2010–2019
Pagtuturo sa Tahanan—Isang Masaya at Sagradong Responsibilidad
Abril 2018


2:3

Pagtuturo sa Tahanan—Isang Masaya at Sagradong Responsibilidad

Nagsusumamo ako na tulungan tayo ng langit sa pagsisikap nating maging mga guro na tulad ni Cristo sa ating mga tahanan.

Kami ng mahal kong asawang si Julie ay nagpalaki ng anim na pinakamamahal na anak, at kamakailan ay nilisan na nila ang aming tahanan. Talagang hinahanap-hanap ko ang aming mga anak at gusto ko silang makasama palagi sa aming tahanan. Hinahanap-hanap ko ang matuto mula sa kanila at ang turuan sila.

Ang mensahe ko ngayon ay para sa lahat ng magulang at lahat ng naghahangad na maging mga magulang. Marami sa inyo ang nagpapalaki ng mga anak ngayon. Para sa iba, maaaring malapit nang mangyari iyon. At para naman sa iba pa, ang pagiging magulang ay maaaring pagpapala para sa hinarahap. Idinadalangin ko na maunawaan nating lahat ang masaya at sagradong responsibilidad na magturo sa isang anak.1

Bilang mga magulang, ipinapakilala natin sa ating mga anak ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Tinutulungan natin ang ating mga anak na sambitin ang kanilang unang panalangin. Nagbibigay tayo ng patnubay at suporta sa kanilang pagpasok sa landas ng tipan2 sa pamamagitan ng binyag. Itinuturo natin sa kanila na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Itinuturo natin sa kanila ang tungkol sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak, at tinutulungan natin sila na makilala ang mga pagbulong ng Espiritu Santo. Ikinukuwento natin sa kanila ang tungkol sa mga sinaunang propeta at hinihikayat sila na sundin ang mga buhay na propeta. Nagdarasal tayo para sa kanilang tagumpay at nakikidalamhati sa kanila sa kanilang mga pagsubok. Pinatototohanan natin sa ating mga anak ang mga pagpapala ng templo, at sinisikap natin na ihanda sila nang mabuti upang makapaglingkod sila bilang mga full-time missionary. Magiliw natin silang pinapayuhan kapag ang ating mga anak ay naging mga magulang na rin. Ngunit—kahit ganoon—hindi tayo tumitigil sa pagiging mga magulang nila. Hindi tayo tumitigil sa pagiging mga guro nila. Hindi tayo kailanman nare-release sa mga walang hanggang tungkuling ito.

Ngayon ay isipin natin ang ilan sa magagandang pagkakataon na mayroon tayo upang maturuan ang mga anak natin sa ating mga tahanan.

Pagtuturo sa Family Home Evening

Magsimula tayo sa family home evening, na binigyang priyoridad sa tahanang puno ng pananampalataya kung saan ako pinalaki. Wala akong naaalalang partikular na lesson na itinuro sa aming family home evening, subalit naaalala ko na hindi kami nagmintis na gawin ito nang lingguhan.3 Alam ko kung ano ang mahalaga sa aking mga magulang.4

Natatandaan ko ang isa sa aking paboritong mga aktibidad sa family home evening. Aanyayahan ni Itay ang isa sa kanyang mga anak na gawin “Ang Pagsubok.” Bibigyan niya ang anak ng mga instruksyon ayon sa pagkakasunud-sunod nito gaya ng, “Una, pumunta sa kusina at buksan at isara ang fridge. Pagkatapos ay tumakbo sa aking kuwarto at kumuha ng isang pares na medyas mula sa aking aparador. Pagkatapos ay bumalik sa akin, magtatalon nang tatlong beses, at sabihing, ‘Itay, nagawa ko!’”

