Kabanata 23
Ang mga Pagpapala ng Banal na Templo
“Ang mga ordenansa sa templo ang nagiging sukdulang mga pagpapalang maibibigay ng Simbahan.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
“Naniniwala ako na walang miyembro ng Simbahan na nakatanggap ng pinakamaringal na bagay na maibibigay ng Simbahang ito hangga’t hindi niya natatanggap ang kanyang mga pagpapala ng templo sa bahay ng Panginoon,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1997. “Dahil dito, ginagawa namin ang lahat ng alam namin para mapabilis ang pagtatayo ng mga sagradong gusaling ito at mas madaling matanggap ang mga pagpapalang naroon.”1 Binanggit niya ang ilang templo na nasa iba’t ibang yugto na ng pagpaplano at pagtatayo, at saka niya ibinalita ang isang bagay na magpapabago sa buhay ng mga tao sa buong mundo:
“Maraming unit ng Simbahan na nasa mga liblib na lugar, kung saan kakaunti ang mga miyembro at malamang na hindi gaanong dumami sa malapit na hinaharap. Ipagkakait ba natin sa mga taong naninirahan sa mga lugar na ito ang mga pagpapala ng mga ordenansa sa templo? Nang bisitahin namin ang isang lugar na gayon ang sitwasyon ilang buwan pa lang ang nakalilipas, mapanalangin naming pinagbulayan ang tanong na ito. Ang sagot, naniniwala kami, ay dumating nang malinaw at puno ng pag-asa.
“Magtatayo tayo ng maliliit na templo sa ilan sa mga lugar na ito. … Ang mga ito [ay] itatayo ayon sa mga pamantayan ng templo, na mas mataas kaysa mga pamantayan ng meetinghouse. I[sa]sagawa rito ang mga binyag para sa mga patay, endowment, mga pagbubuklod, at lahat ng iba pang mga ordenansa sa bahay ng Panginoon para sa mga buhay at patay.”2
Ang inspirasyon para sa planong ito ay nagsimula mahigit 20 taon na ang nakararaan, nang maglingkod si Pangulong Hinckley bilang chairman ng Temple Committee ng Simbahan. Nag-aalala na maraming Banal sa mga Huling Araw ang hindi kaagad makakamtan ang mga pagpapala ng templo, isinulat niya sa kanyang journal, “Ang Simbahan ay maaaring magtayo ng [maraming mas maliliit] na templo na kasinghalaga ng Washington Temple [na itinatayo pa lang noon]. Ilalapit nito ang mga templo sa mga tao sa halip na ang mga tao ang maglakbay nang napakalayo para makarating doon.”3
Noong 1997 isinakatuparan ng isang paghahayag mula sa Panginoon ang ideyang ito. Ibinahagi ni Pangulong Hinckley ang isang bagay tungkol sa paghahayag na iyon nang ialay niya ang panalangin sa paglalaan ng Colonia Juárez Chihuahua Mexico Temple. “Dito sa Northern Mexico,” pag-usal niya, “Inyong inihayag ang ideya at plano para sa isang mas maliit na templo, na kumpleto sa lahat ng mahalagang detalye, ngunit akma sa mga pangangailangan at sitwasyon ng mga miyembro ng Simbahan sa lugar na ito ng Inyong ubasan. Ang paghahayag na iyan ay bunga ng hangarin at panalanging tulungan ang Inyong mga tao sa mga lupaing ito na tunay at matatapat.”4
Anim na buwan matapos ibalita ang planong magtayo ng mas maliliit na templo, isa pang mahalagang balita ang ipinahayag ni Pangulong Hinckley:
“Napakalayo na ng nalakbay namin ng mga miyembro ng Simbahan. Marami akong nakasama na lubhang kakaunti ang mga pag-aari sa mundong ito. Ngunit nag-aalab ang pananampalataya sa kanilang puso hinggil sa gawaing ito sa mga huling araw. Mahal nila ang Simbahan. Mahal nila ang ebanghelyo. Mahal nila ang Panginoon at nais nilang gawin ang Kanyang kalooban. Nagbabayad sila ng kanilang ikapu, maliit man ito. Nagsasakripisyo sila nang husto para makapunta sa mga templo. Naglalakbay sila nang maraming araw sa mga mumurahing bus at mga lumang bangka. Nag-iipon sila ng pera at nagsasakripisyo para maging posible ang lahat ng ito.
