Kabanata 21
Ang Himala ng Gawaing Misyonero sa mga Huling Araw
“Inaanyayahan ko kayong maging malaking hukbo na masigasig sa gawaing ito at magkaroon ng malaking hangaring tulungan ang mga missionary sa napakalaking responsibilidad nila.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Noong binatilyo si Gordon B. Hinckley, isa siyang tapat na mayhawak ng priesthood, ngunit hindi niya inasahang matawag na maglingkod sa full-time mission. “Panahon iyon ng pinakamalalang pagbagsak ng ekonomiya sa kasaysayan ng mundo,” paliwanag niya kalaunan. “Mga 35 porsiyento ng mga mamamayan sa [Salt Lake City] ang walang trabaho, at karamihan sa mga walang trabaho ay mga asawang lalaki at ama, dahil iilan lang ang kababaihang nagtatrabaho noon. Kakaunti ang mga missionary na nagmimisyon noong panahong iyon. … Natanggap ko ang aking bachelor’s degree at ipinlano kong mag-aral kahit paano sa graduate school. Pagkatapos ay dumating ang bishop na may tila nakabibiglang mungkahi para sa akin. Iminungkahi niya na magmisyon ako.”1
Tinanggap ni Gordon ang “nakabibiglang mungkahi” ng kanyang bishop, at noong 1933 ay tinawag siyang maglingkod sa England—isa sa 525 missionary lamang na tinawag sa taon na iyon.2 Dumanas siya ng maraming pagsubok sa kanyang misyon, ngunit ang kanyang paglilingkod ang nagpatibay sa kanyang pananampalataya:
“Ang gawain sa misyon ay hindi madali. Ito ay mahirap at nakapanghihina ng loob. Ngunit napakagandang karanasan nito. Nang maalaala ko ito, natanto ko na marahil ay isa akong makasariling binatilyo noong dumating ako sa Britain. Naging malaking pagpapala sa akin ang isantabi ang makasarili kong mga hangarin para sa mas dakilang mga hangarin ng gawain ng Panginoon. …
“Lubos akong nagpapasalamat para sa karanasang iyon sa misyon. Naantig ko ang buhay ng ilan na sa paglipas ng mga taon ay nagpasalamat. Naging mahalaga iyon. Ngunit hindi ko ipinag-alala kailanman kung ilan ang nabinyagan ko o ng iba pang mga missionary. Ang kasiyahang nadama ko ay nagmula sa katiyakan na nagawa ko ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon at na ako ay naging kasangkapan sa Kanyang mga kamay para isakatuparan ang Kanyang mga layunin. Sa karanasang iyan, natimo sa pagkatao ko ang malalim na pananalig at kaalaman na ito talaga ang totoo at buhay na gawain ng Diyos, na ipinanumbalik sa pamamagitan ng isang propeta para sa pagpapala ng lahat ng tatanggap nito at mamumuhay ayon sa mga alituntunin nito.”3
Ang misyon ni Pangulong Hinckley ang naging simula ng kanyang habambuhay na katapatan sa gawain ng Panginoon. Sa kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, naglakbay siya nang mahigit isang milyong milya (1.6 milyong kilometro) sa mahigit 70 bansa upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.4
Madalas manawagan si Pangulong Hinckley sa mga miyembro ng Simbahan na makiisa sa kanya sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Mahigit 400,000 full-time missionary ang tumugon sa panawagang iyon noong siya ang Pangulo. Sa tulong ng kanilang paglilingkod at ng mga member missionary, mahigit 3,500,000 convert ang nabinyagan noong panahong iyon.5
Laging maganda ang pananaw sa buhay, ibinahagi ni Pangulong Hinckley ang malawak na pananaw kung paano patuloy na uunlad ang gawain ng Panginoon:
“Kung susulong tayo, nang hindi kailanman nalilimutan ang ating mithiin, hindi nagsasalita ng masama tungkol sa sinuman, sinusunod ang mabubuting alituntunin na alam nating totoo, ang mithiing ito ay patuloy na susulong nang may pagkamaharlika at kapangyarihan upang punuin ang mundo. Ang mga pintuang nakapinid ngayon sa pangangaral ng ebanghelyo ay mabubuksan.”6
“Malaki ang ating pag-asa at matatag ang ating pananampalataya sa hinaharap. Alam nating babahagya pa lang ang nakita natin sa mga mangyayari sa darating na mga taon. … Mabigat ang ating pasanin sa patuloy na pagsulong. Ngunit maluwalhati ang bigay sa ating pagkakataon.”7
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Iparating natin sa mga tao ang ebanghelyo sa pamamagitan ng gawaing misyonero, tinuturuan ang lahat ng makikinig.
