Kabanata 15
Matatanggap ng mga binhi ni Lehi ang ebanghelyo mula sa mga Gentil sa mga huling araw—Inihalintulad ang pagtitipon ng Israel sa isang punong olibo na ang mga likas na sanga ay ihuhugpong na muli—Binigyang-kahulugan ni Nephi ang pangitain ng punungkahoy ng buhay at nangusap tungkol sa katarungan ng Diyos sa paghihiwalay ng masasama sa mga matwid. Mga 600–592 B.C.
1 At ito ay nangyari na matapos ako, si Nephi, ay matangay ng Espiritu, at makita ang lahat ng bagay na ito, bumalik ako sa tolda ng aking ama.
2 At ito ay nangyari na namasdan ko ang aking mga kapatid, at nagtatalu-talo sila sa isa’t isa hinggil sa mga bagay na sinabi ng aking ama sa kanila.
3 Sapagkat tunay na nangusap siya ng maraming mahalagang bagay sa kanila, na mahirap maunawaan, maliban lamang kung ang isang tao ay magtatanong sa Panginoon; at sapagkat matitigas ang kanilang puso, kaya nga, hindi sila bumaling sa Panginoon na siyang nararapat.
4 At ngayon, ako, si Nephi, ay nagdalamhati dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at gayundin, dahil sa mga bagay na aking nakita, at nalalaman na tiyak na mangyayari ang mga yaon dahil sa labis na kasamaan ng mga anak ng tao.
5 At ito ay nangyari na ako ay nadaig ng aking mga paghihirap, sapagkat inaakala ko na ang aking mga paghihirap ay higit sa lahat, dahil sa pagkalipol ng aking mga tao, sapagkat namasdan ko ang kanilang pagbagsak.
6 At ito ay nangyari na matapos akong makatanggap ng lakas, ako ay nangusap sa aking mga kapatid, nagnanais na malaman sa kanila ang dahilan ng kanilang pagtatalo.
7 At sinabi nila: Dinggin, hindi namin maunawaan ang mga salitang sinabi ng ating ama hinggil sa mga likas na sanga ng punong olibo, at hinggil din sa mga Gentil.
8 At sinabi ko sa kanila: Nagtanong ba kayo sa Panginoon?
9 At sinabi nila sa akin: Hindi; sapagkat walang ipinaaalam na gayong bagay ang Panginoon sa amin.
10 Dinggin, sinabi ko sa kanila: Ano’t hindi ninyo sinusunod ang mga kautusan ng Panginoon? Ano nga ba’t kayo ay masasawi, dahil sa katigasan ng inyong mga puso?
11 Hindi ba ninyo natatandaan ang mga bagay na sinabi ng Panginoon?—Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito.
12 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ang sambahayan ni Israel ay inihalintulad sa isang punong olibo, ng Espiritu ng Panginoon na nasa ating ama; at dinggin, hindi ba’t tayo ay binali mula sa sambahayan ni Israel, at hindi ba’t tayo ay isang sanga ng sambahayan ni Israel?
13 At ngayon, ang ibig sabihin ng ating ama hinggil sa paghuhugpong ng mga likas na sanga sa pamamagitan ng kaganapan ng mga Gentil, ay, na sa mga huling araw, kapag ang ating mga binhi ay nanghina sa kawalang-paniniwala, oo, sa loob ng maraming taon, at maraming salinlahi matapos magpakita ang Mesiyas sa katawang-tao sa mga anak ng tao, pagkatapos ang kabuuan ng ebanghelyo ng Mesiyas ay darating sa mga Gentil, at mula sa mga Gentil patungo sa mga labi ng ating mga binhi—
14 At sa araw na yaon ay malalaman ng labi ng ating mga binhi na sila ay kabilang sa sambahayan ni Israel, at na sila ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon; at pagkatapos ay makikilala nila at makararating sila sa kaalaman ng kanilang mga ninuno, at gayundin sa kaalaman ng ebanghelyo ng kanilang Manunubos, na kanyang ipinangaral sa kanilang mga ama; kaya nga, makararating sila sa kaalaman ng kanilang Manunubos at sa bawat bahagi ng kanyang doktrina, nang malaman nila kung paano lalapit sa kanya at maligtas.
15 At pagkatapos, sa araw na yaon, hindi ba’t sila ay magagalak at magbibigay-papuri sa kanilang Diyos na walang hanggan, ang kanilang bato at kanilang kaligtasan? Oo, sa araw na yaon, hindi ba’t matatanggap nila ang lakas at pagkain mula sa tunay na puno ng ubas? Oo, hindi ba’t sila ay sasapi sa tunay na kawan ng Diyos?
16 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Oo; muli silang maaalala sa sambahayan ni Israel; ihuhugpong sila, bilang likas na sanga ng punong olibo, sa tunay na punong olibo.
17 At ito ang ibig sabihin ng ating ama; at ipinapakahulugan niya na hindi ito mangyayari hangga’t hindi sila naikakalat ng mga Gentil; at ipinapakahulugan niyang magaganap ito sa pamamagitan ng mga Gentil, upang maipakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga Gentil, sa natatanging kadahilanan na itatakwil siya ng mga Judio, o ng sambahayan ni Israel.
