2010–2019
Masdan! Hukbong Kaygiting
Abril 2018


2:3

Masdan! Hukbong Kaygiting

Napakalaking kagalakan para sa lahat ng mayhawak ng Melchizedek Priesthood na matanggap ang pagpapala ng pagtuturo, pag-aaral, at magkabalikat na paglilingkod.

Mga minamahal kong kapatid sa priesthood, buong pagpapakumbaba akong nakatayo sa harapan ninyo sa makasaysayang okasyong ito, sa ilalim ng atas ng ating mahal na propeta at Pangulo na si Russell M. Nelson. Minamahal ko at sinasang-ayunan ko ang kahanga-hangang taong ito ng Diyos at ang bago nating Unang Panguluhan. Idinaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ni Elder D. Todd Christofferson at sa iba ko pang mga Kapatid sa Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga pagbabagong inihayag ngayong gabi ay kalooban ng Panginoon.

Tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, isang bagay ito na mapanalanging tinalakay at pinag-isipan ng mga senior Brethren ng Simbahan sa loob ng mahabang panahon. Ang hangarin ay alamin ang kalooban ng Panginoon at palakasin ang mga korum ng Melchizedek Priesthood. Natanggap ang inspirasyon, at ipinaalam ngayong gabing ito ng ating propeta ang kalooban ng Panginoon. “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta”!1 Napakapalad natin na may buhay na propeta tayo ngayon!

Sa buong buhay namin, nilakbay namin ni Sister Rasband ang iba’t ibang lugar sa mundo dahil sa iba-ibang asaynment sa Simbahan at propesyonal na gawain. Nakita ko na ang halos lahat ng uri ng kaayusan ng yunit sa Simbahan: isang maliit na branch sa Russia kung saan mabibilang sa kamay ang dami ng Melchizedek Priesthood; isang bago at lumalagong ward sa Africa kung saan magkasamang nagpupulong bilang isang lupon ang mga high priest at elder dahil maliit lamang ang kabuuang bilang ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood, at matatatag na ward kung saan kailangang hatiin sa dalawang korum ang korum ng mga elder dahil sa dami nila!

Saanman kami pumunta, saksi kami sa paggabay ng kamay ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod, inihahanda ang mga tao at ang daan sa hinaharap upang mapagpala ang lahat ng Kanyang mga anak nang naaayon sa bawat pangangailangan nila. Hindi nga ba’t ipinangako Niya na Siya ay “magpapauna sa [ating] harapan” at “papasa [ating] kanang kamay at sa [ating] kaliwa” at na ang Kanyang “Espiritu ay papasa [ating] mga puso, at ang [Kanyang] mga anghel ay nasa paligid [natin]”?2

Naiisip kayong lahat, naalala ko ang himnong “Masdan! Hukbong Kaygiting.”

Masdan! Hukbong kaygiting,

May bandila’t armas,

Patungo sa digmaan

May tapang at lakas.

At ang mga sundalo,

Ay nagkakaisa,

Sa pagsunod kay Cristo

Ay umaawit pa.3

Sinagot ni Elder Christofferson ang ilan sa mga tanong na tiyak na lilitaw mula sa ipinahayag na ang mga high priest group at mga elders quorum, sa ward level, ay pagsasamahin sa isang nagkakaisa, malakas na hukbo ng kalalakihan ng Melchizedek Priesthood.

Tutulungan ng mga pagbabagong ito ang mga elders quorum at Relief Society sa pagtutugma ng kanilang gawain. Gagawin din nitong simple ang pakikipag-ugnayan ng korum sa bishopric at ward council. At binibigyan nito ng pagkakataon ang bishop na makapagtalaga ng marami pang responsibilidad sa elders quorum at pangulo ng Relief Society nang sa gayon mas mapagtuunan ng bishop at ng mga tagapayo niya ang kanilang mga pangunahing tungkulin—partikular na ang pamumuno sa mga kabataang babae, at sa mga kabataang lalaki na nagtataglay ng Aaronic Priesthood.

