2018
Mga Landas patungo sa Tunay na Kaligayahan
April 2018


Mga Landas patungo sa Tunay na Kaligayahan

Mula sa commencement address, “Paths for Happiness,” na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Hunyo 8, 2017.

Nawa’y piliin nating lahat na mahalin ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga landas patungo sa kaligayahan.

couple standing outside the Oakland California Temple

Higit pa sa anumang bagay, hinahangad ng Ama sa Langit ang ating tunay at tumatagal na kaligayahan.

“Ang ating kaligayahan ang layunin ng lahat ng pagpapalang ibinibigay Niya sa atin—mga turo ng ebanghelyo, kautusan, ordenansa sa priesthood, ugnayang pampamilya, propeta, templo, kagandahan ng paglikha, at maging ang pagkakataong makaranas ng paghihirap. … Ipinadala Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak upang isagawa ang Pagbabayad-sala upang tayo ay maging maligaya sa buhay na ito at matanggap ang kabuuan ng ligaya sa kawalang hanggan.”1

Lahat ng tao ay may hinahanap na isang bagay. Sa kanilang sariling paraan, ang tunay na hinahanap nila ay ang kaligayahan. Gayunman, katulad ng katotohanan, marami ang napagkaitan ng kaligayan “sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (D at T 123:12).

Dahil hindi nila alam kung saan mahahanap ang tunay at tumatagal na kaligayahan, hinahanap nila ito sa mga bagay na sa totoo lang ay naghahatid lang ng panandaliang aliw—pagbili ng mga bagay, paghangad ng karangalan at papuri ng mundo sa pamamagitan ng mga di-wastong asal, o pagtutuon sa pisikal na kagandahan at kariktan.

Ang aliw ay kadalasang inaakalang kaligayahan. Tila habang mas hinahangad ng mga tao ang panandaliang aliw, mas nalulungkot sila. Kadalasan, tumatagal lang nang sandali ang aliw.

Tulad ng sinabi ni Pangulong David O. McKay (1873–1970): “Maaari kang makatanggap ng pansamantalang aliw, oo, subalit hindi ka makahahanap ng kagalakan, hindi ka makahahanap ng kaligayahan. Ang kaligayahan ay mahahanap lang sa landas na tinahak na nang marami, gaano man ito kakitid, bagama’t tuwid, na humahantong sa buhay na walang hanggan.”2

Sa kasamaang-palad para sa marami, mailap ang kaligayahan. Alam ng mga siyentipiko na “higit pa sa simpleng positibong kalooban, ang kaligayahan ay isang kalagayan ng kabutihan na sumasakop sa mabuting pamumuhay—na, may kalakip na diwa ng kahulugan at malalim na kasiyahan.”3

Ipinakikita ng pananaliksik na ang kaligayan ay hindi resulta ng papalit-palit na karanasan. Bagkus, ang pagkamit ng kaligayahan ay karaniwang kinapapalooban ng matagal na pagsisikap para sa isang bagay na mas mahalaga sa buhay. Nasusukat ang kaligayahan ng mga gawi, asal, at huwaran ng pag-iisip na direkta nating matutugunan nang may sadyang pagkilos. Marami sa ating kaligayahan ngayon ay talagang “personal na makokontrol.”4

Isipin natin ang kahalagahan ng ilan sa mga landas patungo sa kaligayahan na natagpuan sa mga banal na kasulatan at itinuro ng mga propeta at mga apostol sa panahong ito. Ang may pananampalataya at matibay na pag-apak sa mga landas na ito ay magtutulot sa atin na matamasa ang kaligayahan sa ating paglalakbay na darating.

Kadalisayan

Ang una sa mga landas na ito ay kadalisayan, na isang huwaran ng pag-iisip at pag-uugali batay sa mataas na moral na pamantayan. Sakop nito ang kalinisang-puri at kadalisayang moral, na ginagawa kayong karapat-dapat na makapasok sa mga banal na templo ng Panginoon. Ang dalisay na mga tao ay mayroong tahimik na dignidad at lakas ng loob. May tiwala sila dahil karapat-dapat silang tumanggap at magabayan ng Espiritu Santo. Ang kadalisayan ay nagsisimula sa puso at isipan, at pagtitipon ng libu-libong maliliit na desisyon at kilos araw-araw.

