Maliliit at mga Karaniwang Bagay
Kailangan nating mapaalalahanan na kapag pinagsama-sama sa pagdaan ng panahon ang tila maliliit na bagay ay magsasakatuparan ng mga dakilang bagay.
I.
Mga kapatid, tulad ninyo, ako rin ay lubos na naantig, pinagtibay, binigyang inspirasyon ng mga mensahe at musika at damdamin sa oras na ito na magkakasama tayo. Sigurado akong nagsasalita ako para sa inyo sa pagbigay pasasalamat sa ating mga kapatid na, bilang mga instrumento sa mga kamay ng Panginoon, ay pinalakas tayo sa oras na ito.
Nagpapasalamat ako na makapagsalita sa inyo sa araw na ito ng Pasko ng Pagkabuhay. Ngayon ay nakikiisa tayo sa iba pang mga Kristiyano na nagdiriwang ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo. Para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay isang haligi ng ating pananampalataya.
Dahil naniniwala tayo sa nakatala sa Biblia at Aklat ni Mormon tungkol sa literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, naniniwala rin tayo sa napakaraming turo sa banal na kasulatan na ang pagkabuhay na mag-uli na tulad niyon ay mangyayari sa lahat ng mortal na nabuhay sa mundong ito. Ang pagkabuhay na mag-uli ay nagbibigay sa atin, ayon sa Apostol Pedro, ng “isang buhay na pagasa” (I Peter Ni Pedro 1:3). Ang buhay na pag-asang iyan ay ang matibay nating paniniwala na ang kamatayan ay hindi ang katapusan ng ating pagkatao kundi isang mahalagang hakbang sa maawaing plano ng ating Ama sa Langit para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Kinakailangan sa planong iyan ang pagbabago mula sa pagiging mortal patungo sa pagiging imortal. Pinakamahalaga sa transisyong pagbabagong iyan ang dapit-hapon ng kamatayan at ang maluwalhating umaga na ginawang posibleng ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon at Tagapagligtas na ipinagdiriwang natin sa Linggong ito ng Pagkabuhay.
II.
Sa isang magandang himno na isinulat ni Eliza R. Snow, inaawit natin:
Dakila, mal’walhati’t sadyang ganap
Hangaring tayo’y matubos,
Pag-ibig, awa at katarungan
Ay nagtutugma nang lubos!1
Bilang bahagi ng banal na plano at pagkakaisa ng pagkakatugmang iyan, nagtitipon tayo sa mga pulong, kabilang ang kumperensyang ito, upang turuan at hikayatin ang isa’t isa.
Ngayong umaga nadama kong gamiting tema sa aking mensahe ang itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, na nakatala sa Aklat ni Mormon: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Tinuruan tayo ng maraming maliliit at mga karaniwang bagay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kailangan nating mapaalalahanan na kapag pinagsama-sama sa pagdaan ng panahon ang tila maliliit na bagay na ito ay magsasakatuparan ng mga dakilang bagay. Marami nang mensahe tungkol sa paksang ito ang mga General Authority at ang iba pang mga iginagalang na guro. Napakahalaga ng paksang ito kaya’t nadama ko na talakayin itong muli.
Naipaalala sa akin ang malakas na pwersa ng maliliit at mga karaniwang bagay sa paglipas ng panahon dahil sa isang bagay na nakita ko noong ako’y naglalakad isang umga. Narito ang bagay na kinunan ko ng litrato. Ang makapal at matibay na kongkretong bangketa ay nagbibitak-bitak na. Dahil ba ito sa malaki at malakas na puwersa na tumutulak mula sa ilalim? Hindi, ang mga bitak na ito ay sanhi ng dahan-dahan at unti-unting paglaki ng isa sa mga ugat na gumagapang mula sa kalapit na puno. Narito pa ang isang katulad na halimbawa na nakita ko sa isa pang kalsada.
Ang puwersang nagpabitak sa makakapal na konkretong bangketang ito ay napakaliit para masukat sa araw-araw o nang buwanan, ngunit ang epekto nito sa paglipas ng panahon ay napakalaki.