Inutusan tayo ng Diyos na dalhin ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Responsibilidad nating magturo at magbinyag sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. Sinabi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” [Marcos 16:15]. Abala tayo sa isang dakila at matinding krusada para sa katotohanan at kabutihan.8
Bago itinatag ang Simbahan, mayroon nang gawaing misyonero. Nagpatuloy ito simula noon, sa kabila ng maraming panahon ng paghihirap na pinagdaanan ng ating mga tao. Ipasiya nating lahat, sa ating kalooban, nang buong katatagan na bumangon sa isang bagong oportunidad, isang bagong pagkaunawa sa responsibilidad, isang bagong pagpapasan ng obligasyon na tulungan ang ating Ama sa Langit sa Kanyang maluwalhating gawaing isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak sa buong mundo.9
Sikapin natin na iparating bilang mga Banal sa Huling Araw ang ating mensahe sa mga hindi natin kapanalig. Kailanma’y huwag tayong kumilos nang may pagmamayabang o isiping higit tayong banal kaysa sa ibang tao. Sa halip, nawa’y magpakita tayo ng pagmamahal at paggalang at pagtulong sa kanila. Marami ang hindi nakauunawa sa atin, at nangangamba ako na ito’y dahil sa kagagawan natin. Maaari tayong maging higit na mapagparaya, higit na mabuting kapitbahay, higit na palakaibigan, higit na maging isang halimbawa kaysa noon. Turuan natin ang ating mga anak na tratuhin ang iba nang may [kabaitan], paggalang, pagmamahal, at [pagpapahalaga]. Higit na magbubunga iyan ng maganda kaysa sa asal na pagiging makasarili at mapagmataas. …
Iparating natin ang ating mensahe sa lahat ng tao sa pamamagitan ng [ating] gawaing misyonero, [na] tinuturuan ang lahat ng makikinig hinggil sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo, [nagsasalita] nang walang takot ngunit wala ring [pagmamagaling], hinggil sa Unang Pangitain, nagpapatotoo hinggil sa Aklat ni Mormon, at sa pagpapanumbalik ng [priesthood]. Lumuhod tayo at manalangin, mga kapatid ko, para sa pagkakataon na maakay ang iba sa kagalakang dulot ng ebanghelyo.10
Ito’y isang kahanga-hanga at kamangha-manghang bagay, na libu-libo ang naaantig ng himala ng Banal na Espiritu, na sila’y naniniwala at tumanggap at naging miyembro. Nabinyagan sila. Naimpluwensiyahan magpasawalang-hanggan ang kanilang buhay sa kabutihan. Nagaganap ang mga himala. Dumarating sa kanilang mga puso ang binhi ng pananampalataya. Lumalaki ito habang sila’y natututo. At tumatanggap sila ng alituntunin tungo sa isa pang alituntunin, hanggang sa matanggap nila ang bawat isa sa mga kamangha-manghang pagpapala na dumarating sa mga lumalakad sa pananampalataya sa simbahang ito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.11
2
Tulungan natin ang mga full-time missionary na ilapit ang iba sa kaalaman ng katotohanan.