Gustung-gusto ko iyon kapag ako na ang susunod na gagawa niyon. Nais kong magawa nang tama ang bawat hakbang, at pinahahalagahan ko ang sandaling masasabi ko, “Itay, nagawa ko!” Nakatulong ang aktibidad na ito para magkaroon ako ng kumpiyansa sa aking sarili at dahil dito naging mas madali sa isang batang hindi mapakali na makinig kapag nagturo na si Inay o si Itay ng isang alituntunin ng ebanghelyo.

Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Kung may duda kayo tungkol sa kabutihang maidudulot ng family home evening, subukan ito. Tipunin ang inyong mga anak, turuan sila, magpatotoo sa kanila, sama-samang basahin ang mga banal na kasulatan at magsaya.”5

Palaging magkakaroon ng oposisyon sa pagdaraos ng family home evening.6 Gayunman, inaanyayahan ko kayo na maghanap ng paraan upang malagpasan ang mga balakid at gawing priyoridad ang family home evening—at tiyaking maging masayang karanasan ito.

Pagtuturo sa Panalangin ng Pamilya

Ang panalangin ng pamilya ay isa pang masayang oportunidad para magturo.

Gustung-gusto ko kung paano tinuruan si Pangulong N. Eldon Tanner ng kanyang ama sa panalangin ng pamilya. Ganito ang sinabi ni Pangulong Tanner:

“Naaalala ko isang gabi habang nakaluhod kami at nananalangin ang pamilya, sinabi ng ama ko sa Panginoon, ‘May ginawa po si Eldon ngayon na dapat ay hindi po niya ginawa; nagsisisi po siya, at kung patatawaran po ninyo siya, hindi na po niya ito uulitin.’

“Dahil doon ay naging determinado ako na hindi na ito ulitin—mas higit pa ang epekto nito kaysa sa pagpalo.”7

Noong bata pa ako, naiinis ako kung minsan sa tila sobrang pananalangin ng aming pamilya, at sinasabi ko sa aking sarili na, “Hindi ba’t kadarasal lang natin ilang minuto lang ang nakararaan?” Ngayon, bilang isang magulang, alam ko na hindi tayo kailanman masosobrahan sa pananalangin bilang pamilya.8

Palagi akong namamangha kung paano ipinakikilala ng Ama sa Langit si Jesucristo bilang Kanyang Bugtong na Anak.9 Gustung-gusto kong nagdaral para sa aking mga anak gamit ang kanilang pangalan habang pinakikinggan nila ako na nagsasabi sa Ama sa Langit kung gaano ko sila kamahal. Tila wala nang mas mainam na oras pa para ipabatid ang pagmamahal natin sa ating mga anak kundi sa pagdarasal na kasama nila o pagbabasbas sa kanila. Kapag nagtipon ang mga pamilya para manalangin nang may pagpapakumbaba, naituturo ang mga aral na tumitimo at nagtatagal.

On-Call na Pagtuturo

Ang pagtuturo ng mga magulang ay katulad ng isang on-call physician. Kailangang palagi tayong handa na turuan ang ating mga anak dahil hindi natin alam kung kailan muling darating ang pagkakataon.

Si Jesus ay nagtuturo sa babae sa may balon

Tayo ay katulad ng Tagapagligtas, na ang pagtuturo ay kadalasang “hindi nangyari sa isang sinagoga kundi sa mga di-pormal at araw-araw na tagpo—habang kumakain kasama ang Kanyang mga disipulo, sumasalok ng tubig sa isang balon, o dumaraan sa isang puno ng igos.”10

Ilang taon na ang nakararaan, ikinuwento ng aking ina na ang dalawa sa pinakamagandang pag-uusap nila ng aking nakatatandang kapatid na si Matt tungkol sa ebanghelyo ay noong nagtutupi siya ng nilabhan at ang isa ay noong inihatid niya ito sa dentista. Isa sa maraming bagay na hinangaan ko sa aking ina ay ang kahandaan niyang magturo sa kanyang mga anak.

