Kabanata 10
Pangangalaga sa Walang-Hanggang Pagsasamahan ng Mag-asawa
“Ang pinakamasarap sa buhay, ang pinakamagiliw at nakasisiyang tibok ng puso ng tao, ay naipapakita sa pagsasama ng mag-asawa na nananatiling dalisay at walang bahid-dungis sa kabila ng kasamaan ng mundo.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Isang gabi nang sina Pangulo at Sister Hinckley ay tahimik na magkatabing nakaupo, sinabi ni Sister Hinckley, “Hinahayaan mo akong lumaya sa tuwina, at minahal kita dahil dito.”1 Sa pagsasalita tungkol sa sinabi ng kanyang asawa, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Sinikap kong kilalanin ang [kanyang] kakayahan, kanyang personalidad, kanyang mga hangarin, kanyang pinagmulan, kanyang mga ambisyon. Hayaan siyang lumipad. Oo, hayaan siyang lumipad! Hayaang pagyamanin niya ang kanyang mga talento. Hayaang gawin niya ang mga bagay sa kanyang paraan. Huwag mo siyang hadlangan, at mamamangha ka sa ginagawa niya.”2 Si Sister Hinckley ay sumusuporta rin naman sa kanyang asawa—bilang ama, sa kanyang mga personal na interes, at sa kanyang malawak na paglilingkod sa Simbahan.
Sa kanilang paglaki, sina Gordon B. Hinckley at Marjorie Pay ay matagal na nakatira sa iisang ward, at maraming taon na ang tirahan nila ay magkatapat lang sa isa’t isa. “Una ko siyang nakita sa Primary,” paggunita ni Pangulong Hinckley kalaunan. “May binasa siya. Hindi ko alam kung ano ang ginawa nito sa akin, pero hindi ko na ito nalimutan kailanman. At lumaki siya na isang magandang dalaga, at hindi ako nagkamali na pinakasalan ko siya.”3
Una silang nagdeyt—sa isang sayawan sa Simbahan—noong siya ay 19 anyos at si Marjorie ay 18 anyos. “Magiging matagumpay ang binatang ito,” sabi ni Marjorie sa kanyang ina pagkaraan niyon.4 Nagpatuloy ang kanilang ugnayan habang nag-aaral si Gordon sa University of Utah. At noong 1933, isang taon makaraan siyang magtapos, tinawag siyang magmisyon sa England. Pagbalik niya noong 1935, ipinagpatuloy nila ang kanilang pagliligawan, at noong 1937 nagpakasal sila sa Salt Lake Temple. Sa paggunita sa unang bahagi ng kanilang pagsasama, sinabi ni Sister Hinckley:
“Kaunti lang ang pera namin, ngunit puno kami ng pag-asa at magandang pananaw. Ang mga unang araw na iyon ay hindi puro ligaya, ngunit puno ito ng determinasyon at malaking hangarin na bumuo ng maligayang tahanan. Mahal namin ang isa’t isa, walang duda tungkol diyan. Ngunit kailangan din kaming masanay sa isa’t isa. Palagay ko ang bawat mag-asawa ay kailangang masanay sa isa’t isa.
“Maaga pa lang ay natanto ko na mas makabubuti kung mas sisikapin naming masanay sa isa’t isa kaysa palaging sinisikap na baguhin ang isa’t isa—na natuklasan kong imposibleng mangyari. … Kailangang may kaunting pagbibigayan, at maraming kaluwagan, para makabuo ng maligayang tahanan.”5
Si Pangulong Hinckley ay tinawag bilang General Authority noong 1958, at sa mga unang taon ng kanyang paglilingkod, si Sister Hinckley ay karaniwang nasa bahay lang para alagaan ang kanilang limang anak habang naglalakbay si Pangulong Hinckley para gampanan ang mga tungkulin sa Simbahan. Nang malaki na ang kanilang mga anak, ang mga Hinckley ay madalas na naglalakbay nang sama-sama—isang bagay na napakahalaga sa kanila. Noong Abril 1977, ang ika-40 anibersaryo ng kanilang kasal ay naganap habang nasa mahabang paglalakbay sila para makipagpulong sa mga Banal sa Australia. Nang araw na iyon, isinulat ni Pangulong Hinckley sa kanyang journal:
“Nasa Perth, Australia kami ngayon, at ang aming presensya dito ay simbolo ng naidulot sa amin ng mga taon ng pagsasama bilang mag-asawa. Maghapon naming kasama sa pulong ang mga missionary ng Australia Perth Mission. Napakaganda ng maghapon kung saan narinig namin ang mga patotoo at tagubilin. Binigyan ng mga missionary si Marjorie ng corsage, na hindi ko nagawang bilhin para ibigay ko sa kanya.
