Sa Pulpito
Mga Basket at Bote
Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng maraming kaloob, at pagkakaiba-iba, ngunit ang mahalaga ay yaong nalalaman natin tungkol sa isa’t isa—na lahat tayo’y mga anak Niya.
Ang hamon sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan ay matuto tayong lahat sa bawat isa, na mahalin natin ang isa’t isa at magkasamang umunlad.
Ang mga doktrina ng ebanghelyo ay kailangang-kailangan. Mahalaga ang mga ito, ngunit ang paraan ng pagpapahayag nito ay nasa pagpili ng tao. Hayaang magbahagi ako ng simpleng halimbawa upang ipakita ang pagkakaiba ng mga doktrina ng Simbahan at ng pagpapahayag nito ayon sa kultura. Narito ang isang bote ng Utah peaches na gawa ng isang maybahay sa Utah upang ipakain sa kanyang pamilya sa panahon ng taglamig. Ang mga maybahay sa Hawaii ay hindi nagtatabi ng mga bunga o prutas sa bote. Pumipitas sila nang sapat na mga bunga para sa ilang araw at itinatabi ito sa mga basket na tulad nito para sa kanilang mga pamilya. Ang basket na ito ay naglalaman ng mangga, mga saging, pinya, at papaya … na pinitas ng isang maybahay na Polynesian upang ipakain sa kanyang pamilyang nakatira sa lugar kung saan nahihinog ang mga bunga sa buong taon dahil sa klima nito.
Ang basket at bote ay magkaibang sisidlan, ngunit pareho ang nilalaman: prutas para sa pamilya. Tama ba ang bote at mali ang basket? Hindi, parehong tama ang mga ito. Ang mga ito ay sisidlang angkop lamang sa kultura at mga pangangailangan ng mga tao. At pareho itong angkop para sa nilalaman nitong mga prutas o bunga.
Ano naman ngayon ang bunga? Sinasabi sa atin ni Pablo: “Ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil” (Mga Taga Galacia 5:22–23). Sa mga kapatiran sa Relief Society, at sa mga korum ng priesthood, sa mapitagang pagtitipon para makibahagi ng sacrament, tayo ay pinagkakaisa ng bunga ng Espiritu sa pagmamahal, kagalakan, at katiwasayan nasa Taipei o Tonga man ang Relief Society, nasa Montana o Mexico man ang korum ng prieshood, at nasa Fiji o Pilipinas man ang sacrament meeting.
… Noong tinawag ako sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society, pinayuhan ako ni Pangulong [Gordon B.] Hinckley: “Magdudulot ka ng natatanging kagalingan sa panguluhang ito. Makikilala ka bilang kinatawan ng mga nasa labas ng mga hangganan ng Estados Unidos at Canada. … Makikita nila sa iyo ang larawan ng kanilang pakikiisa sa Simbahan.” Binasbasan niya ako na kakalagan ang aking dila upang makapagsalita ako sa mga tao.4
… [Kapag nagsasalita ako sa ibang lupain,] nararamdaman kong dinadala ng Espiritu ang aking mga salita sa kanilang mga puso, at nararamdaman ko “ang bunga ng Espiritu” na ibinabalik sa akin ang kanilang pagmamahal, kagalakan, at pananampalataya. Nararamdaman ko na pinag-iisa kami ng Espiritu.
Mga kapatid, ang mga bunga man ninyo ay mga papaya o peaches, at gamitin man ninyong sisidlan ang bote o mga basket, nagpapasalamat kami sa pag-aalay ninyo nito nang may pagmamahal. Ama sa Langit, nawa’y magkaisa kami at nawa’y maging inyo,5 ang dalangin ko sa sagradong pangalan ng aming Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.