Hindi natapos ang kanyang pagtuturo bilang magulang. Habang naglilingkod ako bilang bishop, ang nanay ko, na noon ay 78-taong-gulang, ay sinabihan ako na magpagupit ng buhok. Alam niya na kailangan kong maging halimbawa, at hindi siya nag-alinlangang sabihin sa akin iyon. Mahal kita, Inay!

Bilang ama, naganyak ako na personal na pag-aralan at pagnilayan ang mga banal na kasulatan upang makatugon ako sa mga hindi inaasahang pagkakataon na magturo sa aking mga anak o mga apo.11 “Ang ilan sa pinakamagagandang sandali para makapagturo ay nagsisimula sa isang tanong o problema na nasa puso ng isang miyembro ng [pamilya].”12 Nakikinig ba tayo sa mga pagkakataong iyon?13

Gustung-gusto ko ang paanyaya ni Apostol Pedro: “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao [at idinaragdag ko, sa anak] na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo.”14

Noong tinedyer ako, gustung-gusto namin ng tatay ko na hamunin ang isa’t isa upang makita kung sino ang pinakamahigpit na humawak. Pipisilin namin ang kamay ng isa’t isa nang mahigpit hangga’t maaari at sisikaping mapangiwi sa sakit ang isa’t isa. Tila hindi na ito kasiya-siya ngayon, subalit kahit paano ay masayang gawin ito noon. Pagkatapos ng isang larong iyon, tinitigan ako ni Tatay at sinabing, “May malalakas kang kamay, Anak. Umaasa ako na palagi magkaroon ng lakas ang iyong mga kamay na huwag hawakan kailanman ang isang dalagita nang hindi nararapat.” Pagkatapos ay hinikayat niya ako na manatiling malinis ang moralidad at tulungan ang iba na gawin din iyon.

Ganito ang ikinuwento ni Elder Douglas L. Callister tungkol sa kanyang ama: “Isang araw habang papauwi mula sa trabaho, biglang sinabi ni Itay na, ‘Binayaran ko ang ikapu ko ngayon. Nagsulat ako ng “salamat” sa tithing check. Lubos akong nagpapasalamat sa Panginoon na pinagpapala Niya ang ating pamilya.’”

Pagkatapos ay pinapurihan ni Elder Callister ang kanyang ama at guro: “Pareho niyang itinuro ang pagkilos at pag-uugali na nagpapakita ng pagsunod.”15

Sa palagay ko ay makabubuting paminsan-minsang tanungin ang ating sarili ng, “Ano ang ituturo ko, o ano ang itinuturo ko, sa aking mga anak sa mga ikinikilos at pag-uugali ko tungkol sa pagsunod?”

Pagtuturo sa Pag-aaral ng Pamilya ng mga Banal na Kasulatan

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya ay isang mainam na gawain para sa pagtuturo ng doktrina sa tahanan.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Di lang dapat kumapit ang mga magulang sa salita ng Panginoon, kundi may banal na utos na ituro nila ito sa kanilang mga anak.”16

Habang pinalalaki namin ni Julie ang aming mga anak, sinikap namin na hindi magpabagu-bago at maging malikhain. Nagpasiya kami na basahin ang Aklat ni Mormon sa loob ng isang taon sa wikang Spanish bilang isang pamilya. Iyon kaya ang dahilan kung bakit tinawag ng Panginoon ang bawat isa sa aming mga anak na maglingkod bilang full-time missionary sa misyon na ang wika ay Spanish? Es posible [Posible].

Lubos akong naantig nang ikuwento sa akin ni Brother Brian K. Ashton na binabasa niya at ng kanyang ama ang bawat pahina ng Aklat ni Mormon nang magkasama noong nasa senior high school siya. Gustung-gusto ni Brother Ashton ang mga banal na kasulatan. Nakasulat ang mga ito sa kanyang isipan at puso. Itinanim ng kanyang ama ang binhing iyon noong tinedyer si Brother Ashton, at ang binhing iyon17 ay lumaki at naging isang puno na may malalalim na ugat ng katotohanan. Ganoon din ang ginawa ni Brother Ashton sa kanyang mas nakatatandang mga anak.18 Kamakailan ay nagtanong sa kanya ang walong-taong-gulang niyang anak na lalaki, “Itay, kailan ako magbabasa ng Aklat ni Mormon nang kasama ka?”

