Tuwirang Sagot
Bakit Tinutulutan ng Diyos ang Digmaan?
Ang digmaan ay naging bahagi na ng kuwento ng sangkatauhan sa daigdig na ito halos noong simula pa lang. Subalit hindi nais ng Panginoon, ang Prinsipe ng Kapayaan, na makidigma tayo sa isa’t isa. Tumatangis Siya kapag pinipili ng mga tao na hindi mahalin ang isa’t isa at kapag sila ay “walang pagmamahal, at kinapopootan … ang kanilang sariling dugo” (Moises 7:33), pinasasama ang daigdig sa pamamagitan ng karahasan (tingnan sa Genesis 6:11–13). Silang mga masasama na nagdudulot ng digmaan sa daigdig ay hahatulan para sa kanilang mga gawa.
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na “talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan” (D at T 98:16). Gayunman, kung makikipagdigma ang mga bansa laban sa isa’t isa, sinabi rin ng Panginoon na kung minsan ay binibigyang-katwiran tayo sa pagtatanggol sa ating mga pamilya, bansa, at kapayapaan laban sa pagkawasak, kalupitan, at pang-aapi (tingnan sa Alma 43:47; Alma 46:12–13; D at T 134:11). At ang mga Banal sa Huling Araw na naglilingkod sa mga militar ng kanilang mga bansa ay itinataguyod ang alituntunin ng “pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom” (Saligan ng Pananampalataya 1:12).