2018
Pag-unawa sa Islam
April 2018


Pag-unawa sa Islam

mosaic of kaaba in mecca

Mga larawang kuha mula sa Getty Images

Isang 19th-century mosaic na naglalarawan sa Kaaba sa Mecca, ang lungsod kung saan isinilang si Muhammad at ang pinakabanal na lungsod sa buong mundo ng Islam.

Mabuti man o masama, hindi lumilipas ang araw na hindi nababanggit sa ulo ng mga balita ang Islam at mga Muslim. Kaya naman hindi kataka-taka na maraming tao na hindi Muslim—kabilang na ang mga Banal sa mga Huling Araw—ang nagkakainteres, at nag-aalala. May pagkakatulad ba tayo sa ating mga kapatid na Muslim? Makapamumuhay ba tayo nang magkasama at magagawang magtulungan?

Una, makatutulong ang ilang detalye sa kasaysayan:

Noong AD 610, isang Arabong mangangalakal na nasa katanghaliang edad na nagngangalang Muhammad ang umakyat sa mga burol na malapit sa sinilangan niyang bayan ng Mecca para magnilay at magdasal tungkol sa kalituhan sa relihiyon sa paligid niya. Pagkaraan nito, ipinamalita niya na nakakita siya ng isang pangitain kung saan tinatawag siya bilang propeta sa kanyang mga kababayan. Ang pangyayaring ito ang tanda ng pagsisimula ng relihiyon na nakilalang Islam (iss-LAAM), isang salita na ang ibig sabihin ay “pagpapasakop” (sa Diyos). Ang isang naniniwala sa Islam ay tinatawag na Muslim (MUSS-lim), na ang ibig sabihin ay “nagpapasakop.”

Pagkatapos noon, sinabi ni Muhammad na nakatanggap siya ng maraming paghahayag hanggang sa kanyang kamatayan makalipas ang halos 25 taon. Una niyang ibinahagi ang mga ito sa mga naninirahan sa kanyang bayang sinilangan, na nagbababala tungkol sa banal na paghuhukom na darating; tinatawag ang kanyang mga tagapakinig sa pagsisisi at tamang pagtrato sa mga balo, ulila, at mahihirap, at nangangaral ng pangkalahatang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at huling paghuhukom ng Diyos.

Gayunman, sa sobrang tindi ng pinagdaanang pangungutya at pag-uusig sa kanya at sa kanyang mga tagasunod, sila ay napilitang magsitakas sa bayan ng Medina, na halos apat na araw na paglalakbay patungong hilaga kung nakasakay sa isang kamelyo.

Malaki ang naging pagbabago sa tungkulin ni Muhammad doon.1 Mula sa pagiging mangangaral at tagapagbadya lamang, siya ay naging tagapagbigay ng batas, hukom, at lider sa pulitika ng isang mahalagang bayan ng mga Arabo at, sa paglipas ng panahon, ng Arabian Peninsula. Ang maagang pagtatatag na ito ng isang pamayanan ng mga naniniwala ang nagbigay sa Islam ng isang pagkilala sa relihiyon na nakabatay sa batas at katarungan na nananatiling kabilang sa mga katangian nito na kapansin-pansin at pinaka-nagbunga sa lahat.

Dalawang pangkat ang nabuo mula sa mga tagasunod ni Muhammad matapos siyang mamatay noong AD 632, na unang nahati dahil sa tanong na kung sino ang dapat humalili sa kanya bilang lider ng pamayanang Islam.2 Ang pinakamalaki sa mga ito ay tinawag na Sunni (inaangkin nito ang pagsunod sa sunna, o nakaugalian ni Muhammad at medyo may kaluwagan tungkol sa magiging kasunod o kahalili). Ang isa naman, na nabuo sa pamumuno ng manugang ni Muhammad na si Ali, ay tinawag na shi‘at ‘Ali (ang pangkat ni ‘Ali) at mas kilala ngayon sa simpleng tawag na Shi‘a. Hindi tulad ng mga Sunni, naniniwala ang Shi‘a (kilalang mga Shi‘ite o Shi‘i Muslim) na ang karapatang humalili kay Muhammad bilang mga lider ng pamayanan ay nauukol lamang sa pinakamalapit na kaanak na lalaki ni Muhammad na si ‘Ali, at sa kanyang mga tagapagmana.