“Kailangan nila ng mga templo sa malapit—maliit, maganda, at gumaganang mga templo. Dahil dito, sasamantalahin ko ang pagkakataong ito upang ipahayag sa buong Simbahan ang programang magtayo kaagad ng 30 mas maliliit na templo. …
“Napakalaking gawain nito. Hindi pa ito nasubukang gawin kahit kailan. … Ang magiging kabuuan nito ay 47 bagong templo bukod pa sa 51 na kasalukuyang ginagamit ngayon. Sa palagay ko magdaragdag na rin tayo ng 2 pa para maging 100 na sa katapusan ng siglong ito, na 2,000 taon ‘mula noong pumarito ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo,’ (D at T 20:1). Sa programang ito sumusulong tayo sa antas na hindi pa nangyari kahit kailan.”5
Noong Oktubre 1, 2000, inilaan ni Pangulong Hinckley ang Boston Massachusetts Temple, ang ika-100 templong gumagana. Bago natapos ang taon, inilaan niya ang dalawang templo sa Brazil. At nang pumanaw siya noong Enero 27, 2008, may 124 na templo nang gumagana ang Simbahan, at 13 pa ang ibinalitang itatayo. Sa 124 na templong gumagana, nakibahagi si Pangulong Hinckley sa pagpaplano at pagtatayo ng karamihan sa mga ito at personal niyang nailaan ang 85 sa mga ito.
Kahit nang ibalita ni Pangulong Hinckley ang pagtatayo ng maraming bagong templo, at mamangha siya sa ganda ng mga ito, ipinaalala niya sa mga Banal sa mga Huling Araw ang layunin ng mga sagradong gusaling ito: na pagpalain ang mga tao at pamilya, nang isa-isa. Nang banggitin niya ang San Diego California Temple, sinabi niya: “Napakaganda ng gusaling iyan. Ngunit kahit napakaganda ng gusaling iyan, kasangkapan lamang ang istrukturang iyan para maisakatuparan ang isang layunin. Itinayo at inilaan ang pasilidad na iyan para sa pagsasagawa ng mga sagradong ordenansang naihayag ng Panginoon sa panahong ito.”6
Sa isa pang pagkakataon sinabi niya: “Hindi pa natatanggap ng sinuman ang kabuuan ng ebanghelyo hangga’t hindi niya natatanggap [ang mga ordenansa sa templo]. At responsibilidad nating tiyakin na nariyan ang mga pasilidad na iyan. Hindi ko alam kung gaano pa tatagal ang buhay ko, ngunit inaasam kong magwakas ang buhay ko sa pagtatayo ng mga templo ng Panginoon, na ilalapit ang mga templo sa mga tao upang makamtan nila ang kagila-gilalas na mga pagpapalang matatamo [roon].”7
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ang mga templo ay nagpapahayag ng ating patotoo, at kumakatawan sa pinakamataas na antas ng ating pagsamba.
Bawat templong itinayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapahayag ng patotoo ng mga taong ito na ang Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay, na Siya ay may planong basbasan ang Kanyang mga anak sa lahat ng henerasyon, na ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Cristo Jesus, na isinilang sa Betlehem ng Judea at ipinako sa krus sa Golgota, ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig, na ginawang posible sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo na maisakatuparan ang planong iyan sa buhay na walang hanggan ng bawat taong tatanggap at mamumuhay ayon sa ebanghelyo.8
Lahat ng bagay na nagaganap sa templo ay nagpapasigla at nagpapadakila sa atin. Nangungusap ito tungkol sa buhay sa mundo at sa kabilang buhay. Nangungusap ito tungkol sa kahalagahan ng tao bilang anak ng Diyos. Nangungusap ito tungkol sa kahalagahan ng pamilya bilang likha ng Makapangyarihang Diyos. Nangungusap ito tungkol sa kawalang-hanggan ng pagsasama ng mag-asawa. Nangungusap ito tungkol sa pagsulong sa mas dakilang kaluwalhatian. Isang lugar ito ng kaliwanagan, isang lugar ng kapayapaan, isang lugar ng pagmamahal kung saan tayo tinuturuan tungkol sa mga bagay na walang hanggan.9
Bawat templo … ay nagsisilbing bantayog ng ating paniniwala sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, na ang yugtong ito ng buhay sa lupa na pinagdaraanan natin ay bahagi ng patuloy na pag-akyat, wika nga, at kung paanong tiyak na may buhay rito, ay may buhay rin sa kabila. Iyan ang matibay naming paniniwala. Bunga ito ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at ang templo, tulad ng natukoy ko na, ang nagiging tulay mula sa buhay na ito patungo sa kabila. Ang templo ay hinggil sa mga bagay na nauukol sa kawalang-kamatayan.10
Ang kakaiba at magagandang gusaling ito, at ang mga ordenansang isinasagawa rito, ay sumasagisag sa pinakamataas na antas ng ating pagsamba. Ang mga ordenansang ito ang naging pinakamatinding pagpapahayag ng ating relihiyon.11
Ang mga sagradong bagay ay marapat bigyan ng sagradong pagsasaalang-alang. … Kapag lumabas na kayo sa mga pintuan ng Bahay ng Panginoon, maging tapat sa sagradong pagtitiwalang huwag magsalita tungkol sa mga bagay na banal at sagrado.
