Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 2


Kabanata 2

Dinala ni Lehi ang kanyang mag-anak patungo sa ilang na malapit sa Dagat na Pula—Iniwan nila ang kanilang ari-arian—Si Lehi ay nag-alay ng isang hain sa Panginoon at tinuruan ang kanyang mga anak na sumunod sa mga kautusan—Sina Laman at Lemuel ay bumulung-bulong laban sa kanilang ama—Si Nephi ay masunurin at nanalangin nang may pananampalataya; ang Panginoon ay nakipag-usap sa kanya, at pinili siya na mamahala sa kanyang mga kapatid. Mga 600 B.C.

1 Sapagkat dinggin, ito ay nangyari na nangusap ang Panginoon sa aking ama, oo, maging sa isang panaginip, at sinabi sa kanya: Pinagpala ka Lehi, dahil sa mga bagay na iyong ginawa; at sapagkat ikaw ay naging matapat at ipinahayag sa mga taong ito ang mga bagay na aking ipinag-utos sa iyo, dinggin, hangad nilang kitlin ang iyong buhay.

2 At ito ay nangyari na inutusan ng Panginoon ang aking ama, maging sa isang panaginip, na nararapat niyang isama ang kanyang mag-anak at lumisan patungo sa ilang.

3 At ito ay nangyari na naging masunurin siya sa salita ng Panginoon, kaya nga, siya ay sumunod gaya ng ipinag-utos ng Panginoon sa kanya.

4 At ito ay nangyari na lumisan siya patungo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mamahaling bagay, at wala siyang dinala maliban sa kanyang mag-anak, at mga panustos, at mga tolda, at lumisan patungo sa ilang.

5 At siya ay naglakbay sa may mga hangganang malapit sa dalampasigan ng Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang sa mga hangganang mas malapit sa Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak, na binubuo ng aking inang si Saria, at ng mga nakatatanda kong kapatid na sina Laman, Lemuel, at Sam.

6 At ito ay nangyari na nang nakapaglakbay na siya nang tatlong araw sa ilang, itinayo niya ang kanyang tolda sa isang lambak sa tabi ng isang ilog ng tubig.

7 At ito ay nangyari na gumawa siya ng isang dambanang bato, at gumawa ng isang pag-aalay sa Panginoon, at nagbigay-pasasalamat sa Panginoon naming Diyos.

8 At ito ay nangyari na tinawag niya ang pangalan ng ilog na Laman, at ito ay umuuho patungo sa Dagat na Pula; at ang lambak ay nasa mga hangganang malapit sa bukana nito.

9 At nang makita ng aking ama na ang mga tubig ng ilog ay umuuho patungo sa bukal ng Dagat na Pula, siya ay nangusap kay Laman, sinasabing: O sana ay maging katulad ka ng ilog na ito, patuloy na umaagos patungo sa bukal ng lahat ng katwiran!

10 At siya ay nangusap din kay Lemuel: O sana ay maging katulad ka ng lambak na ito, matibay at matatag, at hindi natitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon!

11 Ngayon, ito ay nasabi niya dahil sa katigasan ng leeg nina Laman at Lemuel; sapagkat dinggin, sila ay bumubulung-bulong sa maraming bagay laban sa kanilang ama, dahil sa siya ay isang mapangitaing tao, at inakay sila palabas ng lupain ng Jerusalem, upang iwan ang lupaing kanilang mana, at ang kanilang ginto, at ang kanilang pilak, at ang kanilang mamahaling bagay, upang mangasawi sa ilang. At sinabi nila na ito ay ginawa niya dahil sa mga hangal na guni-guni ng kanyang puso.

12 At sa gayon bumulung-bulong sina Laman at Lemuel, na mga nakatatanda, laban sa kanilang ama. At sila ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila.

13 Ni hindi sila naniniwala na ang Jerusalem, ang dakilang lungsod na iyon, ay maaaring mawasak alinsunod sa mga salita ng mga propeta. At sila ay katulad ng mga Judio na nasa Jerusalem, na naghangad na kitlin ang buhay ng aking ama.

14 At ito ay nangyari na nangusap sa kanila ang aking ama sa lambak ng Lemuel, nang may kapangyarihan, na puspos ng Espiritu, hanggang sa ang kanilang mga katawan ay nanginig sa harapan niya. At sila ay kanyang natulig, kaya hindi sila nakapangahas na magsalita nang laban sa kanya; kaya nga, sila ay sumunod gaya ng kanyang ipinag-utos sa kanila.

15 At ang aking ama ay nanahan sa isang tolda.

16 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, na lubhang bata pa, gayunman ay may malaking pangangatawan, at mayroon ding matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at dinggin, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama; kaya nga, ako ay hindi naghimagsik laban sa kanya na tulad ng aking mga kapatid.

17 At kinausap ko si Sam, ipinaaalam sa kanya ang mga bagay na ipinaalam sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu. At ito ay nangyari na naniwala siya sa aking mga salita.

18 Datapwat, dinggin, sina Laman at Lemuel ay ayaw makinig sa aking mga salita; at sapagkat nagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, ako ay nagsumamo sa Panginoon para sa kanila.

19 At ito ay nangyari na nangusap sa akin ang Panginoon, sinasabing: Pinagpala ka, Nephi, dahil sa iyong pananampalataya, sapagkat hinanap mo ako nang buong pagsusumigasig, nang may kapakumbabaan ng puso.

20 At yamang sinusunod mo ang aking mga kautusan, ikaw ay uunlad, at aakayin sa isang lupang pangako; oo, maging sa isang lupaing aking inihanda para sa iyo; oo, isang lupaing pinili nang higit sa lahat ng iba pang lupain.

21 At yamang ang iyong mga kapatid ay naghihimagsik laban sa iyo, sila ay itatakwil mula sa harapan ng Panginoon.

22 At yamang sinusunod mo ang aking mga kautusan, ikaw ay gagawing isang pinuno at isang guro sa iyong mga kapatid.

23 Sapagkat dinggin, sa araw na yaon na sila ay maghimagsik laban sa akin, susumpain ko sila maging ng isang masidhing sumpa, at hindi sila magkakaroon ng kapangyarihan sa iyong mga binhi maliban kung sila ay maghimagsik din laban sa akin.

24 At kung mangyayari na sila ay maghimagsik laban sa akin, sila ay magiging isang pahirap sa iyong mga binhi, upang pukawin sila sa mga landas ng pag-alala.