Kabanata 25
Sumulong nang May Pananampalataya
“Kung may isang bagay tayong kailangan, … [iyon ay] ang uri ng pananampalatayang naghihikayat sa atin na lumuhod at magsumamo sa Panginoon na patnubayan tayo, at pagkatapos, taglay ang tiwala sa Diyos, titindig tayo at kikilos upang tumulong na maisakatuparan ang hangad nating mga resulta.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
“Nang umalis ako para magmisyon [noong binata pa ako],” paggunita ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “binigyan ako ng butihin kong ama ng isang kard na may nakasulat na anim na salita. Iyon ay ang mga salita ng Panginoon sa pinuno ng sinagoga na nakatanggap ng balita tungkol sa pagkamatay ng kanyang anak na babae: ‘Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.’ (Marcos 5:36.)”1 Nang maglingkod ang binatang si Elder Hinckley sa England, naharap siya sa maraming hamon kung saan kinailangan niyang alalahanin ang anim na salitang iyon. Kalaunan ay ikinuwento niya ang isang gayong karanasan:
“Isang araw tatlo o apat sa mga pahayagan ng London ang naghatid ng mga rebyu tungkol sa isang lumang aklat na muling inilimbag, na nangungutya at di-kasiya-siya, na nagsasabing ang aklat ay isang kasaysaysan ng mga Mormon. Sinabi sa akin ni Pangulong Merrill [ang mission president ko], ‘Gusto kong pumunta ka sa naglathala nito at tutulan mo ito.’ Tiningnan ko siya at sasabihin ko sanang, ‘Hindi po ako puwede.’ Ngunit mapagkumbaba kong sinabing, ‘Opo, sir.’
“Hindi ako nag-aatubiling sabihin na natatakot ako. Pumasok ako sa aking silid at nadama ko ang sa palagay ko’y nadama ni Moises nang utusan siya ng Panginoon na pumunta at kausapin si Faraon. Nanalangin ako. Sinisikmura ako sa kaba habang naglalakad ako sa Goodge Street station para sumakay sa underground train papunta sa Fleet Street. Nakita ko ang opisina ng presidente at ipinakita ko ang aking kard sa receptionist. Kinuha niya ito at pumasok siya sa opisina sa bandang loob at di-nagtagal ay nagbalik para sabihin na hindi ako puwedeng harapin ng presidente dahil marami itong ginagawa. Sinabi ko na limang libong milya [8,000 kilometro] ang nilakbay ko at na maghihintay ako. Sa sumunod na oras dalawa o tatlong beses siyang naglabas-masok sa opisina ng presidente; sa huli ay pinapasok niya ako. Hindi ko kailanman malilimutan ang larawang tumambad sa akin pagpasok ko ng opisina. Nananabako siya at nakatingin sa akin na tila nagsasabing, ‘Huwag mo akong istorbohin.’
“Hawak ko ang mga rebyu. Hindi ko maalala ang sinabi ko pagkatapos niyon. Isang kapangyarihan ang tila nagsalita sa pamamagitan ko. Noong una nangatwiran siya at galit pa. Pagkatapos ay bumait na siya. Nangako siya sa huli na gagawa siya ng paraan. Sa loob ng isang oras nakarating ang isang mensahe sa lahat ng nagbebenta ng aklat sa England na ibalik ang mga aklat sa naglathala nito. Gumastos siya ng malaki sa pagpapalimbag at pagsulat sa harapan ng bawat aklat ng isang pahayag na nagsasabing ang aklat ay hindi dapat ituring na kasaysayan, kundi isang kathang-isip lamang, at na wala siyang layon na kalabanin ang respetadong mga Mormon. Pagkaraan ng ilang taon may isang malaking pabor pa siyang ginawa para sa Simbahan, at taun-taon hanggang sa kanyang pagpanaw ay nakatanggap ako ng Christmas card mula sa kanya.”2
Sa pagtanggap sa tungkuling bumisita sa opisina ng naglathala, isinagawa ni Elder Hinckley ang isang bagay na magiging bahagi ng kanyang buhay: may pananampalatayang tanggapin ang hamon; magsumamo ng tulong sa Panginoon; pagkatapos ay kumilos.
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay maaaring pagmulan ng makabuluhang pamumuhay.
