Tayo ay Magbahagi ng Ating Kaalaman Tungkol sa Isang Tagapagligtas
Mula sa mensaheng ibinigay sa Brigham Young University Women’s Conference, “The Knowledge of a Savior [Ang Kaalaman Tungkol sa Isang Tagapagligtas],” noong Mayo 5, 2017.
Ang ating mensahe ay kapayapaan, at kayo ang mga sugong nangangaral nito. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng bago at kapana-panabik na mga daluyan ng teknolohiya.
Tayo ang Simbahan ni Jesucristo, na itinatag sa mga huling araw. Gaya ng mga sinaunang disipulo ng Panginoon, tayo rin ay inatasan sa mga huling araw na “magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evanghelio sa lahat ng kinapal” (Marcos 16:15).
Maikling ibinuod ng sinaunang propetang si Nephi ang misyon at mensahe at layunin sa likod nito: “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Sa aklat ni Mosias, mababasa natin kung paano tinipon ng sinaunang propeta sa Aklat ni Mormon na si Haring Benjamin ang kanyang mga nasasakupan sa lugar ng templo, nagpatayo roon ng isang tore, at tinuruan sila. Sa kanyang pagtuturo sa kanila, nagpropesiya rin siya tungkol sa ating panahon: “At bukod dito, sinasabi ko sa inyo, na ang panahon ay darating na ang kaalaman ng isang Tagapagligtas ay kakalat sa bawat bansa, lahi, wika, at tao” (Mosias 3:20).
“Ang Kaalaman tungkol sa Isang Tagapagligtas”
Isa sa pinakamahalagang regalo na iniingatan natin sa ating mga pamilya at ibinabahagi sa iba ay “ang kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas,” o kay Jesucristo.
Sa pagsisimula ng dispensasyon sa kaganapan ng panahon, sumikat ang liwanag sa buong sangkatauhan at ang isang rumaragasang talon ng pag-unlad ng teknolohiya. Tangay ng agos nito ang panahon ng industriya at mga kagamitan sa komunikasyon, na nagbibigay-katuparan sa propesiya ni Haring Benjamin.
Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na tinatawag na natatanging saksi “ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23) na nakatalaga sa Public Affairs at Communication Services Committee, nasaksihan ko ang katuparan ng propesiyang ito—na “ang kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas” ay lalaganap sa buong mundo—gamit ang pinakabagong teknolohiyang mayroon tayo.
“Sa Bawat Bansa, Lahi, Wika, at Tao”
Batay sa kasaysayan, naipararating ang mensahe ng Pagpapanumbalik sa buong mundo dahil sa pag-unlad ng paraan sa paglalathala at sa pagkakaimbento ng radyo at TV. Marami tayong matutukoy na halimbawa nito, ang ilan dito ay abot ng ating alaala.
Sa loob ng 10 taon ng Unang Pangitain, at ng buwan bago naorganisa ang Simbahan, 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon ang nalathala. Magmula noon, mahigit 175 milyong kopya na ang naipalimbag.
Anumang Linggo ng umaga, makakapakinig o makapanonood kayo ng broadcast ng Music and the Spoken Word, na malapit nang marating ang ika-5,000 broadcast nito. Naganap ang unang broadcast nito sa radyo noong 1929. Naganap ang unang broadcast ng pangkalahatang kumperensya sa TV noong 1949.
Nakatutuwang isipin na noong 1966, nagsimulang magsalita si Pangulong David O. McKay (1873–1970) tungkol sa mga bagay na magaganap sa hinaharap: “Ang mga tuklas na bagay ay may natatagong kapangyarihan, na magpapala o magpapahamak sa sangkatauhan, kaya ang pangasiwaan ito ng tao ang pinakamalaking responsibilidad na ipinahawak sa mga kamay ng tao. … Panahon ito na puno ng panganib, at maraming posibilidad.”1
Noong 1974, inilarawan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang kanyang pangitain sa araw na darating: “Pinagpala ng Panginoon ang daigdig ng maraming … satellite. Naka-istasyon ang mga ito sa kalangitan, naghahatid ng mga broadcast signal sa halos lahat ng sulok ng mundo. … Tunay na ang mga satellite na ito ay panimula pa lamang sa naghihintay na hinaharap ng pandaigdigang pagbo-broadcast. … Naniniwala ako na nasasabik ipagkatiwala ng Panginoon sa ating mga kamay ang mga imbensyon na hindi pa halos nasisilip ng mga pangkaraniwang tao.”2
Sa pag-unlad ng teknolohiya sa komunikasyon at media na ngayon ay malawakang nauugnay sa internet, tila nga nasasaksihan na natin sa ating panahon ang literal na katuparan ng mga propesiya nina Haring Benjamin, Pangulong McKay, at Pangulong Kimball.
