Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Tahanan—Ang Pundasyon ng Matwid na Pamumuhay


Kabanata 11

Tahanan—Ang Pundasyon ng Matwid na Pamumuhay

“Kapag mas tinitiyak ninyo na mapapalaki ninyo ang inyong mga anak sa mga paraan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang may pagmamahal at mataas ang inaasahan, mas malamang na magiging payapa ang kanilang buhay.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Noong mga huling buwan ng 1973, atubiling nagpasiya sina Gordon at Marjorie Hinckley na lumipat ng bahay mula sa East Mill Creek, Utah, para manirahan nang mas malapit sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City. Si Pangulong Hinckley, na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nag-ukol ng oras sa Bisperas ng Bagong Taon noong taon na iyon para magsulat tungkol sa kanilang tahanan. Nahayag sa kanyang mga salita ang kanyang damdamin tungkol sa dati nilang tirahan, ngunit higit pa rito, nahayag dito ang kanyang damdamin tungkol sa isang pamilyang nagmamahalan.

“Lungkot na lungkot kaming umalis,” pagsulat niya. Naalala niya ang pagsusumikap ng pamilya na itayo ang bahay at linangin ang lupain sa paligid nito. Pagkatapos ay natuon ang kanyang isipan sa mga ugnayan—sa isa’t isa at sa Diyos:

“Dito kami sama-samang naglalaro habang lumalaki ang mga anak namin, at dito kami sama-samang nanalangin. Dito namin nakilala ng aming mga anak ang ating Ama sa Langit, na Siya ay buhay, at nakikinig, at sumasagot.

“Maaari akong magpatuloy sa pagsulat ng isang aklat … hindi para sa mundo, kundi para sa limang anak ko na iyon, sa kani-kanilang asawa at inapo. At kung maisusulat ko ang kuwento ng tahanang iyon may mga luha at tawanan, at matindi, tahimik, at laganap na diwa ng pagmamahal na aantig sa puso ng mga babasa, sapagkat ang mga taong nanirahan at lumaki roon ay nagmahalan, minahal ang kanilang mga kapitbahay, minahal ang kanilang Diyos at ang Panginoong Jesucristo.”1

Sa kanyang buong ministeryo, pinatotohanan ni Pangulong Hinckley ang kahalagahan ng mapagmahal at tapat na mga pamilya. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, inilabas ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na inilarawan ni Elder M. Russell Ballard ng Labindalawa na isang “panawagang protektahan at patatagin ang mga pamilya.”2 Matapos basahin ang pagpapahayag sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong Setyembre 1995, ipinahayag ni Pangulong Hinckley: “Ang lakas ng alinmang bansa ay nasa loob ng mga pader ng mga tahanan nito. Hinihimok namin ang ating mga tao saanman na patatagin ang kanilang pamilya [na may ama at ina na minamahal ang kanilang mga anak at iginagalang ang Diyos].”3

mag-asawang may kasamang maliit na bata

“Nananawagan kami sa mga magulang na ilaan ang kanilang pinakamatinding pagsisikap sa pagtuturo at pagpapalaki ng kanilang mga anak.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Ang ugnayan sa pamilya ang pinakasagrado sa lahat ng ugnayan.

Ang pamilya ay banal. Pinasimulan ito ng ating Ama sa Langit. Sakop nito ang pinakasagrado sa lahat ng ugnayan. Sa pagbuo lamang nito matutupad ang mga layunin ng Panginoon.4

Tayo ay isang simbahan na nagpapatotoo sa kahalagahan ng pamilya—ng ama, ina, mga anak—at sa katotohanan na lahat tayo ay anak ng ating Diyos Amang Walang Hanggan. Ang mga magulang na nagdadala ng mga anak sa mundo ay may responsibilidad na mahalin ang mga batang iyon, pangalagaan at arugain sila, ituro sa kanila ang mga pagpapahalagang iyon na magpapala sa kanilang buhay upang lumaki sila na mabubuting mamamayan. … Gusto kong bigyang-diin ang isang bagay na pamilyar na sa inyo, at iyan ay ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng ating pamilya nang may pagmamahal at kabaitan, may pasasalamat at paggalang, at pagtuturo ng mga paraan ng Panginoon upang ang inyong mga anak ay magsilaki sa kabutihan at maiwasan ang mga trahedyang nakakaapekto sa napakaraming pamilya sa iba’t ibang panig ng mundo.5

