Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Kabanalan—Isang Batong Panulok na Mapagsasaligan Natin sa Buhay


Kabanata 18

Kabanalan—Isang Batong Panulok na Mapagsasaligan Natin sa Buhay

“Kayo, bawat isa sa inyo, ay mga anak ng isang dakilang Ama sa Langit. Kayo ay nilikha ayon sa Kanyang plano sa larawan ng inyong Lumikha. Ang inyong katawan ay sagrado. Ito ang templo ng inyong espiritu. Huwag ninyo itong dungisan ng kasalanan.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Sa pagsasalita sa mga estudyante sa Brigham Young University noong 2007, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“May namasdan akong isang interesanteng bagay noong makalawa. Sa Salt Lake City, maaga pa ng Sabado ng umaga, gumuho ang gusali ng Key Bank sa sunud-sunod na pampasabog na inilagay sa lugar. Nangyari ang lahat ng ito sa loob ng tatlo o apat na segundo, na nag-iwan ng malaking ulap ng alikabok patungong hilagang-kanluran. Ang proseso ay tinatawag na implosion [pagpapasabog papasok], kabaligtaran ng explosion [pagpapasabog palabas].

“Ang gusali ay itinayo halos 30 taon na ang nakararaan. Palagay ko umabot ng di-kukulangin sa isa, o dalawang taon, ang pagtatayo nito. Ngayon ay naglaho ito nang ilang segundo lamang.

“Iyan, mga kaibigan, ang kuwento ng napakaraming buhay. Buong ingat natin itong pinangangalagaan sa loob ng ilang taon. Pagkatapos ay natatagpuan natin ang ating sarili sa napakahirap na kalagayan. Nagagawa ang mga pagkakamali. Nakukumpromiso ang kalinisang-puri. May nangyayaring pagsabog, at alikabok na lang ang natitira.

“Naalala ko ito nang magunita ko ang isang binata at isang dalaga na pumunta sa opisina ko. Makisig ang binata at maganda ang dalaga. Nag-aaral sila sa kolehiyo. Mukhang maaliwalas at maganda ang kanilang kinabukasan. Ngunit bumigay sila sa tukso. …

“Napuno ng luha ang kanilang mga mata nang kausapin nila ako. Ngunit hindi nila matatakasan ang katotohanang kinahaharap nila. Nasira ang buhay nila, at gumuho ang kanilang mga pangarap.

“Huwag hayaang mangyari ito sa inyo. Huwag ninyong gawing kaawa-awa ang inyong sarili sa paglalagay sa alanganin ng inyong katapatan sa moralidad. Kayo, bawat isa sa inyo, ay mga anak ng isang banal na Ama sa Langit. Kayo ay nilikha ayon sa Kanyang plano sa larawan ng inyong Lumikha. Ang inyong katawan ay sagrado. Ito ang templo ng inyong espiritu. Huwag itong dungisan ng kasalanan.

“Ngayon, tungkol sa paglalarawan ng toreng gumuho, ipinapaalala ko sa inyo na itatayo sa lugar nito ang isang bago at magandang gusali. Gayundin, ang mga lumabag ay makakabaling sa kanilang Manunubos, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay muling malilinis at mapapanibago.”1

President Hinckley sa pulpito

Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Kabanalan ang gawing batong panulok na mapagsasaligan ninyo sa buhay.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Ang banal na pamumuhay ay naghahatid ng mga kahanga-hanga at kamangha-manghang pagpapala.

Walang anumang bagay sa mundong ito na kasingringal ng kabanalan. Kumikinang ito na parang walang kupas na hiyas. Mamahalin ito at maganda. Wala itong kasinghalaga. Hindi ito maaaring bilhin o ipagbili. Ito ang bunga ng self-mastery o pagpipigil sa sarili.

