Ito ay Tungkol sa mga Tao
Ang Simbahan ay tungkol sa inyo, ang mga disipulo ng Panginoon—ang mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya at tinaglay ang Kanyang pangalan.
Habang naghahanda para sa pagtatayo ng maringal na Paris France Temple, nagkaroon ako ng karanasang hindi ko malilimutan. Noong 2010, nang makita na ang loteng pagtatayuan ng templo, hiniling ng alkalde ng lungsod na makipagkita sa amin para mas malaman pa ang tungkol sa ating Simbahan. Mahalagang hakbang ang miting na ito para makakuha ng building permit sa pagtayo ng templo. Pinag-isipan naming mabuti ang paggawa ng presentation na may ilang napakagagandang mga larawan ng mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pinakainaasam kong mangyari ay magandahan ang alkalde sa arkitektura ng mga ito para makumbinsi siyang suportahan ang proyekto namin.
Laking gulat ko dahil sa halip na tingnan ang presentation namin, sinabi ng alkalde na mas gusto niya at ng kanyang grupo na sila mismo ang magsiyasat para malaman kung anong klaseng simbahan mayroon tayo. Nang sumunod na buwan, inanyayahan kaming muli para pakinggan ang report na ibinigay ng konsehal ng lungsod na nagkataong propesor ng religious history. Sinabi niya, “Higit sa lahat, ang gusto naming malaman ay kung sino ang mga miyembro ng inyong Simbahan. Una, dumalo kami sa isa sa mga sacrament meeting ninyo. Umupo kami sa bandang likuran ng chapel at inobserbahang mabuti ang mga tao sa kongregasyon at ang mga ginagawa nila. Pagkatapos kinausap namin ang inyong mga kapitbahay—ang mga taong nakatira malapit sa stake center ninyo—at tinanong namin sila kung anong klaseng tao ang mga Mormon.”
“Kung ganoon, ano po ang masasabi ninyo?” ang itinanong ko, na medyo kinakabahan. Sumagot siya, “Natuklasan namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pinakamalapit sa orihinal na Simbahan ni Jesucristo kaysa sa iba pang mga simbahan na alam namin.” Muntik na akong tumutol at magsabing, “Hindi tumpak iyan! Hindi iyan ang simbahan na pinakamalapit; iyan talaga ang Simbahan ni Jesucristo—ang kaparehong Simbahan, ang totoong Simbahan!” Pero pinigilan ko ang aking sarili at tahimik na lamang na nagdasal para magpasalamat. Pagkatapos ay sinabi sa amin ng alkalde na, base sa natuklasan nila, ang kanilang grupo ay hindi tumututol na magtayo kami ng templo sa kanilang komunidad.
Ngayon, kapag iniisip ko ang mahimalang karanasang iyon, nagpapasalamat ako sa karunungan at kakayahang makahiwatig ng alkalde. Alam niya na ang susi para makilala ang Simbahan ay hindi makikita sa panlabas na anyo ng mga gusali nito o sa pagiging organisadong institusyon nito kundi sa pamamagitan ng milyun-milyong matatapat na miyembro nito, na nagsisikap bawat araw na tularan ang halimbawa ni Jesucristo.
Ang kahulugan ng Simbahan ay marahil na nagmula sa isang talata sa Aklat ni Mormon na nagsasabing, “At sila [ibig sabihin ang mga disipulo ng Panginoon] na nabinyagan sa pangalan ni Jesus ay tinawag na simbahan ni Cristo.”1
Sa madaling salita, ang Simbahan ay tungkol sa mga tao. Ito ay tungkol sa inyo, ang mga disipulo ng Panginoon—ang mga nagmamahal at sumusunod sa kanya at tinaglay ang Kanyang pangalan sa pamamagitan ng tipan.
Minsan ay inihalintulad ni Pangulong Russell M. Nelson ang Simbahan sa isang magandang sasakyan. Gustung-gusto natin kapag malinis at makintab ang ating sasakyan. Pero ang gamit ng sasakyan ay hindi para maging isang magandang makina lamang; kundi upang dalhin sa ibang lugar ang mga tao na nakasakay rito.2 Sa gayon ding pamamaraan, tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan, ay nagpapasalamat dahil malilinis at maaayos na napapangalagaan ang magaganda nating mga gusali, at maayos na naisasagawa ang mga programa natin. Ngunit ang mga ito ay pangsuporta lamang. Ang tanging layunin natin ay anyayahan ang bawat anak na lalaki at babae ng Diyos na lumapit kay Cristo at gabayan sila sa landas ng tipan. Wala nang mas mahalaga pa kaysa riyan. Ang ating gawain ay tungkol sa mga tao at mga tipan.
