Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Para sa Lahat ng Tao, Ngunit Personal ang Epekto


Kabanata 24

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Para sa Lahat ng Tao, Ngunit Personal ang Epekto

“Pinatototohanan ko ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Kung wala ito, walang kahulugan ang buhay. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng ating buhay.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Noong Enero 1, 2000, pinamunuan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol sa paglalathala ng kanilang nagkakaisang patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Sa mensaheng ito, na pinamagatang “Ang Buhay na Cristo,” ipinahayag nila: “Iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”1

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tatlong buwan kalaunan, pinatotohanan ni Pangulong Hinckley ang malaking impluwensya ng Tagapagligtas sa kanyang sariling buhay. Nagsalita siya nang buong giliw at personal, at kung minsa’y nasasamid dahil sa matinding damdamin:

“Sa lahat ng bagay na pinasasalamatan ko sa umagang ito, ang isang ito ay tumatayong katangi-tangi. Iyon ay ang buhay na patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Makapangyarihang Diyos, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Banal. …

“Si Jesus ay aking kaibigan. Walang sinumang nagbigay sa akin ng labis. ‘Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ (Juan 15:13). Ibinigay Niya ang kanyang buhay para sa akin. Binuksan Niya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Diyos lamang ang makagagawa nito. Sana ay maging karapat-dapat akong kaibigan sa Kanya.

“Siya ay aking huwaran. Ang paraan ng Kanyang pamumuhay, ang Kanyang lubos na mapagbigay na pag-ugali, ang Kanyang pagtulong sa mga nangangailangan, ang Kanyang huling sakripisyo ay pawang nagpapakita ng halimbawa sa akin. Hindi ako lubos na magiging karapat-dapat, subalit sisikapin ko. …

“Siya ay aking tagapagpagaling. Nanggigilalas ako sa Kanyang mga kahanga-hangang himala. Gayunpaman alam ko na nangyari ang mga ito. Tinatanggap ko ang katotohanan ng mga bagay na ito dahil alam ko na Siya ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Ang mga himala ng Kanyang ministeryo ay nagpapahiwatig ng pagkahabag, pag-ibig, at paglingap na kahanga-hangang pagmasdan.

“Siya ay aking pinuno. Ikinararangal ko ang maging isa sa mahabang hanay ng mga nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanya sa loob ng nagdaang dalawang milenyo mula sa Kanyang pagsilang. …

“Siya ay aking Tagapagligtas at aking Manunubos. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang buhay sa pagpapakasakit at di-matatawarang paghihirap, bumaba Siya upang ako’y abutin, ang bawat isa sa atin, at ang lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos, mula sa kailaliman ng walang hanggang kadiliman pagkatapos ng kamatayan. Siya ay naglaan ng isang bagay na mas mainam—isang paraan na maranasan ang liwanag at pang-unawa, pag-unlad at kagandahan kung saan makasusulong tayo sa landas patungo sa buhay na walang hanggan. Ang pagtanaw ko ng utang na loob ay walang hanggan. Ang pasasalamat ko sa aking Panginoon ay walang katapusan.

“Siya ay aking Diyos at aking Hari. Mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, Siya ang maghahari at mamumuno bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon. Hindi magkakaroon ng katapusan sa Kanyang pamamahala. Walang gabi sa Kanyang kaluwalhatian.

“Walang makahahalili sa kanyang lugar. Wala kailanman. Walang bahid-dungis at walang anumang uri ng kamalian, Siya ang Kordero ng Diyos, kung kanino ako ay yuyukod at sa pamamagitan Niya makalalapit ako sa aking Ama sa Langit. …

“Hatid ang pasasalamat, at di-nagmamaliw na pagmamahal, pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa Kanyang Banal na pangalan.”2

Christ praying in Gethsemane

“Lahat ng bagay ay nakasalalay sa Kanya—sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. … Iyan ang saligang bato sa dakilang plano [ng] Ama.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit ay ipinahayag sa pagkakaloob ng Kanyang Bugtong na Anak.

