Mga Klasikong Ebanghelyo
Sa Maliwanag na Linggo ng Umagang Iyon
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2006.
Noong araw na iyon [pagsapit ng Linggo] kinalag ng Panginoon ang tanikala ng kamatayan. Bumangon Siya mula sa libingan at ipinakita ang kaluwalhatian ng Kanyang tagumpay bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
Alam natin kung ano ang Pagkabuhay na Mag-uli—ang muling pagsasama ng espiritu at katawan sa ganap nitong anyo. …
Naiisip ba ninyo iyon? Mabuhay sa ating kasibulan? Walang karamdaman, walang sakit, walang mga hinaing sa buhay na madalas bumagabag sa atin?
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ang sentro ng ating mga paniniwala bilang mga Kristiyano. …
… Nang bumangon ang Tagapagligtas mula sa libingan, … ginawa Niya ang hindi magagawa ninuman. Kinalag niya ang gapos ng kamatayan, hindi para sa Kanyang sarili, kundi para sa lahat ng nabuhay—ang mabuti at ang masama. …
… Ibinigay Niya ang kaloob na iyon sa lahat. At sa kadakilaang iyon, inibsan Niya ang masakit at nakapanlulupaypay na kalungkutang bumabagabag sa kaluluwa ng mga nawalan ng mahal sa buhay.
Iniisip ko kung gaano kadilim ang Biyernes na iyon nang iangat sa krus si Cristo. …
… Nilindol at nagdilim ang mundo. …
Ang masasamang taong iyon na pumatay sa Kanya ay nagalak. …
Noong araw na iyon ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa.
Kapwa namighati at nalumbay si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Jesus. … Ang dakilang lalaking kanilang minahal at sinamba ay walang buhay na nakabayubay sa krus. …
… Nawalan ng pag-asa ang mga Apostol. Si Jesus na kanilang Tagapagligtas—ang lalaking lumakad sa tubig at nagbangon sa mga patay—Siya mismo ay nasa kamay ng masasamang tao. …
Iyo’y Biyernes na puno ng nakapanlulumo, at nakapanlulupaypay na kalungkutan. …
Palagay ko sa lahat ng araw [mula] sa simula ng kasaysayan, ang Biyernes na iyon ang pinakamadilim.
[Ngunit] hindi nanatili ang kawalang-pag-asa dahil pagsapit ng Linggo, kinalag ng Panginoon ang tanikala ng kamatayan. Bumangon Siya mula sa libingan at ipinakita ang kaluwalhatian ng Kanyang tagumpay bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
At, sa isang iglap, ang mga matang puno ng luha ay natuyo. Ang mga labing umusal ng mga dalangin ng hirap at pagdurusa ay puno na ngayon ng papuri, sapagkat si Cristo Jesus, ang Anak ng buhay na Diyos, ay tumayo sa kanilang harapan bilang … katibayan na ang kamatayan ay simula lamang ng bago at kahanga-hangang pag-iral.
Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng sariling mga Biyernes—mga araw na parang durog ang mismong sansinukob at ang mga piraso ng ating mundo ay nagkalat sa ating paligid. …
Ngunit pinatototohanan ko sa inyo sa ngalan Niyaong lumupig sa kamatayan—sasapit ang Linggo. Sa dilim ng ating kalungkutan, sasapit ang Linggo.
… Gaano man ang ating pagdurusa, sasapit ang Linggo sa buhay mang ito o sa kabilang-buhay, sasapit ang Linggo.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay hindi isang pabula. May mga personal na patotoo tayo ng mga nakakita sa Kanya. Libu-libo sa Dati at Bagong Sanlibutan ang nakasaksi sa nagbangong Tagapagligtas. Nahipo nila ang mga sugat sa Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran. …
Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli, muling sumigla ang mga disipulo. Naglakbay sila sa buong mundo … matapang na ipinahayag si Cristo Jesus, ang nabuhay na mag-uling Anak ng buhay na Diyos.
Marami sa kanila … [ay namatay na] martir, na namumutawi ang patotoo sa nagbangong Cristo sa kanilang mga labi.
Binago ng Pagkabuhay na Mag-uli ang buhay ng mga nakasaksi rito. Hindi ba dapat ay pati na ang sa atin?
Babangon tayong lahat mula sa libingan. …
Dahil sa buhay at walang-hanggang sakripisyo ng Tagapagligtas ng mundo, muli nating makakasama ang mga mahal natin.
… Sa araw na iyon magagalak tayo na nadaig ng Mesiyas ang lahat upang mabuhay tayo nang walang-hanggan.
Dahil sa mga sagradong ordenansang natatanggap natin sa mga banal na templo, hindi matagal na maiwawalay ng paglisan natin sa maikling buhay na ito ang mga kaugnayang binigkis ng mga walang-hanggang panali.
Taos ang aking patotoo na ang buhay ay hindi nagwawakas sa kamatayan. …
Nawa’y maunawaan natin at pasalamatan ang walang-katumbas na mga kaloob na dumating sa atin bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit at sa pangako ng maningning na araw na lahat tayo’y matagumpay na babangon mula sa libingan.
… Gaano man kadilim ang ating Biyernes, sasapit ang Linggo.