Sa kabila nang hindi pagkakasundong ito, ang mundo ng Islam ay mas nagkakaisa, kung relihiyon din lamang ang pag-uusapan, kaysa sa Kristiyanismo. At bukod pa rito, sa loob ng maraming siglo matapos ang AD 800, ang sibilisasyon ng Islam ay hindi maikakailang ang pinakamaunlad sa daigdig kung siyensiya, medisina, matematika, at pilosopiya ang pag-uusapan.

Mga Pinagkukunang Doktrina at Kaugalian ng mga Muslim

Ang mga paghahayag na sinabi ni Muhammad na natanggap niya ay tinipon sa isang aklat na tinawag na Koran (mula sa pandiwang salita sa Arabo na qara’a, na ang ibig sabihin ay “magbasa” o “bumigkas”) makalipas ang isa o dalawang dekada ng kanyang kamatayan. Binubuo ng 114 na kabanata, ang Koran ay hindi isang kuwento tungkol kay Muhammad. Gaya ng Doktrina at mga Tipan, hindi ito isang pagsasalaysay lamang; ito ay itinuturing ng mga Muslim na salita (at mga salita) ng Diyos na ibinigay mismo kay Muhammad.3

reading the quran

Mapupuna ng mga Kristiyanong bumabasa nito ang pamilyar na mga tema. Nagsasaad ito, halimbawa, ng tungkol sa paglikha ng Diyos sa sansinukob sa loob ng pitong araw, ang paglalagay Niya kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, ang panunukso sa kanila ng diyablo, kanilang pagkahulog, at ang pagtawag ng hanay ng mga propeta (karamihan din sa kanila ay matatagpuan sa Biblia). Ang mga propetang ito ay inilarawan sa Koran bilang mga muslim, dahil nagpasakop sila sa kalooban ng Diyos.

Si Abraham na inilarawang kaibigan ng Diyos, ay isang prominenteng tauhan sa tekstong ito.4 (Bukod sa iba pang bagay, pinaniniwalaan na nakatanggap siya ng mga paghahayag na isinulat niya ngunit matagal nang nawala iyon.5) Si Moises, ang Faraon, at ang Exodo ng mga anak ni Israel ay may ginampanan ding papel dito.

Kamangha-mangha na si Maria, ang ina ni Jesus, ay binanggit ng 34 na beses sa Koran, kung ihahambing sa 19 na beses sa Bagong Tipan. (Ang totoo, siya lamang ang babaing nabanggit sa Koran.)

Isang paulit-ulit na binabanggit sa Koran ang tawhid (taw-HEED), isang salita na ang salin ay maaaring “monotheismo” o, mas literal bilang “pagiging isa.” Kumakatawan ito sa isa sa mga pangunahing alituntunin ng Islam: na may iisang lubos na natatanging banal na nilalang. “Hindi siya nagsilang, ni hindi siya isinilang,” paghahayag ng Koran, “at walang sinuman ang maihahalintulad sa kanya.”6 Ang mga sumusunod dito ay tunay na napakahalagang pagkakaiba ng Islam at Kristiyanismo: Ang mga Muslim ay hindi naniniwala sa pagka-diyos ni Jesucristo o sa Espiritu Santo. Nasasaad din dito na bagama’t lahat ng tao ay pantay-pantay na mga likha ng Diyos, ayon sa doktrina ng Islam, hindi Niya tayo mga anak.

Gayunman, pinaniniwalaan ng mga Muslim na isang propeta ng Diyos si Jesus na walang bahid-dungis, isinilang ng isang birhen at nakatalagang gumanap ng isang mahalagang papel sa mga kaganapan sa mga huling araw. Siya ay madalas na binabanggit at pinagpipitagan sa Koran.