“Makapagsusulat kami ng makapal na aklat tungkol sa nakalipas na 40 taon. … Nagkaroon din kami ng mga problema at nahirapan. Ngunit sa kabuuan, maganda ang aming buhay. Kami ay nabiyayaan nang husto. Sa edad na ito, nagsisimulang madama ng tao ang kahulugan ng kawalang-hanggan at ang kahalagahan ng pagsasamang walang-hanggan. Kung nasa bahay namin kami ngayong gabi, malamang na nagkaroon ng salu-salo ang aming pamilya. Ngunit heto, malayo kami sa tahanan at naglilingkod sa Panginoon, at napakatamis na karanasan ito.”6
Makalipas ang dalawampu’t dalawang taon, habang naglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, sumulat si Pangulong Hinckley kay Sister Hinckley at ipinahayag ang kanyang damdamin makaraan ang mahigit 60 taon ng pagsasama bilang mag-asawa. “Napakalaki ng pagpapahalaga ko sa iyo bilang aking kasama,” sabi niya. “Ngayon ay magkasama tayo sa pagtanda, at napakatamis ng ating karanasan. … Kapag dumating ang araw na pumanaw ang isa sa atin tiyak na papatak ang mga luha, oo, ngunit magkakaroon din ng tahimik na katiyakan na muli tayong magkakasama nang walang hanggan.”7
Sa unang bahagi ng 2004 ang mga Hinckley ay pauwi na mula sa paglalaan ng Accra Ghana Temple nang himatayin si Sister Hinckley dahil sa pagod. Hindi na niya nabawi ang kanyang lakas at pumanaw noong Abril 6, 2004. Makalipas ang anim na buwan sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre, sinabi ni Pangulong Hinckley:
“Habang hawak ko ang kamay niya at nakikita ang dahan-dahang pagpanaw niya, inaamin kong parang hindi ko ito kaya. Bago ko siya pinakasalan, siya na ang babaeng pangarap ko. … Siya ang mahal kong kabiyak sa loob ng mahigit dalawang-katlo ng isang siglo, ang aking katuwang sa harapan ng Panginoon, ang totoo, nakahihigit siya sa akin. At ngayon sa aking katandaan, muli siyang naging ang babaeng pangarap ko.”8
Sa kanyang pagdadalamhati, pinalakas si Pangulong Hinckley ng kaalaman na siya at si Marjorie ay nabuklod sa kawalang-hanggan. “Ang mawalan ng pinakamamahal na kabiyak na matagal mong nakasama sa mabuti at masamang karanasan ay talagang napakasakit,” sabi niya. “Napakatindi ng kalungkutan na lalo pang tumitindi. Talagang napakasakit nito sa kalooban. Ngunit sa katahimikan ng gabi ay naririnig ang marahang bulong na nagsasabing, ‘Maayos ang lahat. Maayos ang lahat.’ At ang tinig na nagmumula sa kung saan ay nagdudulot ng kapayapaan, at kasiguraduhan, at matibay na katiyakan na ang kamatayan ay hindi ang wakas, na patuloy ang buhay, na may gagawin at matatamo ang mga tagumpay. Ang tahimik na tinig, na hindi pa narinig ng mortal na tainga, ay naghahatid ng katiyakan na, kung mayroong paghihiwalay, gayundin na mayroong napakasayang muling pagsasama.”9
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ipinlano ng Ama sa Langit ang kasal mula sa simula.