… Nagbigay ang Panginoon ng napakagandang utos. Sabi niya, “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay” (D at T 121:45). Ito’y nagiging kautusang dapat sundin nang may sigasig at disiplina. At kaakibat nito ang pangako ng kahanga-hanga at kamangha-manghang pagpapala. Sinabi niya sa mga namumuhay nang may kabanalan:

“Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos. …

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan” (D at T 121:45–46).

May mas dadakila o gaganda pa bang pangako kaysa rito?2

May katanggap-tanggap bang dahilan para magpakabanal? Ito lang ang paraan para makalaya sa panghihinayang. Ang kapayapaan ng budhi na nagmumula roon ang tanging personal na kapayapaang hindi huwad.

At bukod pa rito ay ang walang-maliw na pangako ng Diyos sa mga taong namumuhay sa kabanalan. Ipinahayag ni Jesus ng Nazaret, nang magsalita Siya sa bundok, “Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios” (Mat. 5:8). Iyan ay isang tipan, na ginawa Niya na may kapangyarihang tumupad.3

Dapat ninyong maunawaan, kailangan ninyong maunawaan, na ang karanasan at banal na karunungan ay kapwa nangangailangan ng kabanalan at kalinisang-moral bilang daan tungo sa katatagan ng pagkatao, kapayapaan sa puso, at kaligayahan sa buhay.4

Kabanalan ang gawing batong panulok na mapagsasaligan ninyo sa buhay.5

2

Kapag nilabanan natin ang karumihan at imoralidad sa mundo, nagtatamasa tayo ng higit na kaligayahan, seguridad, at kapayapaan ng isipan.

Sa pagmamasid natin sa buong mundo, tila binabalewala na ang moralidad. Karaniwan na ang paglabag sa mga lumang pamantayan. Makikita sa sunud-sunod na pag-aaral ang pagtalikod sa subok nang mga prinsipyo. Nalimutan na ang disiplina sa sarili, at laganap na ang kawalan ng delikadesa.

Ngunit, mahal kong mga kaibigan, hindi natin maaaring tanggapin ang naging karaniwan na sa mundo. Bilang mga miyembro ng Simbahang ito, mas mataas at mas mahirap ang inyong pamantayan. Ipinahahayag nito sa tinig na mula sa Sinai na hindi kayo dapat makiapid. Kailangan ninyong pigilin ang inyong mga pagnanasa.6

Angkop sa atin ngayon ang mga salita ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tulad noon sa mga taong sinulatan niya. Sabi niya:

“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?

“Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo” (I Mga Taga Corinto 3:16–17).7

Muli ang payo ni Pablo kay Timoteo, “Ingatan mong malinis ang iyong sarili” (I Tim. 5:22).

Simple ang mga salitang iyon. Ngunit napakahalaga ng mga ito. Ang ibig sabihin ni Pablo ay lumayo sa mga bagay na sisira sa inyo at wawasak sa inyong espirituwalidad. Lumayo sa mga palabas sa telebisyon na humahantong sa maruruming ideya at pananalita. Lumayo sa mga video na hahantong sa masasamang ideya. Hindi kayo tutulungan ng mga ito. Sasaktan lang kayo ng mga ito. Lumayo sa mga aklat at magasin na malaswa at marumi ang sinasabi at ipinapakita. Panatilihing malinis ang inyong sarili.8

lalaki at babae

Ang kalinisang-puri ay “ang daan tungo sa kaligayahan sa buhay.”

Ang kasal ay inorden ng Diyos, kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ito ang institusyon na ipinlano Niya na nararapat na gawing daan para maisilang ang mga bata sa mundo. Ang mga relasyong seksuwal sa anumang iba pang sitwasyon ay nagiging paglabag at lubos na taliwas sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo.9

Naniniwala tayo sa kalinisang-puri bago magpakasal at sa lubos na katapatan pagkatapos ng kasal. Iyan ang buod ng ating moralidad. Iyan ang daan tungo sa kaligayahan sa buhay. Iyan ang daan tungo sa kasiyahan. Naghahatid ito ng kapayapaan sa puso at sa tahanan.10