Hindi ba’t napakaganda na sa pangalang ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag para sa ipinanumbalik na Simbahan, ay pinagsama ang dalawang mahalalagang elemento sa bawat tipan ng ebanghelyo? Una ay ang pangalang Jesucristo. Sa Kanya ang Simbahang ito, at ang Kanyang nakapagpapabanal na Pagbabayad-sala ang tanging landas sa kaligtasan at kadakilaan. Ang pangalawang pangalan ay tumutukoy sa atin: ang mga Banal, o sa madaling salita, ang Kanyang mga saksi at Kanyang mga disipulo.
Natutuhan ko ang kahalagahan ng pagtutuon ng pansin sa mga tao nang maglingkod ako bilang stake president sa France. Sa simula ng aking paglilingkod, nag-isip ako ng matatayog na mga mithiin para sa stake: mag-organisa ng mga bagong ward, magtayo ng mga bagong meetinghouse, pati na ang makapagtayo ng templo sa aming nasasakupan. Nang ma-release ako pagkaraan ng anim na taon, wala ni isa sa mga mithiin ko ang natupad. Maaaring isipin na ito ay isang malaking kabiguan, pero sa loob ng anim na taong iyon, malaki ang ipinagbago ng mga hangarin ko.
Habang nakaupo ako sa pulpito sa araw na ako’y i-release, nag-uumapaw ang puso ko sa pasasalamat at tagumpay. Minasdan ko ang mga mukha ng daan-daang miyembrong naroon. Naalala ko ang mga espirituwal na karanasan ko sa bawat isa sa kanila.
Naroon ang mga kapatid na nagpabinyag, ang mga taong pinirmahan ko ang kauna-unahan nilang recommend para matanggap ang mga sagradong ordenansa sa templo, at ang mga kabataan at mga mag-asawa na aking na-set-apart o ini-release bilang mga full-time missionary. Naroon din ang iba pa na aking pinayuhan at tinulungan nang dumanas sila ng mga pagsubok at paghihirap sa buhay. Mahal na mahal ko ang bawat isa sa kanila na parang tunay kong mga kapatid. Nakadama ako ng dalisay na kagalakan sa paglilingkod sa kanila at labis na natutuwa sa kanilang ibayong katapatan at pananampalataya sa Tagapagligtas.
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “Ang pinakamahalaga sa mga responsibilidad natin sa Simbahan ay hindi ang estadistikang iniuulat o mga miting na idinaraos kundi kung ang bawat tao—na pinaglingkurang isa-isa tulad ng ginawa ng Tagapagligtas—ay napasigla at nahikayat at sa huli’y nagbago.”3
Mahal kong mga kapatid, tayo ba ay aktibo sa ebanghelyo, o abala lamang tayo sa maraming gawain sa Simbahan? Ang mahalaga ay tularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa lahat ng bagay. Kung gagawin natin iyan, magiging likas na sa atin na pagtuunan ang pagliligtas ng mga tao sa halip na ang pagsasagawa at pagpapatupad ng mga programa.
Naitanong na ba ninyo sa inyong sarili kung ano kaya ang mararamdaman ninyo kung bumisita sa inyong ward o branch ang Tagapagligtas sa susunod na Linggo? Ano ang Kanyang gagawin? Aalamin pa ba Niya kung maganda ang mga visual aid o kung tama ang pagkakaayos ng mga silya sa mga kwarto? O maghahanap siya ng taong Kanyang mamahalin, tuturuan, at pagpapalain? Marahil ay maghahanap Siya ng isang bagong miyembro o isang kaibigan na Kanyang sasalubungin, isang kapatid na may karamdaman na nangangailangan ng kapanatagan, o isang nanghihinang kabataan na kailangang palakasin o hikayatin.