May malinaw ding huwaran ang pag-aangkop ng mga teknolohiyang ito sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa mundo. Gusto kong ibahagi sa inyo ang mga halimbawa nito.
LDS.org at Mormon.org
Noong 1996, opisyal na sinimulan ng Simbahan ang paggamit ng web sa paghahatid ng mensahe at pakikipagtalastasan. Magmula noon, tinatayang may 260 Church-sponsored website na ang ipinakilala, kabilang na rito ang mga site sa bawat bansa kung saan naninirahan ang mga miyembro ng Simbahan, sa kanilang sariling wika.
Ibinabahagi ko ang dalawang pamilyar na website na ito. Una, ang LDS.org, na sinimulan noong 1996, na nakatatanggap ngayon ng mahigit 24 na milyong bagong viewer sa loob ng isang taon at mahigit 1 milyong average viewer kada linggo. Dito matatagpuan ng maraming miyembro ang kurikulum sa pagtuturo at mga nakaraang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Pangalawa, ang Mormon.org, isang website na dinisenyo para ipakilala ang ebanghelyo sa ating mga kapitbahay at kaibigan na mga hindi miyembro ng Simbahan. Ang site na ito ay nakatatanggap ng 16 na milyong bagong viewer sa loob ng isang taon.
Mobile Apps
Siyempre pa, napakabilis ng pagbabago sa mga teknolohiya, na nangangailangan ng masugid na pagsisikap at resources para makasabay rito. Sa pagkakaimbento ng mga smartphone ay nagkaroon ng kakayahang makagamit at makakuha ng napakaraming data o impormasyon sa isang hawak-kamay na gamit. Karamihan sa mga data na ito ay mga mobile application, o “apps.” Ang unang Church-sponsored app ay inilabas noong 2007.
Napakaraming halimbawa ng benepisyo ng paggamit ng mga mobile apps sa pagpapalaganap ng ating “kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas.” Hindi ko na ilalarawan pa ang mga nilalaman ng marami sa mga apps na ito na nagagamit ng inyong mga daliri, pero narito ang ilang halimbawa ng apps na sa palagay ko’y pamilyar kayo:
-
Gospel Library
-
Mormon Channel
-
LDS Tools
-
LDS Music
-
Family Tree
Ginagamit ang mga ito ng milyun-milyong beses sa loob ng isang linggo ng milyun-milyong user.
Social Media
Batay sa kahulugan nito, ang social media ay mga teknolohiyang nagagamit sa pamamagitan ng computer na nagbibigay ng pagkakataon sa mga indibiduwal at organisasyon na makita, gumawa, at magbahagi ng mga impormasyon, ideya, at iba pang uri ng pagpapahayag sa pamamagitan ng mga virtual community at network.
Tinatayang nagsimula noong 2010, masugid na iniangkop ng Simbahan ang paggamit ng social media upang isagawa ang pagpapalaganap “ng kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas.” Ito ay isang mabilis at mabisang digital tool. Halos walang maikukumpara dito sa bilis ng pagbabago.
Isang katangiang kapuna-puna sa social media, kapag nagsimula nang masanay o maging komportable ang isang tao sa isang plataporma, isa pang mas bago, mas malaki, o higit na nakasisiya o mas mabuti ang lilitaw.
Ilalarawan ko sandali ang limang plataporma sa social media na ginagamit ng Simbahan bilang mga daluyan ng komunikasyon:
1. Ang Facebook ay may mahigit 2 bilyong user sa buong daigdig. Dito bumubuo ang mga user ng sarili nilang social network ng kanilang online friends.
2. Ang Instagram ay isang social site na nakasentro sa mga larawan at video.
3. Ang Pinterest ay tulad sa isang virtual na bulletin board. Dito makikita ang mga imahe na tinatawag na “pins” na nakakabit sa board. Maaaring mga parirala o mga kuhang larawan ito na nakapagbibigay-inspirasyon.
4. Ang Twitter ay isang social network na nagbibigay ng pagkakataon sa mga user na magpadala at magbasa ng mga maikling mensahe na may 280-character na tinatawag na “tweets.”