Nakaramdam ako ng pagpapakumbaba sa tuwing naiisip ko ang dakilang pagmamahal ng aking Ama sa Langit. Lubos akong nagpapasalamat sa kaalamang mahal tayo ng Diyos. Ang di-mawaring lalim ng pag-ibig na iyon ay makikita sa kaloob na Kanyang Bugtong na Anak na pumarito sa mundo upang maghatid ng pag-asa sa ating mga puso, upang magdala ng kabaitan at paggalang sa ating pakikitungo sa iba, at higit sa lahat upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan at gabayan tayo sa landas patungo sa buhay na walang hanggan.3

Ang ministeryo ng Tagapagligtas bago Siya isinilang

Ang Ama nating lahat, na nagmamahal sa atin na Kanyang mga anak, ay nagmungkahi ng … plano kung saan magkakaroon tayo ng kalayaang pumili para sa ating sarili. Ang Kanyang Panganay na Anak, ang Nakatatanda nating Kapatid, ang pinakasentro sa planong iyan. Magkakaroon ng kalayaan ang tao, at kalakip ng kalayaang iyon ang pananagutan. Ang tao’y lalakad sa paraan ng daigdig, magkakasala at matitisod. Ngunit ang Anak ng Diyos ay magkakatawang-tao at iaalay ang Kanyang Sarili bilang hain para sa mga kasalanan ng tao. Sa di-mailarawang pagpapakasakit, Siya ang magiging dakilang Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.4

Ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa

Sa buong kasaysayan walang kamahalang katulad ng Kanyang kamahalan. Siya, ang dakilang Jehova, ay nagpakababa upang isilang sa buhay na ito sa isang kuwadra sa Betlehem. Siya ay lumaki sa Nazaret at “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Siya ay bininyagan ni Juan sa mga tubig ng Jordan, “at, narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya:

“At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan” (Mat. 3:16–17).

Sa tatlong taon ng Kanyang ministeryo sa lupa, ginawa Niya ang hindi nagawa ninuman kahit kailan; nagturo Siya sa paraang hindi pa nagawa ninuman.

Pagkatapos ay dumating ang panahon para ihandog Siya. Naroon ang hapunan sa Silid sa Itaas, ang Kanyang huli sa piling ng Labindalawa sa mortalidad. Nang hugasan Niya ang kanilang mga paa, nagturo Siya ng isang aral tungkol sa pagpapakumbaba at paglilingkod na hindi nila malilimutan kailanman.5

Pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani

Kasunod nito ang pagdurusa sa Getsemani, “kung aling pagdurusa,” wika Niya, ay “dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:18).6

Sa Halamanan ng Getsemani, Siya ay nagdusa nang husto kaya ang pawis na lumalabas sa Kanya ay mga patak ng dugo habang nagsusumamo Siya sa Kanyang Ama. Ngunit ang lahat ng ito ay bahagi lamang ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo.7

[Minsa’y naupo ako] malapit sa isang matandang punong olibo [sa Halamanan ng Getsemani] at binasa ko ang napakatinding paghihirap na iyon ng Anak ng Diyos nang maharap Siya sa tiyak na kamatayan, na pinapawisan ng mga patak ng dugo at nagdarasal sa Kanyang Ama na tulutang makalampas ang saro kung maaari—ngunit sinabing, Gayon pa man, ang Inyong kalooban ang masusunod, hindi sa akin. … Napuspos ako ng damdaming hindi Niya hiniling na hindi ito mangyari, hindi Niya inisip ang pisikal na sakit na madarama Niya, ang kahindik-hindik at malupit na pagpapako sa krus. Bahagi lamang ito, sigurado ako. Ngunit higit sa lahat, sa palagay ko, ang hangad Niya ay isakatuparan ang bahaging ginagampanan Niya sa walang-hanggang kapakanan ng lahat ng anak ng Diyos, sa lahat ng henerasyon.

