pagkanta ng mga himno. Nadama ko na kailangan ako at nalaman ko na mayroon akong maiaambag. Umasa ang mga tao na palagi akong naroon, at gustung-gusto ko ang pakiramdam na kapaki-pakinabang ako. Ang karanasang iyon ay tumulong sa akin na magkaroon ng patotoo kay Jesucristo, at tulad ng nangyari kay Bishop Caussé, nasalig ang buhay ko sa paglilingkod ayon sa ebanghelyo.

Dapat malaman ng bawat miyembro kung gaano siya kinakailangan. Bawat tao ay may mahalagang bagay na maiaambag at may mga natatanging talento at kakayahan na tumutulong na maisulong ang mahalagang gawaing ito. Ang ating mga kabataang lalaki ay may mga tungkulin sa Aaronic Priesthood na malinaw na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan. Maaaring hindi gaanong pansin sa mga kabataang babae ng Simbahan, kanilang mga magulang, at kanilang mga lider na, mula sa panahong bininyagan sila, may mga responsibilidad sa tipan ang mga kabataang babae na “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [sila] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan.”2 May mga pagkakataon ang mga kabataang babae na magawa ang mga responsibilidad na ito sa kanilang mga ward at mga branch at kapag naglilingkod sila sa mga class presidency, sa mga youth council, at sa iba pang mga tungkulin. Dapat madama ng bawat kabataang babae sa Simbahan na pinahahalagahan siya, may mga pagkakataon na maglingkod, at madama na may mahalaga siyang maiaambag sa gawaing ito.

Sa Handbook 2, nalaman natin na ang gawain ng kaligtasan sa mismong mga ward natin ay kinabibilangan ng “pagtulong ng mga miyembro sa gawaing misyonero, pagpapanatiling aktibo sa mga nabinyagan, pagpapaaktibo sa mga di-gaanong aktibong miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.”3 Ang gawaing ito ay pinamamahalaan ng ating matatapat na bishop, na hawak ang mga susi ng priesthood para sa kanilang ward. Maraming taon nang itinatanong ng ating panguluhan ang tanong na, “Alin sa nabanggit na mga aspetong ito dapat hindi makisali ang ating mga kabataang babae?” Ang sagot ay dapat mayroon silang mahalagang maiambag sa lahat ng aspeto ng gawaing ito.

Halimbawa, kamakailan lang ay nakilala ko ang ilang kabataang babae sa Las Vegas area na tinawag na maglingkod bilang mga ward temple at family history consultant. Napakasaya nila na matuturuan at matutulungan nila ang mga miyembro ng kanilang ward sa paghahanap ng kanilang mga ninuno. Sila ay mahusay sa paggamit ng computer, natuto kung paano gamitin ang FamilySearch, at natutuwa na ibahagi ang kaalamang iyon sa iba. Malinaw na sila ay may mga patotoo at pag-unawa tungkol sa kahalagahan ng paghahanap ng mga pangalan ng ating mga yumaong ninuno upang maisagawa para sa kanila ang mahahalagang ordenansa sa templo.

Ilang buwan na ang nakararaan, nagkaroon ako ng pagkakataon na subukan ang isang ideya sa dalawang 14-taong gulang na dalagita. Nakatanggap ako ng mga kopya ng dalawang aktuwal na ward council agenda at binigyan ko ng tig-isang kopya sina Emma at Maggie. Hiniling ko sa kanila na basahin ang mga agenda at tingnan kung may anumang action item mula sa mga ward council ang maaari nilang gawin. Nakita ni Emma na isang bagong pamilya ang lilipat sa ward, at sinabi niya na makatutulong siya sa kanila na maglipat at mag-ayos ng mga gamit. Naisip niya na maaari niyang kaibiganin ang mga anak sa pamilya at maipasyal sila sa kanilang bagong paaralan. Nakita niya na may gaganaping ward dinner at nadama niya na maraming iba’t ibang paraan para makatulong siya.

Nakita ni Maggie na maraming matatandang miyembro sa ward na kinakailangang bisitahin at kaibiganin. Sinabi niya na gustong-gusto niyang makabisita at makatulong sa kahanga-hangang matatandang miyembrong ito. Nadama rin niya na makatutulong siya sa pagtuturo sa mga miyembro ng ward kung paano mag-set-up at gumamit ng mga social media account. Talagang walang isang bagay sa mga agendang iyon kung saan hindi makakatulong ang dalawang dalagitang iyon!

Nakikita ba ng mga miyembro ng mga ward council, o ng sinumang may katungkulan sa ward, ang mga kabataang babae na mapagkukunan ng tulong para matugunan ang maraming pangangailangan sa ating mga ward? Kadalasang may isang mahabang listahan ng mga sitwasyon kung saan kinakailangang maglingkod ang isang tao, at madalas na iniisip natin na mga nakatatanda lang sa ward ang makatutugon sa mga pangangailangang iyon. Tulad sa pag-anyaya sa ating mga mayhawak ng Aaronic Priesthood na gumawa kasama ang kanilang mga ama at iba pang kalalakihan ng Melchizedek Priesthood, maaaring tawagin ang ating mga kabataang babae na maglingkod at tumulong sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng ward kasama ang kanilang mga ina o iba pang mga kahanga-hangang kababaihan na miyembro ng Simbahan. Sila ay may kakayahan, masigasig, at handang gawin ang mas marami pang bagay kaysa magsimba lamang tuwing Linggo!