Kinakailangang huwag ninyong pabayaan ang inyong pamilya. Wala nang ibang mas mahalaga pa rito.6

2

Ang mga ama at ina ay may pribilehiyong arugain ang kanilang mga anak at ituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Nananawagan kami sa mga magulang na ilaan ang kanilang pinakamatitinding pagsisikap sa pagtuturo at pagpapalaki sa kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapanatili sa kanila na malapit sa Simbahan. Ang tahanan ang pundasyon ng matwid na pamumuhay, at wala nang iba pang makapapalit sa lugar nito o makagaganap sa mahahalagang tungkulin nito sa pagtupad ng responsibilidad na ibinigay ng Diyos.7

Nasisiyahan ako na wala nang titiyak sa mas malaking tagumpay sa mapanganib at napakahirap na gawain ng pagiging magulang kundi ang programa para sa pamilya na nagmumula sa kahanga-hangang pagtuturo ng ebanghelyo: na ang ama ng tahanan ay napagkalooban ng priesthood ng Diyos; na pribilehiyo at obligasyon niya bilang tagapangalaga ng mga anak ng ating Ama sa Langit na tustusan ang kanilang mga pangangailangan; na siya ang mamamahala sa tahanan sa diwa ng priesthood “sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:41–42); na ang ina sa tahanan ay isang anak ng Diyos, isang kaluluwang matalino, tapat, at mapagmahal na nagagabayan ng Espiritu ng Diyos; na pribilehiyo at obligasyon niya bilang tagapangalaga ng mga anak ng ating Ama sa Langit na pangalagaan ang mga batang iyon sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw; na tuturuan din niya, kasama ng kanyang asawa, ang kanyang mga anak na “maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay … [at] manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” (D at T 68:25, 28.)

Sa gayong tahanan, ang mga magulang ay minamahal at hindi kinasisindakan; sila ay pinasasalamatan at hindi kinatatakutan. At ang mga anak ay itinuturing na mga kaloob ng Panginoon, inaaruga, pinangangalagaan, hinihikayat, at ginagabayan.

Maaaring may pagtatalo paminsan-minsan; maaaring may maliliit na alitan. Ngunit kung ang pamilya ay nagdarasal, at nagmamahalan, at nagbibigayan, may pundasyon ng pagmamahal na magbibigkis magpakailanman at katapatang laging gagabay.8

Ngayon nais kong magsalita sa mga magulang na mag-isang nagtataguyod ng kanilang mga anak. … [Kayo] ay may mga pasaning nakakapagod sa pakikibaka araw-araw na kasama sa pagpapalaki ng mga anak at pagtiyak na natutugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ito ay tungkuling ginagawa ninyong mag-isa. Ngunit hindi ninyo ito kailangang gawing mag-isa. Napakarami sa Simbahang ito ang tutulong sa inyo nang may malasakit at pag-unawa. Ayaw nilang manghimasok kapag hindi sila kailangan. Ngunit ang kanilang hangarin ay tunay at tapat, at pinagpapala nila ang sarili nilang buhay kapag pinagpapala nila ang buhay ninyo at ng inyong mga anak. Tanggapin ang tulong nila. Kailangan nilang ibigay ang tulong na ito para sa kanilang sariling kapakanan at para sa inyo.