Lahat ay nakasalalay sa Kanya—sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Iyan ang susi. Iyan ang saligang bato sa dakilang planong binuo ng Ama para sa buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Kakila-kilabot mang harapin ito, at napakahirap gawin, hinarap Niya ito, isinakatuparan Niya ito, at kagila-gilalas at kamangha-mangha ito. Sa palagay ko, hindi natin ito lubos na mauunawaan. Gayon pa man, bahagya nating naunawaan ito at kailangan nating matutuhan na higit pa itong pahalagahan.8

Pagdakip, pagpapako sa krus, at kamatayan

Siya ay dinakip ng malulupit na tao, at ginawa ito sa gabi, na labag sa batas, at dinala kay Anas, at pagkatapos kay Caifas, ang tuso at masamang opisyal ng Sanedrin. At sa sumunod na umaga ay muli Siyang iniharap sa ikalawang pagkakataon sa tuso at malupit na lalaking ito. Pagkatapos ay dinala Siya kay Pilato, ang Romanong gobernador, na binalaan ng kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan” (Mat. 27:19). Ang Romano, na naisip na umiwas sa responsibilidad, ay ipinadala Siya kay Herodes, ang tiwali, imoral, at masamang tetrarka ng Galilea. Si Cristo ay pinahirapan at binugbog. Ang Kanyang ulo ay pinutungan ng koronang may mga tinik; isang balabal na kulay-ube ang mapangutyang inihagis sa Kanyang nagdurugong likod. At muli Siyang dinala kay Pilato, kung saan isinigaw ng mga tao, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus” (Lucas 23:21).

Sa pasuray-suray na hakbang ay nakarating Siya sa Golgota, kung saan ipinako sa krus ang Kanyang sugatang katawan sa pinakamalupit at pinakamasakit na paraan ng pagpaparusa na magagawa lamang mga taong ubod ng sama.

Gayon pa man nagsumamo Siya, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).9

Wala nang mas papait pang larawan sa buong kasaysayan maliban sa larawan ni Jesus na nasa Getsemani at sa krus, na nag-iisa: ang Manunubos ng sangkatauhan, ang Tagapagligtas ng daigdig, na nagsasakatuparan sa Pagbabayad-sala.

Naaalala ko noong kasama ko si Pangulong Harold B. Lee … sa Halamanan ng Getsemani sa Jerusalem. Nadama namin, kahit paano, ang matinding pakikibaka na nangyari doon, isang ubod ng tinding pakikibaka, habang mag-isang nakipaglaban sa espiritu si Jesus, kung kaya dugo ang lumabas sa bawat butas ng balat (tingnan sa Lucas 22:44; D at T 19:18). Ginunita namin ang pagkakanulo ng isang taong pinagkatiwalaan. Nagunita namin na nilapastangan ng masasamang tao ang Anak ng Diyos. Ginunita namin ang malungkot na katauhang nasa krus, na sumisigaw sa pagdadalamhati, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:46). Gayunman, buong tapang na nagpatuloy ang Tagapagligtas ng daigdig upang maisakatuparan ang Pagbabayad-sala para sa ating kapakanan.10

Lumipas ang mga oras habang Siya ay naghihingalo sa sakit. Nayanig ang lupa; nahati ang tabing ng templo. Mula sa Kanyang tuyot na mga labi narinig ang mga salitang, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang [kanyang] hininga” (Lucas 23:46).

Natapos na. Natapos na ang kanyang mortal na buhay. Ipinantubos na Niya ito para sa lahat. Naglaho ang pag-asa ng mga taong nagmamahal sa Kanya. Nalimutan na ang mga pangakong binitawan Niya. Ang Kanyang katawan ay dali-dali ngunit buong ingat na inihimlay sa isang hiram na libingan noong bisperas ng Sabbath ng mga Judio.11

Pagkabuhay na Mag-uli

Maaga pa noong umaga ng araw ng Linggo, dumating si Maria Magdalena at iba pang mga babae sa libingan. Nagtaka sila habang humahangos kung paano naigulong ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Pagdating nila, nakita nila ang isang anghel na nagsalita sa kanila: “Nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus.

“Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya” (Mat. 28:5–6).

Hindi pa ito nangyari kahit kailan. Ang libingang walang laman ang sagot sa pinakamahalagang tanong sa lahat ng panahon. Ipinahayag ito nang malinaw ni Pablo nang sabihin niya: “Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? Saan naroon, Oh kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?” (I Mga Taga Corinto 15:55.)12

empty tomb

“Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya” (Mateo 28:6).

2

Sa pamamagitan ng mapagtubos na sakripisyo ng Tagapagligtas, lahat ng tao ay babangon mula sa libingan.