Mga Pangunahing Turo at Kaugalian ng Muslim

Ang tinatawag na “Limang Haligi ng Islam”—na pinakamaikling buod hindi sa Koran kundi sa isang tradisyonal na pahayag patungkol kay Muhammad—ay nagtatakda ng ilang pangunahing doktrina ng Islam:

1. Patotoo

Kung may pangkalahatang panuntunan ang Islam, ito ang shahada (sha-HAD-ah), “pagpapahayag ng pananampalataya,” o “patotoo.” Ang kataga ay tumutukoy sa isang pormula o pahayag na Arabo na, sa pagkakasalin, ay gaya ng sumusunod: “Nagpapatotoo ako na walang diyos kundi ang Diyos [si Allah] at ang Sugo ng Diyos si Muhammad.” Ang shahada ang pintuan papasok ng Islam. Ang pagbigkas nito nang may taos na paniniwala ay paraan ng pagiging Muslim.

Ang katumbas ng salitang Diyos sa Arabo ay Allah. Ang pinaikling mga katagang al- (“ang”) at ilah (“diyos”), ay hindi isang pangngalan panturing kundi isang titulo, at malapit na nauugnay sa salitang Hebreo na Elohim.

Dahil sa walang priesthood sa Islam, walang mga ordenansa ng priesthood. Wala ni isa mang “simbahan” ang Islam. Sa gayon, ang magpahayag ng shahada, ay maituturing na katumbas ng pagbibinyag sa Islam. Ang kasalukuyang kawalan ng pormal, nagkakaisa, at pandaigdigang pamunuan ay may iba pang implikasyon. Halimbawa, walang pangkalahatang lider sa daigdig ng mga Muslim, kaya walang sinuman ang kumakatawan para sa buong pamayanan nila. (Itinuturing ng halos lahat na si Muhammad ang huling propeta.) Ibig ding sabihin nito ay walang simbahang makapagtitiwalag sa mga terorista o mga “erehe.”

2. Pagdarasal

ritual prayer

Maraming mga hindi Muslim ang nakaaalam sa ritwal na pagdarasal nila na tinatawag na salat (sa-LAAT), na kinapapalooban ng partikular na bilang ng pagpapatirapa ng katawan na limang beses araw-araw. Ipinakikita ng pagbigkas sa mga nakasaad na talata mula sa Koran at pagsayad ng noo sa lupa ang mapagpakumbabang pagpapasakop sa Diyos. Ang isa pang mas kusang-loob na panalangin, na tinatawag na du‘a, ay maaaring ialay anumang oras at hindi kinakailangan pang magpatirapa.

Para sa mga pagdarasal sa katanghaliang-tapat sa araw ng Biyernes, kinakailangan na ang kalalakihang Muslim at hinihikayat naman ang kababaihan na magdasal sa isang mosque (mula sa salitang Arabo na masjid, o “lugar kung saan nagpapatirapa”). Doon, sa hiwalay na pangkat ng mga kasarian, sila ay humihilera at nagdarasal sa pamumuno ng isang imam (ee-MAAM, mula sa Arabo na amama, na ibig sabihin ay “sa harapan ng”), at nakikinig sa isang maikling sermon. Gayunman, ang mga araw ng Biyernes ay hindi gaanong maituturing na katumbas ng Sabbath; bagama’t nakatuon ang “weekend” ng karamihan ng mga bansang Muslim sa yawm al-jum‘a (“ang araw ng pagtitipon”) o Biyernes, hindi itinuturing na makasalanan ang pagtatrabaho sa araw na iyon.

3. Kawanggawa

Ang zakat (za-KAAT, ibig sabihin “yaong nakapagpapadalisay”) ay mapagkawanggawang pagbibigay ng mga donasyon para tustusan ang mahihirap, pati na ang mga mosque at iba pang gawain ng Islam. Karaniwang tinatantya ito na 2.5 porsiyento ng kabuuang yaman ng isang Muslim na dagdag sa isang minimum na halaga. Sa ilang bansang Muslim, kinukolekta ito ng mga institusyon ng pamahalaan. Sa iba nama’y boluntaryo ito.