Pagtuturo sa Pamamagitan ng Halimbawa

Sa huli, ang pinaka-nakaiimpluwensyang pagtuturo ng mga magulang ay ang ating halimbawa. Pinayuhan tayo na maging “uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”19

Habang nasa paglalakbay kamakailan, nagsimba kami ni Julie at nakita namin na ipinamuhay ang banal na kasulatang ito. Isang binatilyo, na papaalis na para magmisyon, ang nagsalita sa sacrament meeting.

Sinabi niya, “Akala ninyong lahat ay mabait ang aking ama sa simbahan, pero …” tumigil siya, at nag-alala ako kung ano ang susunod niyang sasabihin. Nagpatuloy siya at sinabing, “Mas mabait siya kapag nasa aming tahanan.”

Pamilya Stewart

Pinasalamatan ko ang binatilyong ito para sa nakaaantig na parangal na ibinigay niya sa kanyang ama. Pagkatapos ay nalaman ko na ang kanyang ama ang bishop ng ward. Bagama’t ang bishop na ito ay matapat na naglilingkod sa kanyang ward, nadama ng kanyang anak na ang pinakamabuting nagawa niya ay sa kanilang tahanan.20

Ipinayo ni Elder D. Todd Christofferson: “Marami tayong paraan sa pagtuturo ng … susunod na henerasyon, at dapat nating ilaan ang ating pinakamainam na pag-iisip at pagsisikap upang lubos nating magamit ang mga ito. Higit sa lahat, dapat nating patuloy na hikayatin at tulungan ang mga magulang na maging mas mahusay at mas hindi pabagu-bagong mga guro … lalo na sa pagpapakita ng halimbawa.”21

Ganyan magturo ang Tagapagligtas.22

Noong isang taon, habang nagbabakasyon kasama ang aming dalawang pinakabatang anak, iminungkahi ni Julie na magpabinyag kami para sa mga patay sa St. George at San Diego Temple. Bumulung-bulong ako—sa aking sarili—iniisip na, “Pumupunta na tayo sa templo kapag hindi bakasyon, at ngayon nakabakasyon tayo. Bakit hindi tayo gumawa ng isang bagay na ginagawa kapag nasa bakasyon?” Pagkatapos ng mga binyag, nais ni Julie na magpakuha ng retrato sa labas ng templo. Tahimik akong bumulung-bulong—muli. Mahuhulaan ninyo ang sumunod na nangyari: talagang nagpakuha kami ng mga retrato.

Mga Durrant sa San Diego California Temple
Mga Durrant sa St. George Utah Temple

Nais ni Julie na magkaroon ng alaala ang aming mga anak kung paano kami tumulong sa aming mga ninuno, at ganoon din ako. Hindi namin kailangan ng pormal na lesson tungkol sa kahalagahan ng mga templo. Ipinamumuhay namin ito—salamat sa isang ina na nagmamahal sa templo at nagnanais na ibahagi sa kanyang mga anak ang pagmamahal na iyon.

Kapag minamahal ng mga magulang ang isa’t isa at nagpapakita ng mabubuting halimbawa, ang mga anak ay walang hanggang pinagpapala.