Napakaraming mabubuting bishop sa Simbahang ito. Napakaraming mabubuting lider sa korum. Napakaraming mababait na kababaihan sa Relief Society. May mga home teacher at visiting teacher tayo. Sila ay mga kaibigan ninyo, na inatasan ng Panginoon na ibahagi ang kanilang lakas para tulungan kayo. At huwag na huwag ninyong kalimutan na ang Panginoon mismo ay pinagmumulan ng lakas nang higit kaninuman. Naantig ako sa isang karanasang isinalaysay ng … isang ina na mag-isang nagpapalaki ng pitong anak, nang magsumamo ito sa kanyang Ama sa Langit na kung maaari sana ay makapunta siya sa Kanya, kahit isang gabi lang, upang mapanatag at mapalakas sa mga pagsubok na darating. Magiliw ang sagot na pumasok sa kanyang isipan na halos isang paghahayag: “Hindi ka makakapunta sa akin, ngunit ako ang pupunta sa iyo.”9

Kung mas tinitiyak ninyo na mapapalaki ninyo ang inyong mga anak sa mga paraan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang may pagmamahal at mataas ang inaasahan, mas malamang na magiging payapa ang kanilang buhay.10

3

Sa pamamagitan ng pagdarasal ng pamilya, lumalakas ang pananampalataya ng mga anak sa buhay na Diyos.

Masdan ang inyong mga musmos. Magdasal na kasama sila. Ipagdasal at basbasan sila. Ang mundong ginagalawan nila ay masalimuot at mahirap. Daranas sila ng mabibigat na pagsubok sa buhay. Kakailanganin nila ang lahat ng lakas at pananampalatayang maibibigay ninyo sa kanila habang kapiling nila kayo. At kakailanganin din nila ang higit na lakas na nagmumula sa isang nakahihigit na kapangyarihan. Kailangan nilang magpakatatag sa halip na magpatangay sa nakikita nila. Kailangan nilang mapagbuti ang mundo, at ang tanging paraan para mapagbuti ito ay ang halimbawa ng sarili nilang buhay at matitinding panghihikayat na magmumula sa kanilang patotoo at kaalaman sa mga bagay na ukol sa Diyos. Kakailanganin nila ang tulong ng Panginoon. Habang bata pa sila, isama sila sa pagdarasal nang malaman nila yaong pinagkukunan ng lakas na laging naririyan sa bawat oras ng pangangailangan.11

Wala akong alam na ibang gawain na may napakabuting epekto sa inyong buhay na tulad ng sama-samang pagluhod upang manalangin. Ang mga salita mismo na, Ama namin sa Langit, ay napakalaki ng epekto. Hindi ninyo masasambit nang taimtim at may pagpapahalaga ang mga ito nang hindi nadarama ang pananagutan ninyo sa Diyos. …

Ang inyong araw-araw na pakikipag-usap sa kanya ay maghahatid ng kapayapaan sa inyong puso at kagalakan sa inyong buhay na wala nang ibang maaaring pagmulan. … Mapapalakas ang inyong pagmamahal. Madaragdagan ang pagpapahalaga ninyo sa isa’t isa.

Ang inyong mga anak ay makadarama ng seguridad na nagmumula sa pamumuhay sa isang tahanang kung saan naroroon ang Espiritu ng Diyos. Pahahalagahan at mamahalin nila ang mga magulang na gumagalang sa isa’t isa, at lalago ang paggalang sa sarili nilang puso. Madarama nila ang seguridad ng magigiliw na salitang sinambit nang malumanay. Sila ay mapoprotektahan ng isang ama at ina na, sa pamumuhay nang tapat sa Diyos, ay namumuhay nang tapat sa isa’t isa at sa kanilang kapwa. Lalaki sila na may pagpapahalaga, dahil narinig nila ang kanilang mga magulang na nanalangin at nagpasalamat para sa malalaki at maliliit na pagpapala. Lalaki sila na may pananampalataya sa buhay na Diyos.12

4

Ang family home evening ay maglalapit sa mga magulang at mga anak sa pag-aaral ng mga paraan ng Panginoon.

Naaalala ko na noong ako ay limang taong gulang pa lamang, ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith sa buong Simbahan na dapat nilang tipunin ang kanilang pamilya sa family home evening. Sabi ng tatay ko, “Iniutos ng Pangulo ng Simbahan na gawin natin ito, at gagawin natin ito.”

