Isang Kahanga-Hangang Aral
“Bubuksan [Ko] sa inyo ang mga dungawan sa langit” (Malakias 3:10).
Noong lumalaki ako sa Guatemala, ang aking pamilya ay nagmamay-ari ng isang pabrika na gumagawa ng mga uniporme ng mga sport team.
Nais ng tatay ko na ang mga bata sa aming pamilya ay matutong magpakasipag. Tumulong kami sa kanya sa pabrika. Palagi akong maligalig noong maliit pa ako. Tila palagi akong nakasisira ng gamit! Subalit noong tumanda na ako, hinayaan ako ng aking tatay na pangalagaan ang mga makina sa knitting.
Binayaran kami ng tatay ko para sa trabahong ginawa namin. Pagkatapos ay itatanong niya, “Ano ang inyong gagawin sa pera ninyo?” Alam ko kung ano ang tamang sagot: “Magbabayad ng aking ikapu at mag-iipon para sa aking misyon.”
Noong mga 13 ako, nalugi nang husto ang aming negosyo. Kailangan naming alisin ang marami sa aming mga makinang pantahi. Sa halip na may dalawang daang manggagawa, mayroon kaming mas mababa pa sa lima. Nagtrabaho sila sa aming garahe sa bahay.
Ako ay palaging nagbabayad ng ikapu ko, subalit hindi ko pa talaga naunawaan kung gaano ito kahalaga. Pagkatapos ay natutuhan ko ang isang kahanga-hangang aral. Isang Sabado ng umaga ay narinig ko na nag-uusap nang tahimik ang aking mga magulang. Sinabi ng tatay ko sa aking nanay na may sapat lang na pera para magbayad ng ikapu o bumili ng pagkain. Hindi sapat para sa dalawang iyon. Nag-alala ako. Ano ang gagawin ng aking tatay?
Noong Linggo ay nakita ko ang aking tatay na nag-abot ng isang sobre sa aming branch president. Pinili niyang magbayad ng ikapu! Natuwa ako na ginawa niya iyon, datapwat nag-alala rin ako. Ano ang kakainin namin?
Kinabukasan ay may ilang taong kumatok sa aming pinto. Sinabi nila sa tatay ko na kailangan nila kaagad ng mga uniporme. Kadalasan ay binabayaran kami ng mga tao pagkaraang matapos ang kanilang pinagagawa. Subalit ang mga taong ito ay binayaran ang tatay ko noong araw na iyon, kahit bago pa man magawa ang mga uniporme!
Sa isang Sabado at isang Linggo, natuto ako ng magandang aral na nanatili sa akin sa buong buhay ko. Ang batas ng ikapu ay tumutulong sa atin na mapatibay ang ating pananampalataya at maipakita ang ating pasasalamat sa Ama sa Langit. Ang pagbabayad ng ikapu ay isang pagpapala!