“Tumalon Ka sa Ilog!”
Elvin Jerome Laceda
Pampanga, Philippines
Isang araw inutusan ako ng lola ko na maghatid ng pagkaing niluto niya sa tita ko. Napakainit na hapon nang araw na iyon ng Sabado, at maraming bagay ang gusto kong gawin kaysa sa iniutos sa akin ng lola ko. Sinabi ko sa kanya na isa na lamang sa mga pinsan ko ang magpunta roon, pero nagpilit siya na ako ang dapat pumunta.
Lumipas ang isang oras, at nagsimula kong maramdaman na dapat kong gawin ang ipinag-utos ng lola ko. Kinuha ko ang pagkain at lumakad na papunta sa bahay ng tita ko. Napakalayo noon, at nang dumating ako, wala akong balak na magtagal.
Nakita ko ang tita ko at ang kanyang limang buwang baby sa isang duyang nakatali sa dalawang puno ng mangga. Ang mga puno ay malapit sa isang ilog na dumadaloy sa likuran ng bahay. Naglakad ako papunta sa kanila para ihatid ang pagkain. Nang bigla na lang naputol ang mga tali ng duyan. Ang tita ko at ang baby niya ay gumulong at nahulog sa ilog. Natakot ako. Hindi ako marunong lumangoy, at walang ibang tao sa paligid para tumulong. Hindi ko alam ang gagawin ko.
Kaagad, narinig ko ang tinig ng Espiritu: “Tumalon ka!”
Walang pagdadalawang-isip na tumalon ako. Sa kabutihang-palad, natagpuan ko ang baby makaraan lamang ng ilang segundo, at nakaahon sa tubig ang tita ko. Pagkaahon ko sa tubig na karga ang baby, hindi ako makapaniwala sa nangyari. Tumalon ako sa ilog samantalang hindi ako marunong lumangoy, pero dahil nakinig ako sa Espiritu, ang pinsan ko na baby pa at ako ay nakaligtas mula sa pagkalunod.
Nalaman ko kung gaano kahalaga ang makilala at makinig sa patnubay at inspirasyong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nagpapasalamat ako’t sinunod ko rin ang utos sa akin ng lola ko at dinala ang pagkain sa bahay ng tita ko. Alam ko na kailangan nating magsikap na maging sensitibo sa mga espirituwal na pahiwatig upang maging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos para tulungan ang Kanyang mga anak.