Nakilala ko ang isang babae sa South America na kasasapi pa lang sa Simbahan. Dahil naantig ng matinding pagmamahal sa kanyang natagpuan, masigasig niya itong ibinahagi sa iba. Sa loob lamang ng pitong buwan mula nang mabinyagan siya, nakapagbigay siya ng tatlong daang pangalan ng mga kakilala niya sa mga missionary upang maipaliwanag nila ang ebanghelyo sa mga ito. Sa isang pagkakataon, animnapu ang naging miyembro ng Simbahan. Malamang na may mga iba pang nabinyagan. Sa São Paulo, Brazil, nakilala ko ang binatang missionary na unang nagturo sa kanya ng ebanghelyo. Siya man ay naging convert, nagmisyon upang katawanin ang Simbahan kahit kinailangan niyang gumastos nang malaki. Ang babaeng binabanggit ko ay isa sa apatnapu’t tatlo na natulungan niyang madala sa Simbahan noon. Napalawak ng binatang taga-Brazil na ito mismo ang kanyang sarili nang mahigit isandaang beses—apatnapu’t tatlo ang naturuan at nabinyagan niya at animnapu sa pamamagitan ng isa sa mga nabinyagan niya, at marami pa mula sa iba pa niyang mga convert.12
Ang tingin ng marami sa atin sa gawaing misyonero ay simpleng pagbabahay-bahay lang. Alam ng lahat ng pamilyar sa gawaing ito na may mas mainam na paraan. Ang paraang iyon ay sa pamamagitan ng mga miyembro ng Simbahan. Tuwing may ipinapakilalang investigator ang isang miyembro, may agarang sumusuporta sa investigator na iyon. Nagpapatotoo ang miyembro sa katotohanan ng gawain. Sabik siyang lumigaya ang buhay ng kaibigan niyang investigator. Natutuwa siya kapag umuunlad ang kaibigan niya sa pag-aaral ng ebanghelyo.
Maaaring aktuwal na magturo ang mga full-time missionary, ngunit ang miyembro, hangga’t maaari, ang susuporta sa pagtuturong iyan sa pagpapagamit ng bahay niya upang doon ituloy ang pagtuturong ito ng mga missionary. Taos niyang patototohanan ang kabanalan ng gawain. Dadalo siya para sagutin ang mga tanong kapag wala ang mga missionary. Magiging kaibigan siya ng convert na nagdaraan sa malaki at kadalasa’y mahirap na pagbabago.
Hindi dapat ikahiya ang ebanghelyo. Ito ay isang bagay na dapat ipagmalaki. “Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon,” pagsulat ni Pablo kay Timoteo (II Kay Timoteo 1:8). Naglipana ang mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. …
Hindi lamang mga missionary ang may responsibilidad na magdala ng mga bagong tao sa Simbahan. Higit silang nagtatagumpay kapag mga miyembro ang nagdadala ng mga bagong investigator. …
Hayaang magkaroon ng kamalayan sa puso ng bawat miyembro tungkol sa sarili niyang potensyal na ipaalam sa iba ang katotohanan. Hayaan siyang pagsumikapan ito. Hayaan siyang ipagdasal ito nang buong kasigasigan. …
… Mga kapatid, maaari nating hayaan ang mga missionary na sikaping gawin itong mag-isa, o maaari natin silang tulungan. Kung gagawin nila itong mag-isa, kakatok sila sa mga pintuan araw-araw at hindi sila gaanong magtatagumpay. O bilang mga miyembro matutulungan natin silang maghanap at magturo sa mga investigator. …
Hayaang magkaroon ng kamalayan sa bawat stake tungkol sa pagkakataong maghanap ng mga taong makikinig sa mensahe ng ebanghelyo. Sa paggawa nito ay hindi natin kailangang manakit ng damdamin. Hindi natin kailangang magyabang. Ang pinakaepektibong kasangkapang magagamit natin ay ang kabutihan ng sarili nating buhay at halimbawa. At kapag nakibahagi tayo sa paglilingkod na ito, bubuti ang ating buhay, sapagkat magiging maingat tayong huwag gumawa o magsalita ng anumang bagay na maaaring humadlang sa pagsulong ng mga tao na sinisikap nating akayin sa katotohanan. …
Kailangang mag-ibayo ang kasigasigan sa bawat lebel sa Simbahan. Hayaang mapag-usapan paminsan-minsan ang paksang ito [tungkol sa gawaing misyonero] sa sacrament meeting. Hayaang matalakay ito ng priesthood at Relief Society sa kanilang mga lingguhang miting. Hayaang pag-usapan ng Young Men at Young Women ang tungkol dito at magplano sila ng mga paraan para makatulong sa napakahalagang gawaing ito. Hayaang mag-isip ng mga paraan maging ang mga batang Primary para makatulong. Maraming magulang ang naging miyembro ng Simbahan dahil sa isang batang inanyayahan sa Primary. …
