2010–2019
Dalisay na Pag-ibig: Ang Tunay na Tanda ng Lahat ng Tunay na Disipulo ni Jesucristo
Abril 2018


2:3

Dalisay na Pag-ibig: Ang Tunay na Tanda ng Lahat ng Tunay na Disipulo ni Jesucristo

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nakasentro sa pagmamahal ng Ama at ng Tagapagligtas para sa atin at sa ating pagmamahal para sa Kanila at para sa isa’t isa.

Mahal natin at naaalala si Pangulong Thomas S. Monson, at mahal natin at sinasang-ayunan si Pangulong Nelson. Napakaespesyal sa puso ko si Pangulong Nelson.

Noong ako ay bata pang ama, ang aming maliit na anak na lalaki, ay umuwi isang araw mula sa paaralan at itinanong sa kanyang ina, “Ano po ba ang trabaho ni Itay?” Pagkatapos ay ipinaliwanag nito na ang kanyang mga bagong kaklase ay nagsimulang ipagmalaki ang tungkol sa mga trabaho ng kanilang mga ama. Sinabi ng isa na ang kanyang ama ay hepe ng pulisya ng lungsod, samantalang ang isa pa ay nagmamalaking sinabi na boss ang tatay niya sa isang malaking kompanya.

Kaya nang tanungin siya tungkol sa kanyang ama, sinabi lang ng anak ko, “Nagtatrabaho ang tatay ko sa isang opisina sa computer.” Pagkatapos, nang mapansin nito na hindi napabilib ang kanyang mga bagong kaibigan, idinagdag nito, “At saka, ang tatay ko ay boss ng sansinukob.”

Sa palagay ko ay doon natapos ang pag-uusap nila.

Sinabi ko sa asawa ko, “Panahon na para ituro sa kanya ang iba pang mga detalye tungkol sa plano ng kaligtasan at kung sino talaga ang namumuno.”

Kaya’t habang itinuro namin sa aming mga anak ang plano ng kaligtasan, ang pagmamahal nila sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay naragdagan habang natutuhan nila na ito ay plano ng pagmamahal. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nakasentro sa pagmamahal ng Ama at ng Tagapagligtas para sa atin at sa ating pagmamahal para sa Kanila at para sa isa’t isa.

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Ang una at dakilang utos sa kawalang-hanggan ay ang mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kakayahan, pag-iisip at lakas—iyan ang una at dakilang utos. Subalit ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang Kanyang buo puso, kakayahan, pag-iisip at lakas. Ang pagmamahal na iyon ay saligang bato ng kawalang-hanggan, at ito ay dapat na maging saligang bato ng ating buhay araw-araw.”1

Sa pagiging saligang bato ng ating buhay araw-araw, ang dalisay na pag-ibig ay kinakailangan sa lahat ng tunay na disipulo ni Jesucristo.

Itinuro ng propetang si Mormon, “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo.”2

Ang pag-ibig o pagmamahal ay tunay na tanda ng lahat ng tunay na disipulo ni Jesucristo.

Ang mga tunay na disipulo ay gustong maglingkod. Alam nila na ang paglilingkod ay nagpapakita ng tunay na pagmamahal at ng tipan na ginawa nila sa binyag.3 Anuman ang kanilang mga tungkulin sa Simbahan o responsibilidad sa komunidad, nadarama nila ang nag-iibayong hangaring mahalin at paglingkuran ang Panginoon at ang bawat isa.

Ang mga tunay na disipulo ay gustong magpatawad. Alam nila na binayaran ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang lahat ng kasalanan at pagkakamali ng bawat isa sa atin. Alam nila na ang ibinigay Niyang kabayaran ay “kabayarang para sa lahat.” Kasamang binayaran ang lahat ng mga espirituwal na buwis, bayad, komisyon, at singil na kaugnay ng mga kasalanan, o pagkakamali. Ang mga tunay na disipulo ay madaling magpatawad at madaling humingi ng kapatawaran.

Mahal kong mga kapatid, kung nahihirapan kayong magpatawad, huwag isipin ang ginawa ng iba sa inyo, kundi isipin ang ginawa para sa inyo ng Tagapagligtas, at makadarama kayo ng kapayapaan sa nakatutubos na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang mga tunay na disipulo ay handang magpasakop ng kanilang sarili sa Panginoon nang may kapayapaan sa kanilang puso. Sila ay mapagpakumbaba at masunurin dahil mahal nila Siya. May pananampalataya sila na lubos na tanggapin ang Kanyang kalooban, hindi lamang sa kung ano ang ginagawa Niya kundi kung paano at kailan Niya rin ginagawa ito. Alam ng mga tunay na disipulo na ang mga tunay na pagpapala ay hindi palagi ang gusto nila kundi ang nais ng Panginoon para sa kanila.

Higit na minamahal ng mga tunay na disipulo ang Panginoon kaysa sa mundo at matatag at hindi natitinag sa kanilang pananampalataya. Nananatili silang malakas at matatag sa pabagu-bago at magulong mundong ito. Gustong pakinggan ng mga tunay na disipulo ang tinig ng Espiritu at ng mga propeta at hindi nalilito ng maraming tinig ng mundo. Gusto ng mga tunay na disipulo na “[tumayo] sa mga banal na lugar”4 at ninanais na gawing banal ang mga lugar kung saan sila nakatayo. Saanman sila magpunta, dinadala nila ang pagmamahal ng Panginoon at ang kapayapaan sa mga puso ng ibang tao. Gusto ng mga tunay na disipulo na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, at sumusunod sila dahil mahal nila ang Panginoon. Kapag minamahal at tinutupad nila ang kanilang mga tipan, napapanibago ang kanilang mga puso at nagbabago ang likas nilang pagkatao.