Sinabi ng Panginoon “Tandaan na yaong nagmumula sa kaitaasan ay banal, at kailangang sambitin nang may pag-iingat, at sa panghihimok ng Espiritu.” (D at T 63:64.) At muli, “Huwag lapastanganin ang mga bagay na banal.” (D at T 6:12.)12
2
Sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo, tumatanggap tayo ng mga sukdulang pagpapala ng ebanghelyo.
Ang mga templong ito, na nasa iba’t ibang dako ng mundo, ay kailangan sa lubos na katuparan ng layunin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Dito, sa ilalim ng awtoridad ng Banal na Priesthood, pangangasiwaan ang mga ordenansang iyon na hindi lamang humahantong sa kaligtasan, kundi maging sa walang-hanggang kadakilaan.13
Ibinuwis ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Kanyang buhay sa krus sa Kalbaryo bilang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Nagsakripisyo Siya para sa bawat isa sa atin. Dahil sa sakripisyong iyan dumating ang pangako ng pagkabuhay na mag-uli para sa lahat. Dumating ito sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, nang walang anumang ginagawa ang tao. At bukod pa rito, sa pamamagitan ng mga susi ng banal na priesthood na iginawad ng Panginoon sa Labindalawa noong kasama Niya sila, na mga susing ipinanumbalik sa dispensasyong ito ng mga taong mayhawak nito noong unang panahon—sa pamamagitan ng mga ito ay dumating ang karagdagang mga dakilang pagpapala, kabilang na ang natatangi at pambihirang mga ordenansang isinasagawa sa bahay ng Panginoon. Tanging sa mga ordenansang iyon nagagamit ang “kaganapan ng pagkasaserdote.” (D at T 124:28.)14
Ang mga ordenansa sa templo [ay] ang sukdulang mga pagpapalang maibibigay ng Simbahan.15
Kabilang sa mga pagpapala ng templo para sa kalalakihan at kababaihan na karapat-dapat pumasok dito … ang mga paghuhugas at pagpapahid ng langis sa atin upang maging malinis tayo sa harapan ng Panginoon. Kabilang dito ang pagkakaloob ng mga obligasyon at pagpapala na maghihikayat na kumilos tayo alinsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kasama sa mga ito ang mga ordenansa ng pagbubuklod na anuman ang ibuklod sa lupa ay ibubuklod sa langit, na naglalaan ng pagpapatuloy ng mag-anak.16
[Minsan] ay pinapunta ako sa ospital kung saan naroon ang isang inang malapit nang mamatay dahil sa malubhang karamdaman. Hindi nagtagal ay pumanaw ito, at naulila ang kanyang asawa at apat na anak, pati na ang isang batang lalaking anim na taong gulang. Matindi, nakaaantig at nakapanlulumo ang kalungkutan sa paligid. Ngunit sa kabila ng kanilang mga luha ay mababanaag ang matibay at tiyak na pananampalataya na malungkot man ang paghihiwalay ngayon, balang-araw ay masaya silang magsasama-samang muli, dahil nagsimula ang pagsasama nilang mag-asawa sa isang pagbubuklod para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan sa bahay ng Panginoon, sa ilalim ng awtoridad ng banal na priesthood. …
Maraming naglakbay [nang napakalayo] para matanggap ang mga pagpapala ng kasal sa templo. Nakita ko na hindi kumain ang isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Japan—bago itinayo ang templo sa kanilang sariling bansa—para maging posibleng makapaglakbay sila patungong Laie Hawaii Temple. Bago pa tayo nagkaroon ng templo sa Johannesburg, nakilala namin ang mga tao na nagsakripisyo ng mga bagay na kailangan nila para makaya nilang maglakbay nang 7,000-milya (11,000-km) sakay ng eroplano mula sa South Africa hanggang sa templo sa Surrey, England. Naroon ang ningning sa kanilang mga mata at ngiti sa kanilang mukha at patotoo mula sa kanilang mga labi na sulit ito sa kabila ng lahat ng hirap at gastos.