Walang pamilyang mapapayapa, walang buhay na lalaya sa mahihirap na pagsubok maliban kung nakasalig ang pamilya at ang tahanang iyon sa pundasyon ng moralidad, katapatan, at paggalang. Hindi magkakaroon ng kapayapaan kapag walang pagtitiwala; hindi magkakaroon ng kalayaan kung walang katapatan. Ang mainit na sinag ng pagmamahal ay hindi kailanman magmumula sa isang sapa ng imoralidad.11

Naniniwala ako na dapat maging pagpapala sa bawat bata ang maisilang sa isang tahanan kung saan ang batang iyon ay malugod na tatanggapin, aalagaan, mamahalin, at bibiyayaan ng mga magulang, isang ama at isang ina, na namumuhay nang tapat sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. … Maging matatag laban sa mga tukso ng mundo. Ang mga lumikha ng ating libangan, ang mga nagbebenta ng karamihan sa ating panitikan, ay uudyukan kayong paniwalaan ang kabaligtaran nito. Buong linaw at katiyakang ipinapahayag ng natipong karunungan ng mga siglo na ang mas malaking kaligayahan, higit na seguridad, higit na kapayapaan ng isipan, mas malalim na pag-ibig ay nararanasan lamang ng mga taong namumuhay ayon sa subok nang mga pamantayan ng kabanalan bago magpakasal at lubos na katapatan pagkatapos ng kasal.12

Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng kahalayan at imoralidad at problema. Iwaksi ang mga ito, manindigan, talikuran ang mundo, at gawin ang mga bagay na nais ng Panginoon na gawin ninyo.13

3

Ang pornograpiya ay nakalululong at nakasisira, ngunit mapaglalabanan natin ito.

Medyo atubili akong magsalita tungkol sa temang natalakay ko na noon. Gagawin ko ito ayon sa diwa ng mga salita ni Alma, na nagsabing: “Ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi” (Alma 29:9).

… Tungkol sa lahat ng uri ng pornograpiya ang sasabihin ko. … Napakasama nito. Hindi ito naaayon sa diwa ng ebanghelyo, sa personal na patotoo sa mga bagay ng Diyos. …

… Lahat ng sangkot ay nagiging biktima. Ang mga bata ay pinagsasamantalahan, at lubhang nasisira ang kanilang buhay. Dumurumi ang utak ng mga kabataan sa mga maling konsepto. Ang patuloy na pagkalantad ay humahantong sa pagkalulong na halos imposibleng maalis. … Nalaman ng napakarami … na hindi nila ito maiwasan. Ang lakas nila at interes ay nauubos sa walang katuturang pagnanasa sa malaswa at nakakadiring materyal na ito.

Katwiran nila’y mahirap itong iwasan, na abot-kamay lang nila ito at wala silang kawala.

Ipalagay nating nagngangalit ang bagyo at sumisipol ang hangin at pumapaikot sa inyo ang yelo. Alam ninyong hindi ninyo ito mapipigil. Pero maaari kayong manamit nang maayos at makahahanap ng kanlungan, at hindi kayo maaapektuhan ng bagyo.

Gayundin, kahit puno ng mahahalay at nakadidiring materyal ang Internet, hindi ninyo ito dapat panoorin. Makapupunta kayo sa kanlungan ng ebanghelyo at sa turo nitong kalinisan at kabutihan at kadalisayan ng buhay.