4. Pag-aayuno

Ang mga debotong Muslim kada taon ay nangingilin sa pagkain, inumin, at sekswal na ugnayan mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito sa panahon ng lunar month ng Ramadan. Karaniwang inilalaan din nila ang sarili sa espesyal na pagkakawanggawa sa mahihirap at sa pagbabasa ng Koran sa loob ng buwang ito.7

5. Paglalakbay sa Banal na Lugar

Mecca

Dapat gawin ng mga Muslim na may malusog na katawan at kakayahan ang maglakbay patungong Mecca kahit isang beses man lamang sa buong buhay nila. (Kabilang na rin dito ang pagbisita sa Medina, ang pangalawang banal na lungsod ng Islam, bagama’t hindi ito kinakailangan.) Para sa matatapat na Muslim, ang gawin ito ay isang napaka-espirituwal at nakaaantig na pangyayari, kahalintulad ito ng personal na pagdalo sa pangkalahatang kumperensya o pagpasok sa templo sa unang pagkakataon.

Ilang Kasalukuyang Isyu

Ang tatlong punto na labis na ipinag-aalala ng mga hindi Muslim sa panahon ngayon tungkol sa Islam ay ang karahasan sa relihiyon; batas ng Islam o shari‘a, at paraan ng pakikitungo sa kababaihan.

Ginagamit ng ilang ekstremista ang katagang jihad para tukuyin sa kabuuan ang “banal na digmaan,” bagama’t ang tunay na kahulugan ng salita ay “praktikal na gawain,” na kabaligtaran sa pagdarasal “lamang” at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Iba-iba ang pang-unawa ng mga dalubhasa sa batas at palaisip na mga Muslim sa jihad. Pinagtatalunan ng mga karaniwang legal sources, halimbawa, na ang katanggap-tanggap na militar na jihad ay dapat na pagtatanggol lamang at dapat munang balaan ang kalaban at bigyan ng pagkakataong itigil ang nakagagalit na aksyon. Pinagtatalunan naman ngayon ng ilang dalubhasa sa batas at iba pang palaisip na Muslim na ang jihad ay maaaring magtalaga ng anumang praktikal na aksyon na naglalayong makinabang ang pamayanang Islam o higit na mapabuti ang mundo sa pangkalahatan. Sinasabing nagbigay si Muhammad ng pagkakakilanlan sa pagitan ng “mataas na jihad” at “mababang jihad.” Ang huli, sabi niya, ay pakikidigma. Pero ang mataas na jihad ay paglaban sa kawalang-katarungan at personal na pagtutol sa pamumuhay nang matwid.

Sinasabing ang terorismo ng Islam ngayon ay nag-ugat sa relihiyon, pero hindi maikakaila na sumasalamin din ito sa mga hinaing sa lipunan, pulitika, at ekonomiya na may kakaunti o walang kaugnayan sa relihiyon.8 Bukod pa rito, mahalagang tandaan na malaking bahagi ng mga Muslim sa mundo ay hindi umaanib sa mga terorista sa kanilang karahasan.9

Ang shari‘a ay isa pang punto na ipinag-aalala ng ilang tao na hindi Muslim. Hinango mula sa Koran at hadith—maiikling ulat ng mga sinabi at ginawa ni Muhammad at ng malalapit niyang kasamahan na nagbigay-huwaran sa asal ng mga Muslim at dagdag na rin at paliwanag tungkol sa mga talata sa Koran—ito ay alituntunin ng mga kaugalian ng Muslim.10 Ang mga patakaran sa paraan ng pananamit para sa mga kalalakihan at kababaihan (gaya ng hijab, o belo) ay matatagpuan sa shari‘a; bagama’t ipinatutupad ito sa ilang Muslim na bansa, sa ibang bansa ay ipinauubaya ito sa pagpili ng indibiduwal. Sakop din ng shari‘a ang mga bagay gaya ng kalinisan ng katawan; ang oras at nilalaman ng dasal; at mga patakaran sa pangangasiwa sa kasal, diborsiyo, at pamana. Kung gayon, kapag nagpahiwatig ang mga Muslim sa mga survey na nais nilang mapamahalaan ng shari‘a, maaaring nagbibigay sila o hindi ng isang pulitikal na pahayag. Maaaring simple lamang nilang sinasabi na ibig nilang mamuhay na tulad ng isang tunay na Muslim.

