Mensahe ng Unang Panguluhan
Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong
Mahal kong mga kapatid, ako ay mapagpakumbabang humaharap sa inyo sa umagang ito. Apat na araw na ang nakalipas, inihatid natin sa kanyang huling hantungan ang isang dakilang tao, isang propeta ng Diyos—si Pangulong Thomas S. Monson. Walang salita ang makapaglalarawan sa kahalagahan at kadakilaan ng kanyang buhay. Lagi kong aalalahanin nang may pasasalamat ang aming pagkakaibigan dahil sa lahat ng itinuro niya sa akin. Ngayon kinakailangan nating humarap sa hinaharap nang may lubos na pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo, na Siyang May-ari ng Simbahang ito.
Dalawang araw na ang nakalipas, lahat ng buhay na mga Apostol ay nagsama-sama sa itaas na silid ng Salt Lake Temple. Doon gumawa sila ng nagkakaisang pasiya, una, upang muling buuin ang Unang Panguluhan at, pangalawa, na ako ay magsilbi bilang Pangulo ng Simbahan. Kulang ang mga salita upang ilarawan ang pakiramdam ko na ang mga Kapatid ko—mga Kapatid na nagtataglay ng lahat ng susi ng Priesthood na naipanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith sa dispensasyong ito—ay ipinatong ang kanilang mga kamay sa aking ulo upang ordenan at i-set apart ako bilang Pangulo ng Simbahan. Isa iyong sagrado at nakakapagpakumbabang karanasan.
Matapos mangyari iyon, naging responsibilidad ko na alamin kung sino ang inihanda ng Diyos na maging mga tagapayo ko. Paano ako pipili ng dalawa lamang sa Labindalawang Apostol, na ang bawat isa ay minamahal ko? Ako ay lubos na nagpapasalamat sa Panginoon sa pagsagot Niya sa mga panalangin ko. Ako’y lubos na nagpapasalamat na si Pangulong Dallin Harris Oaks at Pangulong Henry Benion Eyring ay pumayag na maglingkod na kasama ko bilang Una at Pangalawang Tagapayo. Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf ay bumalik sa kanyang puwesto sa Korum ng Labindalawang Apostol. Nakatanggap na siya ng mahahalagang tungkulin na kung saan siya ay talagang naangkop.
Pinupuri ko siya at si Pangulong Eyring sa kanilang mahusay na paglilingkod bilang mga tagapayo ni Pangulong Monson. Sila ay tunay na may kakayahan, tapat, at inspirado. Lubos kaming nagpapasalamat sa kanila. Ang bawat isa ay handang magsilbi kung saan siya lubhang kinakailangan.
Bilang pangalawang senior na Apostol, si Pangulong Oaks din ang magiging Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, dahil sa pagtawag sa kanya sa Unang Panguluhan, at ayon sa kaayusan ng Simbahan, si Pangulong Russell M. Ballard, na susunod na senior na Apostol, ang magsisilbing Acting President ng Korum na iyon. Ang Unang Panguluhan ay makikipagtulungan sa Labindalawa upang mabatid ang kagustuhan ng Panginoon at isulong ang Kanyang sagradong gawain.
Kami ay nagpapasalamat sa mga dalangin ninyo. Ibinigay ang mga panalangin na ito para sa amin galing sa iba’t ibang panig ng mundo. Kinabukasan kasunod ng pagpanaw ni Pangulong Monson, isang apat na taong gulang na batang lalaki na nagngangalang Benson ang nagbahagi ng gayong panalangin. Babanggit ako ng sipi mula sa liham ng kanyang ina na ipinadala sa aking asawang si Wendy. Nagdasal si Benson, “Ama sa Langit, salamat po dahil makikita na muli Pangulong Thomas S. Monson ang kanyang asawa. Salamat sa aming bagong propeta. Tulungan po Ninyo siya na maging matapang at huwag matakot dahil bago siya. Tulungan po Ninyo siya na maging malusog at malakas. Tulungan po Ninyo siya na magkaroon ng kapangyarihan dahil may priesthood siya. At tulungan po Ninyo kami na maging laging mabait.”
Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa mga batang tulad niya at para sa mga magulang na seryoso sa kanilang dedikasyon sa matwid at intensyonal na pagiging magulang—sa bawat magulang, guro, at miyembro na nagdadala ng mabibigat na pasanin ngunit handang-handa pa ring naglilingkod. Sa madaling salita, sa bawat isa sa inyo, ako ay mapagpakumbabang nagpapasalamat.
Ang Panginoon ang Namumuno
Habang tayo ay sama-samang sumusulong, inaanyayahan ko kayong isipin ang tungkol sa kagila-gilalas na paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan. Sa pagpanaw ng isang Pangulo ng Simbahan, walang anumang hiwaga sa susunod na tinawag na maglingkod sa tungkuling iyon. Walang eleksiyon, walang pangangampanya, kundi tahimik na patnubay lamang ng isang banal na plano ng paghalili, na itinakda mismo ng Panginoon.
Ang bawat araw na paglilingkod ng isang Apostol ay araw ng pagkatuto at paghahanda para sa karagdagang mga responsibilidad sa hinaharap. Tumatagal ng ilang dekada ang paglilingkod ng isang Apostol bago siya lumipat mula sa upuan ng junior na Apostol papunta sa upuan ng senior na Apostol. Sa panahong iyon, nakakakuha siya ng pangunahing karanasan sa bawat gawain ng Simbahan. Nakikilala rin niya ang mga tao sa mundo, kabilang ang kanilang mga kasaysayan, kultura, at wika sapagkat ang kanyang mga gawain ay paulit-ulit na nagdadala sa kanya sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang proseso ng paghalili sa pamunuan ng Simbahan ay kakaiba. Wala akong alam na katulad nito. Hindi na ito dapat nakagugulat sa atin, sapagkat ito ang Simbahan ng Panginoon. Ang Kanyang gawain ay hindi alinsunod sa pamamaraan ng tao.
Ako ay naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol sa ilalim ng pamumuno ng limang dating Pangulo ng Simbahan. Nakita ko ang bawat Pangulo na nakatanggap ng paghahayag at tumugon sa paghahayag na iyon. Ang Diyos ay nagturo at nagbigay ng inspirasyon at patuloy na magtuturo at magbibigay inspirasyon sa Kanyang mga propeta. Ang Panginoon ang namumuno. Kaming mga inorden na sumaksi sa Kanyang banal na pangalan sa buong mundo ay patuloy na hahangarin na malaman ang Kanyang kalooban at sundin ito.
Manatili sa Tamang Landas
Ngayon, sa bawat miyembro ng Simbahan sinasabi ko, manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.
Bilang bagong Panguluhan, nais namin na mag-umpisa na ang katapusan ang nasa isip. Sa dahilang dito, kami ay nagsasalita sa inyo ngayon mula sa isang templo. Ang katapusan kung saan ang bawat isa sa atin ay pilit na pinagsisikapang mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng iyong buhay, pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay pagpapalain kayo ng karagdagan na personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.
Ngayon, kung umalis kayo sa landas, inaanyayahan ko kayong lahat ng may buong pag-asa sa aking puso na bumalik kayong muli. Anumang problema, anumang hamon ang inyong hinaharap, may lugar para sa inyo dito, sa Simbahan ng Panginoon. Kayo at ang mga henerasyong hindi pa isinisilang ay mapagpapala ng inyong mga kilos ngayon na bumalik sa landas ng tipan. Mahal ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, at nais Niya na ang bawat isa sa atin ay muling makabalik sa Kanya. Ito ang isang malaking layunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—na matulungan ang bawat isa sa atin na makabalik sa Kanya.
Ipinaaabot ko ang aking lubos na pagmamahal para sa inyo—pagmamahal na lumago sa paglipas ng mga dekada ng pakikipagkita sa inyo, pagsamba na kasama kayo, at paglilingkod sa inyo. Ang aming banal na mandato o utos ay ang pumunta sa bawat bansa, angkan, wika, at bayan, upang tumulong na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ito ay gagawin namin nang may pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, nalalaman na Siya ang namumuno. Ito ang Kanyang gawain at Kanyang Simbahan. Kami ay Kanyang mga lingkod.
Ipinapahayag ko ang aking debosyon sa ating Diyos Amang Walang-hanggan at sa Kanyang Anak, si Jesucristo. Kilala ko Sila, mahal ko Sila, at nangangakong paglingkuran Sila—at kayo—sa bawat natitirang hininga ng buhay ko. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.