Ang dalisay na pag-ibig ay tunay na tanda ng lahat ng tunay na disipulo ni Jesucristo.

Natutuhan ko ang dalisay na pag-ibig mula sa aking ina. Hindi siya miyembro ng Simbahan.

Isang araw maraming taon na ang nakararaan, dinalaw ko ang aking ina, na may sakit na kanser. Alam ko na malapit na siyang pumanaw, pero nag-alala pa rin ako dahil nahihirapan siya. Hindi ako umiimik, pero dahil kilalang-kilala niya ako, sinabi niya, “Alam kong nag-aalala ka.”

Pagkatapos ay nagulat ako nang hilingin niya sa mahinang tinig, “Maaari mo ba akong turuang magdasal? Gusto kong magdasal kasama ka. Alam kong nagsisimula ka sa pagsasabi ng ‘Mahal kong Ama sa Langit,’ pero ano ang sasabihin ko pagkatapos?”

Nang lumuhod ako sa tabi ng kanyang kama at nanalangin siya para sa akin, nakadama ako ng pagmamahal na hindi ko pa kailanman nadama noon. Ito ay simple, tunay, dalisay na pag-ibig. Kahit hindi niya alam ang tungkol sa plano ng kaligtasan, nasa kanyang puso ang plano ng pagmamahal, ang plano ng pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak. Ramdam niya ang sakit, at nahirapan siyang magdasal. Halos hindi ko marinig ang kanyang tinig, pero nakatitiyak ako na naramdaman ko ang kanyang pagmamahal.

Naalala ko na naisip ko, “Paanong nakakaya pa ng isang tao na nakadarama ng sobrang sakit ang magdasal para sa isang tao? Mas kailangan niya ito.”

Pagkatapos ay malinaw na dumating ang sagot sa aking isipan: dalisay na pag-ibig. Mahal na mahal niya ako kaya’t hindi niya inalala ang kanyang sarili. Sa kanyang pinakamatinding paghihirap, minahal niya ako nang higit sa kanyang sarili.

Ngayon, mahal kong mga kapatid, hindi ba’t ito ang ginawa ng Panginoon? Mangyari pa, sa isang walang hanggan at mas malawak na pananaw. At sa gitna ng kanyang pinakamatinding paghihirap, sa halamanan nang gabing iyon, Siya ang nangangailangan ng tulong, na nagdusa sa paraang hindi natin kayang isipin o unawain. Ngunit sa huli, hindi Niya inalala ang Kanyang sarili at nanalangin para sa atin hanggang sa maibigay Niya ang buong kabayaran. Paano Niya nagawa ito? Dahil sa Kanyang dalisay na pag-ibig para sa Ama, na nagsugo sa Kanya, at para sa atin. Mahal Niya ang Ama at tayo nang higit kaysa sa Kanyang sarili.

Nagbayad Siya para sa isang bagay na hindi Niya ginawa. Nagbayad Siya para sa mga kasalanan na hindi Niya ginawa. Bakit? Dalisay na pag-ibig. Dahil Siya ang nagbayad ng kabuuan, Siya ang magkakaloob sa atin ng mga pagpapala na bunga ng pagbabayad Niya kung tayo ay magsisisi. Bakit Niya ipagkakaloob ito? Muli, at magpakailanman, dalisay na pag-ibig.

Ang dalisay na pag-ibig ay tunay na tanda ng lahat ng tunay na disipulo ni Jesucristo.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nawa’y simulan natin ngayon, sa araw na ito mismo, na magpakita ng pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos, sila man ay ating mga kapamilya, kaibigan, kakilala lamang, o hindi natin kilala. Paggising natin tuwing umaga, magpasiya tayong tumugon nang may pagmamahal at kabaitan anuman ang mangyari.”5

Mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagmamahal. Ang pinakadakilang utos ay tungkol sa pagmamahal. Para sa akin, lahat ng ito ay tungkol sa pagmamahal. Ang pagmamahal ng Ama, na nagsakripisyo ng Kanyang Anak para sa atin. Ang pagmamahal ng Anak, na nagsakripisyo ng lahat para sa atin. Ang pagmamahal ng isang ina o ng isang ama na ibibigay ang lahat para sa kanyang mga anak. Ang pagmamahal ng mga taong naglilingkod nang tahimik at hindi alam ng marami sa atin ngunit alam na alam ng Panginoon. Ang pagmamahal ng mga taong nagpapatawad sa lahat at sa tuwina. Ang pagmamahal ng mga taong nagbibigay nang higit pa kaysa sa natatanggap nila.

Mahal ko ang aking Ama sa Langit. Mahal ko ang Tagapagligtas. Mahal ko ang ebanghelyo. Mahal ko ang Simbahang ito. Mahal ko ang aking pamilya. Mahal ko ang magandang buhay na ito. Para sa akin, lahat ng ito ay tungkol sa pagmamahal.

Nawa’y ang araw na ito ng pag-alaala sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay maging araw ng espirituwal na pagpapanibago para sa bawat isa sa atin. Nawa’y ang araw na ito ay simula ng buhay na puno ng pagmamahal, ang “saligang bato ng ating buhay araw-araw.”

Nawa’y mapuspos ang ating mga puso ng dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang tunay na tanda ng lahat ng tunay na disipulo ni Jesucristo. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.