woman wearing the hijab

Marami sa mga taong hindi Muslim ang kaagad na naiisip ang polygamy at mga belo kapag naiisip nila ang pakikitungo ng Islam sa kababaihan. Ngunit ang totoong nangyayari sa kultura ay higit na mas kumplikado. Maraming talata sa Koran ang nagsasaad na pantay ang kababaihan sa kalalakihan, bagama’t may ilang pagkakataon na tila itinatalaga sila sa papel na tagasunod. Walang duda na may mga kinagagawian sa maraming bansang Islam—kadalasa’y nag-ugat pa sa kultura ng mga tribo o iba pang kaugalian bago pa man nagkaroon ng Islam—na maging sunud-sunuran ang kababaihan. Gayunman, ang pananaw ng mga Muslim sa papel ng kababaihan ay magkakaiba sa bawat bansa at maging sa loob mismo ng mga bansa.

Ang Pananaw ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Islam

Sa kabila ng ating mga pagkakaiba sa paniniwala, paano kaya makikipag-ugnayan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga Muslim?

Una sa lahat, dapat nating kilalanin ang karapatan ng mga Muslim na “sumamba kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11). Noong 1841, ang mga Banal sa mga Huling Araw na nasa konseho ng lungsod ng Nauvoo ay nagpasa ng ordenansa tungkol sa kalayaang pangrelihiyon na nangangako na “malayang magpapahintulot, at pantay na mga pribilehiyo” sa “mga Katoliko, Presbyterian, Methodist, Baptist, Latter-day Saint, Quaker, Episcopal, Universalist, Unitarian, Mohammedan [Muslim], at lahat ng iba pang sekta ng relihiyon at anupamang denominasyon.”11

Dapat din nating alalahanin na ang mga lider natin sa Simbahan ay karaniwang kapansin-pansin na positibo sa pagpapahalaga sa taong nagtatag ng Islam. Halimbawa, noong 1855, noong panahong maraming Kristiyano ang humatol kay Muhammad na isa siyang anti-Cristo, nagbigay ng mahabang sermon sina Elder George A. Smith (1817–75) at Parley P. Pratt (1807–57) na hindi lamang nagpakita ng kahanga-hangang malinaw at patas na pagkakaunawa sa kasaysayan ng Islam, kundi pinuri rin mismo si Muhammad. Sinabi ni Elder Smith na si Muhammad “ay walang dudang ibinangon ng Diyos nang may layunin” upang mangaral laban sa mga diyus-diyusan, at ipinaabot ang kanyang simpatiya sa mga Muslim, na, gaya ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay nahirapang “makakita ng tapat na kasaysayan” na isinulat tungkol sa kanila. Nagsalita agad pagkatapos, nagpahayag si Elder Pratt ng kanyang paghanga sa mga turo ni Muhammad at sa moralidad at mga institusyon ng lipunang Muslim.12

Isa pang opisyal na pahayag ang inilabas noong 1978 mula sa Unang Panguluhan. Partikular na binanggit si Muhammad na kabilang sa “mga dakilang lider ng relihiyon sa mundo,” sinasabi na, gaya nila, siya ay “nakatanggap ng isang bahagi ng liwanag ng Diyos. Ang mga aral ng katotohanan ay ipinahayag sa [mga lider na ito] ng Diyos,” isinulat nina Pangulong Spencer W. Kimball, N. Eldon Tanner, at Marion G. Romney, “upang bigyang-liwanag ang lahat ng bansa at magdulot ng mas mataas na pang-unawa sa mga tao.”13

Paghahahanap ng Pagkakatulad

Bagama’t malinaw na may pagkakaiba sa mahahalagang bagay ang mga Banal sa mga Huling Araw at mga Muslim—lalo na sa pagka-diyos ni Jesucristo, ang papel na ginampanan Niya bilang Tagapagligtas, at ang pagtawag sa mga modernong propeta—marami tayong pagkakatulad. Pareho tayong naniniwala, halimbawa, na tayo’y may pananagutang moral sa harap ng Diyos, na dapat nating itaguyod kapwa ang pagiging matwid sa sarili at ang isang mabuti at makatarungang lipunan, at na tayo ay mabubuhay na mag-uli at dadalhin sa harapan ng Diyos para hatulan.