Tunay na napakaganda ng kasal sa ilalim ng plano ng ating Ama sa Langit, isang planong inilaan ng Kanyang banal na karunungan para sa kaligayahan at seguridad ng Kanyang mga anak at pagpapatuloy ng lahi.
Siya ang ating Lumikha, at idinisenyo Niya ang pag-aasawa mula sa simula. Sa panahon ng paglikha kay Eva, “[sinabi ni Adan], Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: … Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman.” (Gen. 2:23–24.)
Isinulat ni Pablo sa mga Banal sa Corinto, “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.” (I Cor. 11:11.)
Sa makabagong paghahayag, sinabi ng Panginoon, “At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang nagbabawal ng pagkakasal ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao.” (D at T 49:15.) …
Tiyak na walang sinumang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, kapwa noong unang panahon at ngayon, na mag-aalinlangan sa banal na konsepto ng kasal. Ang pinakamasarap sa buhay, ang pinakamagiliw at nakasisiyang tibok ng puso ng tao, ay naipapakita sa pagsasama ng mag-asawa na nananatiling dalisay at walang bahid-dungis sa kabila ng kasamaan ng mundo.
Ang gayong kasal, naniniwala ako, ay ang hangarin—ang inaasahan, ang inaasam, ang ipinagdarasal na hangarin—ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako.10
2
Sa templo, ang mag-asawa ay maaaring ibuklod para sa buong kawalang-hanggan.
[Ang] mga templo ay … nagbibigay ng mga pagpapalang hindi makukuha sa ibang lugar. Lahat ng ginagawa sa mga sagradong bahay [na ito] ay may kinalaman sa walang-hanggang katangian ng tao. Dito, ibinubuklod ang mga mag-asawa at mga anak bilang pamilya hanggang sa kawalang-hanggan. Ang kasal ay hindi “hanggang paghiwalayin ng kamatayan.” Ito ay walang hanggan, kung ang mag-asawa ay mamumuhay nang karapat-dapat sa mga pagpapala.11
Mayroon bang lalaki na tunay na nagmahal sa isang babae, o mayroon bang babae na tunay na nagmahal sa isang lalaki, na hindi nagdasal na ang kanilang pagsasama ay magpatuloy nawa sa kabilang-buhay? Mayroon na bang [anak na] inilibing ng mga magulang na hindi umasam sa katiyakan na ang mahal nila sa buhay ay muling mapapasakanila sa mundong darating? Magagawa ba ng sinumang naniniwala sa buhay na walang hanggan na mag-alinlangan na ipagkakaloob ng Diyos ng kalangitan sa Kanyang mga anak na lalaki at babae ang pinamahalagang sangkap ng buhay, ang pag-ibig na naipahihiwatig nang lubusan sa mga ugnayan ng pamilya? Hindi, hinihingi ng katuwiran na dapat magpatuloy ang mga ugnayan ng pamilya pagkatapos ng kamatayan. Inaasam ito ng puso ng tao, at inihayag ng Diyos ng kalangitan ang isang paraan upang makamtan ito. Inilalaan ito ng mga sagradong ordenansa ng bahay ng Panginoon.12
Napakatamis ng katiyakan, nakapapanatag ang kapayapaang nagmumula sa kaalaman na kung magpapakasal tayo sa tamang paraan at mamumuhay nang matwid, magpapatuloy ang ating ugnayan, sa kabila ng katiyakan ng kamatayan at ng paglipas ng panahon. Ang mga tao ay maaaring kumatha ng mga awit ng pag-ibig at kantahin ang mga ito. Maaari silang manabik at umasa at mangarap. Ngunit lahat ng ito ay magiging romantikong pag-asam lamang maliban kung gagamitan ng awtoridad na makadaraig sa mga kapangyarihan ng panahon at kamatayan.13
3
Ang mga mag-asawa ay magkatuwang o nagtutulungan sa walang-hanggang paglalakbay.
