Tanggapin ang Banal na Espiritu Bilang Inyong Patnubay
Napakagandang kaloob ang ibinibigay sa mga sumasampalataya kay Jesucristo. Ang kaloob na iyan ay ang Banal na Espiritu.
Sa Linggong ito ng Pagkabuhay, natutuon ang ating isipan sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo at sa libingang walang laman na nagbibigay ng pag-asa sa lahat ng sumasampalataya sa tagumpay ni Cristo sa kamatayan. Naniniwala ako, tulad ni Apostol Pablo, na ang Diyos na “bumuhay na maguli kay Cristo … sa mga patay ay magbibigay buhay [rin] naman [Siya] sa [ating] mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa [atin].”1
Ang ibig sabihin ng magbibigay buhay ay bubuhaying muli. Tulad ng pagbuhay ni Cristo sa ating katawan pagkatapos ng pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, tayo rin ay bibigyang-buhay, o bubuhayin Niya mula sa espirituwal na kamatayan.2 Sa Aklat ni Moises, nababasa natin ang tungkol kay Adan na dumanas ng ganitong muling pagkabuhay: “[Si Adan] ay nabinyagan, at ang Espiritu ng Diyos ay napasakanya, at sa gayon siya isinilang sa Espiritu, at nabuhay ang panloob na pagkatao.”3
Napakagandang kaloob ang ibinibigay sa mga sumasampalataya kay Jesucristo. Ang kaloob na iyan ay ang Banal na Espiritu na nagbibigay sa atin ng tinatawag sa Bagong Tipan na “buhay na kay Cristo.”4 Ngunit kung minsan ba ay binabalewala natin ang kaloob na ito?
Mga kapatid, isang pambihirang pribilehiyo na “[matanggap] ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay,”5 na ipinakikita sa susunod na kuwento.
Noong Korean War, si Ensign Frank Blair ay naglingkod sa isang barko na nagpapadala ng mga hukbo na nakabase sa Japan.6 Hindi malaki ang barkong ito para magkaroon ng chaplain, kaya’t hiniling ng kapitan kay Brother Blair na siya muna ang tumayong pansamantalang chaplain, dahil nakita niya na matibay ang pananampalataya at prinsipyo ng binatang ito, at respetado ng lahat ng tripulante.
Isinulat ni Ensign Blair: “Hinagupit ng malakas na unos ang aming barko. Ang mga alon ay mga 45 talampakan [14 m] ang taas. Ako ang nagbabantay noon … nang tumigil sa pag-andar ang isa sa aming tatlong makina at nalaman namin na nagkaroon ng bitak sa gitna ng barko. Dalawang makina na lang ang natitira sa amin, at isa sa mga ito ay mahina na ang pag-andar. Nanganganib kami.”
Tinapos ni Ensign Blair ang kanyang pagbabantay at matutulog na sana nang kumatok ang kapitan sa pintuan niya. Hiniling nito, “Maaari bang magdasal ka para sa barkong ito?” Mangyari pa, pumayag si Ensign Blair.
Sa pagkakataong iyon, maaaring ang idasal lang ni Ensign Blair ay, “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo ang aming barko at iligtas po Ninyo kami,” at pagkatapos ay matulog na. Sa halip, nagdasal siya na malaman kung may magagawa siya na makatutulong para matiyak na ligtas ang barko. Bilang tugon sa panalangin ni Brother Blair, hinikayat siya ng Espiritu Santo na pumunta kung saan naroon ang kapitan, kausapin ito, at mag-usisa. Nalaman niya na inaalam ng kapitan kung gaano kabilis ang itatakbo ng natitirang mga makina. Bumalik si Ensign Blair sa kanyang kabin upang muling manalangin.
Nagdasal siya, “Ano po ang maaari kong gawin para makatulong sa paglutas ng problema sa mga makina?”
Bilang tugon, ibinulong ng Espiritu Santo na kailangan niyang maglakad sa paligid ng barko at magmasid para may makuha pa siyang impormasyon. Muli siyang bumalik sa kapitan at humingi ng pahintulot na malibot ang buong kubyerta. Pagkatapos, nakatali ng lubid ang baywang, lumusong siya sa unos.