Alam ko na simple at deretsahan akong magsalita. Ito’y dahil pinadali ng Internet ang pagpapakita ng pornograpiya, dinaragdagan ang nasa mga DVD at video, sa telebisyon at mga tindahan ng magasin. Humahantong ito sa imahinasyon na sumisira sa paggalang sa sarili. Humahantong ito sa imoral na pakikipagrelasyon, madalas ay sa sakit o karamdaman, at sa abusadong gawain ng mga kriminal.14

Nabubuhay kayo sa isang mundong puno ng mga tukso. Ang pornograpiya, pati na ang nakakadiring kahalayan nito, ay laganap sa buong mundo na parang isang nakakakilabot at napakalaking alon na tatabon sa inyo. Ito ay lason. Huwag itong panoorin o basahin. Wawasakin kayo nito kung ito ay gagawin ninyo. Aalisin nito ang paggalang ninyo sa sarili. Nanakawin nito ang kakayahan ninyong pahalagahan ang kagandahan ng buhay. Sisirain kayo nito at hihilahin pababa sa putikan ng masasamang ideya at malamang na sa masasamang gawain. Layuan ito. Iwasan ito tulad ng pag-iwas sa nakakahawang sakit, dahil nakamamatay rin ito. Maging malinis sa isip at sa gawa.15

Napakaraming kahalayan at pagnanasa at pornograpiya sa mundong ito. Kailangan natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw na madaig ito at manindigan laban dito. Hindi kayo maaaring magpakasasa rito. Talagang hindi kayo maaaring magpakasasa rito. Kailangan ninyo itong alisin sa puso ninyo. Nakalululong ito gaya ng tabako, at wawasakin nito ang mga taong nakikisangkot dito. “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay” [D at T 121:45].16

4

Gamit ang disiplina at pagsisikap, kaya nating pigilin ang ating mga iniisip at ikinikilos.

Panatilihing malinis ang inyong mga iniisip, at nang sa gayo’y mas mapigilan ninyo ang inyong katawan. Sinabi noong araw, “Kung ano ang iniisip [ng tao] ay gayon siya” (Kaw. 23:7). Ang mahahalay na ideya ay humahantong sa mahahalay na mga kilos.17

Kapag natutukso maaari nating isipin [ang ating Tagapagligtas] at ang Kanyang mga turo sa halip na mag-isip ng masasama. Sinabi Niya: “At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay.

“Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili na ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; sapagkat kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa inyo” (D at T 88:67–68).18

Iniutos ni Jesus na kontrolin natin ang ating mga iniisip gayundin ang ating mga ginagawa. Sabi Niya, “Ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso” (Mateo 5:28). …

Ang pagpipigil sa isipan ay kailangang mas malakas kaysa mga pisikal na pagnanasa o kahalayan ng laman. Kapag ang mga iniisip ay lubos na inayon sa inihayag na katotohanan, magiging angkop ang mga ikinikilos. … Bawat isa sa atin, sa disiplina at pagsisikap, ay may kakayahang kontrolin ang ating isipan at mga kilos. Ito ay bahagi ng proseso ng pagkakaroon ng espirituwal, pisikal, at emosyonal na kahustuhan ng isipan. …

Nakikiusap kami sa mga tao sa lahat ng dako na mamuhay alinsunod sa mga turo ng ating Lumikha at labanan ang mga makamundong pang-aakit na kadalasa’y nauuwi sa mga trahedyang kasunod ng paglabag ng moralidad.19

5

Yaong mga nasangkot na sa imoralidad ay maaaring mapatawad at kalimutan ang nakaraan.

Ayaw kong maging negatibo. Likas na maganda ang aking pananaw. Pero sa mga bagay na tulad nito [pornograpiya at imoralidad] makatotohanan ako. Kung ginagawa natin ang mga ito, panahon na ngayon para magbago. Pagpasiyahan na ito sa oras na ito. Magbagumbuhay na tayo.20

Kung matagpuan ninyo ang inyong sarili na napipilitan dahil sa sitwasyon, disiplinahin ang inyong sarili. Tumigil bago mahuli ang lahat. Magpapasalamat kayo nang walang katapusan na ginawa ninyo ito.