Sa Kanyang maringal na plano, nang unang likhain ng Diyos ang tao, ay ginawa Niyang dalawa ang kasarian. Ang nagpapadakilang pahayag ng dalawang kasarian ay matatagpuan sa pagsasama ng mag-asawa. Nagiging ganap ang isang tao dahil sa isa pa.14
Sa pagsasama ng mag-asawa ay walang mas mababa o kaya ay nakahihigit sa kanila. Ang babae ay hindi naglalakad sa unahan ng lalaki; ni lumalakad ang lalaki sa unahan ng babae. Sila ay magkasabay sa paglakad bilang anak na lalaki at anak na babae ng Diyos sa isang walang-hanggang paglalakbay.15
Ang kasal, sa tunay na kahulugan nito, ay pakikipagtuwang ng magkapantay, nang hindi ginagamit ang kapangyarihan sa isa, kundi, sa halip, ay hinihikayat at tinutulungan ang isa’t isa sa anumang responsibilidad at mithiin nila.16
Mga babae, ituring ang inyong asawa bilang inyong mahalagang kasama at mamuhay nang marapat sa samahang iyan. Mga lalaki, ituring ang inyong mga asawa bilang inyong pinakamahalagang pag-aari sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan, bawat isa ay anak ng Diyos, isang katuwang na makakasama ninyo sa paglakad, umaraw man o bumagyo, sa kabila ng lahat ng panganib at tagumpay sa buhay.17
Naiisip ko ang dalawang [kaibigan] ko noon … sa hayskul at unibersidad. Ang lalaki ay probinsiyano, simple ang hitsura, walang salapi o malinaw na magandang kinabukasan. Lumaki siya sa isang bukirin, at kung mayroon man siyang katangian na kaakit-akit ito ay ang kakayahang magtrabaho. … Pero sa kabila ng kanyang simpleng kaanyuan, ang kanyang ngiti at pagkatao ay tila nagpapahiwatig ng kabutihan. Ang babae naman ay lumaki sa lungsod at may komportableng tahanan. …
May espesyal na nangyari sa kanila. Umibig sila sa isa’t isa. … Nagtawanan [sila] at naging napakasaya at magkasamang nag-aral sa paglipas ng mga taon. Ikinasal sila samantalang iniisip ng mga tao kung paano sila kikita nang sapat upang matustusan ang mga kailangan nila sa buhay. Nagsikap ang lalaki sa pag-aaral at halos nanguna sa kanyang klase. Ang babae naman ay nagtipid at nag-impok at nagtrabaho at nanalangin. Hinikayat niya ang lalaki at tinulungan ito at nang talagang nahihirapan na sila ay pabulong niyang sinabi, “Makakaraos din tayo kahit paano.” Dahil pinalakas ng pananampalataya ng babae, ang lalaki ay nagpatuloy sa kabila ng mga taong iyon ng kahirapan. Nagkaroon sila ng mga anak, at magkasama nilang minahal at inalagaan ang mga ito at binigyan sila ng seguridad na nagmula sa kanilang halimbawa ng pagmamahal at katapatan sa isa’t isa. Ngayon ay apatnapu’t limang taon at mahigit pa ang nakalipas. Malalaki na ang kanilang mga anak at nagdulot ng dangal sa kanila, sa Simbahan, at sa mga komunidad kung saan sila nakatira.