At naaalala ko na narinig ko sa New Zealand maraming taon na ang nakararaan ang patotoo ng isang lalaki mula sa malayong lugar sa Australia, na dati nang kasal sa huwes at kalaunan ay sumapi sa Simbahan kasama ang kanyang asawa’t mga anak, na naglakbay patawid ng malawak na kontinenteng iyon, pagkatapos ay naglayag patawid ng Tasman Sea patungong Auckland, hanggang sa templo sa magandang lambak ng mga Waikato. Naaalala ko na sinabi niya, “Hindi kami makakasama dahil wala kaming pamasahe. Mayroon lang kaming lumang kotse, mga muwebles, at mga pinggan. Sinabi ko sa pamilya ko, ‘Wala tayong pamasahe.’ Pagkatapos ay tumingin ako sa mukha ng maganda kong asawa at ng aming magagandang anak, at sinabi ko, ‘Hindi maaaring hindi tayo magpunta. Kung bibigyan ako ng lakas ng Panginoon, makakapagtrabaho ako at kikita ako nang sapat para makabiling muli ng kotse at mga muwebles at pinggan, pero kung mawawala sa akin ang mga mahal ko sa buhay, talagang maghihirap ako sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.’”17
Hindi na nakakagulat, mga kapatid, na sa pagbubukas ng … mga templo ay nakita ko ang mga luha ng matitipunong kalalakihan na yakap ang kanilang asawa sa harap ng mga altar sa mga sagradong bahay na ito. Nakita ko ang mga luha ng mga ama at ina habang yakap ang kanilang mga anak sa harap ng mga altar ding iyon. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit dito ay nalaman nila na hindi mapuputol ng panahon ni ng kamatayan ang mga bigkis na nagbubuklod sa kanila.18
3
Ang templo ay isang santuwaryo ng paglilingkod kung saan natatanggap natin ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga namatay nang hindi natatanggap ang ebanghelyo.
Milyun-milyong taong nabuhay sa mundo ang hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo. Ipagkakait ba natin sa kanila ang mga pagpapalang iyon na ibinibigay sa mga templo ng Simbahan?
Sa pamamagitan ng mga buhay na proxy na kumakatawan sa mga yumao, maaari ding matanggap ng mga yumao ang mga ordenansang ito. Sa daigdig ng mga espiritu malaya na nilang mapipili kung tatanggapin o hindi ang mga ordenansang iyon na isinagawa para sa kanila dito sa lupa, kabilang na ang binyag, kasal, at pagbubuklod ng mga pamilya. Walang pamimilit sa gawain ng Panginoon, ngunit kailangang mabigyan sila ng pagkakataon.19
Ito ang santuwaryo ng paglilingkod. Karamihan ng ginagawa sa sagradong bahay na ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagkatawan sa mga nasa kabilang buhay. Wala akong alam na ibang gawaing katulad nito. Higit itong katulad ng sakripisyo ng Anak ng Diyos para sa buong sangkatauhan kaysa ibang mga gawaing alam ko. Hindi inaasahang magpasalamat ang mga nasa kabilang buhay na nakinabang sa inilaang paglilingkod na ito. Ito ay paglilingkod ng buhay alang-alang sa mga patay. Ito ay paglilingkod na siyang pinakadiwa ng pagiging di-makasarili.20
Maraming batang lalaki at babae na … ang napaalalahanan na ang mga templong ito ay hindi lamang para sa kanilang mga magulang kundi para din sa kanila. Sa edad na 12, maaari na silang makapasok sa bahay ng Panginoon at magpabinyag para sa mga nasa kabilang buhay na. Dakila at di-makasarili ang paglilingkod na ito. Napakagandang pasalihin ang ating mga kabataan sa lubos na di-makasariling paglilingkod na ito para sa iba na hindi na kayang tulungan ang kanilang sarili.
