Paano Ko Muling Pasisiglahin ang Pag-aaral Ko ng Banal na Kasulatan?
Sarah Keenan
Utah, USA
Tatlong buwan pa lamang akong nakauuwi mula sa aking mission nang magsimula akong mahirapan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Araw-araw kong binabasa ang mga banal na kasulatan noong nasa mission pa ako at nangakong ipagpapatuloy ito kapag nakauwi na ako. Ngunit sa paglipas ng panahon, may mga bagay na tila humahadlang dito. Kung minsa’y napakarami kong homework, masyadong abala sa trabaho, o kaya nama’y talagang sobrang pagod na. Sa bawat pagdadahilang ito, nagsimulang dumalang ang pagbabasa ko ng mga banal na kasulatan, hanggang sa halos hindi na ako nakakapagbasa.
Isang gabi binuklat ko ang Aklat ni Mormon at nagplanong magbasa lamang ng isang talata. Ipinaalala sa akin ng talatang nabasa ko na nilalaman ng mga banal na kasulatan ang “kasiya-siyang salita ng Diyos, oo, ang salitang humihilom sa sugatang kaluluwa” (Jacob 2:8).
Pinagnilayan ko ang talatang ito at nabatid ko ang negatibong epekto sa akin ng pagpapabaya ko sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Nadama ko na mas nahihirapan ako sa eskwela, mas nagwawalang-bahala sa simbahan, at nagiging mas malayo sa Diyos. Kailangan ng kaluluwa ko ang nagpapahilom na salita ng Diyos na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Nabatid ko na kailangan kong ayusing muli ang aking mga priyoridad.
Bumaling ako sa mga kaibigan, pamilya, at lider ng Simbahan upang humingi ng mga mungkahi kung paano ko muling mapasisigla ang pag-aaral ko ng banal na kasulatan. Tatlong bagay ang natuklasan ko na malaki ang maitutulong.
Una, napag-alaman ko na hindi epektibo para sa akin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa gabi. Pinahintulutan ako ng pag-aaral ko sa umaga na pagnilayan buong maghapon ang mga doktrina at alituntuning nabasa ko nang umagang iyon.
Pangalawa, ang turo sa atin ay magbasa ng mga banal na kasulatan kasama ang ating mga pamilya, pero dahil nasa kolehiyo ako at malayo sa aking pamilya, sinimulan kong basahin ang mga banal na kasulatan kasama ang mga roommate at kaibigan ko. Natulungan ako nito na manatiling may pananagutan, at nauwi ito sa magagandang talakayan ng ebanghelyo.
Pangatlo, sinimulan kong isulat ang mga pahiwatig at kaisipang natatanggap ko habang nag-aaral ako ng mga banal na kasulatan. Natulungan ako nito na magpokus sa binabasa ko at higit na makilala ang tinig ng Espiritu.
Nang muling maging priyoridad ko ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, nalaman ko na mas may panahon at lakas ako na isagawa ang lahat ng bagay na kailangan kong gawin. Pinakaimportante sa lahat, muli kong nadama ang pagiging malapit sa Diyos sa pagbabasa at pagninilay ko sa mga banal na kasulatan. Ngayong may panahon na ako sa mga banal na kasulatan, nakadarama ako ng katiwasayan at nakasusumpong ng paghilom ng aking kaluluwa.