Kaya nagtipon kaming lahat sa family home evening. Masaya iyon. Sabi niya, “Kakanta tayo.” Hindi kami mahusay kumanta. … Sinubukan lang naming kumanta at pinagtawanan namin ang isa’t isa. Gayon din ang ginawa namin sa maraming iba pang bagay. Ngunit mula sa karanasang iyon ay unti-unting dumating ang isang bagay na napakaganda—isang kaugaliang nakatulong sa amin, na naglapit sa amin bilang pamilya, na nagpalakas sa amin, at buong-puso kaming naniwala sa kahalagahan ng family home evening.13

Nagpapasalamat ako na naging mahalagang bahagi ng ating programa bilang isang Simbahan ang kaugaliang magdaos ng lingguhang family home evening. Ito ay isang mahalagang bagay na sa mga abalang araw na ito ay libu-libong pamilya sa iba’t ibang panig ng mundo ang lubos na nagsisikap na maglaan ng isang gabi sa isang linggo na sama-samang kumanta, turuan ang isa’t isa sa mga paraan ng Panginoon, sama-samang lumuhod at manalangin, upang pasalamatan ang Panginoon para sa kanyang mga awa at humiling ng kanyang mga pagpapala sa ating buhay, sa ating tahanan, sa ating mga gawain, at sa ating bansa. Sa palagay ko hindi natin gaanong nalalaman ang malaking kabutihang idudulot ng programang ito.14

Kung may duda kayo tungkol sa kabutihang maidudulot ng family home evening, subukan ito. Tipunin ninyo ang inyong mga anak, turuan sila, magpatotoo sa kanila, sama-samang basahin ang mga banal na kasulatan at magsaya.15

5

Dapat simulan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito.

Hindi nagtagal matapos kaming makasal, itinayo namin ang aming unang tahanan. Kakaunti ang pera namin, at nagtrabaho ako nang husto. Responsibilidad ko ang buong landscaping. Ang una sa maraming punong itinanim ko ay isang thornless honey locust, at nakinita ko ang araw na makatutulong ang lilim nito na palamigin ang bahay sa tag-init. Inilagay ko ito sa isang bahagi kung saan pinakamalakas ang ihip ng hangin mula sa silangan. Humukay ako, ibinaon ko ang ugat, nilagyan ko ng lupa ang paligid nito, diniligan ito ng tubig, at halos nalimutan ko na ito. Maliit na puno lang naman ito, na siguro’y tatlong-kapat ng isang pulgada [2 sentimetro] ang lapad. Napakalambot nito kaya madali itong baluktutin sa anumang direksyon. Halos hindi ko na ito napagtuunan ng pansin sa pagdaan ng mga taon. Pagkatapos isang araw ng taglamig nang wala nang mga dahon ang puno, nasulyapan ko ito sa labas ng bintana. Napansin ko na pahilig ito sa kanluran, hindi maayos ang paglaki at hindi balanse. Hindi ako makapaniwala. Lumabas ako at sumandig dito na para bang sinusuhayan ito para tumuwid. Pero ang katawan nito ay halos isang talampakan na ang lapad. Walang nagawa ang lakas ko dito. Kinuha ko sa mga kagamitan ko ang isang block and tackle [mga pulley na may lubid na panghila], at ikinabit ko ang isang dulo ng lubid sa puno at ang isa pa sa isang matibay na poste. Hinila ko ang lubid. Gumalaw nang kaunti ang mga pulley, at medyo nayanig ang katawan ng puno. Pero iyon lang ang nangyari. Parang sinasabi niyon sa akin na, “Hindi mo ako kayang ituwid. Huli na ang lahat. Lumaki na ako nang ganito dahil sa kapabayaan mo, at hindi na ako matutuwid.”

Sa huli desperadong kinuha ko ang aking lagare at pinutol ko ang malaking sanga sa bandang kanluran. Umatras ako at tiningnan ko ang aking nagawa. Naputol ko ang malaking bahagi ng puno, na nag-iwan ng malaking pilat na mga walong pulgada [20 sentimetro] pahalang at isang maliit lang na sanga na tumutubo paitaas.

