2018
Pagkilala sa Tagapagligtas
April 2018


Pagkilala sa Tagapagligtas

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Habang natututo kayo tungkol kay Jesucristo, inaanyayahan ninyo ang Kanyang kapayapaan at presensya sa inyong buhay.

Christ praying

Detalye mula sa Where Are the Nine, ni Liz Lemon Swindle

Isiping nabasa ninyo ang lahat ng bagay tungkol sa Panginoon sa mga banal na kasulatan—ang Banal na Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas. Maraming oras at paghihirap iyon! Subalit noong Enero 2017, nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng isang hamon na gawin iyan—pag-aralan ang lahat ng bagay na sinabi at ginawa ni Jesucristo sa mga pamantayang aklat. Sinabi ni Pangulong Nelson na “nagbago” siya dahil sa pagtapos sa proyektong iyan. Hindi lang siya natuto tungkol kay Jesucristo subalit nakadama rin ng sariwang katapatan sa Kanya.1

Mapapalapit din kayo kay Cristo habang natututo tungkol sa Kanya. Ang pag-aaral sa Kanyang buhay at layunin ay nag-aanyaya sa Kanyang kapayapaan sa inyong buhay at tumutulong sa inyo na makilala Siya at ang Ama sa Langit. Tingnan kung paano sinagot ng mga kabataan ang dalawang tanong na ito: (1) Ano ang inyong paboritong kuwento tungkol sa Tagapagligtas sa banal na kasulatan at bakit? (2) At paano nakapagbigay sa inyo ng kapayapaan ang pag-aaral ninyo tungkol sa ebanghelyo?

Nagustuhan ko ang kuwento ng 10 ketongin dahil nagpakita si Cristo ng labis na pagmamahal para sa ketonging nagpasalamat sa Kanya. Sinabi Niya, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (Lucas 17:19; tingnan sa mga talata 11–19). Gustung-gusto ko ang tunay na kabaitan na ipinakikita Niya sa lahat.

Dahil sa ilang trahedya sa paaralan ko kamakailan lang, lahat ng naroon ay nangangailangan ng malaking kapayapaan at kapanatagan. Nakahanap ako ng lakas at kapayapaan sa pamamagitan ng pag-aaral ko sa seminary. Ang mga guro sa seminary ay ginagawang napakapersonal ang mga banal na kasulatan at ang ebanghelyo para sa lahat. Nakatutuwang makita ang pagkakaiba ng klase sa seminary mula sa karaniwang klase. Mayroon lang talagang kakaibang pakiramdam doon na nagdudulot ng kapayapaan.

Gabriel S., edad 16, Colorado, USA

Ang kuwento ni Alma tungkol sa pananampalataya at sa salita ng Diyos (tingnan sa Alma 32:18–43) ay nagturo sa akin na kapag nagtanim tayo ng pagmamahal, tatanggap tayo ng pagmamahal. Tulad ng paliwanag ni Alma sa mga Zoramita, ang pananampalataya ay tulad ng isang binhi. Ito ay paniniwala na totoo ang isang bagay nang hindi talaga nakikita ito. Lumalakas ang pananampalataya kapag ang isang tao ay may hangaring maniwala at marinig ang salita ng Diyos. Ang lahat ng ito ay nakatulong sa akin na maging mahinahon, matatag ang aking puso, at magkaroon ng patotoo na tinitingnan ako ng Ama sa Langit nang may mga mata ng pagmamahal at awa.

Habang pinag-aaaralan ko ang mga banal na kasulatan araw-araw, mas nauunawaan ko ang pagmamahal na mayroon ang Tagapagligtas sa bawat isa sa atin. Ang kaalamang ito ay tumutulong sa akin na ipaliwanag sa mga kaibigan ko sa paaralan na hindi sila nag-iisa kapag may mga problema sila dahil may Diyos na nagmamahal sa atin.

Maria D., edad 17, Guadalajara, Spain

Christ with children

Detalye mula sa Christ and the Book of Mormon Children, ni Del Parson.