18 Samakatwid, ang ating ama ay hindi lamang nagsalita tungkol sa ating mga binhi, kundi gayundin sa buong sambahayan ni Israel, tinutukoy ang tipang matutupad sa mga huling araw; na tipang ginawa ng Panginoon sa ating amang si Abraham, sinasabing: Sa iyong mga binhi pagpapalain ang lahat ng lahi sa mundo.
19 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay nangusap nang marami sa kanila hinggil sa mga bagay na ito; oo, nangusap ako sa kanila hinggil sa pagpapanumbalik ng mga Judio sa mga huling araw.
20 At inulit ko sa kanila ang mga salita ni Isaias, na nangusap hinggil sa pagpapanumbalik ng mga Judio, o ng sambahayan ni Israel; at matapos silang maipanumbalik ay hindi na sila mapipisan sa iba, ni makakalat na muli. At ito ay nangyari na marami akong sinabing salita sa aking mga kapatid, kung kaya’t sila ay napapayapa at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon.
21 At ito ay nangyari na muli silang nangusap sa akin, sinasabing: Ano ang kahulugan ng bagay na ito na nakita ng ating ama sa panaginip? Ano ang kahulugan ng punungkahoy na kanyang nakita?
22 At sinabi ko sa kanila: Ito ay sumasagisag sa punungkahoy ng buhay.
23 At sinabi nila sa akin: Ano ang kahulugan ng gabay na bakal na nakita ng ating ama, na patungo sa punungkahoy?
24 At sinabi ko sa kanila na ito ang salita ng Diyos; at sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, sila ay hindi kailanman masasawi; ni hindi sila magagapi ng mga tukso at ng mga nag-aapoy na sibat ng kaaway tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol.
25 Samakatwid, ako, si Nephi, ay pinayuhan silang pakinggan ang salita ng Panginoon; oo, pinayuhan ko sila nang buong lakas ng aking kaluluwa, at nang buong kakayahan na aking taglay na sila ay makinig sa salita ng Diyos at tandaang sundin ang kanyang mga kautusan sa tuwina sa lahat ng bagay.
26 At sinabi nila sa akin: Ano ang kahulugan ng ilog ng tubig na nakita ng ating ama?
27 At sinabi ko sa kanila na ang tubig na nakita ng aking ama ay karumihan; at labis na marami ang iba pang bagay na lumukob sa kanyang isipan kung kaya’t hindi na niya napuna ang karumihan ng tubig.
28 At sinabi ko sa kanila na ito ay isang kakila-kilabot na look, na humihiwalay sa masasama mula sa punungkahoy ng buhay, at gayundin sa mga banal ng Diyos.
29 At sinabi ko sa kanila na ito ay sumasagisag sa yaong kakila-kilabot na impiyerno, na sinabi sa akin ng anghel na inihanda para sa masasama.
30 At sinabi ko rin sa kanilang nakita rin ng aming ama na ang katarungan ng Diyos ay naghihiwalay rin sa masasama mula sa mga matwid; at ang liwanag nito ay kahalintulad ng liwanag ng isang nagliliyab na apoy, na pumapailanglang sa Diyos magpakailanman, at walang katapusan.
31 At sinabi nila sa akin: Ang ibig bang sabihin ng bagay na ito ay pagdurusa ng katawan sa mga araw ng pagsubok, o ang kahulugan ba nito ay ang kahuli-hulihang kalagayan ng kaluluwa matapos ang kamatayan ng katawang lupa, o tumutukoy ba ito sa mga bagay na temporal?
32 At ito ay nangyari na sinabi ko sa kanila na sumasagisag ito sa mga bagay na kapwa temporal at espirituwal; sapagkat darating ang araw na sila ay tiyak na hahatulan sa kanilang mga gawa, oo, maging ang mga gawang ginawa ng katawang lupa sa mga araw ng kanilang pagsubok.
33 Samakatwid, kung sila ay mamamatay sa kanilang mga kasamaan, sila ay tiyak ding itatakwil, alinsunod sa mga bagay na espirituwal, na tumutukoy sa pagkamatwiran; kaya nga, tiyak na sila ay dadalhin upang tumayo sa harapan ng Diyos, upang hatulan sa kanilang mga gawa; at kung ang kanilang mga gawa ay karumihan, sila ay tiyak na marurumi; at kung sila ay marurumi, tiyak na sila ay hindi makapananahanan sa kaharian ng Diyos; sapagkat kung magkakagayon, ang kaharian ng Diyos ay tiyak na marumi rin.
34 Subalit dinggin, sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay hindi marumi, at walang anumang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian ng Diyos; kaya nga, tiyak na may lugar ng karumihang inihanda para sa yaong marurumi.
35 At may lugar na inihanda, oo, maging ang yaong kakila-kilabot na impiyerno na aking sinabi, at ang diyablo ang naghanda nito; kaya nga, ang kahuli-hulihang kalagayan ng kaluluwa ng tao ay manahanan sa kaharian ng Diyos, o itatakwil dahil sa yaong katarungang aking sinabi.
36 Samakatwid, ang masasama ay ihihiwalay sa mga matwid, at gayundin sa yaong punungkahoy ng buhay, na ang bunga ay pinakamahalaga at pinakakanais-nais sa lahat ng iba pang bunga; oo, at ito ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. At sa gayon ako nangusap sa aking mga kapatid. Amen.