Mga kapatid, lahat kayo na nasa mga ward at stake at sa mga district at branch, inaanyayahan ko kayong maging malaking hukbo na masigasig sa gawaing ito at magkaroon ng malaking hangaring tulungan ang mga missionary sa napakalaking responsibilidad nila na dalhin ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. “Masdan ang bukid ay puti na upang anihin (D at T 4:4). Paulit-ulit na itong ipinahayag ng Panginoon. Hindi ba tayo magtitiwala sa Kanyang salita?13
Para sa mga [missionary] … nakikiisa ako sa pagsamo ng mga Banal na gawin ninyo ang lahat ng kaya ninyo upang mabigyan sila ng pangalan [ng mga tao] na tuturuan. Matutuwa kayo kapag nagawa ninyo ito. Lahat ng makita ninyong sumasapi sa Simbahan dahil sa inyong pagsisikap ay magpapaligaya sa inyong buhay. Pangako ko iyan sa inyong lahat.14
3
Ang gawain ng full-time missionary ay naghahatid ng walang-hanggang kaligayahan sa mga naglilingkod.
Dapat nating taasan ang pamantayan sa pagiging marapat at mga katangiang kailangan ng mga maglilingkod sa buong mundo bilang mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo.15
Kailangan ngayon ng mundo ang kapangyarihan ng dalisay na patotoo. Kailangan nito ang ebanghelyo ni Jesucristo, at kung nais nating mapakinggan ng mundo ang ebanghelyong iyon, kailangang magkaroon ng mga sugo na magtuturo nito.
Hinihiling namin sa mga magulang na simulan nang turuan nang maaga ang kanilang mga anak [para sa paglilingkod sa misyon]. Kapag may panalangin ng pamilya, kapag may mga family home evening, kapag ang pamilya ay nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at ang ama at ina ay aktibo sa Simbahan at masigasig na nagkukuwento tungkol sa Simbahan at ebanghelyo, ang mga bata sa gayong mga tahanan ay likas na makadarama ng hangaring ituro ang ebanghelyo sa iba. Karaniwang naroon sa gayong tahanan ang tradisyon ng gawaing misyonero. Nag-iimpok sila ng pera habang maliliit pa ang mga anak. Ang mga anak na lalaki ay lumalaki na umaasam na tatawagin sila na maglingkod bilang mga missionary para sa Simbahan. Ang pagmimisyon tulad sa pag-aaral ay nagiging isang malaking bahagi ng plano sa buhay ng isang batang lalaki.16
Totoo na ang gawaing misyonero ay isang responsibilidad ng priesthood. Dahil dito, kailangang pasanin ng ating mga kabataang lalaki ang malaking responsibilidad na ito. Ito ay kanilang responsibilidad at kanilang obligasyon.17
Mga kabataang [lalaki], umaasa ako na lahat kayo ay nagpaplano at naghahandang magmisyon. Hindi ko maipapangako sa inyo na magiging masaya ito. Hindi ko maipapangako sa inyo na madali at maginhawa ito. Hindi ko maipapangako sa inyo na hindi kayo panghihinaan ng loob, matatakot, at malulungkot nang husto kung minsan. Ngunit maipapangako ko sa inyo na uunlad kayo sa paraang hindi pa kailanman nangyari sa ganitong panahon sa buong buhay ninyo. Maipapangako ko sa inyo ang isang kaligayahang kakaiba at kahanga-hanga at walang-kupas. Maipapangako ko sa inyo na muli ninyong susuriin ang inyong buhay, na magtatakda kayo ng mga bagong prayoridad, na mas mapapalapit kayo sa Panginoon, na ang pagdarasal ay magiging tunay at kasiya-siyang karanasan, na mabubuhay kayo nang may pananampalataya sa mga bunga ng inyong mabubuting gawa.18
Kailangan natin ng ilang dalaga [na magmimisyon]. Kamangha-mangha ang nagagawa nila. Napapasok nila ang mga tahanang hindi mapasok ng mga elder. …
[Gayunman], hindi … dapat madama [ng mga dalaga] na may tungkulin silang katumbas ng sa mga binata. Subalit nanaising magmisyon ng ilan. Kung magkagayon, dapat silang sumangguni sa kanilang bishop gayundin sa kanilang mga magulang. … Sa kababaihan sinasabi ko na igagalang kayo nang husto, pahahalagahan ang inyong mga nagawa, ang inyong mga pagsisikap ay magiging katanggap-tanggap sa Panginoon at sa Simbahan magmisyon man kayo o hindi.19
Kasabay ng pangangailangan sa mga binata at dalagang missionary, lumalaki ang pangangailangan sa mga mag-asawa sa misyon. Kahanga-hanga ang nagagawa sa misyon ng mas matatandang mag-asawa. Marami pang kailangan. Kailangan namin lalo na yaong mga nakapagsasalita ng wikang dayuhan. Makapaglilingkod sila sa maraming responsibilidad sa ilalim ng pamamahala ng mabait at maunawaing mga mission president.