Dalagitang tumutulong sa pamimili
Dalagitang naglilingkod
Dalagitang tumutulong sa paggamit ng computer
Dalagitang naglilinis
Dalagitang kumukumpas
Dalagitang nagtuturo
Dalagitang nakasuot ng Helping Hands vest
Mga dalagitang bumabati sa mga nagsisimba

Kapag isinaalang-alang natin ang mga tungkulin na inaasahang gagampanan ng ating mga kabataang babae sa hinaharap, maaari nating itanong sa ating sarili kung anong mga karanasan ang maibibigay natin sa kanila ngayon na tutulong sa kanilang paghahanda na maging mga missionary, maalam sa ebanghelyo, lider sa mga auxiliary ng Simbahan, temple worker, asawa, ina, mentor, halimbawa, at kaibigan. Sa totoo lang ay makapagsisimula na sila ngayon na gampanan ang marami sa mga tungkuling iyon. Madalas ay hinihiling sa mga kabataan na tumulong sa pagtuturo ng mga lesson sa kanilang mga klase tuwing Linggo. May mga pagkakataon na ngayon ang mga kabataang babae na maglingkod sa templo na noon ay ginagampanan lamang ng mga ordinance worker o mga boluntaryo kapag dumadalo sila kasama ang kanilang grupo ng kabataan upang magsagawa ng pagbibinyag para sa mga patay. Ang ating mga batang babae sa Primary ay inaanyayahan na ngayong dumalo sa mga Temple and Priesthood Preparation meeting, na tutulong sa kanila na maunawaan na mahalaga rin silang kalahok sa gawaing pinamamahalaan ng priesthood. Natututuhan nila na ang mga kalalakihan, kababaihan, kabataan, at mga bata ay tatanggap lahat ng mga pagpapala ng priesthood at maaaring aktibong makibahagi ang lahat sa pagsulong sa gawain ng Panginoon.

Mga bishop, alam namin na madalas ay napakabigat ng inyong mga tungkulin, ngunit tulad ng isa sa mga pinakapriyoridad ninyo na mangulo sa korum ng Aaronic Priesthood, ipinaliwanag sa Handbook 2 na “ang bishop at ang mga tagapayo niya ay nagbibigay ng pamumuno ng priesthood sa organisasyon ng mga Kabataang Babae. Binabantayan at pinalalakas nila ang mga indibiduwal na kabataang babae, nakikipagtulungang mabuti sa mga magulang at sa mga lider ng Kabataang Babae sa gawaing ito.” Sinasabi rin nito na “ang bishop at ang kanyang mga tagapayo ay regular na nakikibahagi sa mga miting, paglilingkod, at aktibidad ng mga Kabataang Babae.”4 Nagpapasalamat kami para sa mga bishop na gumugugol ng oras upang bisitahin ang mga klase ng Young Women at naglalaan ng mga pagkakataon para sa mga kabataang babae na makibahagi sa gawain at hindi lamang panoorin ang iba na gumagawa. Salamat sa inyo dahil tinitiyak ninyo na ang mga kabataang babae ay pinahahalagahang mga kalahok sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng ward! Ang mga pagkakataong ito na maglingkod sa mga makabuluhang paraan ay higit na magpapala sa kanila kaysa sa mga aktibidad na nasisiyahan lang sila.

Sa inyo, mga kabataang babae ng Simbahan, ang panahon ninyo bilang tinedyer ay maaaring maging abala at kadalasan ay mahirap. Napansin namin na mas marami sa inyo ang nahihirapan at palaging iniisip ang kahalagahan ng inyong sarili, nakadarama ng pagkabalisa, sobrang stress, at marahil pati depresyon. Ang isiping makatulong sa ibang tao, sa halip na pagtuunan ang sariling mga problema, ay maaaring hindi kalutasan sa lahat ng ito, ngunit mapagagaan ng paglilingkod ang inyong mga pasanin at maaaring madama ninyo na hindi na gaanong mahirap ang inyong mga hamon sa buhay. Isa sa pinakamagagandang paraan upang madagdagan ang pagpapahalaga sa sarili ay ang ipakita, sa pamamagitan ng ating pagmamalasakit at paglilingkod sa iba, na marami tayong mahalagang maiaambag.5 Hinihikayat ko kayo na itaas ang inyong mga kamay upang magboluntaryo at gamitin ang mga kamay na iyon sa paggawa kapag nakakita kayo ng pangangailangan sa paligid ninyo. Sa pagtupad ninyo sa inyong mga responsibilidad sa tipan at pakikibahagi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, darating ang mga pagpapala sa inyong buhay at matutuklasan ninyo ang malalim at tumatagal na kagalakan ng pagiging disipulo.

Mga kapatid, kahanga-hanga ang ating mga kabataang babae. Sila ay may mga talento, di-nauubos na sigasig, at sigla, at mahabagin at mapagmalasakit sila. Nais nilang maglingkod. Kailangan nilang malaman na sila ay pinahahalagahan at kinakailangan sa gawain ng kaligtasan. Tulad ng paghahanda ng mga kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood para sa mas dakilang paglilingkod sa pagsulong nila sa Melchizedek Priesthood, naghahanda rin ang ating mga kabataang babae na maging mga miyembro ng pinakadakilang organisasyon ng kababaihan sa lupa—ang Relief Society. Magkakasama, ang magaganda, malalakas, at matatapat na kabataang babae at kabataang lalaking ito ay naghahanda para maging mga asawa, at mga ina at mga ama na magpapalaki ng mga pamilyang karapat-dapat sa selestiyal na kaharian ng Diyos.

Pinatototohanan ko na ang gawain ng ating Ama sa Langit ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak.6 Ang ating natatanging mga kabataang babae ay may mahalagang tungkuling gagampanan sa pagtulong na matupad ang dakilang gawaing ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.