2010–2019
Ang Magtitiis Hanggang sa Wakas ay Siyang Maliligtas
Abril 2018


2:3

Ang Magtitiis Hanggang sa Wakas ay Siyang Maliligtas

Maging matapat tayo sa ating pinaniniwalaan at nalalaman.

Mahal kong mga kapatid, lubos kong pinasasalamatan ang pagkakataong maihayag sa inyo ang ilan sa aking nadarama.

Ilang taon na ang nakalilipas, kaming mag-asawa ay naroon sa inaugural ceremony ng eksibit ng mga bata sa Church History Museum sa Salt Lake City. Sa pagtatapos ng seremonya, nilapitan kami ni Pangulong Thomas S. Monson, at nang kamayan niya kami, sinabi niya, “Magtiis, at kayo ay magtatagumpay”—isang napakagandang payo at isang katotohanan na, siyempre, ay mapagtitibay nating lahat.

Tiniyak sa atin ni Jesucristo na “ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”1

Ang ibig sabihin ng magtiis ay “manatiling matatag sa pangakong magiging tapat sa mga kautusan ng Diyos sa kabila ng panunukso, labanan at pagdurusa.”2

Maging ang mga taong nagkaroon ng matitinding espirituwal na karanasan at naglingkod nang tapat ay maaaring malihis o hindi maging aktibo kung hindi sila magtitiis hanggang sa wakas. Nawa’y isaisip at isapuso natin palagi at nang buong lakas ang pariralang “Hindi ito mangyayari sa akin.”

Nang magturo si Jesucristo sa Capernaum, “marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.

“Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?”3

Naniniwala ako na ngayon, itinatanong ni Jesucristo sa ating lahat na gumawa ng mga sagradong tipan sa Kanya, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”

Dalangin ko na lahat tayo, na pinagninilayan ang naghihintay sa atin sa mga kawalang-hanggan, ay maitugon ang isinagot ni Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.”4

Maging matapat tayo sa ating pinaniniwalaan at nalalaman. Kung hindi tayo namumuhay nang ayon sa ating nalalaman, magbago tayo. Ang mga makasalanan na patuloy pa rin sa kanilang mga kasalanan, ay lalo pang nalulubog sa kasamaan, hanggang sa angkinin sila ni Satanas para sa kanyang sarili, isinasapanganib ang pagkakataong magsisi, mapatawad, at mapagkalooban ng lahat ng mga pagpapala ng kawalang-hanggan.

Marami na akong narinig na pangangatwiran mula sa mga taong hindi na aktibo sa Simbahan at nawalan ng tamang pagkaunawa sa layunin ng ating paglalakbay sa mundong ito. Hinihikayat ko sila na mag-isip mabuti at bumalik, dahil naniniwala ako na walang sinuman ang makakapangatwiran sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo.

Nang mabinyagan tayo, gumawa tayo ng mga tipan—hindi sa sinumang tao kundi sa Tagapagligtas, pumapayag na “taglayin sa [ating] sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas,”5

Ang pagdalo sa mga sacrament meeting ay isa sa pinakamahalagang paraan na masusuri natin ang ating determinasyon na maglingkod sa Kanya, ang ating espirituwal na lakas, at ang paglago ng ating pananampalataya kay Jesucristo.

Ang pagtanggap ng sakramento ang pinakamahalagang bagay na ginagawa natin sa araw ng Sabbath. Ipinaliwanag ng Panginoon ang ordenansang ito sa Kanyang mga Apostol bago Siya namatay. Ganito rin ang ginawa Niya sa lupalop ng Amerika. Sinabi Niya sa atin na kung makikibahagi tayo sa ordenansang ito, magiging patotoo ito sa Ama na lagi natin Siyang naaalaala, at ipinapangako Niya na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu.6

Sa pagtuturo ni Nakababatang Alma sa kanyang anak na si Siblon, makakakita tayo ng mabubuting payo at babala na tutulong sa atin na manatiling tapat sa ating mga tipan:

“Tiyaking hindi ka inaangat sa kapalaluan; oo, tiyaking hindi ka nagmamalaki sa iyong sariling karunungan, ni sa iyong labis na lakas.

“Gumamit ng katapangan, subalit hindi mapanupil; at tiyakin ding pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin; upang mapuspos ka ng pagmamahal; tiyaking nagpipigil ka mula sa katamaran.”7

Ilang taon na ang nakalipas, habang nasa bakasyon, gusto kong sumakay sa kayak sa unang pagkakataon. Umupa ako ng kayak, at puno ng sigla, naglayag ako sa dagat.

