Mga Tanong at mga Sagot
“Kung sa pakiramdam ko ay nawawala ang aking pananampalataya, ano ang magagawa ko para maibalik ito?”
Basahin ang mga Banal na Kasulatan
Kapag nahihirapan akong madama ang Espiritu, nakatutulong sa akin na basahin ang mga banal na kasulatan at makita ang pananampalataya na mayroon ang lahat. Nagbibigay ito sa akin ng pananampalataya. Marahil ay talagang maikli ang iyong mga panalangin. Subukan mong maging mas taimtim ang mga ito at tutulungan ka ng Ama sa Langit na maibalik ang iyong pananampalataya.
Chris B., edad 14, Oregon, USA
Pangalagaan ang Binhi ng Pananampalataya
Alam ko na maaari akong magdasal sa Ama at humiling sa Kanya na tulungan ako na mapanatili ang halaman ng pananampalataya na pinangangalagaan ko. Dapat kong gawin ang kinakailangang mga bagay upang mapangalagaan ito, tulad ng pagbasa sa mga banal na kasulatan, paghangad sa mga espirituwal na karanasan, pagbilang sa aking mga pagpapala, at paghingi ng tulong mula sa aking pamilya. Sa gayong paraan, maaaring magsimulang lumago muli ang aking pananampalataya. Hindi ito magaganap sa loob ng isang araw—isa itong proseso na kailangan ng panahon. Kailangan kong magkaroon ng pagtitiis at pagtitiwala sa Panginoon.
Elías B., edad 18, Mendoza, Argentina
Sama-samang Alamin ang Solusyon
Kapag nadarama kong nawawala ang aking pananampalataya, kinakausap ko ang aking nanay at tatay, at sama-sama naming inaalam ang solusyon nito. Minsan ay kumakanta kami ng isang nakaaantig na awit pagkatapos niyon upang madama namin ang Espiritu.
Emmalie C., edad 15, Colorado, USA
Magtanong sa mga Magulang Mo
Dagdag pa sa pagdarasal mismo sa Ama sa Langit, matatanong natin sa ating mga magulang kung paano makababalik sa Kanya at mabawi ang ating pananampalataya.
Elías S., edad 12, Paysandú, Uruguay
Manalangin, Tumulong, at Magbasa
Bilang isang taong nanghina sa pananampalataya, may ginawa akong tatlong bagay upang maipanumbalik ito. Una, nanalangin ako. Ang pananalangin para sa lakas at upang malaman kung ano ang dapat kong gawin ay tunay na umubra. Pangalawa, sinabihan ko ang malalapit na kaibigan, at tinulungan nila ako nang lubos noong kailangan ko iyon. Pangatlo, nagbasa ako ng mga banal na kasulatan. Marami sa mga ito ang nauugnay sa pananampalataya at makatutulong sa atin na mabawi iyon.
Jack J., edad 14, Florida, USA