Kung may isang bagay tayong kailangan, na tutulong sa atin na magtagumpay at maging maligaya sa mundong ito, iyon ay ang pananampalataya—ang nakasisigla, makapangyarihan, kahanga-hangang alituntunin na pinagbatayan, tulad ng ipinahayag ni Pablo, ng mga daigdig mismo (tingnan sa Sa mga Hebreo 11:3). Hindi ko tinutukoy ang karaniwang konsepto kundi ang isang praktikal, mahalaga, at aktibong pananampalataya—ang uri ng pananampalatayang naghihikayat sa atin na lumuhod at magsumamo sa Panginoon na patnubayan tayo, at pagkatapos, taglay ang tiwala sa Diyos, titindig tayo at kikilos upang tumulong na maisakatuparan ang hangad nating mga resulta. Ang gayong pananampalataya ay isang katangiang hindi mapapantayan. Ang gayong pananampalataya, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ang ating tanging tunay at walang-hanggang pag-asa.
… Ang pananampalataya ay maaaring pagmulan ng makabuluhang pamumuhay. Wala nang mas nakahihikayat na impluwensya sa paggawa ng makabuluhang gawain kaysa sa kaalaman na tayo ay mga anak ng Diyos, na inaasahan ng Diyos na may gagawin tayong mahalaga sa ating buhay, at na tutulungan Niya tayo kapag humingi tayo ng tulong. …
… Kapag tinatalakay ko ang pananampalataya, hindi ko ito tinatalakay sa kumplikadong paraan. Sinasabi ko na ito ay isang buhay at mahalagang puwersang nagmumula sa pagkilala sa Diyos bilang ating Ama at kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. …
… Ang pananampalataya sa isang Banal na Nilalang, sa Makapangyarihang Diyos, ang malaking kapangyarihang maaaring magpabago sa ating buhay.3
Noo’y nagtrabaho ako sa isa sa mga kumpanya ng tren na dumadaan sa mga bundok. Madalas akong sumakay ng tren. Panahon iyon ng mga makinang de-uling. Ang malalaking tren na iyon ay mabibilis at mapanganib. Madalas akong magtaka kung paano nakakaya ng mga inhinyero na maglakbay sa gabi. Tapos ay natanto kong di ito isang mahabang paglalakbay, kundi patigil-tigil na maiikling paglalakbay. Malakas ang ilaw sa harapan ng tren at naaabot nito ang [400 o 500 yarda]. Ang layong iyon lang ang natatanaw ng inhinyero, at sapat na iyon dahil buong magdamag itong maliwanag hanggang sa magbukang-liwayway. …
Ganyan din ang ating walang-hanggang paglalakbay. Paisa-isa ang ating hakbang. Sa gayo’y nararating natin ang di-mawaring lugar, ngunit pananampalataya ang ating gabay. Kung pagyayamanin natin ang pananampalatayang iyon, di tayo kailanman lalakad sa dilim. …
Ang hamong kinakaharap ng bawat miyembro ng Simbahang ito ay ang humakbang muli, tanggapin ang responsibilidad na bigay sa kanya, kahit dama niyang di siya nararapat dito, at gawin ito nang may pananampalataya na umaasa nang lubos na iilawan ng Panginoon ang kanyang landas.4
2
Pananampalataya ang batayan ng patotoo at lakas ng gawain ng Panginoon sa lupa.
Ang tanging tunay na yaman ng Simbahan ay ang pananampalataya ng mga tao nito.5
Ito’y isang kahanga-hanga at kamangha-manghang bagay, na libu-libo ang naaantig ng himala ng Banal na Espiritu, na sila’y naniwala at tumanggap at naging mga miyembro [ng Simbahan]. Nabinyagan sila. Naimpluwensiyahan magpasawalang-hanggan ang kanilang buhay sa kabutihan. Nagaganap ang mga himala. Dumarating sa kanilang mga puso ang binhi ng pananampalataya. Lumalaki ito habang sila’y natututo. At tumatanggap sila ng alituntunin tungo sa isa pang alituntunin, hanggang sa matanggap nila ang bawat isa sa mga kamangha-manghang pagpapala na dumarating sa mga lumalakad sa pananampalataya sa simbahang ito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
… Ang mahalaga at kamangha-manghang kaloob na pananampalatayang ito, ang kaloob na ito na mula sa Diyos ang ating Amang Walang Hanggan, ay ang siya pa ring lakas ng gawaing ito at ang tahimik na kapangyarihan ng mensahe nito. Ang pananampalataya ang pundasyon ng lahat ng ito. Ang pananampalataya ang pinagmumulan ng lahat ng ito. Maging ito man ay pagpunta sa misyon, pagsunod sa Word of Wisdom, pagbabayad ng ikapu, pawang magkakatulad ang mga ito. Makikita sa lahat ng ginagawa natin ang ating pananampalataya.