Katapusan

Para sa inyong lahat na nagsusumigasig na gawin ang lahat ng inyong makakaya para magturo sa inyong mga tahanan, nawa’y makahanap kayo ng kapayapaan at kagalakan sa inyong mga pagsisikap. At kung madama ninyo na kailangan pa ninyong mas magpakabuti o nangangailangan kayo ng mas mabuting paghahanda, mangyaring tumugon nang mapagpakumbaba sa panghihikayat sa inyo ng Espiritu at magpasiyang kumilos.23

Sinabi ni Elder L. Tom Perry, “Ang kalusugan ng kahit anong lipunan, ang kaligayahan ng mga tao nito, ang kanilang kasaganahan, at kanilang kapayapaan ay pawang nag-uugat sa pagtuturo sa mga anak sa tahanan.”24

Oo, hindi na namin kasama ang aming mga anak sa aming tahanan, subalit handa ako anumang oras at masayang naghahanap ng mga karagdagang pagkakataon na maturuan ang malalaki ko nang mga anak, ang aking mga apo, at balang-araw ang aking mga apo-sa-tuhod.

Nagsusumamo ako na tulungan tayo ng langit sa pagsisikap nating maging mga guro na tulad ni Cristo sa ating mga tahanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25; 93:40.

    Itinuro ni Elder L. Tom Perry: “Ang impluwensiya ng kalaban ay masyadong laganap at siya ay sumasalakay, sinusubukang pahinain at wasakin ang pinakapundasyon ng ating lipunan, maging ang pamilya. Dapat magpasiya ang mga magulang na ang pagtuturo sa tahanan ay isang pinakasagrado at mahalagang responsibilidad” (“Mga Ina na Nagtuturo sa mga Anak sa Tahanan,” Liahona, Mayo 2010, 30).

    Itinuro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. ‘Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon’ (Awit 127:3). Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ama at ina—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145).

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7.

  3. Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Ngayon kung maitatanong ninyo sa mga anak naming lalaki na nasa hustong gulang na kung ano ang natatandaan nila tungkol sa panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at family home evening, naniniwala ako na alam ko na kung paano sila sasagot. Malamang ay hindi sila tutukoy ng partikular na panalangin o pag-aaral ng banal na kasulatan o espesyal at makahulugang leksyon sa family home evening bilang mahalagang sandali sa kanilang espirituwal na pag-unlad. Ang sasabihin nilang natatandaan nila ay na lagi naming ginagawa iyon bilang pamilya” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 19).

  4. Tingnan sa “Tahana’y Isang Langit,” Mga Himno, blg. 186.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 225.

  6. Tingnan sa 2 Nephi 2:11.

  7. N. Eldon Tanner, “Never Be Ashamed of the Gospel of Christ,” Ensign, Peb. 1980, 4.

  8. Tingnan sa 3 Nephi 18:21.

  9. Tingnan sa Mateo 3:16–17; 3 Nephi 11:6–8; Doktrina at mga Tipan 18:34–36; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.

  10. “Samantalahin ang Kusang Dumarating na mga Sandali para Makapagturo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2016), 16. Ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ay kinabibilangan ng iba’t ibang payo at kagamitan para sa pagtuturo sa tahanan.

  11. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:21; 84:85.

  12. Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16.

  13. Tingnan sa “Makinig,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 210–212.

  14. I Ni Pedro 3:15.

  15. Douglas L. Callister, “Most Influential Teacher—Emeritus Seventy Pays Tribute to Father,” Ago. 29, 2016, news.lds.org.

  16. Russell M. Nelson, “Isaayos ang Iyong Sambahayan,” Liahona, Ene. 2002, 81.

  17. Tingnan sa Alma 32:28–43.

  18. Pumalit si Sister Melinda Ashton noong wala ang kanyang asawa na si Brother Ashton.

  19. I Kay Timoteo 4:12; tingnan din sa Alma 17:11.

  20. Naglilingkod si Bishop Jeffrey L. Stewart sa Southgate Second Ward sa St. George, Utah. Ang kanyang anak na si Samuel ay naglilingkod ngayon sa Colombia Medellín Mission.

  21. D. Todd Christofferson, “Strengthening the Faith and Long-Term Conversion of the Rising Generation,” sa General Conference Leadership Meeting, Set. 2017.

  22. Tingnan sa 3 Nephi 27:21, 27.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:8–9.

  24. L. Tom Perry, “Mga Ina na Nagtuturo sa mga Anak sa Tahanan,” 30.