Sa lumalaking bilang ng mga taong nagreretiro na malulusog at malalakas pa rin, maraming makapupuno sa malaking pangangailangang ito sa gawain ng Panginoon.20
[May] mga retiradong kalalakihan at kababaihan tayo na naglilingkod nang makabuluhan bilang missionary para sa Simbahang ito sa iba’t ibang dako ng mundo. Dumarami ang bilang nila. Humahayo sila saanman sila tawagin. Naglilingkod sila saanman sila kailanganin. Nabubuo ang mga pagkakaibigan; naibabahagi ang mga kasanayan; nabubuksan ang mga pagkakataon sa mga taong hindi kailanman malilimutan ang kalalakihan at kababaihang dumating sa kanila upang magturo at gumawa ng mabuti nang walang kasakiman. Hindi sila binabayaran. Nagmisyon sila sa sarili nilang gastos. Walang hanggan ang kanilang katapatan. Ang mga bunga ng kanilang mga pagsisikap ay hindi masusukat.21
4
Kapag itinuro natin ang ebanghelyo sa iba, ang Espiritu ng Panginoon ay tutulong para maunawaan natin ang ating mga pagkakaiba-iba.
Dahil pareho ang ating mga magulang [bilang mga anak ng Diyos], tumutugon tayo sa iisang katotohanan. Ang katotohanan na maaaring maiba nang kaunti ang kulay ng balat ng isang tao, na maiba nang kaunti ang lalim ng kanyang mga mata, na maiba ang klase ng damit na suot niya sa anumang paraan ay hindi nangangahulugan na ibang klaseng tao siya. Ang kalalakihan at kababaihan sa buong mundo ay halos iisa ang reaksyon sa iisang bagay. Naghahanap sila ng init kapag giniginaw sila; pareho ang mga sakit na nararamdaman nila; nakadarama sila ng kalungkutan, at ng kagalakan. …
Kapag ang mga pagkakaiba—sa ating kapwa man o sa ibang mga kultura—ay tila mga hadlang sa hangarin nating ibahagi ang ebanghelyo, karaniwan ay nawawala ang mga hadlang na ito sa tahimik na paggalang. Kapag sinunod natin ang utos ng Panginoon na ipaalam sa iba ang ebanghelyo, pinatototohanan ko na tumutulong ang Espiritu ng Panginoon na madaig ang mga pagkakaiba sa pagitan ng taong nagtuturo at ng taong tinuturuan. Nilinaw ng Panginoon ang dapat gawin nang sabihin niyang, “Dahil dito, siya na nangangaral [sa pamamagitan ng Espiritu] at siya na nakatatanggap [sa pamamagitan ng Espiritu], ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya.” (D at T 50:22.)