Pagkatapos ng ilang minuto, napataob ng isang malaking alon ang kayak. Nang may matinding pagsisikap, hawak ang sagwan sa isang kamay at ang kayak sa isa pang kamay, nasakyan kong muli ang kayak.

Sinubukan kong isagwan ang aking kayak, pero ilang minuto pa, tumaob muli ang kayak. Sinubukan ko pa, pero wala ring nangyari, hanggang sa mayroong taong magsabi sa akin na nakakaalam sa paggamit ng kayak na malamang ay may bitak sa shell at pinasukan na ito ng tubig, kaya pagiwang-giwang ito at hindi makontrol. Hinila ko ang kayak sa pampang at inalis ang plug, at totoo nga, maraming tubig ang nakapasok doon.

Iniisip ko kung minsan na naglalakbay tayo sa buhay nang may mga kasalanan, tulad ng bitak sa aking kayak, na humahadlang sa ating espirituwal na pag-unlad.

Kung magpapatuloy tayo sa ating mga kasalanan, nalilimutan natin ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon, kahit na patuloy tayong tumataob dahil sa kawalan ng balanse na likha ng mga kasalanang iyon sa ating buhay.

Tulad ng mga bitak sa aking kayak, ang mga bitak sa ating buhay ay dapat ayusin. Ang ilang kasalanan ay nangangailangan ng higit pang pagsisisi kaysa sa iba.

Kung gayon, dapat nating itanong sa ating sarili: Nasaan na tayo kung isasaalang-alang natin ang ating pag-uugali at asal sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain? Nasa sitwasyon ba tayo ni Pedro nang ipagkaila niya si Jesucristo? O naroon na tayo sa puntong taglay na natin ang pag-uugali at determinasyong taglay ni Pedro matapos niyang matanggap ang “dakilang utos” mula sa Tagapagligtas?8

Dapat nating pagsikapang sundin ang mga kautusan at pagtuunang mabuti ang mga kautusang pinakamahirap nating masunod. Ang Panginoon ay lalagi sa ating tabi, tutulong sa atin sa oras ng pangangailangan at kahinaan, at kung magpapakita tayo ng tapat na hangarin at kikilos nang naaayon, gagawin Niya ang “mahihinang bagay na maging malalakas.”9

Ang pagsunod ay nagbibigay sa atin ng lakas na madaig ang kasalanan. Dapat din nating maunawaan na ang pagsubok sa ating pananampalataya ay nangangailangan ng pagsunod natin, madalas nang hindi nalalaman ang resulta nito.

Magmumungkahi ako ng pormula na tutulong sa atin na makapagtiis hanggang wakas:

  1. Araw-araw magdasal at magbasa ng mga banal na kasulatan.

  2. Tuwing Linggo, tumanggap ng sakramento nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.

  3. Magbayad ng ating ikapu at buwanang handog-ayuno.

  4. Tuwing ikalawang taon—taun-taon para sa mga kabataan—i-renew ang ating temple recommend.

  5. Sa buong buhay natin, maglingkod sa gawain ng Panginoon.

Nawa’y mapatatag ang ating isipan ng mga dakilang katotohanan ng ebanghelyo, at nawa’y mapanatili nating walang bitak ang ating buhay na nakahahadlang sa ating ligtas na paglalakbay sa dagat ng buhay na ito.

Ang pagtatagumpay sa paraan ng Panginoon ay may kabayaran, at ang tanging paraan upang makamit ito ay pagsikapang ibigay ang hinihingi nitong kabayaran.

Lubos akong nagpapasalamat na ang ating Tagapagligtas ay nagtiis hanggang wakas, at isinagawa ang Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo.

Siya ay nagdusa para sa ating mga kasalanan, sakit, depresyon, dalamhati, mga kahinaan, at pangamba, at alam Niya kung paano tayo tutulungan, kung paano tayo pasisiglahin, aaliwin, at palalakasin upang makapagtiis tayo at matamo ang putong na nakalaan para sa mga hindi nadaig.

Magkakaiba ang buhay ng bawat isa sa atin. Lahat tayo ay may mga panahon ng pagsubok, panahon ng kaligayahan, panahon ng pagpapasiya, panahon ng pagdaig sa mga balakid at panahon na sinasamantala natin ang mga pagkakataon.

Anuman ang ating kalagayan, pinatototohanan ko na palaging sinasabi ng ating Ama sa Langit na “Mahal kita. Tutulungan kita. Kasama mo Ako. Huwag sumuko. Magsisi at magtiis sa landas na ipinakita ko sa iyo. At tinitiyak ko sa iyo na magkikita tayong muli sa ating selestiyal na tahanan.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.