Kamakailan, habang sakay ng eroplano mula New York, naglakad ako sa pasilyo sa medyo madilim na bahagi ng cabin at nakita ko ang isang babaeng, puti ang buhok, nakasandig ang kanyang ulo sa balikat ng kanyang asawa habang natutulog siya at magiliw na nakayakap sa kanya ang lalaki. Gising siya at nakilala niya ako. Nagising ang babae nang magsimula kaming mag-usap. Sila rin ay pauwi na mula sa New York, kung saan ang lalaki ay nag-ulat ng isang sanaysay sa harap ng isa sa bantog na kalipunan ng mga dalubhasa ng bansa. Kaunti lang ang binanggit ng lalaki tungkol dito, ngunit may pagmamalaking binanggit ng babae ang mga karangalang natanggap ng lalaki. …
Inisip ko iyon habang pabalik ako sa aking upuan sa eroplano. At sinabi ko sa sarili ko, ang nakita lamang ng kanilang mga kaibigan noon ay isang batang tagabukid at isang babaeng palangiti na may pekas sa ilong. Ngunit nakita ng dalawang ito sa isa’t isa ang pag-ibig, katapatan, kapayapaan, pananampalataya, at hinaharap. Sasabihin ng ilang tao na talagang tugma sila sa isa’t isa; siguro nga totoo ito, pero higit pa ito rito. Sa halip ay namukadkad ang isang bagay na banal, na itinanim doon ng Ama na ating Diyos. Noong nag-aaral pa sila ay namuhay sila nang karapat-dapat sa pag-unlad na iyon. Namuhay sila sa kabutihan at pananampalataya, nang may pasasalamat at paggalang sa sarili at sa isa’t isa. Sa mga taon ng kanilang paghihirap sa propesyon at kabuhayan, natagpuan nila ang kanilang pinakamatibay na lakas sa kanilang pagsasama. Ngayong may-edad na sila ay mayroon silang kapayapaan, tahimik na kasiyahan na magkasama sila. At maging sa hinaharap ay binigyan sila ng katiyakan sa masayang pagsasama sa kawalang-hanggan dahil sa mga tipan na matagal nang ginawa at mga pangakong matagal nang ibinigay sa bahay ng Panginoon.18
4
Hindi ipagkakait ng Diyos ang anumang pagpapala sa karapat-dapat na mga taong hindi nakapag-asawa.
Sa anumang paraan ay hinahatulan natin ang isang napakahalagang grupo sa Simbahan. Mababasa itong “Singles.” Sana ay huwag nating gawin iyan. Kayo ay mga indibiduwal, kalalakihan at kababaihan, mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, hindi grupo na “magkakamukha” o “magkakapareho ng ginagawa.” Dahil hindi kayo nakapag-asawa ay hindi nangangahulugan na kaiba na kayo sa iba. Lahat tayo ay magkakahawig at magkakatulad sa pagtugon ng damdamin, sa kakayahan nating mag-isip, mangatwiran, maging miserable, maging masaya, magmahal at mahalin.
Kayo ay kasinghalaga ng iba pa sa plano ng ating Ama sa Langit, at sa Kanyang awa ay hindi ipagkakait sa inyo ang pagpapalang nararapat ninyong matanggap.19
Hayaan ninyong magsalita ako ngayon sa mga taong hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong makasal. Tinitiyak ko sa inyo na sensitibo kami sa kalungkutan na nadarama ng marami sa inyo. Ang kalungkutan ay isang bagay na mapait at masakit sa kalooban. Palagay ko nadama na ito ng lahat ng tao kahit paano. Taos-puso kaming tumutulong sa inyo nang may pag-unawa at pagmamahal. …
… Maaaring kamangha-mangha ang panahong ito ng inyong buhay. Nasa hustong kaisipan na kayo. Kaya na ninyong humatol. Karamihan sa inyo ay nagsanay at may karanasan. Nasa inyo ang pisikal, mental, at espirituwal na lakas upang pasiglahin at tulungan at hikayatin ang iba.
Napakaraming mga tao ang nangangailangan sa inyo. … Panatilihin ang inyong espirituwal na lakas sa mataas na antas at tulungan ang iba na maunawaan ang dapat nilang gawin.20
Sa inyo na hindi nakapag-asawa, … binigyan kayo ng Diyos ng mga talento. Binigyan Niya kayo ng kakayahang tugunan ang mga pangangailangan ng iba at pagpalain ang kanilang buhay sa inyong kabaitan at pagmamalasakit. Tulungan ang isang taong nangangailangan. …
Magdagdag ng kaalaman sa kaalaman. Linangin ang inyong isipan at kasanayan sa isang piling larangan ng disiplina. May malalaking oportunidad para sa inyo kung kayo ay handang samantalahin ang mga ito. … Huwag sana ninyong isipin na dahil hindi kayo nakapag-asawa ay pinabayaan na kayo ng Diyos. Kailangan kayo ng mundo. Kailangan kayo ng Simbahan. Lubhang napakaraming tao at adhikain ang nangangailangan ng inyong lakas at karunungan at talento.