Tumayo siya sa pinakadulong bahagi ng barko, at tiningnan niya ang napakalaking mga elise [propeller] nang lumitaw ang mga ito sa tubig nang umabot ang barko sa tuktok ng malaking alon. Isa na lang ang maayos na umaandar, at napakabilis ng pag-ikot nito. Pagkatapos niyang tingnan ang mga ito, muling nagdasal si Ensign Blair. Ang malinaw na sagot na natanggap niya ay napupwersa na nang todo ang natitirang maayos na makina at kailangang pabagalin ang pag-andar nito. Kaya’t bumalik siya sa kapitan at iyon ang iminungkahi. Nagulat ang kapitan, at sinabi sa kanya na kabaliktaran nito ang iminungkahi ng inhinyero ng barko—na pabilisin nila ang takbo ng maayos na makina para makalagpas sa unos. Gayon pa man, ipinasiya ng kapitan na sundin ang iminungkahi ni Ensign Blair at pinaandar nang mabagal ang makina. Sa pagbubukang-liwayway, ligtas nang naglalayag ang barko sa payapang karagatan.
Makalipas ang dalawang oras, ang maayos na makina ay hindi na umandar. Gamit ang mahinang enerhiya ng natitirang makina, mabagal na nakarating sa daungan ang barko.
Sinabi ng kapitan kay Ensign Blair, “Kung hindi natin pinabagal ang pag-andar ng makina, baka tumigil na ito sa gitna ng unos.”
Kung wala ang makinang iyon, walang paraan para mapaandar natin ito. Baka mapahalang ang barko sa mga alon, mapataob ito at lumubog. Nagpasalamat ang kapitan sa batang opisyal na LDS at sinabing naniniwala siya na ang pagsunod sa espirituwal na impresyon ni Ensign Blair ang nagligtas sa barko at sa buhay ng mga tripulante.
Ang kuwentong ito ay talagang kamangha-mangha. Bagama’t maaaring hindi natin maranasan ang ganitong matinding pangyayari, ang kuwentong ito ay naglalaman ng mahahalagang alituntunin tungkol sa paraan kung paano natin maaaring matanggap nang mas madalas ang patnubay ng Espiritu.
Una, kapag tungkol sa paghahayag, dapat nating ayusin at itugma ang ating receiver sa frequency ng langit. Si Ensign Blair ay namumuhay nang malinis at tapat. Kung hindi siya naging masunurin, hindi siya magkakaroon ng espirituwal na kumpiyansa na kinakailangan para magdasal tulad ng ginawa niya para maligtas ang kanilang barko at tumanggap ng patnubay. Dapat pagsikapan ng bawat isa sa atin na iayon ang ating buhay sa mga kautusan ng Diyos upang mapatnubayan Niya tayo.
Kung minsan hindi natin marinig ang pahiwatig ng langit dahil hindi tayo karapat-dapat. Pagsisisi at pagsunod ang paraan para magkaroon tayo muli ng malinaw na komunikasyon sa langit. Ang salitang magsisi sa Lumang Tipan ay nangangahulugang “talikuran” o “talikdan.”7 Kapag nadama ninyo na malayo na kayo sa Diyos, ang kailangan lang ninyong ipasiya ay talikuran ang inyong kasalanan at humarap sa Panginoon, at makikita ninyo Siya na naghihintay sa inyo, na nakaunat ang mga bisig. Nais Niyang patnubayan kayo, at kailangan lang ninyong magdasal para matanggap muli ang patnubay na iyon.8
Pangalawa, hindi lang basta hiniling ni Ensign Blair sa Panginoon na lutasin ang kanyang problema. Itinanong niya kung ano ang maaari niyang gawin para makatulong sa paglutas ng problema. Tulad nito, maaari rin nating itanong, Panginoon, ano po ang kailangan kong gawin para makatulong sa paglutas ng problema?” Sa halip na isa-isahin ang ating mga problema sa pagdarasal at paghiling sa Panginoon na lutasin ang mga ito, dapat tayong maghanap ng mas aktibong paraan para matanggap ang tulong ng Panginoon at mangakong kikilos ayon sa patnubay ng Espiritu.