family

Ang mga Muslim at ang mga Banal sa mga Huling Araw ay kapwa naniniwala sa labis na kahalagahan ng matatatag na pamilya at sa banal na utos na tulungan ang mahihirap at nangangailangan at na ipakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa ng isang disipulo. Tila walang dahilan upang hindi magkasama ang mga Banal sa mga Huling Araw at mga Muslim na gawin ang mga ito at kahit, kung pahihintulutan ng pagkakataon, magtulungan sa mga pamayanan kung saan, padalas nang padalas, ay nakikita nating magkakapitbahay tayo sa isang mundo na patuloy na nagiging sekular. Kung magkasama, maipakikita natin na ang pananampalataya sa isang relihiyon ay maaaring maging isang malakas na puwersa para sa kabutihan at hindi lamang pinagmumulan ng sigalutan at maging ng karahasan, gaya ng malimit pagtalunan ng mga kritiko.

Ang Koran mismo ay may mga mungkahi kung paano tayo makapamumuhay nang mapayapa sa kabila ng ating mga pagkakaiba: “Kung inibig ni Allah, kanyang magagawa kayong isang pamayanan. Ngunit nagpasiya siyang subukan kayo sa pamamagitan ng kanyang ibinigay sa inyo. Kaya magpaligsahan kayo sa isa’t isa sa mabuting mga gawa. Kay Allah kayo ay babalik lahat, at siya pagkatapos ay magpapasabi sa inyo tungkol [sa bagay kung saan] kayo ay nagkaiba.”14

Mga Tala

  1. Sa katunayan, ang AD 622—ang taon ng Hijra, o pagdayo ni Muhammad, sa Medina—ang unang taon ng kalendaryong (Hijri) Muslim, at ang mga paghahayag na tinipon sa Koran ay inuri bilang mula sa Mecca o sa Medina.

  2. Sa paglipas ng mga siglo, ang dalawang pangkat na ito ay nagkalayo dahil sa iba pang mga pumapangalawang isyu.

  3. Gayunman, kapuna-puna, na bagama’t pinahintulutang isalin sa iba pang wika ang Koran, tanging ang orihinal na salitang Arabo ang itinuturing na tunay na Koran at tunay na banal na kasulatan.

  4. Tingnan sa Koran 4:125.

  5. Tingnan sa Koran 53:36–62; 87:9–19; tingnan din sa Daniel C. Peterson, “News from Antiquity,” Ensign, Ene. 1994, 16–21.

  6. Koran 112:3–4. Ang mga pagsasalin mula sa Koran [sa wikang Ingles] ay galing kay Daniel C. Peterson.

  7. Ang pamantayang mga edisyon ng Koran ay nahahati sa 30 magkakasindaming bahagi para mismo sa layuning iyon.

  8. Tingnan halimbawa sa Robert A. Pape, Dying to Win: The Strategic Logic of Suicide Terrorism (2005); Graham E. Fuller, A World without Islam (2010); Robert A. Pape and James K. Feldman, Cutting the Fuse: The Explosion of Global Suicide Terrorism and How to Stop It (2010).

  9. Tingnan sa Charles Kurzman, The Missing Martyrs: Why There Are So Few Muslim Terrorists (2011); tingnan din sa John L. Esposito and Dalia Mogahed, Who Speaks for Islam? What a Billion Muslims Really Think (2008); James Zogby, Arab Voices: What They Are Saying to Us, and Why It Matters (2010).

  10. Sa katunayan, kahalintulad ito ng rabbinic law ng Judaismo.

  11. Ordinance in Relation to Religious Societies, City of Nauvoo, [Illinois] headquarters of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Marso 1, 1841.

  12. Tingnan sa Journal of Discourses, 3:28–42.

  13. Pahayag ng Unang Panguluhan, Peb. 15, 1978. Sa kanyang pagwawasto ng Introduction to the Qur’an (1970) ni Richard Bell, W. Montgomery Watt, na isang prominenteng iskolar ng Islam at isang Anglican priest, nagbigay siya ng isang posibleng paraan na ang isang nananalig na Kristiyano ay makita ang Koran na binigyan ng inspirasyon.

  14. Koran 5:48; ihambing sa 2:48.