Ano kayang mga klase ang bibisitahin ni Jesus? Hindi ako magugulat kung una Niyang bibisitahin ang mga bata sa Primary. Marahil luluhod Siya at kakausapin sila habang nakatingin sa kanilang mga mata. Ipadarama Niya ang Kanyang pagmamahal sa kanila, kukwentuhan sila, pupurihin ang kanilang mga drowing, at magpapatotoo tungkol sa Kanyang Ama sa Langit. Ang Kanyang ikikilos ay simple, tapat, at walang pagkukunwari. Magagawa rin ba natin ito?
Ipinapangako ko na habang sinisikap ninyong gawin ang nais ng Panginoon, walang magiging mas mahalaga pa kaysa sa hanapin ang mga taong maaari ninyong tulungan at pagpalain. Sa simbahan pag-uukulan ninyo ng pansin ang pagtuturo sa mga tao at pag-antig sa kanilang mga puso. Ang hahangarin ninyo ay magkaroon sila ng espirituwal na karanasan sa halip na mag-organisa ng perpektong aktibidad, paglingkuran ang mga kapwa miyembro ninyo sa halip na bilangin lamang ang mga pagbisitang ginawa ninyo. Hindi ito tungkol sa inyo kundi tungkol sa kanila na tinatawag nating ating mga kapatid.
Kung minsan pinag-uusapan natin ang pagpunta sa simbahan. Ngunit ang Simbahan ay higit pa sa isang gusali o isang partikular na lugar. Kung gaano ito katotoo at buhay sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City ay ganoon din ito katotoo at buhay sa mga pinakahamak na mga tirahan sa mga liblib na lugar sa mundo. Sinabi mismo ng Panginoon, “Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”4
Dala-dala natin ang Simbahan saan man tayo pumunta: sa trabaho, sa paaralan, sa bakasyon, at lalo na sa ating mga tahanan. Ang ating mismong presensya at impluwensya ay sapat na para gawing banal na lugar ang ating kinalalagyan saan man tayo naroroon.
Naaalala ko ang pag-uusap namin ng isang kaibigan na hindi miyembro ng ating relihiyon. Nagulat siya nang malaman na sinumang karapat-dapat na lalaki sa ating Simbahan ay maaaring tumanggap ng priesthood. Itinanong niya, “Ilan ang may priesthood sa ward ninyo?”
Sagot ko, “Nasa pagitan ng 30 at 40.”
Nagtatakang nagpatuloy siya, “Sa kongregasyon namin, iisa lang ang pari namin. Bakit kailangan ninyo ng maraming pari kapag Linggo ng umaga?”
Nagkainteres ako sa tanong niya, kaya natutuwa akong sumagot ng, “Tama ka. Palagay ko nga hindi namin kailangan ng ganoon karaming mayhawak ng priesthood sa araw ng Linggo. Pero talagang kailangan namin ng isang mayhawak ng priesthood sa bawat tahanan. At kapag walang mayhawak ng priesthood sa isang tahanan, inaatasan ang ibang mga mayhawak ng priesthood na pangalagaan at tulungan ang pamilyang iyon.”
Ang simbahan natin ay hindi lamang pang-Linggo. Ang pagsamba natin ay patuloy buong linggo, saanman tayo naroon o anuman ang ating ginagawa. Higit sa lahat ang mga tahanan natin “ang mga pangunahing santuwaryo ng ating pananampalataya.”5 Sa mga tahanan natin tayo madalas na nagdarasal, nagbibigay ng basbas, nag-aaral, nagtuturo ng salita ng Diyos, at naglilingkod nang may dalisay na pagmamahal. Mapatototohanan ko mula sa personal na karanasan na ang ating mga tahanan ay mga sagradong lugar kung saan madarama nang lubos ang Espiritu—na katulad, at kung minsa’y higit pa, sa mga lugar na ating pinagsasambahan.
Pinatototohanan ko na ang Simbahang ito ay ang Simbahan ni Jesucristo. Ang kalakasan at kasiglahan nito ay nagmumula sa araw-araw na ginagawa ng Kanyang milyun-milyong mga disipulo na nagsisikap bawat araw na tularan ang Kanyang dakilang halimbawa sa pangangalaga sa iba. Si Cristo ay buhay, at pinapatnubayan Niya ang Simbahang ito. Si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta na Kanyang pinili upang pamunuan at gabayan tayo sa ating panahon. Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.