… Hindi matatagpuan ang lakas ng gawain at kahariang ito sa temporal na pag-aari nito, gaano man ito kahanga-hanga. Matatagpuan ang mga ito sa puso ng mga tao nito. Dahil dito, ito’y matagumpay. Dahil dito, ito’y malakas at umuunlad. Dahil dito, nagagawa nitong maisakatuparan ang mga kamangha-manghang bagay na ginagawa nito. Lahat ng ito’y nagmumula sa kaloob na pananampalataya, na ipinagkaloob ng Makapangyarihan sa Kanyang mga anak na hindi nag-aalinlangan at hindi natatakot, ngunit patuloy na sumusulong. …
Ang pananampalataya ang saligan ng patotoo. Ang pananampalataya ang pundasyon ng katapatan sa Simbahan. Ang pananampalataya ay sumasagisag sa pagsasakripisyo, na malugod na ipinagkakalob sa pagpapasulong ng gawain ng Panginoon.6
Ang ebanghelyo ay mabuting balita. Ito ay isang mensahe ng tagumpay. Dapat itong lubos na tanggapin nang may sigla. …
Huwag tayong matakot. Si Jesus ang ating pinuno, ating lakas, at ating hari.
Maraming tao sa panahong ito na negatibo ang pananaw. Ang ating misyon ay isang misyon ng pananampalataya. Sa aking mga kapatid sa lahat ng dako, hinihiling ko sa inyo na muling pagtibayin ang inyong pananampalataya, upang isulong ang gawaing ito sa buong mundo. …
“Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid; at humayo, humayo sa pananagumpay!” (D at T 128:22). Gayon ang isinulat ni Propetang Joseph sa isang awit ng pananampalataya.
Napakaluwalhati ng kasaysayan ng dakilang layuning ito. Puno ito ng kabayanihan, lakas ng loob, katapangan, at pananampalataya. Kayganda ng kasalukuyan habang sumusulong tayo upang pagpalain ang buhay ng mga tao saanman sila makikinig sa mensahe ng mga lingkod ng Panginoon. Kayringal ng hinaharap habang ipinagpapatuloy ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang maluwalhating gawain, na iniimpluwensyahan sa kabutihan ang lahat ng tatanggap at susunod sa Kanyang ebanghelyo, at umaabot pa sa walang-hanggang pagpapala ng Kanyang mga anak na lalaki at babae sa lahat ng henerasyon sa pamamagitan ng di-makasariling gawain ng mga tao na ang puso ay puno ng pagmamahal sa Manunubos ng mundo. …
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo, saanman kayo naroon bilang mga miyembro ng simbahang ito, na tumindig at sumulong nang may awit sa inyong puso, na ipinamumuhay ang ebanghelyo, minamahal ang Panginoon, at itinatayo ang kaharian. Sama-sama tayong magpapatuloy sa gawain at mananatiling nananampalataya, at ang Makapangyarihang Diyos ang ating lakas.7
3
Sa pagsampalataya, maaari nating daigin ang takot at anumang balakid o hamon sa ating buhay.
Sino sa atin ang makapagsasabi na hindi pa siya nakadama ng takot? Wala akong kilala na hindi nakaranas nito. Siyempre pa, dumaranas ng mas matinding takot ang ilan kaysa sa iba. Ang ilan ay agad itong nadaraig, ngunit ang iba naman ay nabibitag at nahihila nito pababa at tuluyang nagpapatalo sa takot. Dumaranas tayo ng takot sa pangungutya, takot sa kabiguan, takot sa pag-iisa, takot sa kamangmangan. Ang ilan ay takot sa kasalukuyan, ang ilan ay sa hinaharap. Ang ilan ay nabibigatan sa kasalanan at ibibigay ang halos lahat para mapalaya ang kanilang sarili mula sa mga pasaning ito ngunit takot namang baguhin ang kanilang buhay. Dapat nating maunawaan na ang takot ay hindi nagmumula sa Diyos, kundi ang nakapipinsalang bagay na ito ay nagmumula sa kaaway ng katotohanan at kabutihan. Ang takot ay kabaligtaran ng pananampalataya. Mapangwasak ang epekto nito, at nakamamatay pa.8
Isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan, at ng pagibig, at ng kahusayan.
“Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon” (II Kay Timoteo 1:7–8).