Ang mga pagbabago sa mga organisasyon at tungkulin sa Simbahan ay pangkaraniwan. Noong 1883, sinabi ng Panginoon kay Pangulong John Taylor: “Tungkol sa pangangasiwa at organisasyon ng aking Simbahan at Priesthood … ihahayag ko sa inyo, sa pana-panahon, sa pamamagitan ng aking mga hinirang, ang lahat ng kailangan para umunlad at maging sakdal ang aking Simbahan, para maisaayos at mapalaganap ang aking kaharian.”4

Ngayon, gusto kong sabihin sa inyo mga kapatid na high priest—mahal namin kayo! Mahal kayo ng Ating Ama sa Langit! Kayo ay malaking bahagi ng maharlikang hukbo ng priesthood, at hindi namin maisusulong ang gawaing ito nang wala ang inyong kabaitan, paglilingkod, karanasan, at kabutihan. Itinuro ni Alma na tinatawag ang mga kalalakihan na maging mga high priest dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa sa pagtuturo at pagmiministeryo sa iba.5 Ang karanasang iyan ay kailangan ngayon, marahil mas higit pa kaysa noon.

Sa maraming ward, maaaring may mga high priest tayo na magkakaroon na ngayon ng pagkakataong mapamunuan ng isang elder bilang pangulo ng kanilang korum. May mapagpaparisan tayo na mga elder na namumuno sa mga high priest: mga elder na naglilingkod sa kasalukuyan bilang mga branch president sa ilang rehiyon sa mundo kung saan may mga high priest na naninirahan sa branch, at may mga branch na tanging korum ng mga elder lamang ang organisado at may mga high priest na naroroon.

Napakalaking kagalakan para sa lahat ng mayhawak ng Melchizedek Priesthood na matanggap ang pagpapala ng pagtuturo, pag-aaral, at magkabalikat na paglilingkod kasama ang lahat ng miyembro ng kanilang ward. Saanman kayo naroon at anuman ang katayuan ninyo, inaanyayahan namin kayo nang may buong panalangin, katapatan, at kagalakan na tumanggap ng mga bagong oportunidad na mamuno o pamunuan at buong pagkakaisang maglingkod bilang isang lupon ng mga kalalakihan ng priesthood.

Tatalakayin ko naman ngayon ang iba pang bagay na maaaring mangailangan ng paglilinaw habang sumusulong tayo sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Panginoon tungkol sa organisasyon ng Kanyang mga korum ng banal na priesthood.

Ano ang mga pagbabago sa isang stake high priests quorum? Ang mga stake high priests quorum ay magpapatuloy. Patuloy na maglilingkod ang mga stake presidency bilang panguluhan ng stake high priests quorum. Gayunman, tulad ng sinabi ni Elder Christofferson, ang mga miyembro ng stake high priests quorum ay kabibilangan na ngayon ng mga high priest na kasalukuyang naglilingkod sa stake presidency, bilang mga miyembro ng ward bishopric, mga miyembro ng stake high council, at kasalukuyang gumaganap na patriarch. Ang mga ward at stake clerk at executive secretary ay hindi miyembro ng stake high priests quorum. Kapag bibisitahin ng isang taong aktibong naglilingkod bilang high priest, patriarch, Pitumpu, o Apostol ang isang ward at nagnanais na dumalo sa priesthood meeting, siya ay dadalo sa pulong kasama ng elders quorum.

Pagsapit ng panahon at na-release na ang mga kapatid na ito sa kanilang mga tungkulin, magbabalik sila sa kani-kanilang home unit bilang mga miyembro ng elders quorum.

Ano ang tungkulin ng stake high priests quorum?? Nakikipagpulong ang stake presidency sa mga miyembro ng high priests quorum upang makipagsanggunian, magpatotoo, at magbigay ng training. Ang mga stake meeting na nakasaad sa ating mga hanbuk ay magpapatuloy lakip ang dalawang pagbabago:

Una, ang mga ward at stake ay hindi na magdaraos pa ng mga priesthood executive committee meeting. Kung may espesyal na isyung kinakaharap ang ward, gaya ng maselang usapin sa pamilya o kakaibang hamon sa welfare, maaari itong talakayin sa pinalawak na bishopric meeting. Ang iba pang hindi gaanong sensitibong usapin ay maaaring talakayin sa ward council. Ang dating tinatawag na stake priesthood executive committee meeting ay tatawagin na ngayong “high council meeting.”

Pangalawa, ang taunang miting ng lahat na naordenang high priest sa stake ay hindi na idaraos. Gayunman, magpapatuloy ang stake presidency sa pagdaraos ng taunang miting ng stake high priests quorum na gaya ng ipinahayag ngayong araw na ito.