… Tiningnan kong muli ang puno kamakailan. Malaki na ito, mas tuwid na ang pagtubo, at nagpapaganda sa aming tahanan. Ngunit napakatindi ng naranasan nito at napakasakit ng ginawa ko para ituwid ito. Nang una kong itanim ang puno, napatatag sana ito ng isang tali laban sa malalakas na pag-ihip ng hangin. Dapat sana ay tinalian ko ito at nagawa sana ito nang halos walang hirap, pero hindi ko ito ginawa. At bumaluktot at sumunod ito sa malalakas na pag-ihip dito ng hangin.

Ang mga bata ay parang mga puno. Kapag bata pa sila, maaaring hubugin at ituwid ang kanilang buhay, na karaniwa’y halos walang hirap. Sabi ng manunulat ng Mga Kawikaan, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan” [Mga Kawikaan 22:6]. Nagsisimula ang pagtuturong iyan sa tahanan.16

 pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

“Tipunin ang inyong mga anak, turuan sila, magpatotoo sa kanila, sama-samang basahin ang mga banal na kasulatan at magsaya.”

Sabi ni Isaias, “At lahat mong anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak” (Isa. 54:13).

Kaya pamunuan ang inyong mga anak, gabayan sila at akayin mula sa kanilang pagkabata, turuan sila sa mga paraan ng Panginoon, nang magkaroon sila ng kapayapaan habambuhay.17

6

Kung magrebelde ang mga anak, dapat ay patuloy silang ipagdasal, mahalin, at tulungan ng mga magulang.

Nauunawaan ko na may mga magulang na, sa kabila ng kanilang lubos na pagmamahal at sigasig at katapatang turuan ang mga anak, ay nakikitang lumalaki pa rin ang mga ito nang taliwas sa turo nila at nananangis habang ang kanilang mga anak na naliligaw ng landas ay pinipiling tahakin ang landas ng kapahamakan. Kinahahabagan ko sila, at gusto kong sabihin sa kanila ang sinabi ni Ezekiel: “Ang anak ay hindi magdadanas ng kasamaan ng ama, o magdadanas man ang ama ng kasamaan ng anak” (Ezekiel 18:20).18

Paminsan-minsan, sa kabila ng lahat ng sinisikap ninyong gawin, may isang rebeldeng anak. Ngunit patuloy pa rin siyang turuan nang tama. Huwag sumuko kailanman. Hangga’t nagsisikap kayo, laging may pag-asa. Patuloy itong gawin.19

Kung may anak o mahal sa buhay ang sinuman sa inyo na gayon ang ginagawa [nagrerebelde], huwag sumuko. Ipagdasal sila at mahalin sila at kausapin sila at tulungan sila.20

Kung minsan ay parang huli na ang lahat. … Subalit, alalahanin ang aking thornless locust tree [tingnan sa mga pahina 191-192]. Ang pagputol nito at paghihirap ay nagdulot ng magandang bagay, na kalaunan ay nagbigay ng magandang lilim mula sa init ng araw.21

7

Pinatatatag natin ang ating pamilya kapag humihingi tayo ng tulong ng langit at pinag-iibayo ang pagmamahal at paggalang sa isa’t isa.

[Ang pagpapalaki ng pamilya] ay maaaring hindi madali. Maaaring puno ito ng kabiguan at hamon. Mangangailangan ito ng katapangan at tiyaga. … Ang pagmamahal ay maaaring makagawa ng kaibhan—pagmamahal na lubos na ibinigay habang bata pa hanggang sa magbinata o magdalaga ang anak. Gagawin nito ang hindi magagawa kailanman ng perang labis-labis na ginastos sa mga anak.

—At tiyaga, na may pagpipigil ng dila at galit. …

—At panghihikayat na mabilis pumuri at mabagal mamintas.