Ang himala ng pagkabuhay na mag-uli noong umagang iyon … ay isang himala para sa buong sangkatauhan. Ito ay himala ng kapangyarihan ng Diyos, na ang Pinakamamahal na Anak ay nagbuwis ng Kanyang buhay upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat, isang sakripisyo ng pagmamahal para sa lahat ng anak ng Diyos. Sa paggawa nito nilagot Niya ang mga gapos ng kamatayan.13

Wala nang ibang bagay na mas pangkalahatan ang epekto kaysa sa kamatayan, at wala nang mas maningning na pag-asa at pananampalataya kaysa sa katiyakan ng imortalidad. Ang kahabag-habag na kalungkutang dulot ng kamatayan, ang pagdadalamhating kasunod ng pagpanaw ng isang mahal sa buhay ay napapagaan lamang ng katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Anak ng Diyos. …

Tuwing sasapit ang malamig na kamay ng kamatayan, sumisilay sa pagitan ng kalungkutan at kadiliman ng oras na iyon ang matagumpay na anyo ng Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na dahil sa Kanyang walang-kapantay at walang-hanggang kapangyarihan ay nadaig ang kamatayan. Siya ang Tagapagligtas ng mundo. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin. At kinuha Niya itong muli at naging pangunahing bunga ng nangatutulog. Siya, bilang Hari ng mga Hari, ay nagtagumpay sa lahat ng iba pang hari. Siya, bilang Makapangyarihan, ay nakatataas sa lahat ng namumuno. Siya ang ating kapanatagan, ang tanging tunay na nagbibigay ng kapanatagan sa atin, kapag sumapit na ang dapit-hapon at nilisan na ng espiritu ang katawan.

Si Jesucristo higit sa lahat ang nagkakaloob ng mga pagpapala sa buong sangkatauhan.14

Naaalala kong nagsalita ako sa serbisyong nekrolohikal para sa isang mabuting tao, isang kaibigan na ang kabutihan ay nagbigay-sigla sa akin na magsumikap na umunlad. Sa loob ng [maraming] taon, nakilala ko ang kanyang mga ngiti, ang kanyang mabait na pananalita, ang bisa ng kanyang katalinuhan, ang malawak na saklaw ng kanyang paglilingkod. At siya na napakahusay at napakabuti ay biglang pumanaw. Tiningnan ko ang walang buhay niyang katawan. HIndi na ito nakakakilala o nakakikilos o nakapagsasalita o anupaman. …

Tiningnan ko ang umiiyak niyang balo at mga anak. Batid nila, kagaya ng pagkakabatid ko, na sa buhay na ito ay hindi nila kailanman muling maririnig ang kanyang tinig. Ngunit may isang maginhawang damdamin, na hindi maisalarawan ang katangian, ang nagdulot ng kapayapaan at pagtitiyak. Tila ba sinasabi nitong, “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Mga Awit 46:10).

Tila ba sinasabi pa nito, “Huwag mag-alala. Bahagi itong lahat ng aking plano. Walang sinumang makatatakas sa kamatayan. Kahit na ang aking Bugtong na Anak ay namatay sa krus. Ngunit sa pamamagitan nito, Siya ang kauna-unahang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. Kanyang inalis ang tibo sa kamatayan at ang tagumpay sa libingan.”

Naririnig ko sa aking isipan ang Panginoon na nagsasalita sa nagdadalamhating si Marta: “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya: At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man” (Juan 11:25–26).15

3

Sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, tayo ay nabigyan ng pagkakataong magtamo ng kadakilaan at buhay na walang hanggan.

Salamat sa Makapangyarihang Diyos. Nilagot ng Kanyang niluwalhating Anak ang mga gapos ng kamatayan, ang pinakadakila sa lahat ng tagumpay. … Siya ang ating matagumpay na Panginoon. Siya ang ating Manunubos, na nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Dahil sa Kanyang nakatutubos na sakripisyo, lahat ng tao ay magbabangon mula sa libingan. Binuksan Niya ang daan upang magtamo tayo hindi lamang ng kawalang-kamatayan kundi pati na ng buhay na walang hanggan.16

Nauunawaan ko nang kaunti ang kahulugan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi ko nauunawaang lahat ito. Napakalawak ng saklaw nito ngunit lubos na personal ang epekto kung kaya’t ito ay hindi maunawaan.17

Ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala … ay hindi natin kayang arukin nang lubusan. Ang alam ko lang ay nangyari ito, at ito’y para sa akin at sa inyo. Napakatindi ng pagdurusa, sukdulan ang paghihirap, kung kaya wala ni isa man sa atin ang makauunawa dito nang ialay ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili bilang pantubos sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.