Maging madasalin, at huwag mawalan ng pag-asa. … Mamuhay nang pinakamainam ayon sa abot-kaya ninyo, at ang Panginoon sa kanyang dakilang karunungan at sa kanyang walang hanggang panahon ay sasagutin ang inyong mga panalangin.21
Sa inyo na mga nakipagdiborsyo, dapat niyong malaman na hindi namin kayo itinuturing na mga bigo dahil sa hindi nagtagumpay ang kasal. … Hindi namin obligasyon ang manumpa, kundi magpatawad at kalimutan, magpasigla at tumulong. Sa inyong mga oras ng kapanglawan bumaling sa Panginoon, na nagsabing: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin. “Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mat. 11:28, 30.)
Hindi kayo itatatwa ni tatalikuran ng Panginoon. Ang mga sagot sa inyong mga panalangin ay maaaring hindi kagila-gilalas; maaaring hindi ito madaling maunawaan o pahalagahan. Ngunit darating ang panahon na malalaman ninyo na kayo ay pinagpala.22
5
Ang kaligayahan sa pag-aasawa ay nagmumula sa pagpapakita ng magiliw na malasakit sa kapakanan ng iyong kabiyak.
Pangalagaan at pag-ibayuhin ang pagsasama ninyong mag-asawa. Bantayan ito at sikaping panatilihin itong matibay at maganda. … Ang kasal ay isang kontrata, ito ay isang kasunduan, ito ay pagsasama ng isang lalaki at isang babae sa ilalim ng plano ng makapangyarihang Diyos. Maaaring maselan ito. Kailangan nito ng pangangalaga at napakaraming pagsisikap.23
Matapos makita ang daan-daang kaso ng diborsiyo sa paglipas ng mga taon, naniniwala ako na malaki ang magagawa ng isang alituntunin kaysa sa iba para malutas ang napakalaking problemang ito.
Kung bawat asawang lalaki at [asawang] babae ay palaging gagawin ang maaaring magawa upang tiyakin ang kaginhawahan at kaligayahan ng kanyang kabiyak kakaunti lang, kung mayroon man, ang diborsyo. Walang maririnig na pagtatalo. Walang sasambit ng mga pagbibintang. Hindi mangyayari ang mga biglang pagkagalit. Bagkus, pag-ibig at pagmamalasakit ang hahalili sa pang-aabuso at kalupitan. …
Ang gamot sa karamihan sa problema ng mag-asawa ay hindi diborsyo. Ito’y pagsisisi at kapatawaran, mga pagpapahayag ng kabaitan at pagmamalasakit. Matatagpuan ito sa pamumuhay ng Ginintuang Aral.
Napakagandang tanawin ang isang binata at isang dalaga na magkahawak-kamay sa altar sa isang tipan sa harapan ng Diyos na igagalang at mamahalin ang isa’t isa. Pagkatapos ay nakalulunos tingnan kapag ilang buwan o taon pa lang ang lumipas ay may masasakit, malulupit at matatalim na salita na, pagtatalo, mapapait na bintang.
