2018
Ito ang Lugar
April 2018


Ito ang Lugar

Simeon Nnah

Aba, Nigeria

man standing in the temple

Larawang guhit ni Allen Garns

Tinuruan ako ng aking ama, na isang debotong Kristiyano, na manampalataya kay Jesucristo. Tinulungan ako ng pananampalatayang iyon na makaligtas sa tatlong taong civil war noong 1960s nang nasa army ako. Gayunman, hindi nagtagal, nalito ako at humintong magsimba.

Nang magpunta ako sa Estados Unidos noong 1981 para mag-aral, naramdaman ko na kailangan ko ang Diyos sa aking buhay. Sa loob ng dalawang taon dumalo ako sa iba’t ibang simbahan sa Boston, Massachusetts, pero wala sa mga ito ang nakaakit sa akin. Hindi ko naramdaman ang Espiritu, kaya tumigil ako sa paghahanap.

Hindi nagtagal nang samahan ako ng aking asawang si Mabel mula sa Nigeria noong 1984, nagsimula na naman akong makadama ng nag-aalab na hangaring lumapit sa Diyos at mapabilang sa isang simbahan. Isang kaibigan ang dumalaw mula sa Nigeria na walang alam na naghahanap ako ng simbahan, gayunman, nabanggit niya sa akin ang tungkol sa isang simbahan na nabalitaan niya na may aklat na tinatawag na Aklat ni Mormon.

Pagkatapos noon, nagpatuloy akong maghanap ng mga simbahan. Natagpuan ko ang isang simbahan na tinatawag na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang salitang banal ang umagaw sa aking pansin. Hindi ko alam na may isang simbahan na tinatawag na mga banal ang mga miyembro nito. Noong Linggong iyon nagpasiya akong siyasatin ito.

Sa sacrament meeting na dinaluhan ko, mapitagang umawit ng mga himno ang kongregasyon, binasbasan ng mga priest ang tinapay at tubig, at ang service ay maayos at mapagpakumbabang pinangasiwaan. Habang naglalakad ako sa may pasukan at pinagninilayan ang naganap na pagtitipon, narinig kong tinawag ang aking pangalan.

“Simeon,” ang sabi ng tinig ng Espiritu, “ito ang lugar.”

Sa puntong iyon, dalawang missionary ang lumapit sa akin. Ipinakilala nila ang kanilang sarili at ang Aklat ni Mormon. Pinagmasdan ko sila at nagsabing, “Wala akong anumang nalalaman tungkol sa Aklat ni Mormon, pero alam ko ang Biblia. Handa na ako.”

Sinimulan nilang ituro sa akin ang plano ng kaligtasan. Wala pang isang buwan pagkalipas noon, ako ay nabinyagan. Hindi nagtagal, sumapi rin sa Simbahan ang asawa ko. Pagkalipas ng ilang taon, kami at pati na ang lima naming anak ay ibinuklod sa Washington D.C. Temple.

Sa templo, maraming bagay ang ipinahayag sa akin, ngunit ang mga salitang una kong narinig sa simbahan ay pinagtibay sa akin nang maraming ulit ng mga paghahayag sa templo: “Ito ang lugar.” Ang epekto ng pahayag na iyon mula sa Espiritu Santo ang walang hanggang bumago sa buhay ko at sa buhay ng asawa’t mga anak ko.