May pangatlong mahalagang aral sa kuwento ni Ensign Blair. Makapagdarasal ba si Ensign Blair nang may gayong katiyakan kung hindi siya nakatanggap ng patnubay mula sa Espiritu sa mga nagdaang pangyayari sa kanyang buhay? Ang pagdating ng unos ay hindi oras para hingin ang kaloob na Espiritu Santo at isipin kung paano ito gagamitin. Malinaw na may sinusunod na huwaran ang binatang ito na maraming beses na niyang ginawa noon pa man, pati na sa kanyang paglilingkod bilang full-time missionary. Kailangang natin ang patnubay ng Banal na Espiritu sa panahong payapa ang karagatan upang malinaw nating marinig ang Kanyang tinig sa gitna ng nagngangalit na unos.
Inaakala ng ilan na hindi tayo dapat umasa na araw-araw tayong papatnubayan ng Espiritu dahil “hindi nararapat na [ang Diyos] ay mag-utos sa lahat ng bagay,” at baka tayo maging mga tamad na tagapaglingkod.9 Gayunman, ang banal na kasulatang ito ay ibinigay sa ilang unang missionary noon na humiling kay Joseph Smith na humingi ng paghahayag na maaari namang sila ang humingi mismo para sa kanilang sarili. Sa naunang talata, iniutos sa kanila ng Panginoon na pumunta sa kanilang misyon “habang sila ay magsasanggunian sa kanilang sarili at sa akin,” 10
Nais ng mga missionary na ito ng isang partikular na paghahayag tungkol sa gagawin nilang paglalakbay. Hindi pa nila natututuhan na maaaring sila mismo ang magtanong tungkol sa mga personal na bagay. Tinawag ng Panginoon ang ugaling ito na: katamaran. Ang mga unang miyembro ng Simbahan noon ay marahil labis na nasabik sa pagkakaroon ng totoong propeta kaya’t muntik na nilang hindi matutuhan na tumanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili. Ang pagiging self-reliant sa espirituwal na paraan ay pagkakaroon ng kakayahang marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu para sa sariling buhay ng isang tao.
Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na “makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain.”11 Ang mamuhay sa ganitong paraan—na madalas ay tinatawag nating “pamumuhay nang may Espiritu”—ay isang napakagandang pribilehiyo. Nagdudulot ito ng kapanatagan at katiyakan gayon din ng mga bunga ng Espiritu, tulad ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan.12
Ang kakayahan ni Ensign Blair na makatanggap ng paghahayag ay nagligtas sa kanya at sa kanyang mga kasama mula sa nagngangalit na unos. Iba pang mga uri ng mga unos ang nagngangalit ngayon. Ang talinghaga sa Aklat ni Mormon tungkol sa puno ng buhay13 ay nagbigay ng magandang paglalarawan kung paano espirituwal na maliligtas sa mundong ito na puno ng kasamaan. Ikinuwento sa panaginip na ito ang biglang paglitaw ng abu-abong kadiliman para magdala ng espirituwal na kapahamakan sa mga miyembro ng Simbahan na naglalakad pabalik sa Diyos.14
Habang pinagninilayan ko ang senaryong ito, nakinita ko sa aking isipan ang napakaraming tao na tumatahak sa landas na iyon, ang ilan ay mahigpit na nakahawak sa gabay na bakal, ngunit ang ilan ay sumusunod lamang sa yapak ng ibang nauuna sa kanila. Ang huling paraang ito ay hindi gaanong pinag-isipan o pinagsikapan. Ginagawa at iniisip lang ninyo ang ginagawa at iniisip ng iba. Maaari epektibo ito kapag maaliwalas ang panahon. Ngunit ang mga unos ng panlilinlang at ng abu-abo ng kasinungalingan ay dumarating nang walang babala. Sa ganitong mga sitwasyon, nakasalalay sa pagiging pamilyar sa tinig ng Espiritu Santo ang inyong espirituwal na buhay at kamatayan .
Ang napakagandang pangako ni Nephi ay “sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at …mahigpit na kakapit dito, kailanman … ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol.”15
Ang pagsunod sa yapak ng mga tao sa unahan ninyo ay hindi sapat. Hindi maaaring gawin at isipin lang natin ang ginagawa at iniisip ng iba; dapat tayong mamuhay nang may patnubay. Kinakailangang nakakapit ang sarili nating kamay sa gabay na bakal. Pagkatapos ay makadudulog tayo sa Panginoon nang may kumpiyansa ngunit mapagkumbaba, nalalaman na “aakayin [Niya tayo] sa kamay, at bibigyan [tayo] ng kasagutan sa [ating] mga panalangin.”16 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.