Hindi kailangang magkaganito, mahal kong mga kapatid. Madadaig natin ang mga malulupit at mahihinang elemento sa ating buhay (tingnan sa Mga Taga Galacia 4:9). Mahahanap at makikita natin ang likas na kabanalan sa isa’t isa na dumarating sa atin bilang mga anak ng ating Ama sa Langit. Maaari tayong magsama sa huwarang bigay ng Diyos sa pag-aasawa sa pagtupad ng kaya nating gawin kung didisiplinahin natin ang ating sarili at iiwasang disiplinahin ang ating kabiyak.24
Bawat kasal ay maaaring dumanas paminsan-minsan ng maunos na panahon. Ngunit sa pagtitiyaga, paggalang sa isa’t isa, at diwa ng pagpaparaya, malalampasan natin ang mga pagsubok. Kung may nagawang mga pagkakamali, maaaring humingi ng paumanhin, magsisi at mapatawad. Ngunit kailangang handa itong gawin ng dalawang panig. …
Nalaman ko na ang tunay na kahulugan ng kaligayahan sa pag-aasawa ay nakasalalay … sa malaking malasakit sa kapanatagan at kapakanan ng kabiyak. Ang pag-iisip sa sarili lamang at pagbibigay-kasiyahan sa personal na mga hangarin ay hindi makabubuo ng pagtitiwala, pagmamahal, ni kaligayahan. Tanging sa hindi pagkamakasarili uusbong at magiging sagana ang pagmamahal, at mga kaugnay na katangian nito.25
Marami sa atin ang kailangang tumigil sa paghahanap ng mga kamalian at simulang hanapin ang mabubuting katangian. … Sa kasamaang-palad, nais ng ilang kababaihan na baguhin ang kanilang asawa at gawin silang maging tulad ng nais nila. Itinuturing ng ilang asawang lalaki na karapatan nilang pilitin ang kanilang asawa na umakma sa kanilang mga pamantayan na inaakala nilang ideyal o huwaran. Hindi ito umuubra. Humahantong lamang ito sa pagtatalo, hindi pagkakaunawaan, at kalungkutan.
Kailangang may paggalang sa kapakanan ng isa’t isa. Kailangang may mga pagkakataon at panghihikayat para sa pag-unlad at pagpapahayag ng kani-kanyang talento.26
Maging lubusang totoo at tapat sa pinili ninyong kompanyon. Kapag pinag-usapan ang buhay na ito at kawalang-hanggan, siya ang pinakadakilang pag-aari ninyo. Siya ay magiging karapat-dapat sa pinakamainam na katangian ninyo.27
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Itinuro ni Pangulong Hinckley na nilayon ng Ama sa Langit ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at babae “para sa kaligayahan at seguridad ng Kanyang mga anak” (bahagi 1). Paano maiimpluwensyahan ng kaalamang ito ang kaugnayan ng mag-asawa? Paano mapananatili ng mag-asawa ang kanilang pagsasama na “dalisay at walang bahid-dungis sa kabila ng kasamaan ng mundo”?
-
Ano ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan? (Tingnan sa bahagi 2.) Anong mga karanasan ang nagbigay sa inyo ng higit na pagpapahalaga sa walang hanggang mga ugnayan? Paano natin maituturo sa mga anak ang kahalagahan ng kasal na walang hanggan?
-
Bakit kailangan ang pag-aasawa na maging “pakikipagtuwang ng mga magkapantay”? (Tingnan sa bahagi 3.) Ano ang natutuhan ninyo mula sa kuwento sa bahagi 3? Paano magkakaroon ng ganitong uri ng lakas sa kanilang pagsasama ang mag-asawa?
-
Paano makakatulong ang mga pangako at payo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 4 sa mga taong walang asawa? Paano naaangkop sa lahat ng tao ang mga turo sa bahaging ito? Bakit mahalagang gamitin ang ating mga talento at kasanayan sa paglilingkod sa iba?
-
Ano ang ilang paraan na “mapangangalagaan at mapag-iibayo” ng mag-asawa ang kanilang pagsasama? (Tingnan sa bahagi 5.) Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kung paano mapaglalabanan ng mag-asawa ang mga hamon at makahanap ng mas malaking kaligayahan? Anong mga halimbawa ang nakita na ninyo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
I Mga Corinto 11:11; Mateo 19:3–6; D at T 42:22; 132:18–19; Moises 2:27–28; 3:18, 21–24
Tulong sa Pag-aaral
“Kapag naglaan kayo ng oras araw-araw, nang personal at kasama ang inyong pamilya, sa pag-aaral ng salita ng Diyos, mananaig ang kapayapaan sa inyong buhay. Ang kapayapaang iyan ay hindi magmumula sa labas. Magmumula iyan sa inyong tahanan, sa loob ng inyong pamilya, sa sarili ninyong puso” (Richard G. Scott, “Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 93).