Maaari bang magkaroon ng higit pa sa isang elders quorum ang isang ward? Ang sagot ay oo. Sa diwa ng Doktrina at mga Tipan bahagi 107, talata 89, kapag malaki sa karaniwan ang bilang ng mga aktibong mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa isang ward, ang mga lider ay maaaring mag-organisa ng higit pa sa isang elders quorum. Sa ganitong mga pagkakataon, ang bawat korum ay dapat na may makatwirang balanse sa edad, karanasan, at katungkulan sa priesthood at lakas.

Pinatototohanan ko na maraming pagpapala tayong makikita habang isinusulong natin ang inspiradong pagsasaayos ng korum sa ating mga ward at stake. Hayaang banggitin ko ang ilang halimbawa.

Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, mas marami pang mapagkukunan sa priesthood ang makatutulong sa gawain ng kaligtasan. Kabilang na rito ang pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng mga gawain sa templo at family history, pagtataguyod sa mga pamilya at indibidwal na nangangailangan, at pagtulong sa mga missionary sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo.

Sa pagbalik ng mga dating namumunong lider upang magbahagi ng kanilang karanasan sa korum ng mga elder, magbubunga ito ng mas malakas na mga miyembro ng korum.

Magkakaroon ng mas malawak na magkakaibang kaloob at kakayahan sa loob ng korum.

Magkakaroon ng higit na kakayahang umangkop at panahon para matugunan ang kasalukuyan at mahigpit na pangangailangan sa loob ng ward at korum at sa pagtupad sa iba’t iba nating gawain ng pagmiministeryo.

Magkakaroon ng pagtaas sa antas ng pagtuturo at pagkakaisa kapag ang isang bagong elder at isang may karanasang high priest ay magbabahagi ng mga karanasan, na magkakaagapay, sa mga miting at gawain ng korum.

Inaasahang mas malayang magagampanang mabuti ng mga bishop at branch president ang kanilang mga tungkulin sa pagpapastol ng kanilang mga tupa at pagmiministeryo sa mga taong nangangailangan.

Nauunawaan namin na magkakaiba ang bawat ward at stake. Sa pagkaunawa sa mga pagkakaibang ito, umaasa kami na kaagad ninyong isasagawa ang mga pagbabagong ito pagkatapos ng pangkalahatang kumperensyang ito. Tayo ay binigyan ng gabay ng isang propeta ng Diyos! Kaylaking pagpapala at responsibilidad ito. Isagawa natin ito nang buong katwiran at sigasig!

Ipinapaalala ko sa inyo: ang awtoridad ng priesthood ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagtatalaga at ordenasyon, ngunit ang totoong kapangyarihan ng priesthood, ang kapangyarihang kumilos sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, ay nakakamtan lamang sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay.

Ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, ang propeta ng Panunumbalik:

“Masdan, at narito, aking aalagaan ang inyong mga kawan, at magbabangon ng mga elder at magsusugo sa kanila.

“Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito.”6

Katunayan, ngayon ang panahong iyon na minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain.

Gamitin ng bawat isa sa atin ang pagkakataong ito na pag-isipan at pagyamanin ang ating buhay upang mas maiayon sa Kanyang kalooban nang sa gayon maging karapat-dapat tayo sa maraming pagpapalang ipinangako Niya sa mga tunay at tapat.

Mga kapatid, maraming salamat sa lahat ng inyong ginagawa upang maging bahagi ng dakilang gawaing ito. Nawa’y sumulong tayo sa dakila at marangal na adhikaing ito.

Pagtapos ng digmaan,

Pati ng alitan,

At ang lahat, natipon

Sa kapayapaan,

Sa paanan ng Hari,

Ang hukbong kayrami

Ngalan N’ya’y aawitan,

Ng himig papuri:

Tagumpay, tagumpay,

Sa ating Manunubos!

Tagumpay, tagumpay,

Kay Cristong ating Diyos!

Tagumpay, tagumpay, tagumpay,

Kay Cristong ating Diyos!7

Tayong lahat ngayon ay tumatayong mga saksi ng Panginoon sa paghahayag ng Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang propeta, si Pangulong Russell M. Nelson. Pinatototohanan ko na siya ay propeta ng Diyos sa mundong ito. Ibinibigay ko ang aking patotoo na ang Panginoong Jesucristo, ang ating dakilang Manunubos at Tagapagligtas. Ito ay gawain Niya; ito ay kalooban Niya, na taimtim kong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.