Sana’y ilagay ng lahat ng miyembro ng simbahang ito ang mga salitang ito sa lugar na makikita nila ito tuwing umaga sa pagsisimula ng araw niya. Bibigyan tayo nito ng lakas ng loob na magsalita, bibigyan tayo nito ng pananamplatayang magsikap, magpapalakas ito sa ating pananalig sa Panginoong Jesucristo. Naniniwala ako na marami pang himalang mangyayari sa mundo.9
Nakausap ko isang araw ang isang kaibigan na tumakas mula sa kanyang bayang sinilangan. Nang bumagsak ang kanilang pamahalaan, inaresto siya at ikinulong. Nakatakas ang kanyang asawa’t mga anak, ngunit mahigit tatlong taon siyang nabilanggo nang hindi nakakaugnayan ang kanyang mga mahal sa buhay. Hindi masarap ang pagkain, mahirap ang buhay, at walang posibilidad na umunlad.
“Ano ang nakatulong sa iyong tiisin ang mahirap na panahong iyon?” tanong ko.
Sumagot siya: “Ang aking pananampalataya; ang aking pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ibinigay ko ang aking mga pasanin sa kanya, at pagkatapos ay tila mas gumaan ang mga ito.”10
Naging maayos ang lahat. Huwag mag-alala. Sinasabi ko iyan sa sarili ko tuwing umaga. Magiging maayos ang lahat. Kung gagawin ninyo ang lahat ng kaya ninyo, magiging maayos ang lahat. Magtiwala sa Diyos, at sumulong nang may pananampalataya at tiwala sa hinaharap. Hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Hindi Niya tayo pababayaan.11
May makapagsasabi bang sinuman sa atin na kung mas malakas ang ating pananampalataya sa Diyos ay mas mabuti ang magagawa natin kaysa sa ginagawa natin ngayon? Walang balakid na napakalaki, walang hamong napakahirap, kung may pananampalataya tayo. Sa pagsampalataya magtatagumpay tayo sa mga negatibong bagay sa ating buhay na patuloy na humihila sa atin pababa. Sa pagsisikap magkakaroon tayo ng kakayahang supilin ang mga silakbong iyon ng damdamin na humahantong sa nakahihiya at masasamang gawain. Sa pagsampalataya mapipigilan natin ang mga layaw ng ating katawan. Matutulungan natin yaong mga pinanghihinaan ng loob at nagpapatalo, at mapapasigla sila ng lakas at kapangyarihan ng ating sariling pananampalataya.12
4
Kapag sumampalataya tayo, tutulungan tayo ng Panginoon na mas mapalakas ito.
Kapag ginamit ninyo ang inyong oras at mga talento sa paglilingkod, lalakas ang inyong pananampalataya at mababawasan ang inyong pagdududa.13
Maraming ipagagawa sa inyo ang Simbahan. Hihilingin nitong maglingkod kayo sa iba’t ibang tungkulin. Hindi tayo binabayaran sa ating paglilingkod. Kayo ang nagiging tagapaglingkod ng Simbahang ito, at tuwing tatawagin kayong maglingkod ay hinihimok ko kayong tanggapin ito, at kapag ginawa ninyo ito ay titibay at lalakas ang inyong pananampalataya. Ang pananampalataya ay parang kalamnan ng braso ko. Kung gagamitin ko ito, kung aalagaan ko ito, lalakas ito; marami itong magagawa. Ngunit kung isasakbat ko ito at hindi ko ito gagamitin, manghihina at mawawalan ito ng silbi, at gayon din ang mangyayari sa inyo. Kung tatanggapin ninyo ang lahat ng pagkakataon, kung tatanggapin ninyo ang lahat ng tungkulin, tutulungan kayo ng Panginoon na magampanan ito. Hindi kayo hihilingan ng Simbahan na gawin ang anuman na hindi ninyo magagawa sa tulong ng Panginoon.14
Ito ang aking dalangin para sa ating lahat—“Panginoon, dagdagan mo ang pananampalataya namin” [tingnan sa Lucas 17:5]. Palakasin po Ninyo ang aming pananampalataya upang madaig namin ang kawalang-katiyakan at pagdududa. …
… Panginoon, palakasin po Ninyo ang aming pananampalataya upang matiis namin ang mga taong sumasalungat sa Inyong dakila at banal na gawaing ito. Palakasin Ninyo ang aming loob. Tulungan Ninyo kaming itayo at palawakin ang Inyong kaharian ayon sa Inyong dakilang utos, upang ang ebanghelyong ito ay maipangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng bansa. …
… Pagkalooban Ninyo kami ng pananampalatayang umasa sa mga himala sa hinaharap sa kabila ng mga problema sa kasalukuyan. Bigyan Ninyo kami ng pananampalatayang magbayad ng aming mga ikapu at handog at magtiwala sa Inyo, ang Makapangyarihang Diyos, na Inyong bubuksan ang mga dungawan ng langit tulad ng Inyong pangako. Bigyan Ninyo kami ng pananampalatayang tama’y gawin at bunga’y aming makita.