Sa pamamagitan Niya tayo’y napapatawad. Sa pamamagitan Niya dumarating ang partikular na pangako na mabibigyan ang lahat ng tao ng mga pagpapala ng kaligtasan, lakip ang pagkabuhay na muli mula sa mga patay. Sa pamamagitan Niya at sa kanyang dakila at napakahalagang sakripisyo kung kaya tayo nabigyan ng pagkakataon, sa pamamagitan ng pagsunod, ng kadakilaan at buhay na walang hanggan.18

Hindi ba’t lahat tayo ay alibughang anak na kailangang magsisi at tumanggap ng nagpapatawad na awa ng ating Ama sa Langit at pagkatapos ay sumunod tayo sa Kanyang halimbawa?

Ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, na ating Manunubos, ay patatawarin at kaaawaan tayo, ngunit sa paggawa nito ito ay pinagsisisi niya tayo. … Sinabi ng Panginoon—at sisipi ako mula sa isang paghahayag kay Propetang Joseph:

“Kaya nga iniuutos ko sa iyong magsisi—magsisi, upang hindi kita masaktan ng pamalo ng aking bibig, at ng aking poot, at ng aking galit, at ang iyong mga pagdurusa ay maging masakit—kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu. …

“Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.” (D at T 19:15–18, 23.)19

Kapag ang lahat ay nagawa na, kapag ang buong kasaysayan ay natuos na, kapag ang buong lalim ng pag-iisip ng tao ay napag-aralan na, walang kasing-kahanga-hanga, kasingrangal, kasing bigat sa gawaing ito ng pagpapala nang ang Anak ng Makapangyarihang Diyos, ang Prinsipe ng marangal na sambahayan ng Kanyang Ama, Siya na nagsalita noon bilang si Jehova, Siya na nagpakumbaba sa pagpunta sa lupa bilang isang sanggol na isinilang sa Betlehem, ay ibinigay ang Kanyang buhay sa kadustaan at paghihirap upang ang lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos sa lahat ng [henerasyon] ng panahon, na mamamatay bawat isa, ay muling makalakad at mabubuhay nang walang hanggan. Ginawa Niya para sa atin ang hindi magagawa ng sinuman para sa atin. …

Pahayag ni Propeta[ng] Isaias:

“Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan: …

“… Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo” (Is. 53:4–5).

Ito ang kahanga-hanga at tunay na kuwento ng Pasko. Ang kapanganakan ni Jesus sa Betlehem ng Judea ang paunang salita. Ang tatlong taong ministeryo ng Panginoon ang pambungad. Ang dakilang diwa ng kanyang kuwento ay ang Kanyang sakripisyo, ang tunay na di-makasariling pagkamatay sa krus ng Calvario upang pagbayaran ang mga kasalanan nating lahat.

Ang pangwakas ay ang himala ng Pagkabuhay na Mag-uli, na nagdala ng katiyakan na “kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22).

Hindi magkakaroon ng Pasko kung walang Pasko ng Pagkabuhay. Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging isang pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Naniniwala ako sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Walang Hanggan at Buhay na Diyos. Walang sinumang kasingdakila ang lumakad sa lupa. Walang sinuman ang nakagawa ng maihahambing na sakripisyo o nagkaloob ng maihahambing na biyaya. Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo. Naniniwala ako sa Kanya. Ipinahahayag ko ang Kanyang pagka-Diyos nang tahasan o walang pag-aalinlangan. Minamahal ko Siya. Binibigkas ko ang Kanyang pangalan nang may pagpipitagan at paghanga. Sinasamba ko Siya katulad ng pagsamba ko sa Kanyang Ama, sa espiritu at sa katotohanan. Nagpapasalamat ako sa Kanya at lumuluhod sa harapan ng Kanyang Sinisintang Anak, na umabot at nagsabi sa atin matagal nang panahon ang nakalipas, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mat. 11:28).