Gayon din kalakas ang epekto sa pagdaan ng panahon ng maliliit at mga karaniwang bagay na itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan at ng mga buhay na propeta. Isipin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na itinuro sa atin na gawing bahagi ng ating buhay sa araw-araw. O isipin ang mga personal na panalangin at pagluhod at pagdarasal ng pamilya na regular na ginagawa ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. Isipin ang attendance sa seminary para sa mga kabataan o mga institute class para sa mga young adult. Bagama’t bawat isa sa mga gawing ito ay tila maliliit at karaniwan, sa paglipas ng panahon ang mga ito ay humahantong sa matinding espirituwal na paglakas at pag-unlad. Nangyayari ito dahil ang bawat isa sa maliliit at mga karaniwang bagay na ito ay nag-aanyaya ng patnubay ng Espiritu Santo, ang Tagapagpatotoo na nagbibigay ng kalinawan sa atin at gumagabay sa atin patungo sa katotohanan.
Ang isa pang pinagmumulan ng lakas at pag-unlad ay ang patuloy na pagsisisi, kahit na sa tila maliliit na pagkakamali. Ang pagsusuri natin sa ating sarili ay makatutulong sa atin para malaman natin kung paano tayo nagkamali at kung paano natin mas mapagbubuti ang ating sarili. Ang pagsisising iyan ay dapat munang gawin bago tumanggap ng sakramento tuwing Linggo. Ang ilang mabubuting gawa na dapat isaalang-alang sa prosesong ito ng pagsisisi ay nakasaad sa himnong “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?”
Ako ba’y may kabutihang nagawa?
Ako ba ay nakatulong na?
Nakapagpasaya, nakapagpasigla?
Kundi ay bigong talaga.
May napagaan bang pasanin ngayon
Dahil ako ay tumulong?
Ang mga nanghihina, nalunasan ba?
Nang kailangan ako’y naro’n ba?2
Talagang maliliit na bagay ang mga ito, ngunit tiyak na ang mga ito ay mabubuting halimbawa ng kung ano ang itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Helaman: “At ang Panginoong Diyos ay nagsasagawa ng mga pamamaraan upang isakatuparan ang kanyang dakila at mga walang hanggang layunin; at sa pamamagitan ng napakaliit na pamamaraan ay … isinasakatuparan [ng Panginoon] ang kaligtasan ng maraming tao” (Alma 37:7).
Si President Steven C. Wheelwright ay nagbigay sa mga nakikinig sa Brigham Young University–Hawaii ng nakapupukaw na paglalarawang ito tungkol sa itinuro ni Alma: “Pinatotohanan ni Alma sa kanyang anak na ang talagang huwarang sinusunod ng Panginoon kapag nananampalataya tayo sa Kanya at sumusunod sa Kanyang payo sa maliliit at mga karaniwang bagay, ay Kanya tayong pinagpapala ng maliliit na himala sa araw-araw, at pagdaan ng panahon, ng kagila-gilalas na mga gawa.”3
Itinuro ni Elder Howard W. Hunter na “kadalasan ang karaniwang mga tungkulin … ang may pinakamalaking positibong epekto sa buhay ng iba, kumpara sa mga bagay na napakadalas iugnay ng mundo sa kadakilaan.”4
Isang mapanghikayat na turo na walang kaugnayan sa relihiyon tungkol sa ganito ring alituntunin ang nagmula sa dating si Senador Dan Coats ng Indiana, na nagsulat ng: “Ang tanging paghahanda para sa nag-iisang mahalagang desisyong iyon na magpapabago ng buhay, o maging ng isang bansa, ay yaong daan-daan at libu-libong desisyon na hindi ganong pinag-isipan, desisyon na humubog sa pagkatao, desisyon na tila hindi mahalaga na personal na ginawa.”5
Ang mga personal na desisyon na iyon na “tila hindi mahalaga” ay kinapapalooban ng mga paraan kung paano natin ginugugol ang ating oras, ano ang pinanonood natin sa telebisyon at sa internet, ano ang binabasa natin, ang sining at musika na ginagamit natin sa trabaho at sa tahanan, ang gusto nating libangan, at kung paano natin ginagawa ang ating pangako na maging tapat at totoo. Isa pang tila maliliit at mga karaniwang bagay ay ang pagiging magalang at masayahin natin sa ating pakikisalamuha sa iba.