Nasisiyahan ako na ang pinaka-epektibong kasangkapan natin sa ating tungkuling ibahagi ang ebanghelyo ay ang Espiritu ng Panginoon. Nakita nating lahat ito sa iba. Nang gawin natin ang gawain ng Panginoon, nadama rin natin ito sa ating sarili. Sa gayong mga pagkakataon, ang mga pisikal na pagkakaiba sa pagitan natin at ng mga tinuturuan natin ay tila nalalaglag na parang mga kaliskis mula sa ating mga mata. (Tingnan sa 2 Nephi 30:6.) Nagkakaroon ng magiliw na pagsasamahan at pagkakaunawaan na kagila-gilalas pagmasdan. Talagang nauunawaan natin ang isa’t isa, at talagang magkakasama tayong napapasigla at nagsasaya.22
5
Kapag sumulong tayo nang may pananampalataya, pagpapalain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap na ipaalam sa iba ang ebanghelyo.
Tunay ngang kabahagi tayo ng isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain. … Napangyari ng Diyos ng langit ang himalang ito sa mga huling araw, at ang nakita natin ay simula pa lamang ng mga dakilang bagay na darating. Ang gawain ay isasakatuparan ng mga mapagkumbabang kalalakihan at kababaihan, bata at matanda.23
Ang gawain ay magtatagumpay dahil ang Panginoon ang nangako:
“At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.” (D at T 84:88.)
Sa utos na ibinigay sa atin ng Diyos, sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos, sumulong tayo nang may pananampalataya. Kapag ginawa natin ito, pagpapalain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap. Gawin natin ang ating tungkulin sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga nasa paligid natin, sa pamamagitan muna ng halimbawa at pagkatapos ay sa pamamagitan ng inspiradong tuntunin.
Ang batong tinibag sa bundok hindi ng mga kamay ay patuloy na lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo. (Tingnan sa Dan. 2.) Pinatototohanan ko ang katotohanang ito at ang katotohanan na bawat isa sa atin ay maaaring tumulong sa mga paraang angkop sa ating sitwasyon kung hihingin natin ang patnubay at inspirasyon ng ating Ama sa Langit. Gawain ng Diyos ang ating ginagawa, at sa kanyang pagpapala hindi tayo mabibigo.24
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Bakit kung minsan ay natatakot tayong ibahagi ang ebanghelyo? Ano ang ilang paraan na madaraig natin ang takot na iyan at matutulungan natin ang iba? (Tingnan sa bahagi 1.) Ano ang ilang himala ng gawaing misyonero na nasaksihan na ninyo?
-
Bakit “higit [na] nagtatagumpay [ang mga missionary] kapag mga miyembro ang nagdadala ng mga bagong investigator”? (Tingnan sa bahagi 2.) Ano ang ilang iba pang paraan na maaaring makatulong ang mga miyembro sa mga full-time missionary?
-
Bakit malaki ang impluwensya ng mga full-time mission sa buhay ng mga nagmimisyon? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghandang maglingkod sa mga full-time mission? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano matutulungan ng mga pamilya ang mas matatandang mag-asawa na maghandang maglingkod?
-
Rebyuhin ang bahagi 4. Ano ang ilan sa mga karaniwang katangian ng lahat ng tao? Paano natin madaraig ang ating mga pagkakaiba-iba na tila humahadlang sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Paano ninyo nakita na tinulungan ng Espiritu ng Panginoon ang mga tao na madaig ang kanilang mga pagkakaiba-iba?
-
Binigyang-diin ni Pangulong Hinckley na pagpapalain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo kapag “sumulong tayo nang may pananampalataya” (bahagi 5). Paano ninyo mapag-iibayo ang inyong hangarin at pananampalataya na ibahagi ang ebanghelyo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Isaias 52:7; Mateo 28:19–20; Alma 26:1–5; D at T 1:20–23; 4; 18:15–16; 38:40–41
Tulong sa Pagtuturo
“Huwag matakot sa katahimikan. Madalas na nangangailangan ang mga tao ng panahon na mag-isip at tumugon sa mga tanong o ipahayag ang kanilang nadarama. Maaari kayong tumigil sandali matapos kayong magtanong, matapos maibahagi ang isang espirituwal na karanasan, o kapag nahihirapang ipahayag ng isang tao ang kanyang sarili” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, [2000], 83).