“Puspusin ng kabanalan [o kadalisayan] ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan” (D at T 121:45–46).

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na “walang pagkakaibigang higit na mahalaga kaysa sa kalinisan ng sarili ninyong budhi at moralidad—at napakagandang malaman na nakatayo kayo sa takda ninyong lugar, malinis at may tiwalang karapat-dapat kayong gampanan ito.”5

Pagiging Matuwid

Ang pangalawang landas patungo sa kaligayahan ay pagiging matuwid. Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kilalanin na ang walang hanggang kaligayahan ay nagmumula sa kung ano kayo, hindi sa kung ano ang mayroon kayo.

“Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa mabuting pagkatao, at naitaguyod mula sa isang huwaran ng palagiang mabuting desisyon. … Ang inyong mabubuting desisyon ang nagpapasiya kung sino kayo at kung ano ang mahalaga sa inyo. Ginagawa ng mga ito na maging mas madali ang paggawa ng tamang mga bagay. Para sa kaligayahan ngayon at sa buong buhay ninyo, matatag na sundin ang Panginoon.”6

Habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, natututuhan natin na ang mga pangako na ibinigay sa atin ng Panginoon ay naghihikayat ng matuwid na pamumuhay. Ang mga pangakong iyon ay nagpapalago sa ating kaluluwa, na nagdudulot sa atin ng pag-asa sa pamamagitan ng paghihikayat na huwag tayong sumuko maging sa harap ng araw-araw nating mga hamon sa buhay sa isang mundo na ang mga pinahahalagahan sa pag-uugali at moralidad ay unti-unting naglalaho. Samakatwid, kailangan nating tiyakin na ang ating mga saloobin, salita, at gawa ay umaakay sa atin sa landas pabalik sa ating Ama sa Langit.

Pagsampalataya

Ang pangatlong landas patungo sa kaligayahan ay pagsampalataya. Mahalagang maunawaan na binabasbasan tayo ng Diyos ayon sa ating pananampalataya, na pinagmumulan ng pamumuhay nang may banal na layunin at walang hanggang pananaw. Ang pananampalataya ay isang praktikal na alituntunin na naghihikayat ng pagsusumigasig. Ito ay nakikita sa ating positibong pag-uugali at hangarin na handa nating gawin ang lahat ng ipinagagawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ito ang naghihikayat sa atin na lumuhod at magsumamo sa Panginoon na gabayan tayo at tumayo at kumilos nang may tiwala na matatamo ang mga bagay na naaayon sa Kanyang kalooban.

Sa inyong pagsulong sa paglalakbay ninyo, susubukin kayo upang makita kung gagawin ninyo ang lahat ng bagay na iniuutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos (tingnan sa Abraham 3:25). Bahagi ito ng buhay sa daigidig. Kailangan dito ang patuloy na paglalakad ninyo nang may matatag na pananampalataya kay Cristo, na ginagabayan ng Espiritu at nagtitiwala na ilalaan ng Diyos ang inyong mga pangangailangan.

Tandaan na hindi kayo dapat manghina sa inyong pananampalataya—kahit sa mga panahon ng lubos na paghihirap. Sapagkat matatag kayo, dadagdagan ng Panginoon ang inyong kakayahan na daigin ang mga hamon ng buhay ninyo. Madaraig ninyo ang mga negatibong damdamin, at magkakaroon kayo ng kakayahang madaig maging ang mukhang napakahihirap na mga balakid.

Kabanalan

young adults walking toward the Provo City Center Temple

Ang kabanalan, isa pang landas patungo sa kaligayahan, ay nauugnay sa pagiging perpekto ng espirituwalidad at moralidad. Ipinahihiwatig ng kabanalan ang kadalisayan ng puso at hangarin. Paano tayo magsusumikap araw-araw na espirituwal na pakainin ang ating mga sarili upang magkaroon tayo ng ganoong maka-diyos na pagkatao?

Sumagot si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Napagbubuti natin ang ating espiritu sa pamamagitan ng pagsasanay. … Kailangan ng ating espiritu ang ehersisyo araw-araw sa pamamagitan ng panalangin, sa paggawa nang mabuti araw-araw, sa pagbabahagi sa iba. Kailangan nating pakainin ang ating espiritu araw-araw sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, ng [gabing pantahanan ng mag-anak], ng pagdalo sa mga pulong, ng pagtanggap ng sakramento.