Wala ni isa sa mga kanais-nais na maliliit at mga karaniwang bagay na ito ang mag-aangat sa atin sa mas dakilang mga bagay kung hindi natin ito palagi at patuloy na gagawin. Sinabi ni Pangulong Brigham Young: “Ang ating buhay ay binubuo ng maliliit, karaniwang pangyayari na kapag pinagsama-sama ay nagiging mahalaga, at kabuuan ng buhay ng isang lalaki o babae.”6
Napaliligiran tayo ng mga impluwensya ng media at paghina ng kultura na hihila sa atin para ibaba ang ating pamantayan kung hindi tayo patuloy na magiging matatag. Upang makausad pasalungat sa agos patungo sa ating walang hanggang mithiin, dapat patuloy tayong sumagwan. Makatutulong kung bahagi tayo ng isang koponan na magkakasamang sumasagwan, tulad ng makikita sa larawang ito. Upang magamit pa ang halimbawang iyan, napakalakas ng agos na kung hihinto tayo sa pagsagwan, tayo ay aanuring pababa patungo sa destinasyong hindi nating hinangad ngunit tiyak na hindi natin maiiwasan kung hindi tayo patuloy na magsisikap na sumulong.
Matapos magkuwento tungkol sa tila maliit na pangyayari na may mahahalagang ibinunga, isinulat ni Nephi, “At sa gayon nakikita natin na sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay” (1 Nephi 16:29). Nakatala sa Lumang Tipan ang isang malinaw na halimbawa nito. Doon ay mababasa natin kung paano pinahirapan ng mababangis na ahas ang mga Israelita. Maraming tao ang namatay sa tuklaw ng mga ito (tingnan sa Mga Bilang 21:6). Nang manalangin si Moises para gumaling sila, nainspirasyunan siyang gumawa ng “isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin.” Pagkatapos, “pag may nakagat ng ahas ay nabubuhay pagtingin sa ahas na tanso” (talata 9). Isang maliit na bagay na nagbunga ng himala! Gayunman, tulad ng paliwanag ni Nephi nang ituro niya ang halimbawang ito sa mga taong naghihimagsik laban sa Panginoon, bagama’t naghanda ang Panginoon ng isang karaniwang paraan para gumaling sila, “dahil sa kagaanan ng paraan, o kadalian nito, marami ang nangasawi” (1 Nephi 17:41).
Ang halimbawang iyan at ang turong iyan ay nagpapaalala sa atin na ang kagaanan ng paraan o kadalian ng iniutos na gawain ay hindi nangangahulugang hindi mahalagang kamtin ang mabuti nating hangarin.
Gayon din, ang maliliit na pagsuway o maliliit na kabiguan na gawin ang mabubuting gawain ay hihila sa atin pababa patungo sa isang bagay na binalaan tayo na iwasan. Ang Word of Wisdom ay nagbigay ng halimbawa tungkol dito. Malamang na hindi masusukat ang epekto sa katawan ng isang sigarilyo o minsang pag-inom ng alak o minsang paggamit ng droga. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang epekto nito ay matindi, at maaaring hindi mapagaling. Alalahanin ang bitak sa bangketa dahil sa paunti-unting paglaki ng ugat ng puno. Isang bagay ang tiyak, ang kakila-kilabot na ibubunga ng paggamit ng anumang bagay na nakalululong, tulad ng mga droga na pumipinsala sa ating katawan o mga pornograpikong materyal na nagpaparumi sa ating isipan, ay lubos na maiiwasan kung hindi tayo kailanman gumamit nito—kahit minsan.