… Hinihiling ko sa inyo ang isang panahon, maaaring isang oras, na gugulin sa matahimik na pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay sa kadakilaan at dangal nito, ang Anak ng Diyos.20

Pinatototohanan [ko] ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Kung wala ito, walang kahulugan ang buhay. Ito ang nagpapabuo sa ating buhay. Pinatutunayan nito na nabuhay tayo bago tayo isinilang sa mortalidad. Ang mortalidad ay isang hakbang lamang tungo sa isang maluwalhating buhay sa hinaharap. Nababawasan ang kalungkutan sa kamatayan dahil sa pangako ng Pagkabuhay na Mag-uli.21

Si Jesus ang Cristo, ang inorden na Anak ng Diyos noon pa man na nagpakababa upang pumarito sa lupa, na isinilang sa isang sabsaban, sa bansang sakop ng ibang bansa, ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, ang Panganay na Anak ng Ama at ang May-akda ng ating kaligtasan. Siya ang ating Manunubos, ang ating Tagapagligtas, na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay naging posibleng makamtan ng lahat ng susunod sa Kanyang mga turo ang buhay na walang hanggan.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang “kaloob na Kanyang Bugtong na Anak”? (Tingnan sa bahagi 1.) Ano ang magagawa ninyo upang mapasalamatan ang kaloob na ito? Ano ang inyong naisip at nadama nang basahin ninyo ang buod ni Pangulong Hinckley tungkol sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?

  • Sa bahagi 2, ihambing ang mga salitang ginamit ni Pangulong Hinckley upang ilarawan ang kamatayan sa mga salitang ginamit niya upang ilarawan ang pagkabuhay na mag-uli. Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga pagkakaiba sa mga salitang ito? Paano nakaimpluwensya sa buhay ninyo ang inyong patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa patotoo ni Pangulong Hinckley tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano kayo personal na napagpala ng Pagbabayad-sala? Ano ang nadarama ninyo kapag pinagbubulayan ninyo ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa inyo? Planuhing mag-ukol ng oras na magkaroon ng “matahimik na pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay” tungkol sa Tagapagligtas.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Isaias 53; Juan 3:16; 11:25; 2 Nephi 9:6–13; Alma 7:11–13; 34:8–10; Helaman 14:13–19; D at T 18:10–12

Tulong sa Pagtuturo

“Habang naghahanda kayo nang may panalangin upang magturo,… maaari kayong magabayan na bigyang-diin ang ilang alituntunin. Maaaring magkaroon kayo ng pang-unawa kung paano pinakamabuting mailalahad ang ilang ideya. Maaaring makatuklas kayo ng mga halimbawa, bagay na gagamitin sa pagtuturo ng aralin, at nagbibigay-inspirasyong kuwento sa mga simpleng gawain sa buhay. Maaari kayong makadama ng impresyon na anyayahan ang isang partikular na tao upang tumulong sa aralin. Maaaring maipaalala sa inyo ang isang personal na karanasan na maibabahagi ninyo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 58).

Mga Tala

  1. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Mar. 2008.

  2. “Ang Aking Patotoo,” Liahona, Hulyo 2000, 69, 71.

  3. “Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” Liahona, Dis. 2000, 2.

  4. “Tumingin Tayo Kay Cristo,” Liahona, Mayo 2002, 90.

  5. “The Victory over Death,” Ensign, Abr. 1997, 2.

  6. “The Victory over Death,” 2.

  7. “Ang mga Bagay na Nalalaman ko,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 84.

  8. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 29–30.

  9. “The Victory over Death,” 2, 4.

  10. “Pamumuhay na Taglay ang Ating Matibay na Paniniwala,” Liahona, Set. 2001, 2.

  11. “The Victory over Death,” 4.

  12. “The Victory over Death,” 4.

  13. “The Victory over Death,” 4.

  14. “This Glorious Easter Morn,” Ensign, Mayo 1996, 67.

  15. “Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” 2, 4.

  16. “He Is Not Here, but Is Risen,” Ensign, Mayo 1999, 72.

  17. “Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” 2.

  18. “Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 84.

  19. “Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 5.

  20. “Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” 4–5.

  21. “Ang mga Bagay na Nalalaman ko,” 84.

  22. Sa Sheri L. Dew, Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley (1996), 560.