5. Ang Snapchat ay nagtatampok ng mga larawan at maiikling video na naglalaho agad o sa loob lamang ng 24 na oras.
Bilang isang institusyon, ginagamit natin ang mga social media site na ito sa mabisang paraan.
Maaaring natatandaan ninyo ang magiliw na mensahe tungkol sa depresyon ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ipinahayag niya ilang taon na ang nakalilipas sa isang kumperensya.3 Mula sa kanyang mensahe, isang video ang ginawa na nakatanggap ng mahigit sa dalawang milyong view sa Facebook pa lamang, at libu-libong like, share, at magagandang komento.4
Noong Agosto 2016, nag-post ng video si Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa Instagram, na nagtuturo ng ebanghelyo sa kanyang apong si Erik sa—hulaan mo—cockpit ng isang eroplano!5 Libu-libo ang natuwa sa post na iyon ni Pangulong Uchtdorf sa Instagram, at maraming positibong komento ang sumunod dito.
Inilathala din ng Simbahan sa Instagram account nito noong Nobyembre 2017 ang isang video nina Elder Dallin H. Oaks at Elder M. Russell Ballard na sumasagot sa tanong ng isang babaing young adult tungkol sa mga sister na nagmimisyon. Ang post na ito ay napanood nang mahigit 112,000 beses.
Sa Pinterest, daan-daang pin mula sa LDS.org ang matatagpuan at mas marami pa mula sa mga miyembro, na nagbibigay-inspirasyon sa iba.
Halimbawa, marami ang nagbabahagi ng mga salita ng mga propeta—noon at ngayon. Isang pin mula sa isa sa mga turo ni Pangulong Thomas S. Monson ang mababasa, “Napakaraming bagay sa buhay ang nakadepende sa ating saloobin.”6
Isang tweet na ibinahagi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay nitong nakaraang taon ang napanood ng 210,000 beses. Ipinakita ni Elder Bednar na ang maikli at simpleng mensahe na, “Siya’y wala rito: sapagka’t Siya’y nagbangon” (Mateo 28:6), ay maaaring magkaroon ng malalim at walang-hanggang epekto.
Snapchat
Sa huli, ang mga larawan at salita ni Pangulong Monson sa Mensahe ng Unang Panguluhan ay lumitaw kamakailan lamang sa Snapchat.
Kaugnay na mga Panganib
Ngayon, matapos nating purihin ang lahat ng mabuting katangian ng mga bagong teknolohiyang ito at ipamalas ang angkop na gamit nito, sa aking palagay, mahalaga ring talakayin natin ang ilan sa mga panganib na kaugnay nito.
Bukas din dapat ang ating isipan sa oras na magugugol sa social media o sa paggamit ng mobile apps. Ang paggamit ng social media ay may dala ring panganib na mabawasan ang harap-harapang pakikipag-ugnayan, na makapipigil sa pag-unlad ng kasanayan sa pakikisalamuha ng marami sa ating mga kabataan.
Ang panganib na kaugnay ng hindi magagandang nilalaman nito ay hindi dapat maliitin. Patuloy na kumakalat ang epidemya ng adiksyon sa pornograpiya sa lipunan, na negatibong nakakaapekto at nabibiktima kahit ang mga miyembro ng Simbahan at mga pamilya.
Sa huli, magdaragdag ako ng dalawang nagsasanib na panganib, ang mga lambat nito ay inihahagis sa halos lahat ng tao, kabilang na ang young women at mga ina’t asawa na milenyal. Tatawagin ko ang dalawang panganib na ito na “ulirang pangyayari (idealized reality)” at “nakapanghihinang paghahambing (debilitating comparisons).” Sa palagay ko pinakamainam na mailalarawan ko ang dalawang panganib na ito sa pagbibigay ng ilang halimbawa.
Kadalasan, ang mga retratong naka-post sa social media ay inilalarawan ang buhay sa pinakamaganda at malimit na hindi sa makatotohanang paraan. Kadalasan ay puno ito ng magagandang imahe ng palamuti sa tahanan, kahanga-hangang lugar-bakasyunan, at magarbong paghahanda ng pagkain. Siyempre pa, ang panganib dito ay marami sa mga tao ang pinanghihinaan ng loob dahil tila nagkukulang sila sa ulirang pangyayaring ito.