Ang isa pang epekto ng … pagkakaroon ng mas maraming aktibidad sa templo ay dumarami ang nagagawa sa family history. Pinabibilis ng computer ang gawain, at sinasamantala ng mga tao ang mga bagong paraang ibinigay sa kanila. Paano masasabi ng isang tao na hindi ang Panginoon ang may gawa ng lahat ng ito? Habang mabilis na umuunlad ang teknolohiya, nadaragdagan ang bilang ng mga templo para matugunan ang pinabilis na gawain sa family history.21
Tayo ang may responsibilidad sa pagpapala, ang walang-hanggang pagpapala, sa lahat ng nabuhay rito sa lupa, ang di-mabilang na mga henerasyon ng kalalakihan at kababaihang nabuhay sa lupa, lahat ng nabubuhay ngayon sa lupa, at lahat ng mabubuhay pa lang sa sa lupa. Napakalaki ng ating responsibilidad. Kailangan nating mas panindigan at mas pagsikapang maisagawa ito.22
Ang mga nasa kabilang buhay, na hindi patay kundi buhay bilang espiritu, ay magagalak at matutuwa kapag nagbangon at sumulong sila patungo sa “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Moises 1:39).23
4
Malalaking pagpapala ang naghihintay sa atin kapag pinanatili nating karapat-dapat ang ating sarili at pumupunta tayo nang madalas sa templo.
Hinahamon ko … ang bawat isa sa inyo sa araw na ito na ayusin ang inyong buhay, na maging karapat-dapat na makapunta sa bahay ng Panginoon at tanggapin doon ang mga pagpapala na natatangi lamang sa inyo. … Maraming kailangang gawin, ngunit mas maraming pagpapalang darating.24
Hinihimok ko ang ating mga tao sa lahat ng dako, nang buong kasigasigan, na mamuhay nang marapat upang magkaroon ng temple recommend, na makakuha nito at ituring itong isang katangi-tanging pag-aari, at mas sikaping makapunta sa bahay ng Panginoon at makabahagi sa espiritu at mga pagpapalang naroon.25
Makapunta man kayo nang madalas [sa templo] o hindi, maging karapat-dapat para sa temple recommend at lagi itong dalhin sa inyong bulsa. Ipapaalala nito kung ano ang inaasahan sa inyo bilang isang Banal sa mga Huling Araw.26
Nasisiyahan ako na bawat lalaki o babaeng nagpupunta sa templo nang may katapatan at pananampalataya ay nililisan ang bahay ng Panginoon na mas mabuting lalaki o babae. Kailangang palagian nating pagbutihin ang lahat sa buhay natin. Kailangan nating lisanin paminsan-minsan ang ingay at gulo ng mundo at pumasok sa loob ng sagradong bahay ng Diyos, at doo’y madama ang Kanyang Espiritu sa kapaligirang puno ng kabanalan at kapayapaan.27
Ang sagradong gusaling ito ay nagiging isang paaralan ng mga tagubilin ukol sa maluwalhati at sagradong mga bagay ng Diyos. Naibalangkas natin dito ang plano ng isang mapagmahal na Ama para sa Kanyang mga anak sa lahat ng henerasyon. Naiplano natin dito sa ating harapan ang walang-hanggang paglalakbay ng tao mula sa premortal na buhay hanggang sa buhay na ito tungo sa kabilang buhay. Ang pangunahin at mahalagang mga katotohanan ay itinuturo nang malinaw at simple na mauunawaan ng lahat ng makaririnig. …
Ang templo ay isa ring lugar ng personal na inspirasyon at paghahayag. Maraming pumupunta sa templo na sa oras ng problema, kapag kailangang gumawa ng mahihirap na desisyon at lutasin ang nakalilitong mga problema, ay nagpupunta sa templo na nakapag-ayuno at nakapagdasal upang humingi ng banal na patnubay. Maraming nagpatotoo na kahit hindi narinig ang mga tinig ng paghahayag, tumanggap sila ng mga paramdam hinggil sa landas na dapat tahakin sa oras na iyon o kalaunan na naging sagot sa kanilang mga dalangin.
Ang templong ito ay isang bukal ng walang-hanggang katotohanan. “Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man.” (Juan 4:14.) Dito itinuturo ang mga banal na katotohanang iyon na walang hanggan ang epekto.