Maging tapat sa inyong sarili at gawin ang lahat ng makakaya ninyo.21

Hayaan … ninyong tiyakin ko sa inyo na kung nakagawa kayo ng pagkakamali, kung nasangkot kayo sa kahalayan, hindi pa huli ang lahat. Marahil ay nariyan pa rin ang alaala ng pagkakamali, ngunit mapapatawad iyon, at maaari ninyong iwanan ang nakaraan at mamuhay sa paraang katanggap-tanggap sa Panginoon dahil nagsisi kayo. Nangako Siyang patatawarin ang inyong mga kasalanan at hindi na aalalahanin pa ang mga ito (tingnan sa D at T 58:42).

… [Ang] mga pinuno ng Simbahan [ay maaari kayong tulungan] sa inyong [pakikibaka]. Maaari ninyong talikuran ang anumang kasamaang kinasangkutan ninyo. Makasusulong kayo nang may panibagong pag-asa at pagkamarapat tungo sa mas mabuting pamumuhay.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Hinckley na may “katanggap-tanggap na dahilan para magpakabanal” (bahagi 1). Paano kayo tutugon sa isang taong nagpipilit na walang katanggap-tanggap na dahilan para magpakabanal?

  • Bakit ang kalinisang-puri “ang daan tungo sa kaligayahan sa buhay”? Bakit naghahatid ng “kapayapaan sa puso at sa tahanan” ang kalinisang-puri? (Tingnan sa mga bahagi 1 at 2.)

  • Sabi ni Pangulong Hinckley, “Kailangan natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw na madaig [ang pornograpiya] at manindigan laban dito” (bahagi 3). Ano ang magagawa natin para madaig ito? Paano natin matutulungan ang iba na madaig ito? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng manindigan laban dito?

  • Nang mabasa ninyo ang payo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 4, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagpipigil sa inyong mga iniisip? Ano ang ilang praktikal na bagay na magagawa natin para mapanatiling malinis ang ating isipan?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

Mga Awit 24:3–4; Mateo 5:27–28; Mga Taga Filipos 4:6–8; Jacob 3:2; D at T 46:31–33; 59:6; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13

Tulong sa Pag-aaral

Habang nagbabasa, “guhitan at markahan ang mga salita o parirala para matukoy mo ang mga ideya sa isang [talata]. … Sa mga margin isulat ang mga sangguniang banal na kasulatan na naglilinaw sa mga talata na iyong pinag-aaralan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 25).

Mga Tala

  1. “True to the Faith” (Brigham Young University devotional, Set. 18, 2007), 2–3, speeches.byu.edu.

  2. “Paano Ako Magiging Katulad ng Babaing Pinapangarap ko?” Liahona, Hulyo 2001, 114.

  3. “Words of the Prophet: Blessed Are the Pure in Heart,” New Era, Hulyo 1999, 4.

  4. “Reverence and Morality,” Ensign, Mayo 1987, 48.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1964, 118.

  6. “Manatili sa Mataas na Landas,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 114.

  7. “Sa Tatlong Ito’y Naniniwala Ako,” Liahona, Hulyo 2006, 3–4.

  8. “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 49.

  9. “True to the Faith,” Ensign, Hunyo 1996, 5.

  10. “This Thing Was Not Done in a Corner,” Ensign, Nob. 1996, 49.

  11. “In Search of Peace and Freedom,” Ensign, Ago. 1989, 5.

  12. “Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 99.

  13. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Peb. 2007, 7.

  14. “Isang Kalunus-lunos na Kasamaan sa Ating Paligid,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 59–61.

  15. “Some Thoughts on Temples, Retention of Converts, and Missionary Service,” Ensign, Nob. 1997, 51.

  16. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 6–7.

  17. “Be Ye Clean,” Ensign, Mayo 1996, 48.

  18. “Isang Kalunus-lunos na Kasamaan sa Ating Paligid,” 62.

  19. “Reverence and Morality,” 47.

  20. “Isang Kalunus-lunos na Kasamaan sa Ating Paligid,” 62.

  21. “Stand True and Faithful,” Ensign, Mayo 1996, 92.

  22. “Paano Ako Magiging Katulad ng Babaing Pinapangarap ko?” 114.