Nabigyang-inspirasyon ng isang pin ng “pancake” na birthday cake, nag-post kamakailan ang pamangkin ko sa pagtatangkang gayahin ito. Sa halip na hayaang magdulot ito nang labis na panghihina ng loob, nagpasiya siya na bigyang-inspirasyon ang iba sa pagpo-post niya ng “Pinterest fail” tingnan ang retrato ng pancake.
Sana, matuto tayong maging mas masayahin, at mabawasan ang pagkadismaya kapag naharap sa mga imahe na maaaring maglarawan ng ulirang pangyayari at kadalasan ay maaaring humantong sa nakapanghihinang paghahambing.
Tila hindi lamang ito isang tanda ng ating panahon kundi, sa pagsukat ng mga salita ni Pablo, noong unang panahon din: “Ngunit sila na sinusukat ang kanilang sarili … at kanilang itinutulad ang sarili sa kanila rin ay walang mga unawa” (II Mga Taga Corinto 10:12).
Nagbigay din ng napapanahong payo si Elder J. Devn Cornish ng Korum ng Pitumpu: “Pinahihirapan natin ang ating sarili sa walang kabuluhang pakikipagpaligsahan at pagkukumpara. Hinuhusgahan natin ang ating sarili batay sa mga bagay na ginagawa natin o sa mga bagay na wala tayo at sa mga opinyon ng iba. Kung dapat tayong magkumpara, ikumpara natin ang ating sarili kung ano tayo noon sa kung ano tayo ngayon—at alamin kung ano ang gusto nating kahinatnan sa hinaharap.”7
Hayaan ninyong ibahagi ko ang isa sa aming mga sikreto sa pamilya, na makikita sa family photo na ito (tingnan sa kasunod na pahina) na kinunan ilang taon na ang nakararaan, bago pa dumating ang social media. Kung kinunan ito ngayon, malamang na mai-post ito nang ganito, ipinakikilala ang isang pamilya na may apat na mapopogi, magkakatugma ang kulay ng mga damit, at mababait na batang lalaki na nagkakasayahan sa pagpapakuha ng larawan bilang isang pamilya. Gusto ba ninyong malaman ang tunay na kuwento nito?
Naaalala ko pa nang makatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa aking asawa. “Gary, nasaan ka? Narito kami sa labas ng studio ng photographer. Handa na kaming magpakuha ng retrato. Ang hirap bihisan, ayusan, at ihanda ang mga bata. Malapit ka na ba rito?”
Mangyari pa, nakalimot ako at hindi pa umaalis ng opisina! Kalahating oras akong nahuli nang dating, at hindi maganda ang naging takbo ng pangyayari habang wala pa ako, halos nagkakagulo na sila.
Ano ang nangyari? Ayun, nagpatakbu-takbo sa bakuran ang panganay kong anak at nakakita ng puno ng mansanas, pumitas ng bunga, at ibinato sa iba pa niyang mga kapatid. Tinamaan niya ng mansanas sa likod ang pangatlo naming anak at natumba siya, at nagsimulang umiyak.
Samantala, habang nangyayari ito, ang pangalawang anak ko ay umupo at bahagyang tumaas ang laylayan ng kanyang pantalon. Nakita ng iba pang mga bata na ang puting medyas na suot niya ay panglaro at hindi iyong medyas na pangsimba niya na inihanda ng kanyang ina para isuot niya. Tinanong siya [ni Lesa], “Bakit hindi mo suot yung medyas mong pangsimba?”
Sagot niya, “Hindi ko po gusto yun, eh. Makati kasi.”
At habang kinakausap siya, ang dalawang taon naming anak ay tumatakbo sa bakuran, napatid at nadapa, at nagdugo ang kanyang ilong. Tumutulo ngayon ang dugo sa kanyang t-shirt, at nagmantsa na. Ito ang tagpong naabutan ko. Ang tanging paraan para maayos ang kuha ng retrato ay baligtarin ang pagkakasuot ng t-shirt at inilagay sa likuran ang parteng may mantsa para itago sa camera.
At habang nangyayari ito, habang patakbu-takbo ang aming panganay at nambabato ng mansanas, nadapa siya at nagkaroon ng malaking mantsa ng damo ang tuhod niya. Kaya, sa retrato, iniayos ang pwesto ng braso niya para takpan ang mantsa ng damo.
Tungkol naman sa pangatlong anak namin, ganito, naghintay kami ng 20 minuto para mawala ang pamumugto ng kanyang mga mata.