Maraming taon na ang nakalipas, inilarawan ni Elder M. Russell Ballard sa mga nakikinig sa isang pangkalahatang kumperensya kung “paano ang maliliit at mga karaniwang bagay ang ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto at nakapipinsala sa kaligtasan ng isang tao.” Itinuro niya: “Tulad ng maninipis na hibla na bumubuo sa isang sinulid, na nagiging isang tali, at sa huli ay nagiging isang lubid, ang maliliit na bagay na ito kapag pinagsama-sama ay nagiging napakatibay at hindi mapapatid. Dapat na patuloy nating isaisip ang malaking nagagawa ng maliliit at mga karaniwang bagay sa pagpapalakas ng espirituwalidad. Kasabay nito, dapat nating malaman na gagamitin ni Satanas ang maliliit at mga karaniwang bagay para akayin tayo sa kabiguan at kalungkutan.”7
Nagbigay si President Wheelwright ng babala na tulad niyon sa mga nakikinig sa kanya sa BYU–Hawaii: “Kapag hindi natin ginawa ang maliliit at mga karaniwang bagay, humihina ang pananampalataya, tumitigil ang mga himala, at ang pagsulong sa Panginoon at Kanyang kaharian ay nahahadlangan at pagkatapos ay nagsisimula tayong manghina dahil ang paghahangad sa kaharian ng Diyos ay napalitan ng mga hangaring temporal at mga makamundong ambisyon.”8
Upang maprotektahan laban sa pinagsama-samang negatibong epekto na nakapipinsala sa ating espirituwal na pag-unlad, kailangan nating sundin ang espirituwal na huwaran na nauugnay sa maliliit at mga karaniwang bagay. Inilarawan ni Elder David A. Bednar sa BYU Women’s Conference: “Marami tayong matututuhan tungkol sa katangian at kahalagahan ng espirituwal na huwarang ito mula sa paraan ng … pagdidilig ng tubig nang paunti-unti sa lupa,” kumpara sa pagdilig ng maraming tubig na hindi naman kinakailangan.
Ipinaliwanag niya: “Ang tubig na idinilig nang paunti-unti sa araw-araw ay nasisipsip nang malalim sa lupa at nagbibigay ng mataas na moisture sa lupa at ginagawang mas basa ang lupa kung saan mapapalaki nang malusog ang mga halaman. Sa gayon ding paraan, kung tayo ay nakatuon at patuloy na tumatanggap ng paunti-unting espirituwal na pagkain, ang mga ugat ng ebanghelyo ay malalim na titimo sa ating kaluluwa, magiging matatag at magkakaroon ng matibay na pundasyon, at magbubunga ng kamangha-mangha at masarap na bunga.”
Sa pagpapatuloy, sinabi niya, “Ang espirituwal na huwaran ng maliliit at mga karaniwang bagay na nagsasakatuparan ng mga dakilang bagay ay nagbubunga ng katatagan at hindi pagkatinag, malalim na katapatan, at lubos na pananalig sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.”9
Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang alituntuning ito sa mga salitang nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan: “Huwag ituring na maliit na bagay ang mga ito ng sinumang tao; sapagkat marami pang … may kinalaman sa mga banal, na nakasalalay sa mga bagay na ito” (D at T 123:15).
Kaugnay sa pagsisikap na maitatag noon ang Simbahan sa Missouri, nagpayo ang Panginoon ng pagtitiis dahil ang “lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon” (D at T 64:32). Pagkatapos ay ibinigay Niya ang magandang turo na ito “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).
Naniniwala ako na hangad nating lahat na sundin ang iniutos ni Pangulong Russell M. Nelson na magpatuloy sa paglakad “sa landas ng tipan.”10 Ang katapatan na gawin ito ay napapalakas ng patuloy na pagsunod sa “maliliit na bagay” na itinuro sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng mga lider ng Kanyang Simbahan. Pinatototohanan ko Siya at hinihiling na Kanyang pagpalain ang lahat ng nagsisikap na manatili sa Kanyang landas ng tipan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.