Pagkalooban Ninyo kami ng pananampalataya kapag nahihirapan kami sa mga pagsubok. Sa panahon ng karamdaman nawa’y lumakas ang aming pagtitiwala sa kapangyarihan ng priesthood. Nawa’y sundin namin ang payo ni Santiago:
“May sakit baga ang sinoman sa inyo? ipatawag niya ang mga [elder] sa iglesia; at ipanalangin nila siya, na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon:
“At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon” (Santiago 5:14–15; idinagdag ang italics). …
Panginoon, kapag kami ay naglalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, bigyan Ninyo kami ng pananampalataya na ngumiti sa kabila ng aming kalungkutan, batid na ito ay bahagi lamang ng walang-hanggang plano ng isang mapagmahal na Ama, na kapag kami ay sumakabilang-buhay na ay paroroon kami sa isang lugar na mas maluwalhati, at na sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Anak ng Diyos lahat ay magbabangon mula sa libingan at ang matatapat ay magpapatuloy sa kadakilaan.
Bigyan Ninyo kami ng pananampalatayang ituloy ang gawain ng pagtubos sa mga patay upang ang Inyong mga walang-hanggang layunin ay maisakatuparan para sa kapakanan ng Inyong mga anak sa lahat ng henerasyon.
Ama, pagkalooban Ninyo kami ng pananampalatayang sundin ang payo sa maliliit na bagay na maaaring napakahalaga. …
Panginoon, palakasin Ninyo ang aming pananalig sa isa’t isa, at sa aming sarili, at sa aming kakayahang gumawa ng mga bagay na mabuti at dakila. …
Ama, palakasin Ninyo ang aming pananampalataya. Sa lahat ng aming mga pangangailangan, sa palagay ko ang talagang kailangan namin ay mas malakas na pananampalataya. Kaya, mahal na Ama, palakasin Ninyo ang aming pananampalataya sa Inyo, at sa Inyong Pinakamamahal na Anak, sa inyong dakila at walang-hanggang gawain, sa aming sarili bilang Inyong mga anak, at sa kakayahan naming humayo upang gawin ang naaayon sa Inyong kalooban, at sa Inyong mga tuntunin, ang mapagkumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Itinuro ni Pangulong Hinckley na ang pananampalataya sa Diyos ay “malaking kapangyarihang maaaring magpabago sa ating buhay” (bahagi 1). Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman ang tungkol sa kapangyarihan ng pananampalataya? Paano ninyo nakita na kapag “nararating natin ang di-mawaring lugar, … pananampalataya ang ating gabay”?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa bahagi 2 tungkol sa pinagmumulan ng lakas ng Simbahan? Paano nauugnay ang pananampalataya at sakripisyo sa isa’t isa? Isipin kung paano ninyo susundin ang panawagan ni Pangulong Hinckley na “isulong ang gawaing ito sa buong mundo.”
-
Sa palagay ninyo, bakit may kapangyarihan ang pananampalataya na tulungan tayo sa ating mga pagsubok? (Tingnan sa bahagi 3.) Kailan nakatulong sa inyo ang pananampalataya na madaig ang takot? Kailan nakatulong sa inyo ang pananampalataya na madaig ang iba pang mga balakid?
-
Rebyuhin ang panalangin ni Pangulong Hinckley sa bahagi 4. Anong mga salita sa panalanging ito ang may espesyal na kahulugan sa inyo? Paano tayo matutulungan ng pananampalataya na madaig ang kawalang-katiyakan at pagdududa? Paano tayo matutulungan ng pananampalataya na umasa sa mga himala sa hinaharap sa kabila ng mga problema sa kasalukuyan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Juan 14:12–14; Mga Taga Roma 5:1–5; 2 Nephi 26:12–13; Moroni 7:33–38; D at T 27:16–18
Tulong sa Pagtuturo
“Kapag palagian at masigasig nating pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, masigasig na hinahangad ang gabay mula sa Espiritu, tayo ay magiging handa na tumanggap ng kalinawan tungkol sa paghahanda ng mga aralin. Magiging handa rin tayo na tanggapin at sundin ang mga udyok mula sa Espiritu habang tayo ay nagtuturo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 16).