“Sinisikap ng taong matwid na pagbutihin ang kanyang sarili dahil alam niyang kailangan niyang [magsisi] araw-araw.”7

Ang isa pang mahalagang bahagi ng kabanalan ay nauugnay sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo. Kung tapat kayo, maiaangat tayo ng mga tipan na ito nang lagpas pa sa mga limitasyon ng ating sariling kakayahan at pananaw. Mapapasaatin ang lahat ng mga ipinangakong pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng ating katapatan sa mga ordenansa at mga tipang ginagawa natin sa harapan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa templo. Bahagi ng huwaran ng pamumuhay “nang maligaya” ay kinabibilangan ng pagtatayo ng templo kung saan makasasamba at makagagawa ng mga tipan sa Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 5:16, 27).

Ang mahalagang punto ng landas na ito ay na dapat tayo maging lubos na maingat na magkaroon ng espirituwalidad at maging dalisay.

Pagsunod

Ang pasunod sa lahat ng mga kautusan ng Diyos ay nauugnay sa iba pang mga landas patungo sa kaligayahan. Matapos humiwalay ng mga Nephita mula sa mga Lamanita, labis silang umunlad habang sinusunod nila ang mga paghahatol, batas, at kautusan “ng Panginoon sa lahat ng bagay, alinsunod sa mga batas ni Moises” (2 Nephi 5:10). Ang huwarang ito ay isa pang mahalagang bahagi ng pamumuhay “nang maligaya.”

Itinuro ni Pangulong Monson: “Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ang buhay natin ay magiging mas masaya, mas ganap, at hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema natin ay mas madaling kayanin, at matatanggap natin ang mga ipinangako Niyang pagpapala.”8 Sinabi rin niya, “Ang kaalamang hinahanap natin, ang sagot na hinahangad natin, at ang lakas na ninanais natin ngayon para maharap ang mga hamon ng magulo at pabagu-bagong mundong ito ay maaaring mapasaatin kapag handa tayong sundin ang mga utos ng Panginoon.”9

Ipinakiusap sa atin ng Tagapagligtas:

“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. …

“Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko, at ako’y magpapakahayag sa kaniya” (Juan 14:15, 21).

Pagiging Di-Makasarili at Pagmamahal

Ang ginintuang landas patungo sa kaligayahan ay isang daan ng pagiging di-makasarili at pagmamahal—pagmamahal na may malasakit, interes, at ilang porsiyento ng pag-ibig para sa lahat ng nilalang. Ang pagmamahal ang direktang daan patungo sa kaligayahan na magpapayaman at magbabasbas sa ating buhay at sa buhay ng iba. Ibig sabihin, tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, na magpakita kayo ng pagmamahal maging sa inyong mga kaaway (tingnan sa Mateo 5:44).

Sa paggawa nito, tutuparin ninyo ang higit na dakilang utos na mahalin ang Diyos. Mangingibabaw kayo sa itaas ng malalakas na hangin—sa itaas ng masama, ng nakapaninira sa sarili, at ng masaklap. Ang tunay at tumatagal na kaligayahan ay dumarating lang kapag pinili nating “[ibigin] … ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” (Mateo 22:37; tingnan din sa Deuteronomio 6:5; Marcos 12:30; Lucas 10:27).

Nawa’y piliin ng bawat isa sa atin na mahalin ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga landas patungo sa kaligayahan, na “pakay at layon ng ating buhay.”10

Mga Tala

  1. “Happiness,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  2. David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1919, 180.

  3. “Happiness,” Psychology Today, psychologytoday.com/basics/happiness.

  4. “Happiness,” Psychology Today.

  5. Thomas S. Monson, “Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2008, 65.

  6. Richard G. Scott, “Making the Right Decisions,” Ensign, Mayo 1991, 34.

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2000), 208.

  8. Thomas S. Monson, “Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin,” Liahona, Nob. 2015, 83.

  9. Thomas S. Monson, “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 92.

  10. Joseph Smith, sa History of the Church, 5:134.