Para sa mga pumapasok sa loob nito, ang bahay na ito ay nagiging bahay ng mga tipan. Dito tayo nangangako, nang taimtim at sagrado, na ipamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pinakamabuting paraan. Nakikipagtipan tayo sa ating Diyos Amang Walang Hanggan na ipamumuhay natin ang mga alituntuning iyon na matibay na pundasyon ng lahat ng tunay na relihiyon.28
Puno ba ng alalahanin ang inyong buhay? Kayo ba ay may mga problema at inaalala at pangamba? Gusto ba ninyo ng kapayapaan sa inyong puso at ng pagkakataong makaniig ang Panginoon at magnilay-nilay sa Kanyang paraan? Magpunta sa bahay ng Panginoon at damhin doon ang Kanyang Espiritu at makaniig Siya at madarama ninyo ang kapayapaang hindi ninyo matatagpuan sa ibang lugar.29
Sa mga panahon ng kadiliman, sikaping makapunta sa bahay ng Panginoon at doo’y kalimutan ang mundo. Tanggapin ang Kanyang mga banal na ordenansa, at isagawa ito para sa inyong mga ninuno. Sa pagtatapos ng isang sesyon sa templo, maupo nang tahimik sa silid selestiyal at pagbulayan ang mga pagpapalang natanggap ninyo para sa inyong sarili o para sa inyong mga pumanaw na ninuno. Mapupuspos ng pasasalamat ang inyong puso, at titimo sa inyong kaluluwa ang pagpapahalaga sa mga walang-hanggang katotohanan ng dakilang plano ng kaligayahan.30
Sa maingay at abalang daigdig na ito, malaking pribilehiyo ang magkaroon ng sagradong bahay kung saan natin madarama ang nakadadalisay na impluwensya ng Espiritu ng Panginoon. Palagi tayong sinisikap na impluwensyahan ng kasakiman. Kailangan natin itong daigin, at walang mas mainam na paraan kundi magpunta sa bahay ng Panginoon at doo’y maglingkod para sa mga nasa kabilang buhay na. …
… Hinihikayat ko kayong samantalahin nang husto ang banal na pribilehiyong ito. Pagbubutihin nito ang inyong likas na pagkatao. Papalisin ng pagdalo sa templo ang kasakimang bumabalot sa ating pagkatao. Literal nitong padadalisayin ang ating buhay at gagawin tayong mas mabubuting lalaki at babae.31
Alam kong abala kayo sa buhay. Alam kong marami kayong ginagawa. Ngunit ipinapangako ko na kung pupunta kayo sa Bahay ng Panginoon, kayo ay pagpapalain; mas iigi ang buhay ninyo. Ngayon, pakiusap, pakiusap, mahal kong mga kapatid, samantalahin ninyo ang malaking pagkakataong magpunta sa bahay ng Panginoon at nang makabahagi kayo sa lahat ng kagila-gilalas na pagpapalang matatanggap ninyo roon.32
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sinabi ni Pangulong Hinckley na ang mga ordenansa sa templo ang “pinakamatinding pagpapahayag ng ating relihiyon” (bahagi 1) at “ang sukdulang mga pagpapalang maibibigay ng Simbahan” (bahagi 2). Ano ang ilang pagpapalang natanggap na ninyo sa pamamagitan ng mga ordenansang ito?
-
Ikinuwento ni Pangulong Hinckley ang kalalakihan at kababaihang lumuha sa kagalakan sa mga templo (tingnan sa bahagi 2). Mula sa inyong mga karanasan, bakit naaantig ng mga ordenansa sa templo ang gayon katitinding damdamin?
-
Tungkol sa gawaing tubusin ang mga patay, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Napakagandang pasalihin ang ating mga kabataan sa lubos na di-makasariling paglilingkod na ito” (bahagi 3). Ano ang magagawa ng mga magulang at kabataan para magkatulungan sa paglilingkod na ito?
-
Ano ang magagawa natin para magkaroon tayo ng panahong maglingkod at sumamba sa templo? Sa anong mga paraan maiimpluwensyahan ng ating paglilingkod sa templo ang ating buhay sa labas ng templo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 4.) Paano kayo napagpala ng pagpunta sa templo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Exodo 25:8; I Mga Hari 6:11–13; D at T 88:119–20; 109:12–13, 24–28; 110:1–10; 128:22–24
Tulong sa Pag-aaral
“Ibahagi ang natutuhan ninyo. Kapag ginagawa ninyo ito, ang inyong kaisipan ay magiging mas malinaw at madaragdagan ang inyong kakayahang mapanatili ang inyong natutuhan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 19).