At, siyempre pa, ang mga bahid ng dugo ay nasa likuran na ng kamiseta ng bunso naming anak.Ngayon, inayos naman ng aming pangalawang anak
ang kamay niya para matakpan ang medyas na panglaro niya para tumugma ang lahat.
At ako naman, ayun, nasa doghouse si Gary dahil ang pagdating niya nang huli ang pinagsimulan ng lahat ng ito.
Kaya nga, kapag nakita ninyo ang retratong ito ng aming pamilya at dumaing na, “Bakit hindi namin nagawang matipon ang lahat at nakapagpakuha ng perpektong retrato ng aming pamilya na gaya ng sa kanila?” alam na ninyo ngayon ang totoong nangyari!
Social Media at Gawaing Misyonero
Gaya ng nakikita ninyo, kailangan nating maging maingat sa mga peligro at panganib, kabilang na ang ulirang pangyayari at nakapanghihinang paghahambing. Kadalasang hindi ganoon kaaliwalas ang mundo na gaya ng nakikita sa social media. Gayunman, maraming mabubuting naidudulot at maidudulot ang mga platapormang ito ng komunikasyon.
Ang Missionary Department ay nagbigay ng mga bagong instruksyon noong 2017 tungkol sa mga praktikal na paraan ng paggamit ng social media sa gawaing misyonero. Magagamit natin ang maraming digital resource sa mabisa, madali, simple, at napakaepektibong pamamaraan.
Napakaraming mapaggagamitan ang teknolohiya sa angkop at inspiradong pamamaraan. Dapat gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang ituro ang mabuting paggamit ng teknolohiya sa bagong henerasyon at balaan sa, at iwasan ang, maling paggamit nito at pati na rin sa mga panganib na nauugnay rito. Makatutulong ito upang makatiyak tayo na ang mga benepisyo ng teknolohiya ay hindi mahihigitan ng mga panganib na kaugnay nito.
“Kayganda ng mga Sugo”
Habang taimtim akong nagninilay at nagdarasal tungkol sa mensaheng ito, nagising ako isang umaga na may awitin at simpleng titik sa aking isipan: “Kayganda, sugo ng ebanghelyo ng kapayapaan.”8
Ang ating mensahe ay kapayapaan, at kayo ang mga sugong nangangaral nito. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng bago at kapana-panabik na mga daluyan ng teknolohiya. Nabubuhay tayo sa isang natatanging daigdig sa kaganapan ng panahon na may kakayahang ipangaral ang ebanghelyo ng kapayapaan na literal na nasa dulo ng ating mga daliri.
Nasa atin ang mga salita ng mga sinaunang propeta, na perpektong inilalarawan ang ating kapanahunan at nagbibigay ng patnubay sa ating panahon: “At bukod dito, sinasabi ko sa inyo, na ang panahon ay darating na ang kaalaman ng isang Tagapagligtas ay kakalat sa bawat bansa, lahi, wika, at tao” (Mosias 3:20).
Nakatatanggap din tayo ng mga salita sa pamamagitan ng modernong paghahayag, nagsasalita ng tungkol sa, at nagbibigay ng gabay para sa, ating panahon at kalagayan. Babanggitin ko ang sinabi ni Elder Bednar: “At naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang mga inspiradong kasangkapang ito nang tama at mas epektibo upang patotohanan ang tungkol sa Diyos Amang Walang Hanggan, ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, at Kanyang Anak na si Jesucristo, bilang Tagapagligtas ng mundo; upang maipahayag ang katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw; at magawa ang gawain ng Panginoon.”9
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na pag-isipang mabuti ang tungkulin ninyong ipangaral ang ebanghelyo ng kapayapaan bilang magagandang sugo. Gawin nating lahat ang papel natin sa pagbabahagi ng ating “kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas” sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Ang pinakamainam na paraan para magawa ito ay sa paisa-isang paghakbang at sa isang paraang pinakaepektibo para sa inyo at sa inyong mga pamilya. Nawa’y maging matapang ang bawat isa sa inyo na mag-blog, mag-pin, mag-like, mag-share, mag-post, mag-friend, mag-tweet, mag-snap, at mag-swipe sa paraang kapuri-puri, marangal, at may respeto sa kalooban ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at dalhin ang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas sa inyong mga pamilya, mahal sa buhay, at kaibigan—kabilang na ang inyong mga kaibigan sa social media.