Nagustuhan ko sa 3 Nephi 17 noong binisita ng Tagapaglitas ang Amerika at inanyayahan ang mga bata na lumapit sa Kanya. Siya ay umupo kasama nila at nagbigay ng oras upang makasama ang bawat isa sa kanila. Kamangha-mangha ang kuwentong iyan para sa akin na nagpapakita kung sino si Jesucristo at kung gaano kalaki ang pagmamahal na mayroon Siya para sa bawat isa sa atin. Naniniwala ako na uupo rin Siya kasama natin kapag ating kailangan ang tulong Niya.

Ngayong taon ay hinamon ko ang aking sarili na magbasa ng isang pahina ng banal na kasulatan araw-araw. Habang ginagawa ko iyan, mas nasasabik ako na magawa ito araw-araw. Napakarami kong natutuhan mula sa mga salita at mga kuwento sa mga banal na kasulatan habang sinusubukan kong bigyan ng oras na maunawaan ang mga ito, at mas lumapit din ako sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas habang natuto ako tungkol sa Kanila. Nagdulot iyan ng kapayapaan sa aking buhay.

Anna C., edad 17, Montana, USA

Nagustuhan ko na noong pumunta si Cristo sa Amerika, tinanong Niya kung mayroong may mga sakit at nahihirapan sa kanila, at pagkatapos ay pinagaling sila. Pagkatapos ay binasbasan Niya ang maliliit na bata. (Tingnan sa 3 Nephi 17.) Sa palagay ko ay sobrang nakatutuwa at nakaaantig ang kuwentong ito. Mahilig ako sa maliliit na bata, at nagugustuhan ko kapag binibigyan sila ng mga tao ng sobrang pagmamahal, sapagkat napakadalisay ng mga bata. Ipinapakita ng kuwento ang lalim ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa atin. Dahil minahal Niya ang mga tao noon na sapat na gawin ang lahat ng bagay na ginawa Niya, maaari Niyang mahalin din tayo.

Sinasabi ng Isaias 53:3 na ang Tagapagligtas ay “isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman.” Kapag naiisip ko ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo, kung ano ang pinagdaanan Niya para sa atin, at kung paano ako mapapatawad kapag nagsisi ako sa aking mga kasalanan, nakadarama ako ng tunay na kapayaapan. Marami sa mga tao sa Aklat ni Mormon—ang mga anak na lalaki ni Mosias, si Ammon, at si Nakababatang Alma—ay nagkaroon ng magugulong nakaraan, subalit nagawa silang mapatawad. Sila ay bumaling kay Cristo, nagsisi, at naging mahuhusay na halimbawa na makukuhanan natin ng aral sa ngayon. Nakapapanatag sa akin na malaman na mapapatawad din ako.

Alina T., edad 18, Oregon, USA

Ang aking paboritong kuwento sa mga banal na kasulatan tungkol kay Jesus ay noong ginawa Niyang alak ang tubig sa isang kasalan, sa panghihimok ng Kanyang ina (tingnan sa Juan 2:1–11). Ito ang aking paborito dahil ipinapakita ng kuwento ang respeto ni Jesus sa kababaihan at partikular na sa Kanyang ina. Hinihikayat ng kuwentong ito ang mga bata na sundin ang kanilang mga magulang, hindi dahil sa takot kundi dahil sa labis na pagmamahal. Ang halimbawa ni Jesucristo ay ang dapat pagsikapan ng lahat ng tao. Hindi nawala ang pagmamahal Niya sa Kanyang ina, at hindi rin dapat tumigil ang ating pagmamahal sa mga magulang natin. Ito rin ang aking paboritong talata dahil ang Kanyang himala ay isang paglilingkod, at makagagawa rin tayo ng mga himala sa pamamagitan ng pagtulong sa iba.

Ang kuwentong ito at ang iba pang mga kuwento sa mga banal na kasulatan ay nagbigay sa akin ng kapayapaan. Lubos na nakapapanatag na malaman na kapag lagi akong sumusubok na matuto tungkol kay Cristo at sumusunod sa Kanyang mga turo, makababalik ako sa ating mapagmahal na Ama sa Langit balang-araw.