Ang mga ito, kasama ng mga panalangin, ay gagawa ng mga himala. Huwag ninyong asahang magagawa ninyo ito nang mag-isa. Kailangan ninyo ang tulong ng langit sa pagpapalaki sa anak ng langit—sa inyong anak, na anak din ng kanyang Ama sa Langit.22

Ang bawat bata, bukod sa ilang posibleng eksepsyon, ay mula sa isang tahanan, mabuti man ito, masama, o walang pakialam. Habang lumalaki ang mga bata sa paglipas ng mga taon, ang kanilang buhay, sa maraming pagkakataon, ay nagiging karugtong at larawan ng pagtuturo sa pamilya. Kung may kalupitan, pang-aabuso, di-mapigil na galit, kataksilan, ang mga bunga ay tiyak at makikita, at malamang na maulit sa susunod na henerasyon. Sa kabilang banda, kung may pagpaparaya, pagpapatawad, paggalang, konsiderasyon, kabaitan, awa, at habag, ang mga bunga ay muling makikita, at walang hanggan ang magiging pagpapala nito. Magiging maganda at magiliw at kamangha-mangha ang mga ito. At kapag ang awa ay ibinigay at itinuro ng mga magulang, mauulit ito sa buhay at kilos ng susunod na henerasyon.

Nakikiusap ako sa mga ama at ina sa lahat ng dako na itigil natin ang kalupitan, pigilin ang ating galit, hinaan ang ating boses, at pakitunguhan ang isa’t isa nang may awa at pagmamahal at paggalang sa ating tahanan.23

Sinabi noong araw na “ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot.” (Kaw. 15:1.) Bihira tayong masangkot sa gulo kapag mahinahon tayong magsalita. Nagkakagulo lang at nagkakaroon ng pagtatalo kapag nagtaas tayo ng boses. … Ang tinig ng langit ay isang marahan at banayad na tinig [tingnan sa I Mga Hari 19:11–12]; gayundin, ang tinig ng kapayapaan sa loob ng tahanan ay isang mahinang tinig.24

Mangyari pa, kailangan ang disiplina sa mga pamilya. Ngunit ang pagdisiplina nang matindi at may kalupitan ay tiyak na hindi hahantong sa pagwawasto kundi sa pagsama ng loob at kapaitan. Wala itong nalulunasan at pinalalaki lang nito ang problema. Hindi ito ang lunas.25

Wala nang iba pang uri ng disiplina sa buong mundo na tulad ng disiplina na may pagmamahal. Makapangyarihan ito.26

Patuloy nating sikaping patatagin ang ating pamilya. Maging lubos na tapat ang mag-asawa sa isa’t isa. Huwag nating balewalain ang isa’t isa, kundi palagi nating sikaping magkaroon ng pagmamahal at paggalang sa isa’t isa.27

O Diyos, na aming Amang Walang Hanggan, basbasan po Ninyo ang mga magulang na makapagturo nang may pagmamahal at tiyaga at panghihikayat sa mga taong natatangi, sa mga batang nagmula sa Inyo, upang sama-sama silang maprotektahan at magabayan sa kabutihan at, sa kanilang paglaki, maghatid nawa sila ng mga pagpapala sa mundo na kanilang ginagalawan.28

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Hinckley na ang pamilya ay “sakop ang pinakasagrado sa lahat ng ugnayan” (bahagi 1). Paano maaapektuhan ng katotohanang ito ang pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kapamilya? Paano nito maaapektuhan ang paraan ng pagbibigay natin ng prayoridad sa ating panahon at mga aktibidad?

  • Bakit dapat “ilaan [ng mga magulang] ang pinakamatitindi nilang pagsisikap sa pagtuturo at pagpapalaki ng kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo”? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano napagpala ang inyong pamilya ng pagtuturo ng ebanghelyo sa inyong tahanan? Paano mapagbubuti ng mga magulang ang kanilang mga pagsisikap na tulungan ang kanilang mga anak na ipamuhay ang ebanghelyo?