Anne R., edad 17, Victoria, Australia

Nagustuhan ko ang kuwento tungkol sa noong naglalakad si Cristo sa tubig. Naglakad Siya patungo sa bangka kung saan naroroon ang lahat ng mga Apostol, at inanyayahan Niya si Pedro na maglakad sa tubig. Si Pedro ay may pananampalataya noong una at nakapaglakad sa tubig, subalit nawala niya ang kanyang pananampalataya noong nagsimula siyang lumubog. Pagkatapos ay iniabot ni Cristo ang Kanyang kamay at hinawakan siya (tingnan sa Mateo 14:25–33). Namumukod-tangi ang kuwento sa akin dahil laging nasa kamay ni Cristo ang ating mga buhay—pinoprotektahan Niya tayo.

Tinutulungan ako ng aking pag-aaral dahil pinag-aaralan ko ang aking mga banal na kasulatan sa umaga at ginagawa nitong mas mabuti ang aking araw. Kapag hindi ako nag-aaral, ang aking araw ay hindi kasing ligaya o saya—hindi maganda ang pakiramdam. Kapag nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan nang regular sa umaga, nadarama kong mas maganda ang araw ko dahil inaanyayahan ko ang Espiritu Santo na maging kasama ko sa buong araw.

James K., edad 17, Alaska, USA

Christ and the rich young man

Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno, ni Heinrich Hofmann

Nagustuhan ko ang kuwento ni Cristo at ng mayamang binata (tingnan sa Marcos 10:17–22). Nagbibigay ito sa akin ng maraming kaalaman at pananaw tungkol sa paggawang priyoridad sa Diyos nang higit pa sa lahat ng bagay. Ang paghiling na ibenta ang lahat ng ari-arian sa mundo ay magiging napakahirap na hiling para sa lahat ng tao. Pero sa palagay ko, ang lugod na pagpapahalaga sa Diyos nang higit pa sa mga ari-arian ay isa sa mga bagay na dapat nating matutuhan sa buhay. Ang walang hanggang pagmamahal ni Jesucristo para sa atin ay tunay na kagila-gilalas. Ito ay tiyak na mas mabuti kaysa sa anumang halaga ng pera o ari-ariang matatamo natin sa buhay na ito.

Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagbibigay sa akin ng kapayapaan at kapanatagan, gayundin ng mas malaking kaalaman at pang-unawa. Bagama’t maaaring hindi ko laging nadarama kaagad ang kapangyarihan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, alam ko na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay naiimpluwensiyahan nang mabuti ang aking buhay at tumutulong sa akin na madama ang Espritu at makilala ang Kanyang mga pahiwatig.

Yuzhen C., edad 19, Taichung, Taiwan

woman touching the hem

Detalye mula sa Woman Touches Hem of Christ’s Garment, ni Heidi Daynes Darley

Noong papunta si Cristo sa isang batang babae na nag-aagaw-buhay, hinawakan lang ng isang babaeng may sakit sa dugo o inaagasan ang Kanyang damit at gumaling siya. Si Cristo ay humarap sa kanya at kinausap siya matapos madamang hinawakan niya Siya (tingnan sa Lucas 8:43–48). Kahit na tutulungan ang iba, binigyan pa rin siya ni Cristo ng oras. Binibigyan din tayong lahat ni Cristo ng oras.

Mayroon akong lubos na abalang buhay, tumatakbo patungong paaralan o mga klase ng ballet o iba pang gawain. Sa lahat ng iyon, hindi ako nagkakaroon ng oras para sa aking sarili o makadama ng kapayapaan. Kapag nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan o nagdarasal, nakadarama ako ng kapayapaan. Masarap na madama ang ganoon at magkaroon ng pahinga mula sa kaabalahan. Sa mga pagkakataong iyon ng kapayapaan, mas napapalapit ako sa Tagapagligtas at lumalago sa ebanghelyo.

Zoe B., edad 17, Utah, USA

Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Prophets, Leadership, and Divine Law” (worldwide devotional for young adults, Ene. 8, 2017), broadcasts.lds.org; “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2017; “Pag-aralan ang mga Salita ng Tagapagligtas,” Liahona, Ene. 2018, 56–59.