  • Pag-aralan muli ang mga turo ni Pangulong Hinckley tungkol sa mga pagpapalang hatid ng pagdarasal ng pamilya (tingnan sa bahagi 3). Sa palagay ninyo bakit naghahatid ng mga pagpapala ang pagdarasal ng pamilya? Anong mga pagpapala ang naranasan ninyo sa pagkakaroon ng regular na pagdarasal ng pamilya? Ano ang nawawala sa atin kung kaliligtaan natin ang pagdarasal ng pamilya?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Gordon B. Hinckley sa family home evening noong bata pa siya? (Tingnan sa bahagi 4.) Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong pamilya sa pamamagitan ng family home evening?

  • Pag-aralang muli ang kuwento ni Pangulong Hinckley tungkol sa honey locust tree (tingnan sa bahagi 5). Anong mga aplikasyon sa kuwentong ito ang magagamit ninyo?

  • Paano matutulungan ng mga turo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 6 ang mga magulang na may anak na naliligaw ng landas? Ano ang ilang paraan na makatutulong ang mga magulang at iba pa nang may pagmamahal?

  • Bakit mahalagang disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may pagmamahal sa halip na pagalit? Ano ang ilang bagay na magagawa ng mga magulang para magdisiplina nang may pagmamahal? Paano magkakaroon ng pagmamahal at paggalang sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya? (Tingnan sa bahagi 7.)

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

Deuteronomio 11:19; Enos 1:1–5; Mosias 4:14–15; Alma 56:45–48; 3 Nephi 18:21; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129

Tulong sa Pagtuturo

“Maaari ninyong madama na kulang kayo sa pag-unawa sa ilang alituntunin na inihahanda ninyong ituro. Gayunpaman, habang pinag-aaralan ninyo ito nang may panalangin, nagsisikap na ipamuhay ito, naghahandang ituro ito at pagkatapos ibinabahagi ito sa iba, ang inyong sariling patotoo ay lalakas at lalalim” (Pagtuturo, Walang HIgit na Dakilang Tungkulin [2000], 22).

Mga Tala

  1. Sa Sheri L. Dew, Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley (1996), 333.

  2. M. Russell Ballard, Sa “Today’s Family: Proclamation Still a Clarion Call,” lds.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world/proclamation-on-family-is-still-a-clarion-call; na-access noong Mayo 12, 2015.

  3. “Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 101.

  4. “Pillars of Truth,” Ensign, Ene. 1994, 5.

  5. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 208.

  6. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2: 2000–2004 (2005), 387.

  7. Liham ng Unang Panguluhan, Peb. 11, 1999, sa “Policies, Announcements, and Appointments,” Ensign, Hunyo 1999, 80.

  8. “Pillars of Truth,” 5.

  9. “To Single Adults,” Ensign, Hunyo 1989, 74.

  10. “Stand Strong against the Wiles of the World,” 99.

  11. “Behold Your Little Ones,” Ensign, Hunyo 2001, 5.

  12. Cornerstones of a Happy Home (polyeto, 1984), 10–11.

  13. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2, 402.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1965, 51.

  15. Teachings of Gordon B. Hinckley, 212.

  16. “Four Simple Things to Help Our Families and Our Nations,” Ensign, Set. 1996, 6–7.

  17. “Great Shall Be the Peace of Thy Children,” Ensign, Nob. 2000, 52.

  18. “These, Our Little Ones,” Ensign, Dis. 2007, 8.

  19. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 4.

  20. Teachings of Gordon B. Hinckley, 54.

  21. “Four Simple Things to Help Our Families and Our Nations,” 8.

  22. “Bring Up a Child in the Way He Should Go,” Ensign, Nob. 1993, 60.

  23. “Blessed Are the Merciful,” Ensign, Mayo 1990, 70.

  24. “Except the Lord Build the House …” Ensign, Hunyo 1971, 72.

  25. “Behold Your Little Ones,” 4.

  26. “The Environment of Our Homes,” Ensign, Hunyo 1985, 6.

  27. “Thanks to the Lord for His Blessings,” Ensign, Mayo 1999, 88–89.

  28. “Bring Up a Child in the Way He Should Go,” 60.